Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: Pamumuhay ng Ebanghelyo


Kabanata 3

Pamumuhay ng Ebanghelyo

Bilang isang kahanga-hangang mananakop, pinuno ng Simbahan at pangkat sibiko, at tagapagtaguyod ng kanyang mag-anak, si Pangulong Brigham Young ay nagpakita ng magandang halimbawa ng buhay at praktikal na ebanghelyo. Binigyang-diin niya sa kanyang mga turo at buhay na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang daan tungo sa kaligtasan ng sangkatauhan at gayundin ay “isang relihiyong isinasagawa, at naaangkop sa pang-araw-araw na tungkulin at katotohanan ng buhay na ito” (DBY, 12).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang ating pansariling pag-unlad sa ebanghelyo ay natatamo nang unti-unti at taludtod sa taludtod habang ipinamumuhay natin ang mga alituntuning natututuhan natin.

Tinatanggap natin … ang lahat ng batas, tuntunin, ordenansa, at pamamalakad na nakapaloob sa mga Banal na Kasulatan at isinasagawa ang mga ito hangga’t maaari, at pagkatapos ay patuloy na pag-aralan at paunlarin hanggang maipamuhay natin ang bawat salita na nagmumula sa bibig ng Diyos (DBY, 3).

Nasa atin ang Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan upang gawing mabuti ang masasamang tao at higit pang pabutihin ang mabubuting tao (DBY, 6).

Kamakailan lamang sa aking pakikipag-usap sa isang panauhin na pabalik na sa Silangang Estado ay sinabi niyang: “Kayo, bilang tao ay nagtuturing sa inyong sarili na walang kapintasan?” “Naku, hindi”, ang sabi ko, “hindi sa anumang paraan. … Ang doktrina na aming tinanggap ay walang kapintasan; ngunit kapag pinag-usapan ang mga tao, ay marami ding makikitang kapintasan. Hindi kami perpekto; subalit ang Ebanghelyong ipinangangaral namin ay naglalayong gawing perpekto ang mga tao upang matamo nila ang isang maluwalhating pagkabuhay na maguli at makapasok sa kinaroroonan ng Ama at ng Anak” (DBY, 7).

Ang mga tao (ay hindi matatanggap ang mga batas) sa kanilang buong kaganapan; subalit makatatanggap sila nang kaunti dito at kaunti doon, kaunti ngayon at kaunti bukas, kaunti pa sa susunod na linggo at higit pa doon sa susunod na taon, kung gumagawa sila ng matalinong pag-unlad sa bawat kaunting katotohanan na kanilang tinatanggap; kung hindi, sila ay mananatili sa kamangmangan, at ang liwanag na ipinahahayag ng Panginoon ay magmimistulang kadiliman sa kanila, at ang kaharian ng langit ay magpapatuloy at iiwan silang nangangapa. Kung gayon, kung ninanais nating kumilos sa kaganapan ng kaalamang nilalayong ipahayag ng Panginoong nang unti-unti sa mga naninirahan sa lupa, kailangan nating pagbutihin ang bawat maliit na bagay habang ito ay inihahayag (DBY, 4).

Aking … nadarama na kailangan kong itanim sa isipan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangangailangan sa isang masusing pagsasagawa ng mga alituntunin ng Ebanghelyo sa ating buhay, kilos at mga pananalita at sa lahat ng ating ginagawa; at hinihingi nito ang kabuuan ng isang tao, ang buong buhay upang italaga sa patuloy na pagsulong nang sa gayon ay malaman ang katotohanang tulad ng taglay ni Jesucristo. Dito nakasalalay ang kabuuan ng kaganapan. Naipakita ito sa katauhan ng ating Tagapagligtas; kahit na kaunti lamang nito ang naipamalas sa mga tao, bunga ng kanilang hindi pagkatanggap nito. Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handa nilang tanggapin. Ibinibigay sa atin ng Panginoon ang lahat ng nakahanda nating tanggapin; ang lahat ng nahahandang tanggapin ng mga bansa sa mundo ay ipinababatid niya sa kanila (DBY, 11–12).

