Kabanata 20
Ang Balangkas at Pamamahala sa Simbahan
Sa kanyang ika-77 taon, itinatag ni Pangulong Brigham Young ang pagkasaserdote upang mabigyan nang higit na malinaw na paggabay ang mga gawain nito, mapagkaisa ang mga Banal, at matipon at mapangalagaan ang mga tupa ng Israel. Ang naging bunga ng huling malaking proyekto ni Pangulong Young ay pinuri ng kanyang katulong na tagapayo, si Elder George Q. Cannon. Sinabi nito na nagawa ni Pangulong Young na “ilagay sa ayos ang pagkasaserdote na hindi pa kailanman nagawa mula sa pagkakatatag ng Simbahan sa lupa. Kanyang itinakda ang mga tungkulin ng mga Apostol, … Pitumpu, … Matataas na Saserdote, … mga Elder, … mababang pagkasaserdote, nang payak at may kalinawan at kapangyarihan—ang kapangyarihan ng Diyos—sa paraang naitala sa salitang hindi sumasala kung kaya’t walang sinumang magkakamali sa pagtukoy kung sino ang kinakasihan ng Espiritu ng Diyos” (CHC, 5:507).
Mga Turo ng Brigham Young
Inihahayag ng Diyos ang kanyang kalooban sa Simbahan sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan.
Sa paghahayag ng mga paksa ng doktrina tungkol sa pagpapaunlad at sa ibayong pagtatayo ng Kaharian ng Diyos sa lupa, at sa paghahayag ng kanyang isipan at kalooban, ay iisang bibig lamang ang kanyang ginagamit upang ipaalam ang kanyang kalooban sa mga tao. Kapag nais ng Panginoon na magbigay ng paghahayag sa kanyang mga tao, kung nais niyang maghayag ng mga bagong paksa ng doktrina sa kanila, o magsagawa ng kaparusahan, ito ay ginagawa niya sa pamamagitan ng taong kanyang itinalaga sa tungkulin at tawag na iyon. Ang iba pa sa mga tungkulin at tawag sa Simbahan ay mga pantulong at pamamahala para sa pagpapabanal sa katawan ni Cristo at sa pagiging ganap ng mga Banal, atbp., kung saan ang bawat pangulo, obispo, elder, saserdote, guro, diyakono at kasapi ay nakatayo sa kanyang orden at nangangasiwa sa kanyang pagkakatawag at katungkulan sa Pagkasaserdote bilang mga ministro ng mga salita ng buhay, bilang mga pastol na magbabantay sa bawat kagawaran at bahagi ng kawan ng Diyos sa buong daigdig, at bilang mga katulong upang mapalakas ang mga kamay ng Panguluhan ng buong Simbahan(DBY, 137).
Ang matamo at mapanatili ng espiritu ng Ebanghelyo, matipon ang Israel, matubos ang Sion, at maligtas ang daigdig ang dapat na unahin at bigyang pansin, at dapat na siyang palagiang mithiin sa puso ng Unang Panguluhan, ng mga Elder ng Israel, at ng bawat namumuno sa Simbahan at Kaharian ng Diyos (DBY, 137).
Sa paghahatol sa lahat ng bagay tungkol sa doktrina, upang magkaroon ng bisa ang isang pasiya, ay kinakailangang matamo ang nagkakaisang tinig, pananampalataya at pasiya. Sa kapasidad ng isang Korum ay kailangang iisa ang tinig ng tatlong Unang Pangulo; kailangang nagkakaisa ang tinig ng Labindalawang Apostol, upang magtamo ng matwid na paghatol sa anumang bagay na idudulog sa kanila, gaya ng inyong mababasa sa Doktrina at mga Tipan. Sa tuwing makikita ninyong nagkakaisa ang pahayag ng mga Korum na ito, maaari ninyong ituring na totoo ito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:27]. Hayaang magtipuntipon ang mga Elder, nang matapat at tunay; at kung magkakaisa sila sa anumang paksa, ay malalaman ninyong totoo ito (DBY, 133).
Ang Panginoong Makapangyarihan ang nangunguna sa Simbahang ito, at hindi niya kailanman pahihintulutang maligaw kayo kung ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin. Maaari kayong magsiuwi at matulog nang mahimbing gaya ng sanggol sa bisig ng kanyang ina nang hindi nagaalalang ililigaw kayo ng inyong mga pinuno, sapagkat kung tatangkain nilang gawin ito, madali silang aalisin ng Panginoon sa sanglibutang ito. Pinagsusumikapan ng inyong mga pinuno na ipamuhay ang kanilang relihiyon sa abot ng kanilang makakaya (DBY, 137).
