Kabatana 37
Pagkaunawa sa Kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli
Sa serbisyo para sa paglilibing para kay Elder Thomas Williams noong ika-13 ng Hulyo 1874, nagsalita si Pangulong Brigham Young tungkol sa paksa ng kamatayan: “Anong madilim na lambak at anino itong tinatawag nating kamatayan! Ang makalagpas mula sa kalagayan ng pananatili dito kung ang katawang mortal ang pag-uusapan, tungo sa isang kalagayan ng kahungkagan, gaano kakaiba ito! Gaano kadilim ang lambak na ito! Gaano kahiwaga ang lansangang ito, at kinakailangang bagtasin natin itong nag-iisa. Nais kong sabihin sa inyo, mga kaibigan at mga kapatid, kung makikita natin ang mga bagay sa kanilang kalagayan, at kagaya ng pagkakakita at pagkakaunawa natin sa kanila, ang madilim na lambak at aninong ito ay napakaliit na bagay lamang kung kaya tayo ay lilingon at muling mamalasin ito at mapag-iisip, kapag nabagtas na natin ito, bakit, ito ang pinakadakilang kapakinabangan ng buo kong pagkabuhay, dahil nilisan ko na ang isang kalagayan ng kalungkutan, kapighatian, pagdadalamhati, kasawian, matinding hirap, sakit, panggigipuspos at kabiguan tungo sa isang kalagayan ng pagkabuhay, kung saan ko matatamasa ang buhay hanggang sa pinakahangganan na maaari itong gawin nang walang katawan. Malaya na ang aking espiritu, hindi na ako nauuhaw, hindi ko na nais matulog, hindi na ako nagugutom, hindi na ako napapagod, tumatakbo ako, naglalakad ako, gumagawa ako, pumaparoon ako, pumaparito ako, ginagawa ko ito, ginagawa ko iyan, anuman ang hinihingi sa akin, wala akong nadaramang hirap o kapaguran, puno ako ng buhay, puno ng kasiglahan, at kinagagalakan ko ang kinaroonan ng aking Ama sa langit, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang Espiritu. Nais kong sabihin sa aking mga kaibigan, kung ipamumuhay ninyo ang inyong relihiyon, mamuhay nang napupuno ng pananampalataya ng Diyos, upang ang liwanag ng kawalang-hanggan ay sisikat sa inyo, at inyong makikita at mauunawaan ang mga bagay na ito para sa inyong mga sarili” (DNSW, ika-28 ng Hul. 1874, 1).
Mga Turo ni Brigham Young
Hindi mapapantayan ng kaligayahan sa lupa ang “kaluwalhatian, kagalakan, at kapayapaan at kaligayahan ng kaluluwa” na lumisan sa mortalidad sa matwid na kapayapaan.
Isang malaking dahilan upang magalak at magsaya at maaliw ang kanyang mga kaibigan na mabatid na ang isang tao ay yumao nang mapayapa mula sa buhay na ito, at nakatamo para sa kanyang sarili ng isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Ang sanlibutan at ang kabuuan ng lupa at lahat ng tungkol sa mundong ito sa kalagayan sa lupa ay hindi makakapantay sa kaluwalhatian, kagalakan at kapayapaan at kaligayahan ng kaluluwa na yumayao sa kapayapaan (DBY, 370).
Ang pagdadalamhati para sa yumaong matwid ay bunsod ng kamangmangan at kahinaang naihasik sa mortal na tabernakulo, sa pagkakabalangkas ng lalagyang ito kung saan nananahan ang espiritu. Kahit anumang sakit ang ating pinagdurusahan, kahit anuman ang pagdaanan natin, yumayakap tayo sa ating inang lupa at umaayaw na iwan tayo ng sinuman sa mga supling nito. Nais nating panatilihin ang magkakasamang kapisanan ng mga ugnayang pang mag-anak na mayroon tayo sa bawat isa, at umaayaw na mawalay sa isa’t isa (DBY, 370).
Tunay na napakalungkot na mawalay sa mga kaibigan. Mga nilalang tayong may mga damdamin, pakikiramay, at pag-ibig, at masakit para sa atin na mawalay sa ating mga kaibigan. Nais natin silang manatili sa kalagayang mortal, bagama’t kailangan nilang magdusa ng sakit. Hindi ba tayo nagiging makasarili sa ganito? Hindi ba sa halip ay dapat na magalak tayo sa paglisan ng mga taong ang buhay ay iniukol sa paggawa ng mabuti, hanggang sa kanilang katandaan? (DBY, 371).