Nasusulat sa Biblia ang tungkol sa Tagapagligtas na nagpakababa-baba sa lahat ng bagay upang umakyat sa itaas ng lahat. Hindi ba ganoon din sa bawat tao? Walang alinlangang ito ay totoo. Nararapat, kung gayon, na tayo ay dapat magpakababa sa tuwina sa lahat ng bagay at dahan-dahang umakyat, at matuto ng kaunti sa tuwina, tumanggap ng “taludtod sa taludtod, utos sa utos, kaunti dito, kaunti doon” [tingnan sa Isaias 28:9–10; Doktrina at mga Tipan 98:12] (DBY, 60) hanggang sa makarating tayo sa kawalang-hanggan at yakapin ang kaganapan ng kanyang kaluwalhatian, kagalingan at kapangyarihan (DBY, 3).

Iisa ang espirituwal at temporal na aspeto ng Ebanghelyo.

Sa Diyos, gayundin sa mga nakauunawa sa mga alituntunin ng buhay at kaligtasan, sa Pagkasaserdote, sa mga orakulo ng katotohanan at sa mga kaloob at tawag ng Diyos sa mga anak ng tao, ay walang pagkakaiba sa mga gawaing espirituwal at temporal—lahat ay iisa. Kapag ako ay gumaganap sa aking tungkulin, ay ginagawa ko ang kalooban ng Diyos, nangangaral din ako; nananalangin, gumagawa sa pamamagitan ng aking mga kamay para sa isang marangal na pagtataguyod; kung ako man ay nasa bukid, sa talyer ng mekaniko, o nasa negosyong pangangalakal, o saan man tinatawag ng tungkulin, ay gayon pa rin ang paglilingkod ko sa Diyos saanman naroroon; at gayundin sa lahat, bawat isa sa kanyang lugar, pagkakataon at panahon (DBY, 8).

Sa isipan ng Diyos ay walang anumang bagay na naghihiwalay sa espirituwal mula sa temporal, o temporal mula sa espirituwal sapagkat iisa ang mga ito sa Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:34–35) (DBY, 13).

Anumang bagay na nauukol sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa lupa, maging ito man ay sa pangangaral ng Ebanghelyo o pagtatayo ng mga templo sa kanyang pangalan, tayo ay tinuruang isaalang-alang ang gawaing espirituwal, kahit malinaw na nangangailangan ito ng lakas ng katawang natural upang maisagawa ito (DBY, 13).

Ni hindi tayo makapapasok sa templo kapag ito ay naitayo, at makapagsasagawa ng mga ordenansang iyon na humahantong sa mga biyayang espirituwal, nang hindi isinasagawa ang gawaing temporal. Ang mga ordenansang temporal ay kailangang isagawa upang matiyak ang mga biyayang espirituwal na inilalaan ng Dakilang Makapangyarihan para sa kanyang matatapat na anak. Ang bawat gawa ay una munang temporal na gawa. Sinasabi ng Apostol na, ang pananampalataya ay nakakamtan sa pamamagitan ng pakikinig (tingnan sa Mga Taga Roma 10:17). Ano ang dapat marinig upang magkaroon ng pananampalataya? Ang pangangaral ng Salita. Dahil dito ay kailangan nating magkaroon ng tagapangaral; at hindi siya espiritung hindi nakikita, kundi isang temporal, na pangkaraniwang tao na tulad ng ating sarili, at napasasailalim sa katulad na mga pamamalakad at tuntunin ng buhay, Ang pangangaral ng Ebanghelyo ay isang gawaing temporal, at ang paniniwala sa Panginoong Jesucristo ay bunga ng isang gawaing temporal. Ang pagbibinyag ay isang gawaing temporal, kapwa sa taong binibinyagan at sa nagbibinyag. Ako ay isang buhay na saksi sa katotohanan ng pahayag na ito, sapagkat maraming panahon na nasugatan ang aking mga paa, at lubhang nahapo sa paglalakbay at pangangaral, upang sa pamamagitan ng pakikinig ng Ebanghelyo ay magkaroon ng pananampalataya ang mga tao. Ang mga biyayang hinahangad natin nang labis ay mapapasaatin sa pamamagitan ng paggawa sa mga hinihinging manwal na gawain, at sa gayon ay inihahanda ang lahat ng bagay na kailangan upang matanggap ang mga biyayang inilaan ni Jehova para sa kanyang mga anak (DBY, 13–14).

Ang ebanghelyo ay gabay sa pang-araw-araw na buhay— isang relihiyong isinasagawa.