Hawak ng Labindalawang Apostol ang mga susi ng pagkasaserdote para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa daigdig.
Ang mga susi ng walang hanggang pagkasaserdote, na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, ay nasasaklawan ng pagiging apostol. Ang lahat ng pagkasaserdote, ang lahat ng susi, ang lahat ng kaloob at lahat ng bagay na kinakailangan bago makabalik sa kinaroroonan ng Ama at Anak, ay binubuo ng, o nasasakupan, o masasabi kong napapaloob sa pagiging apostol (MS, 15:489).
Pagkatapos naming bumalik mula sa Missouri, ang kapatid kong si Joseph Young at ako ay nagkakantahan pagkaraang mangaral sa isang pagtitipon; at nang matapos ang pagtitipon, sinabi ni Kapatid na Joseph Smith, “Halikayo, sumama kayo sa bahay ko.” Pumunta kami at kinanta siya sa mahabang oras, at nakipagkuwentuhan sa kanya. Pagkatapos ay binuksan niya ang paksa hinggil sa Labindalawa at mga Pitumpo sa kauna-unahang pagkakataon na pinag-isipan ko ito. Kanyang sinabing, “Mga kapatid, tatawag ako ng Labindalawang Apostol. Sa palagay ko ay magsasama-sama tayo, hindi magtatagal, at pipili ng Labindalawang Apostol, at pipili ng Korum ng mga Pitumpo mula sa mga taong nagsitungo sa Sion. … “ Noong 1835, sa katapusan ng Enero o sa Pebrero, … ay nagdaos kami ng mga pagtitipon araw-araw, at tumawag si Kapatid na Joseph ng Labindalawang Apostol [noong ika-14 ng Pebrero] (DBY, 141–42).
Ang tungkulin ng isang Apostol ay upang itayo ang Kaharian ng Diyos sa buong daigdig; ang Apostol ang siyang humahawak sa mga susi ng kapangyarihang ito, at walang nang iba pa. Kapag ginagampanang mabuti ng isang Apostol ang kanyang tungkulin, siya ang salita ng Panginoon sa kanyang mga tao sa lahat ng oras (DBY, 139).
Tinangka kong ipakita sa inyo, mga kapatid, sa pinakamaikling paraan, ang orden ng Pagkasaserdote. Kapag inordenan ang isang tao bilang Apostol, ang kanyang Pagkasaserdote ay walang simula ng mga araw, o katapusan ng buhay, tulad ng Pagkasaserdote ni Melquisedec; sapagkat ang Pagkasaserdote niya ang tinutukoy sa salitang ito at hindi ang tao (DBY, 141).
Tungkulin at pribilehiyo ng Labindalawang Apostol na mapasakanila ang Espiritu Santo bilang palagiang kasama, at mamuhay palagi sa Espiritu ng Paghahayag, na malaman ang kanilang tungkulin at maunawaan ang pagkakatawag sa kanila; ito rin ang tungkulin at pribilehiyo ng Unang Panguluhan ng Simbahan (DBY, 139–40).
Ang isang Apostol ng Panginoong Jesucristo ay nagtataglay ng mga susi ng banal na Pagkasaserdote, at ang kapangyarihan nito ay nakaputong sa kanyang ulo, at sa pamamagitan nito ay may kapangyarihan siyang ipahayag ang katotohanan sa mga tao, at kung tatanggapin nila ito, mabuti; kung hindi, nasa kanilang ulo ang kasalanan (DBY, 136).
Ang Mababang Pagsaserdote, samakatuwid, naiisip ninyo, ay napapaloob sa saklaw [sakop ng kapangyarihan] ng pagiging Apostol, sapagkat ang taong may hawak nito ay may karapatang gumawa o mangasiwa bilang Mataas na Saserdote, bilang isa sa Mataas na Kapulungan, bilang Patriyarka, bilang Obispo, Elder, Saserdote, Guro, at Diyakono, at sa lahat ng iba pang katungkulan at tawag sa Simbahang ito, mula una hanggang huli, kung kinakailangan ng tungkulin (DBY, 140).