Ngunit kung mayroon tayong kaalaman at nakikita ang kawalanghanggan, kung tayo ay ganap na malaya mula sa kahinaan, pagkabulag, at katamlayan na bumabalot sa atin sa laman, hindi tayo magkakaroon ng kalooban na manangis o magdalamhati (DBY, 370).
Kung kaya’t mamuhay upang sa inyong paggising sa daigdig ng mga espiritu ay makatotohanan ninyong masasambit na, “Hindi ko na mapapabuti pa ang aking buhay na mortal kung muli ko man itong babalikan.” Hinihikayat ko kayo, para sa kapakanan ng Sambahayan ni Israel, para sa kapakanan ng Sion na kailangan nating maitayo, na mamuhay, magmula sa oras na ito, patuloy, magpakailanman, nang ang inyong mga pagkatao ay masusing siyasatin nang may kaluguran ng mga banal na katauhan. Mamuhay nang tulad sa Diyos, na hindi ninyo magagawa nang hindi namumuhay sa kabutihan (DBY, 370).
Sa kamatayan, humihiwalay ang espiritu mula sa katawan, bumabalik ang katawan sa lupa, at pumapasok ang espiritu sa daigdig ng mga espiritu.
Ang bawat taong ipinamumuhay ang alituntunin ng buhay na walanghanggan ay dapat na ituring ang kanyang katawan na makalupa habang nasa lupa. Ang ating mga katawan ay kinakailangang bumalik sa inang lupa. Totoo, para sa maraming tao ay isang kahabag-habag na kaisipan na ang ating mga espiritu ay kinakailangan, sa loob ng mahaba o maikling panahon, na mahiwalay sa ating mga katawan, at libu-libo at milyunmilyong tao ang mayroon ng ganitong kaisipan habang nabubuhay. Kung nauunawaan nila ang layunin ng pagsubok na ito at ang totoong mga alituntunin ng buhay na walang-hanggan, isang napakaliit na bagay lamang para sa katawan ang maghirap at mamatay (DBY, 368).
Ikinasiya ng Panginoon na bumuo ng mga tabernakulo rito, at lagyan ang mga ito ng espiritu, at ang mga ito pagkaraan ay nagiging matatalinong nilalang. Pagkaraan ng ilang panahon, kung di man ngayon ay sa hinaharap, ang katawan, itong nahihipo ninyo, na inyong nadarama, nakikita, nahahawakan, atbp., ay magbabalik sa inang alabok. Patay ba ang espiritu? Hindi. … Nananatili pa ang espiritu, kapag nalugmok nang muli sa lupa ang katawang ito, at ang espiritung inilagay ng Diyos sa tabernakulo ay pumupunta sa daigdig ng mga espiritu (DBY, 368).
Ang ating mga katawan ay binubuo ng mga nakikita at nasasalat na mga sangkap, kagaya ng pagkakaunawa ninyong lahat; batid din ninyong ipinanganganak sila sa daigdig na ito. Pagkatapos ay sinisimulan nilang gamitin ang mga sangkap na angkop sa kanilang pagkakabuo at paglaki, sa pag-unlad tungo sa pagkalalaki [o pagkababae], sa pagtanda, sa pagkabulok, at sa muling pagbalik sa alabok. Unang-una, bagama’t naipaliwanag ko na ito nang maraming ulit, ang tinatawag nating kamatayan ay siyang kalakaran ng buhay, na likas sa sangkap na bumubuo sa ating katawan, na siyang dahilan ng pagkabulok makaraang lumisan ang espiritu sa katawan. Kung hindi ito totoo, ang katawan, na iniwan na ng espiritu, ay mananatili sa buong kawalang-hanggan, kagaya nang kalagayan nito nang lisanin ng espiritu, at hindi mabubulok (DBY, 368).
Si Jesucristo ang pangunahing bunga ng pagkabuhay na mag-uli.
Si Jesus ang panganay sa mga patay, na inyong mauunawaan. Maging sina Enoc, Elijah, Moises, o sino pa mang tao na nabuhay sa mundo, gaano man siya kahusay na namuhay, ay nakatamo lamang ng pagkabuhay na mag-uli pagkatapos tawagin ng anghel ang katawan ni Jesucristo mula sa libingan. Siya ang panganay sa mga patay. Siya ang Guro ng pagkabuhay na mag-uli—ang unang laman na nabuhay rito pagkatapos matanggap ang kaluwalhatian ng pagkabuhay na mag-uli (DBY, 374).