Ang relihiyon ni Jesucristo ay isang tunay na relihiyon, at naaangkop sa pang-araw-araw na mga tungkulin at katotohanan ng buhay na ito (DBY, 12).

Ang mga alituntunin ng kawalang-hanggan at walang hanggang kadakilaan ay walang halaga sa atin, maliban kung ang mga ito ay maiakma sa ating mga kakayahan upang maisagawa natin ang mga ito sa ating buhay (DBY, 14).

Iniaakma ko ang Ebanghelyo sa kasalukuyang panahon, kalagayan, at katayuan ng mga tao (DBY, 8).

Ang pamamaraang iyon na nagdudulot ng katiwasayan at kapayapaan ay ang pinakamabuting ipamuhay at pinakamabuting ikamatay; ito ang pinakamainam sa pagnenegosyo, ito ang pinakamainam sa pagsasaka, sa pagtatayo ng mga lungsod at templo, at ang pamamaraang iyon ay ang batas ng Diyos. Subalit hinihingi nito ang lubos na pagsunod. Ang tuntunin ng tama at ang pamantayang itinatag ng Diyos para ipamuhay ng mga tao ay nagbigay katiyakan sa kapayapaan, kaginhawahan, at kaligayahan sa ngayon at walang hanggang kaluwalhatian at kadakilaan; subalit ang lubos na pagsunod lamang sa Diyos ang makapagdudulot nito (DBY, 8).

Sa mga pagkakataong naiisip kong magsalita sa inyo, sumasagi sa isip ko na ang mahigpit na pangangaral sa mga paksang nauukol sa malayong hinaharap, o pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng nakaraan, ay walang pagaalinlangang makapagbibigay lugod at lubhang kagigiliwan ng aking mga tagapakinig; subalit ang aking pagpapasiya at diwa ng katalinuhan na nasa akin ay nagtuturo na, sa paggawa ng gayon, ay hindi matuturuan ang mga tao tungkol sa kanilang pang-araw-araw na mga tungkulin. Sa dahilang ito, hindi ko nadaramang turuan kayo ng mga tungkuling isasagawa sa darating na isandaang taon, kundi ibigay ang mga tagubiling iyon na nauukol sa kasalukuyan, sa ating pang-araw-araw na buhay at pag-uugali, upang malaman natin kung paano makikinabang ang ating sarili sa pagdaraan ng panahon, at sa kasalukuyang pribilehiyo, at makapagtatag ng pundasyon para sa kaligayahan sa hinaharap (DBY, 12).

Ang aking misyon sa mga tao ay turuan sila ng nauukol sa kanilang pangaraw- araw na buhay. Inaakala ko na marami dito ang nakarinig na sa akin na nagsabi, maraming taon na ang nakararaan, na hindi ko gaanong inaalintana ang magaganap pagkatapos ng Milenyo. Maaaring nangangaral ang mga Elder ng mahahabang pagtalakay hinggil sa naganap sa panahon ni Adan, kung ano ang naganap bago ang paglikha, at, kung ano ang magaganap libulibong taon mula ngayon, na nagbabanggit ng mga bagay na naganap na o magaganap pa lamang, na lingid sa kanilang kaalaman, ay tinuturuan ang mga tao nang walang saysay; subalit hindi iyon ang aking paraan ng pagtuturo. Ang nais ko ay ituro sa mga tao kung ano ang magagawa nila ngayon, at hayaan ang Milenyo na mangalaga sa sarili nito. Ang aking misyon ay turuan silang paglingkuran ang Diyos at itayo ang kanyang Kaharian. Itinuro ko ang pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang pagpapatong ng mga kamay sa ulo para sa pagtanggap ng Espiritu Santo. Dapat tayong maturuan ng nauukol sa ating pang-araw-araw na buhay sa isang temporal na pananaw (DBY, 8–9).

Hindi natin hinahayaan ang ating sarili na magpunta sa bukid upang magararo nang hindi ipinamumuhay ang ating relihiyon; hindi tayo pumapasok sa opisina, sa likod ng despatso (counter) upang magbenta ng paninda, sa negosyong namamahala sa gawaing may kinalaman sa pananalapi, o saanman upang mag-asikaso o magsagawa ng anumang bagay nang hindi natin dala-dala ang ating relihiyon. Kung tayo ay nagmamadali o nagliliwaliw ay kailangang kasama natin ang ating Diyos at relihiyon (DBY, 8).