Nabasa ninyo sa tinukoy na paghahayag na kung natawag at naordenan ang Labingdalawa, sumasakanila ang katulad na kapangyarihan at karapatan na nasa mga Unang Pangulo; at sa patuloy na pagbabasa ay matutuklasan ninyong kinakailangang may mga karugtong at katulong na nagmumula sa Pagkasaserdoteng ito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:22–26]. Ang mga Pitumpu ay may gayon ding kapangyarihan at karapatan; [tumatanggap sila ng ipinagkatiwalang karapatan sa pamamagitan ng pagtatalaga para sa] pagtatatag, pagtatayo, pamamahala, pag-oorden, at pagsasaayos ng Kaharian ng Diyos sa buong kaganapan nito sa lupa. Mayroon tayong Korum ng Mataas na Saserdote, at napakarami nila. Sila ay sa lokal na kapulungan—nanatili sila sa kanilang pook; samantalang naglalakbay at nangangaral ang mga Pitumpu; gayon din naman ang mga Mataas na Saserdote, kung tinatawag sila. Taglay din nila ang Pagkasaserdoteng katulad ng sa mga Pitumpu at ng Labindalawa at ng Unang Panguluhan; ngunit inordenan ba sila sa lahat ng karapatan, kapangyarihan, at mga susi ng Pagkasaserdoteng ito? Hindi, hindi sila inordenan. Gayunman ay mga Mataas na Saserdote sila ng Diyos; at kung gagampanan nilang mabuti ang kanilang [pagkakatawag sa] Pagkasaserdote, matatanggap nila sa pagdating ng pahanon ang lahat ng karapatan at kapangyarihan na maaaring matanggap ng mga tao (DBY, 140).
Ang katungkulan ng obispo ay kabilang sa Pagkasaserdoteng Aaron at hawak nito ang karapatang mangasiwa sa mga temporal at espirituwal na bagay.
Ang katungkulan ng [Nangungulong] Obispo ay kabilang sa mababang Pagkasaserote [Aaron]. Siya ang pinakamataas na pinuno sa Pagkasaserdoteng Aaron, at sumasakanya … ang pangangasiwa ng mga anghel, kung may pananampalataya siya, at namumuhay upang matanggap niya at matamasa ang mga biyayang tinamasa ni Aaron (DBY, 143).
Ang isang Obispo sa kanyang pagkakatawag at tungkulin ay nasa Simbahan sa lahat ng oras; hindi siya tinatawag na maglakbay sa ibang lugar upang mangaral, kundi nasa sariling pook; hindi siya nangingibang bansa, kundi kasama ng mga Banal (DBY, 144).
Dapat maging perpektong halimbawa ang mga Obispo sa kanilang mga Purok sa lahat ng bagay (DBY, 144).
Kung gagawa ang isang Obispo sa abot ng kanyang pagkakatawag at katungkulan, at gagampanan itong mabuti, ay wala ni isa mang tao sa kanyang Purok na hindi mapakikinabangan sa pinakamainam na paraan. Titiyakin niyang namumuhay ang lahat nang nararapat, na lumalakad nang may pagpapakumbaba kasama ang kanilang Diyos. Wala ni isa mang tao sa kanyang Purok na hindi niya kilala, at mababatid niya ang kanilang mga katayuan, gawi, at damdamin [tingnan sa 1 Timoteo 3:1–4] (DBY, 145).
Dapat tawagin ng mga Obispo ang mga taong pinagkakatiwalaan nila, yaong batid nilang mga matapat, na maging mga tanod sa tore, at ipahanap sa kanila ang mga naghihirap (DBY, 145).
Hayaang pangalagaan na buong katapatan ng bawat Obispo ang kanyang Purok, at tiyakin na ang bawat lalaki at babae ay maayos at naghahanapbuhay nang matapat at kapaki-pakinabang; na ang mga maysakit at matatanda ay napangangalagaan nang maayos at walang naghihirap. Maging mapagmahal at mapagbigay na ama ang bawat Obispo sa kanyang Purok, na nagbibigay ng mapang-alo at mapanghikayat na salita dito, kaunting mungkahi at payo doon, at salita ng pangaral sa iba pang lugar, kung kinakailangan, nang walang kinikilingan, na humahatol nang makatarungan sa lalaki at babae, na nangangalaga at hinahangad ang kagalingan ng lahat, na nagbabantay sa kawan ng Diyos nang may mapagmasid na mata na tulad ng isang tunay na pastol, upang hindi mapasok ng mga aso at lobo ang kawan upang ligaligin ang mga ito (DBY, 144–45).
Sinasabi ko sa Obispo, … ito ang inyong pagkakaabalahan at pagkakatawag. Huwag hahayaang magkaroon ng isa mang lugar, sa mga pinananahanan ng mga Banal sa inyong mga Purok, na kung saan ay wala kayong kabatiran (DBY, 146).