Hindi ito himala para sa kanya. Nasa kanya ang kapangyarihan ng buhay at kamatayan; may kapangyarihan siyang ibigay ang kanyang buhay at kapangyarihang kunin itong muli. Ito ang kanyang sinasabi, at dapat nating paniwalaan ito kung naniniwala tayo sa kasaysayan ng Tagapagligtas at sa mga sinasabi ng mga Apostol na nakatala sa Bagong Tipan. Ang kapangyarihang ito ay kay Jesus at galing sa kanya; iniwan ito sa kanya ng Ama; ito ang kanyang mana, at may kapangyarihan siyang ibigay ang kanyang buhay at kunin itong muli (DBY, 340–41).
Ang dugo na kanyang itinigis sa Bundok ng Kalbaryo ay hindi na muling naibalik sa kanyang mga ugat. Naibuhos na ito, at nang siya ay mabuhay na mag-uli, isang sangkap ang pumalit sa dugong iyon. Ganito rin sa bawat tao na tatanggap ng pagkabuhay na mag-uli; ang dugo ay hindi kasamang mabubuhay na mag-uli ng katawan, dahil ito ay nilalayon lamang na bumuhay sa kasalukuyang kalagayan. Kapag ito ay nalusaw at, at muli nating matanggap ang ating mga katawan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, itong tinatawag natin ngayon na buhay ng katawan, na nabubuo mula sa pagkaing ating kinakain at tubig na ating iniinom ay mapapalitan ng ibang sangkap; sapagkat ang laman at dugo ay hindi maaaring magmana ng Kaharian ng Diyos [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 15:50] (DBY, 374).
Maihahanda tayo ng ating katapatan sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, ang muling pagsasanib ng ating katawan at espiritu.
Inihayag ng Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan sa bawat taong tumatanggap nito na ang daigdig na ito ay isang lugar lamang ng pansamantalang panahon, buhay, mga pagsubok, atbp. Ang kasalukuyang anyo at mga gamit nito ay para sa ilang araw lamang, samantalang tayo ay nilalang upang mabuhay magpakailanman. Ang masama ay hindi nakakikita nang higit pa sa mundong ito. Nauunawaan natin na kapag tayo ay nahubaran na sa kasalukuyang katayuan, samakatwid ay nakahanda na tayong mabalot ng kawalang-kamatayan—na kapag hinubad na natin ang mga katawang ito ay isusuot na natin ang kawalang-kamatayan [tingnan sa Alma 11:43–44]. Babalik ang mga katawang ito sa alabok, ngunit ang ating pag-asa at pananampalataya ay muli nating matatanggap ang mga katawang ito mula sa mga sangkap—na matatanggap natin ang mismong pagkakabuo na kagaya ng mayroon tayo ngayon, at, kung matapat tayo sa mga alituntunin ng [ebanghelyo] kalayaan, tayo samakatwid ay magiging handang manatili magpakailanman (DBY, 372).
Makaraang lisanin ng espiritu ang katawan, mananatili itong walang tabernakulo sa daigdig ng mga espiritu hanggang ang Panginoon, sa pamamagitan ng batas na kanyang inordena, ay papangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:33–34]. Kapag pinatunog na ng anghel na humahawak sa mga susi ng pagkabuhay na mag-uli ang kanyang pakakak, ang naiibang pangunahing mga sangkap na bumubuo sa ating katawan dito, kung ang mga ito ay iginalang natin, bagama’t sila ay nailagak sa kailaliman ng dagat, at bagaman ang isa sa kanila ay nasa hilaga, ang isa ay nasa timog, ang isa ay nasa silangan, at ang isa ay nasa kanluran, ay magkakasamang titipunin muli sa isang kisap-mata, at aangkinin sila ng ating mga espiritu. Samakatwid ay mahahanda na tayong manahan kasama ng Ama at Anak, at hindi tayo kailanman magiging handang manahan kasama sila hangga’t hindi pa ito nagaganap. Ang mga espiritu, kapag nililisan nila ang kanilang mga katawan, ay hindi nananahan kasama ang Ama at Anak, bagkus ay tumitira sa daigdig ng mga espiritu, kung saan may mga lugar na inihanda para sa kanila. Ang mga gumagalang sa kanilang mga tabernakulo, at umiibig at naniniwala sa Panginoong Jesucristo, ay kailangang maghubad ng mortalidad na ito, sapagkat kung hindi ay hindi nila maisusuot ang imortalidad. Kailangang mapalitan ang katawang ito, kundi ay hindi ito maihahandang manahan sa kaluwalhatian ng Ama (DBY, 372).