Nais naming lalong maging mabuti ang mga Banal, hanggang sa ang ating mga mekaniko, halimbawa, ay maging lubos na matapat at maaasahan kung kaya masasabi ng Kompanya ng Tren na ito ay makapagsasabing, “Bigyan ninyo kami ng isang Elder ng ‘Mormon’ para maging inhinyero, sa gayon ay wala nang matatakot sumakay, dahil kung alam niyang may panganib ay gagawin niya ang lahat kailangang gawin upang mapangalagaan ang buhay ng mga ipinagkatiwala sa kanya.” Nais kong makita ang ating mga Elder na puno ng dangal upang mas gustuhin sila ng kompanyang ito para gawing mga tagagawa ng kanilang makina, tagabantay, inhinyero, kawani, at tagapamahala ng negosyo. Kung ipinamumuhay natin ang ating relihiyon at karapat-dapat tayo sa pangalang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo na ang mga taong mapagkakatiwalaan ng ganitong mga negosyo nang buong kaligtasan; kung hindi ito maaaring mangyari ay patutunayan nito na hindi natin ipinamumuhay ang ating relihiyon (DBY, 232–33).

Kalakip ng ating relihiyon ang bawat gawa at salita ng tao. Walang taong dapat mangalakal maliban kung ginagawa niya ito ayon sa kalooban ng Diyos; walang taong dapat magbukid o magnegosyo ng anuman maliban kung ito ay ayon sa kalooban ng Panginoon. Walang sinumang miyembro ng sanggunian ang dapat umupo upang humatol sa mga tao maliban kung hahatol siya na kaisa ang Panginoon, upang malaman niya nang makatarungan at walang kinikilingan ang tama at mali, katotohanan at kamalian, liwanag at kadiliman, katarungan at kawalang katarungan (DBY, 9).

Sa masusing pagbabasa ng Luma at Bagong Tipan ay matutuklasan natin na karamihan sa mga paghahayag na ibinibigay sa sangkatauhan noong sinauna ay nauukol sa kanilang pang-araw-araw na mga tungkulin; ganito rin ang landas na tinatahak natin. Ang mga paghahayag na nilalaman ng Biblia at Aklat ni Mormon ay mga halimbawa sa atin, at ang aklat na Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng tuwirang paghahayag sa Simbahang ito; ang mga ito ay gabay natin, at hindi natin ninanais na mawala sa atin ang mga ito; hindi natin gustong mawalan nang kabuluhan at isaisantabi na lamang ang mga ito. Nais nating magpatuloy ang mga paghahayag ng Panginoong Jesucristo araw-araw, at patuloy na mapasaatin ang kanyang Espiritu. Kung magagawa natin ito, hindi na tayo lalakad sa kadiliman kundi lalakad tayo sa liwanag ng buhay (DBY, 12).

Kung tatamasahin natin ang Espiritu ng Sion, kailangan nating mabuhay para dito. Ang ating relihiyon ay hindi lamang isang teoriya o pala-palagay; ito ay isang relihiyong isinasagawa, upang magdulot ng lugod sa bawat puso (DBY, 12).

Ang gawain ng pagtatatag ng Sion ay isang praktikal na gawain sa lahat ng bagay; hindi lamang ito isang teoriya. Ang isang di-praktikal na relihiyon ay nagdudulot ng napakaliit na kahalagahan o kapakinabangan sa sinumang tao. Ang pagkakaroon ng mana sa Sion o Jerusalem—sa hinagap o imahinasyon lamang—ay makakatulad na rin ng hindi pagkakaroon ng anumang mana. Kailangang magkaroon ng legal na karapatan dito, upang gawing praktikal, makabuluhan at kapaki-pakinabang ang isang mana. Kung kaya huwag tayong manatiling kuntento sa relihiyong nakasalalay sa teoriya lamang, bagkus ay gawin itong praktikal, nagpapadalisay at nagtataguyod sa sarili, na pinananatili ang pagmamahal ng Diyos sa ating kalooban, na nabubuhay sa bawat utos, sa bawat batas, at sa bawat salita na ibinibigay upang akayin tayo (DBY, 12).