Dapat tiyakin ng mga Obispo, sa pamamagitan ng kanilang mga guro, na ang bawat mag-anak sa kanilang purok, na may kakayahan, ay iniaabuloy kung ano ang likas nilang nakukunsumo sa araw ng ayuno para sa mahihirap (DBY, 145).
Ang disiplina sa Simbahan ay makatutulong sa mga tao na bumalik sa pagkamatwid.
Hindi kailanman ipagkatiwala sa atin ang mga susi at karapatan upang mamuno hangga’t hindi natin magagawang mamuno na kagaya ng Diyos kung nandito siya mismo (DBY, 146).
Ngunit ang Kaharian ng langit, kapag itatatag sa lupa, ay magkakaroon ng bawat pinuno, batas at ordenansa na kinakailangan sa pamamahala sa mga magugulo, o lumalabag sa mga batas, at sa pamamahala sa mga naghahangad gumawa ng mabuti, ngunit hindi magawang lumakad nang matwid; at ang lahat ng kapangyarihan at karapatang ito ay umiiral sa kalipunan ng mga tao (DBY, 146).
Mga Obispo, may mga usapin ba kayo? Nagkakalayo ba ang mga damdamin ng mga kapatid sa inyong mga Purok? “Oo.” Ano ang dapat nilang gawin sa mga pagkakataong tulad nito? Dapat nilang sundin ang mga patakarang pinaiiral, at kaagad na makipagkasundo sa kanilang mga kapatid. Sa palagay ko ay maaaring ipakita na ang higit na nakararami sa mga suliranin sa pagitan ng mga kapatid ay bunsod ng hindi pagkakaunawaan at hindi dahil sa malisya at masamang puso, at sa halip na ayusin ang bagay na ito sa isang espiritung banal, sila ay makikipagtunggali sa isa’t-isa hanggang sa makalikha ng isang tunay na pagkakamali, at magkasala sa kanilang sarili. Kung nakagawa tayo ng siyamnapu’t-siyam na kabutihan at pagkatapos ay makagawa ng isang masama, lubhang karaniwan, aking mga kapatid na lalaki at babae, na tininitingnan natin ang isang masama sa buong maghapon at hindi kailanman iniisip ang mabuti. Bago natin hatulan ang isa’t-isa, dapat nating tingnan ang layunin ng puso, at kung masama ito, samakatuwid ay pagalitan ang taong iyon, at gumawa ng hakbang upang maibalik siya sa pagkamatwid (DBY, 149–50).
Nais kong makita ang Mataas na Kapulungan at mga Obispo at lahat ng Hukom na puspos ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, upang kung may tao mang haharap sa kanila ay mahahatulan nila nang tama at mauunawaan nila ang taong yaon, at madali nilang mapagpapasiyahan ang isang usapin nang mabilis at makatarungan. … Nais ko ang mga Obispo at iba pang mga pinuno na magkaroon ng sapat na kapangyarihan at karunungan mula sa Diyos upang ganap nilang mabatid ang tunay na kalagayan ng bawat usapin na maaaring idulog sa kanila (DBY, 133).
Sa isang matalinghagang pananalita ay maaari ninyong hatawin ang isang Elder sa ulo sa pamamagitan ng isang pamalo, at hindi niya ito nalalaman at inaakalang binigyan ninyo siya ng isang dayaming inilubog sa kalamay upang sipsipin. Mayroon namang kapag napagsabihan ninyo ng isang salita, o naparusahan nang bahagya, na kaagad nagdurugo ang puso; maramdamin ang kanilang mga saloobin kagaya ng isang sanggol, at malulusaw na parang pagkit na inilapit sa apoy. Hindi ninyo sila dapat parusahan nang matindi; kinakailangan ninyong magparusa ayon sa espiritung nananahan sa tao. May ilang maaari ninyong pagsalitaan nang buong maghapon, at hindi nila nababatid ang inyong sinasabi. May malaking pagkakaiba-iba. Pakitunguhan ang mga tao ayon sa kanilang pagkatao (DBY, 150).
Kung kinagagalitan ninyo ang isa’t-isa—kung nagkikita kayo ng mga kapatid at nagsasabing, “May pagkakamali ka,” dapat ninyong tanggapin itong mabuti, at ipahayag ang inyong pasasalamat sa pagwawasto, at kilalanin ang pagkakamali nang hayagan, at amining maaaring madalas kayong magkamali nang hindi ninyo nalalaman, at sabihing, “Nais kong bigyan ninyo ng liwanag ang aking isipan, at gabayan ako, at makipaghawak-kamay sa akin, at palakasin at tulungan ang isa’t-isa.” Saan, sa inyong mga kahinaan? Oo. Inaasahan ba ninyong makatagpo ng isang taong perpekto? Hindi habang nandirito tayo sa lupa (DBY, 150).