Makaraang paghiwalayin ng kamatayan ang katawan at espiritu, ano, patungkol sa mundong ito, ang una nating tatanggapin? Ang katawan; ito ang unang bagay na minimithing makasamang muli ng espiritu sa kabilang buhay. Una nating matatamo ang katawan. Ang espiritu [ng isang matwid na lalaki o babae] ay napangingibabawan ang katawan, at ang katawan ay napapasailalim sa bawat aspeto sa banal na alituntuning itinanim ng Diyos sa pagkatao. Ang espiritung napapaloob ay dalisay at banal, at muling bumabalik na dalisay at banal sa Diyos, nananahan nang dalisay at banal sa daigdig ng mga espiritu, at pagkaraan ng ilang panahon, ay magkakaroon ng tanging karapatan na pumarito upang muling kunin ang katawan. [Si Jesucristo,] na humahawak ng mga susi ng pagkabuhay na mag-uli, matapos madaanan na ang pagsubok na ito, ay itatalagang buhayin na mag-uli ang mga katawan, at ang ating mga espiritu ay nandoon at nakahandang pumasok sa [ating] mga katawan. Samakatwid, kung nakahanda tayong tanggapin ang ating mga katawan, ang mga ito ang unang bagay na makalupa na magpapakita sa kabanalang matatamo ng tao. Ang katawan lamang ang namamatay; ang espiritu ay palaging buhay at nakaaalam (DBY, 373).
Naririto tayo sa kalagayang inililibing natin ang patay ayon sa orden ng Pagkasaserdote. Ngunit ilan sa ating mga kapatid ang namamatay sa karagatan; hindi sila maililibing sa lupa, bagkus binalot sila sa lona at inihulog sa dagat, at maaaring sa loob ng isa o dalawang saglit ay nasa tiyan na sila ng pating, gayunman ang mga taong ito ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli, at tatanggap ng lahat ng kaluwalhatian kung saan sila karapat-dapat, at mababalutan ng lahat ng kagandahan ng isang Banal na nabuhay na mag-uli, kagaya rin namang kung sila ay inilibing sa isang ginto o pilak na kabaong, at sa isang lugar na sinadyang maging himlayan ng mga patay (DBY, 373–74).
Walang sinumang tao ang makapapasok sa kahariang selestiyal at mapuputungan ng kaluwalhatiang selestiyal, hangga’t hindi niya natatamo ang kanyang katawang nabuhay na mag-uli (DBY, 375).
Ang tanging tunay na kayamanan ay ang matiyak natin para sa ating sarili, ang banal na pagkabuhay na mag-uli (DBY, 372).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Hindi mapapantayan ng kaligayahan sa lupa ang “kaluwalhatian, kagalakan, at kapayapaan at kaligayahan ng kaluluwa” na lumisan sa mortalidad sa matwid na kapayapaan.
-
Bagama’t masakit na mawalay sa ating mga mahal sa buhay, sa anong bagay tayo maaaring magalak at makasumpong ng aliw sa kanilang kamatayan?
-
Ano ang ipinayo ni Pangulong Young hinggil sa ating panahon ng pagsubok sa mortalidad? Itinuro rin niyang nararapat tayong mamuhay upang ang ating mga pagkatao ay “masusing masiyasat nang may kaluguran ng mga banal na katauhan. Paano natin matitiyak na ang Araw ng Paghuhukom ay magiging isang panahon ng kaligayahan para sa atin?
Sa kamatayan, humihiwalay ang espiritu mula sa katawan, bumabalik ang katawan sa lupa, at pumapasok ang espiritu sa daigdig ng mga espiritu.
-
Bakit bahagi ng kamatayan ang “kalakaran ng buhay”?
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa katawan sa sandaling lumisan na ang espiritu?
Si Jesucristo ang pangunahing bunga ng pagkabuhay na mag-uli.
-
Ano ang nagbigay kakayahan kay Jesucristo upang mabuhay na mag-uli?
-
Anu-ano ang natututuhan natin hinggil sa mga taong nabuhay na maguli dahil sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo? Paano magbabago ang ating mga katawan kapag tayo ay nabuhay na mag-uli?
Maihahanda tayo ng ating pananampalataya sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, ang muling pagsasanib ang ating katawan at espiritu.
-
Ayon kay Pangulong Young, paano magaganap ang pagkabuhay na maguli? (Tingnan din sa Alma 11:43; Mga Taga Filipos 3:21.)
-
Ano ang ibig ipakahulugan ng paggalang sa ating mga tabernakulo?
-
Bakit ang pagtanggap ng “isang banal na pagkabuhay na mag-uli” ang “ang tanging tunay na kayamanan na mayroon”?