At kung inaasikaso ko ngayon ang nakaatang sa akin, at pagkatapos ay gagawin ko kung ano ang darating sa kinabukasan, at sa mga susunod pa, kapag dumating ang kawalang hanggan ay magiging handa akong pumasok sa mga bagay na may kinalaman sa kawalang-hanggan. Subalit hindi ako magiging handa para sa ganoon kalawak na pagkilos, maliban kung mapamamahalaan ko ang mga bagay na ngayon ay abot ng aking kakayahan. Kailangan ninyong lahat na matutuhang gawin ito (DBY, 11).

Ang pangunahing layon ng ating buhay dito ay pamahalaan ang mga bagay na temporal ng daigdig na ito at supilin ang mundo, at paramihin ang mga halaman at hayop na nilayon ng Diyos na manirahan dito (DBY, 15).

Ang buhay ay para sa atin, at tungkulin nating tanggapin ito ngayon, at hindi na maghintay para sa Milenyo. Gumawa na tayo ng paraan upang maligtas ngayon, at, kapag dumarating ang gabi, muling isipin ang mga ginawa sa maghapon, pagsisihan ang ating mga kasalanan, kung mayroon tayong anuman dapat pagsisihan, at manalangin; pagkatapos ay mahiga at matulog tayo nang payapa hanggang umaga, bumangon na nagpapasalamat sa Diyos, simulan ang gawain sa panibagong araw, at sikaping ipamuhay ang buong araw para sa Diyos at wala ng iba pa (DBY, 16).

Ang pananagutang pangalagaan ang ating sarili at ating mag-anak ay isang mahalagang praktikal na pagsasagawa ng ebanghelyo.

Patuloy kong sinikap na himukin ang mga taong ito na ipagpatuloy ang paraan na tutulong sa kanila upang maitaguyod nila ang kanilang sarili, mapangalagaan ang kanilang mahihirap, ang lumpo, ang utal, at bulag, na hinahango ang mga mangmang mula sa kung saan ay wala silang pagkakataong mapansin ang mga nangyayari sa mundo, at sa pag-unawa sa karaniwang kaalaman na taglay ng mga anak ng tao, na tinitipon sila mula sa apat na sulok ng daigdig, at ginagawa silang mga taong matatalino, matitipid at nakapagtataguyod sa sarili (DBY, 16).

Ang aking ipinaglalaban maging sa mga taong lumipas, ay ipaunawa sa mga tao na kung hindi nila pangangalagaan ang kanilang mga sarili ay hindi sila pangangalagaan; na kung hindi tayo maghahanda na maglaan upang pakainin at damitan at bigyan ng masisilungan ang ating mga sarili tayo ay mamamatay sa gutom at lamig; maaari din tayong magdusa sa panahon ng tag-araw mula sa direktang sikat ng araw sa ating walang saplot at walang pananggalang na mga katawan (DBY, 16–17).

Sino ang mga nararapat papurihan? Ang mga taong nag-aalaga sa kanilang sarili o ang mga laging nagtitiwala sa dakilang awa ng Panginoon na pangangalagaan sila? Ito ay katugon lamang ng pag-asam na pagkakalooban tayo ng Panginoon ng bunga kahit hindi tayo nagtatanim ng puno; o na kung hindi tayo nag-aararo at nagtatanim at hindi naghihirap sa pag-ani, ay dapat tayong magmakaawa sa Panginoon upang iligtas tayo sa kagipitan, tulad ng paghiling sa kanya na iligtas tayo mula sa ibubunga ng ating sariling kalokohan, pagsuway at pagsasayang (DBY, 293).

Sa halip na paghanapan ang Panginoon sa kung ano ang gagawin niya para sa atin, itanong natin kung ano ang magagawa natin para sa ating sarili (DBY, 293).

Habang mayroon tayong matabang lupa sa lambak na ito, at butong itatanim, hindi natin kailangang hilingin sa Panginoon na pakainin tayo, ni sundan-sundan tayo na dala-dala ang tinapay at nagsusumamong kainin natin ito. Hindi niya gagawin ito, at hindi ko rin gagawin, kung ako ang Panginoon. Mapakakain natin ang ating sarili dito; at kung tayo man ay malagay sa kalagayang hindi natin makakaya, sa gayon ito ang magiging sapat nang panahon para gumawa ang Panginoon ng himala upang itaguyod tayo (DBY, 294).