Sasabihin ko sa mga kapatid na lalaki at babae, kung pinarurusahan kayo ng sinuman sa inyong mga pinuno, huwag ituturing na kaaway ang gumagawa nito, bagkus ay palaging tanggapin ito bilang kabutihan mula sa kamay ng isang kaibigan at hindi mula sa isang kaaway. Kung kaaway ninyo ang inyong mga pangulo, hahayaan nila kayo sa inyong mga pagkakamali. Kung iniibig kayo ng Panginoon, parurusahan kayo [tingnan sa Mga Hebreo 12:6]; tanggapin ito nang may kagalakan (DBY, 133).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Inihahayag ng Diyos ang kanyang kalooban sa Simbahan sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan.
-
Paano ginagamit ng Panginoon ang Pangulo ng Simbahan at ang Kapulungan ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol upang patnubayan ang Simbahan? Paano sila natutulungan ng iba pang mga pinuno na humahawak ng iba pang mga katungkulan sa Simbahan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:21–38; 132:7.)
-
Bakit maaari tayong mag-ukol ng buong paniwala at pananalig sa nangungulong mga korum ng Simbahan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:27.)
-
Bakit hindi pahihintulutan ng Panginoon na iligaw ng propeta ang Simbahan? Anong pangako ang ibinigay ni Pangulong Young sa mga gumaganap sa kanilang tungkulin? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan, Opisyal na Pagpapahayag 1.)
Hawak ng Labindalawang Apostol ang mga susi ng pagkasaserdote para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa sanlibutan.
-
Anu-ano ang mga susi ng pagkasaserdote ng pagiging Apostol?
-
Anu-ano ang mga tungkulin ng mga Apostol? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:23–24, 33, 58.)
-
Talakayin ang kaugnayan ng pagkakatawag ng isang Apostol sa iba pang mga katungkulan sa Pagkasaserdoteng Melquisedec at Aaron. (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:58.)
-
Anu-ano ang mga tungkulin ng Pitumpu ngayon sa kanilang pagganap sa ilalim ng pangangasiwa ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa?(Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:34.)
Ang katungkulan ng obispo ay kabilang sa Pagkasaserdoteng Aaron at hawak ang karapatang pangasiwaan ang mga temporal at espirituwal na bagay.
-
Anu-anong mga susi, kapangyarihan, at karapatan ang taglay ng isang obispo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:26–27; 107:13–17.) Anu-ano ang mga pananagutan ng isang Obispo bilang pangulo ng Pagkasaserdoteng Aaron? bilang nangungulong Mataas na Saserdote sa isang purok?
-
Ayon kay Brigham Young, ano ang ginagawa ng isang obispo na “[pinangangalagaan] nang matapat ang kanyang Purok”? (Tingnan din sa 1 Timoteo 3:1–7.)
-
Bilang mga tagapagturo ng tahanan at mga tagapagturong dumadalaw, paano tayo higit na makatutulong sa pagbabantay sa Simbahan?
Ang disiplina sa Simbahan ay makatutulong sa mga tao na bumalik sa pagkamatwid.
-
Paano isinalarawan ni Pangulong Young ang mga taong nagkakasala?
-
Sinabi ni Pangulong Young na ang “nakararami sa mga suliranin sa pagitan ng [mga tao] ay bunsod ng hindi pagkakaunawaan at hindi dahil sa malisya at masamang puso.” Ano ang kanyang payo sa pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan?
-
Ano ang ninais makita ni Pangulong Young sa mga kapulungang tagasupil? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:71–84; 134:10.) Paano ang makatutulong ang “kapangyarihan at karunungan mula sa Diyos” sa mga taong nagpapataw ng hatol sa isang kapulungang tagasupil? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42.)
-
Sa paanong paraan “mahahatulan at mauunawaan” ng mga nanunungkulan sa mga kapulungang tagasupil ang mga taong dinidisiplina?
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Young tungkol sa “[pagpa]parusa ayon sa espiritung nananahan sa tao”? (Tingnan din sa 3 Nephi 18:28–32.)
-
Paano, ayon kay Pangulong Young, dapat tayong tumugon kung pinarurusahan tayo ng ating mga pinuno? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 95:1.)