Kung hindi ninyo matustusan ang inyong natural na buhay, paano kayo makaaasang magkakaroon ng katalinuhan upang matamo ang buhay na walang hanggan? Binigyan kayo ng Diyos ng buhay—ang inyong katawan at espiritu, at pinagkalooban kayo ng kakayahan, at sa gayong paraan ay itinatag ang saligan ng lahat ng kaalaman, karunungan, at pang-unawa, at lahat ng kaluwalhatian at buhay na walang hanggan. Kung hindi pa ninyo nakakamtan ang kakayahang maglaan para sa inyong likas na mga pangangailangan, at para sa asawa at ilang anak, ano ang karapatan ninyo sa mga bagay na makalangit? (DBY, 13).

Tingnan ang inyong mga sarili sa tungkulin ninyo bilang mga Samahang Damayan sa lungsod na ito at sa buong kabundukan. Tingnan ang inyong kalagayan. Isaalang-alang ninyo ito, at magpasiya kung magsisimulang gumawa upang malaman ang impluwensiyang taglay ninyo, at pagkatapos ay gamitin ang impluwensiyang ito sa paggawa ng mabuti at upang tulungan ang mahihirap na mga tao (DNW, 17 Ago. 1869, 3).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang ating pansariling pag-unlad sa ebanghelyo ay dumarating nang unti-unti at taludtod sa taludtod habang ipinamumuhay natin ang mga alituntuning natututuhan natin.

  • Bakit itinuturo ng Panginoon sa atin ang mga katotohanan ng ebanghelyo nang “kaunti ngayon at kaunti bukas”? (Tingnan din sa Isaias 28:9–10; 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 98:12.) Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang mas malaking bahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo? (Tingnan din sa Alma 12:9–11.) Ano ang maaaring mangyari kung bibigyan tayo ng higit na katotohanan kaysa sa nahahanda nating tanggapin?

  • Bakit kung minsan ay mahalagang ipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa pagkatuto ng alituntuning iyon? (Tingnan din sa Juan 7:17; Doktrina at mga Tipan 93:28.)

  • Paano natin nililimitahan ang maaaring ituro sa atin ng Diyos?

Iisa ang espirituwal at temporal na aspeto ng ebanghelyo.

  • Sinabi ni Pangulong Young na “hindi totoong naihihiwalay ang espirituwal mula sa temporal.” Paano dapat makaapekto ang pagkaunawa sa pangungusap na ito sa ating pagtugon sa ating pangaraw- araw na mga gawain?

Ang ebanghelyo ay gabay para sa pang-araw-araw na buhay— isang relihiyong isinasagawa.

  • Itinuro ni Pangulong Young sa mga Banal na isagawa ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa praktikal na paraan sa kanilang pang-arawaraw na buhay. Paano dapat maimpluwensiyahan ng ebanghelyo ang ating mga pagpapasiya tungkol sa ating mag-anak, trabaho, at iba pang mga pananagutan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Young nang sabihin niyang hindi tayo dapat magpunta “saanman upang mag-asikaso o magsagawa ng anumang bagay nang hindi natin dala-dala ang ating relihiyon”? Paano natin madadala ang ating relihiyon saanman tayo magpunta at maging sensitibo pa rin sa mga paniniwala ng iba? Paano tayo higit na makaaasa sa Espiritu na tutulungan tayong dalhin ang ating relihiyon saanman tayo naroroon?

  • Bukod sa gawaing misyonero at paglilingkod sa Simbahan, ano ang ating pananagutan sa pamayanan?

Ang pananagutang pangalagaan ang ating sarili at ating mga mag-anak ay isang mahalagang praktikal na pagsasagawa ng ebanghelyo.

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa ating pananagutang pangalagaan ang ating sarili? Paano tayo makapagtitiwala sa sariling kakayahan sa mga paraang espirituwal, pang-edukasyon, pisikal, emosyonal at pangkabuhayan? Paano natin matutulungan ang iba na gawin ang gayon?

  • Bakit mahalagang bahagi ng ebanghelyo ang pagtitiwala sa sariling kakayahan?

  • Nagsalita si Pangulong Young tungkol sa kabutihan at pangangailangan ng paglalaan para sa ating sarili? Anong mga biyaya ang dumarating sa ating buhay habang ginagawa natin ito? Sa ilalim ng anong mga kalagayan sinasabi ni Pangulong Young na ang Panginoon ay “gagawa ng himala upang itaguyod tayo”?