Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo


Kabanata 8

Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo

Itinuro ni Pangulong Brigham Young na ang pananampalataya kay Cristo ay isang kaloob ng Diyos na kailangang nakasalig sa katotohanan at sinasamahan ng mga gawa. Halimbawa, noong Linggo, ika-30 ng Nobyembre 1856, nang nalaman ni Pangulong Young ang tungkol sa isang parating na pangkat ng mga Banal sa Lambak ng Salt Lake, inihinto niya ang mga serbisyo ng pagsamba na kanilang idinaraos, at nagsabing, “Hindi natin idaraos ang pulong ngayong hapon, dahil nais kong umuwi ang mga kapatid na babae at maghanda ng makakain para sa mga kararating pa lamang, at mapaliguan sila, at magamot sila. … Mabuti ang manalangin, ngunit kapag (tulad sa pagkakataong ito) ang hinurnong patatas, at puding, at gatas ang kailangan, hindi ito maaaring mapalitan ng panalangin. Gawin ang bawat tungkulin sa tamang oras at lugar” (CHC, 4 100–101).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo at maaaring maunawaan lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Ebanghelyong ating ipinangangaral ay ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan; at ang unang alituntunin ng Ebanghelyong iyon ay … pananampalataya sa Diyos, at pananampalataya kay Jesucristo, na kanyang anak, at ating Tagapagligtas. Kailangan nating paniwalaan na siya ang taong ipinakikilala sa mga Banal na Kasulatan. … Kailangan nating paniwalaan na siya rin si Jesus na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng daigdig (DBY, 153).

Maaari ninyong sabihin na ang Panginoon at ang kanyang Ebanghelyo ay hindi karapat-dapat pansinin, o maaari ninyong isuko ang inyong sarili sa mga ito (DBY, 153).

Upang maunawaan ang unang mga alituntunin ng Ebanghelyo—upang maunawaan ang mga ito nang wasto, ang isang tao ay kailangang magkaroon ng karunungan mula sa itaas; kailangan siyang maliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo; … kailangan niyang matamasa ang mga pagpapala ng kaligtasan para sa kanyang sarili, upang maibahagi ang mga ito sa iba (DBY, 152).

Ang bawat piraso ng katotohanan na tinanggap ng bawat tao ay kaloob ng Diyos. Tinatanggap natin ang mga katotohanang ito, at nagpapatuloy mula sa isang kaluwalhatian patungo sa isa pang kaluwalhatian, … nagtatamo ng kaalaman ng lahat ng bagay, at nagiging mga Diyos, maging mga Anak ng Diyos. Ang mga ito ang mga taong selestiyal. Sila ang mga pinili ng Panginoon dahil sa kanilang pagsunod. Hindi nila tinanggihan ang katotohanan, nang kanilang marinig ito. Sila ang mga hindi tumanggi sa Ebanghelyo, bagkus kinilala nila si Jesus at ang Diyos sa kanilang tunay na katauhan; at kinilala ang mga anghel sa kanilang tunay na katauhan. Sila ang mga gumagawa para sa kaligtasan ng sangkatauhan (DBY, 152).

Ang pananampalataya kay Cristo ay isang kaloob ng Diyos na nakakamit sa pamamagitan ng paniniwala, pagsunod, at mabubuting gawain.

Kapag pinaniniwalaan ninyo ang mga alituntunin ng Ebanghelyo hanggang makamit ang pananampalataya, na kaloob ng Diyos, nagdaragdag siya ng higit pang pananampalataya, patuloy na nagdaragdag ng pananampalataya. Nagbibigay siya ng pananampalataya sa kanyang mga nilalang bilang kaloob; ngunit likas na nasa kanyang mga nilalang ang pribilehiyong paniwalaan kung tama o mali ang Ebanghelyo (DBY, 154).

Kung nagsasalita tayo tungkol sa pananampalataya sa pangkalahatan, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos na kung saan ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ito ay kaloob ng Diyos sa mga naniniwala at sumusunod sa kanyang mga utos. Sa kabilang banda, walang nabubuhay na matalinong nilalang, naglilingkod man sa Diyos o hindi, ang kumikilos nang walang paniniwala. Mas mabuti pang tangkain niyang mabuhay nang hindi humihinga kaysa mabuhay nang walang alituntunin ng paniniwala. Ngunit kailangan niyang paniwalaan ang katotohanan, sundin ang katotohanan, at isagawa ang katotohanan, upang makamit ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na pananampalataya (DBY, 153).

Tungkulin nating magtiwala sa Diyos; at ito ang saligan ng lahat ng ating magagawa (DBY, 154).

Kapag binabasa ninyo ang mga paghahayag, o kapag naririnig ninyo ang kalooban ng Panginoon tungkol sa inyo, para sa inyong kapakanan ay huwag ninyong tanggapin ito na may pusong nag-aalinlangan (DBY, 155).

Hindi palaging inihahayag ng ating Ama sa Langit sa kanyang mga anak ang lihim na nagagawa ng kanyang mga pagkalinga, ni ipinakikita niya sa kanila ang wakas mula sa simula, dahil dapat silang matutong magtiwala sa kanya na nangakong makikipaglaban sa ating mga pakikipaglaban, at magpuputong sa atin ng tagumpay, kung tayo ay tapat tulad ni Abraham na matapat (DBY, 156).

Kapag nakagawian ng taong mamilosopo sa bawat punto, na umaasa lamang sa tinatawag nating kaisipan ng tao, sila ay palagiang nasa panganib na magkamali. Ngunit ilagay ang isang tao sa situwasyon na kung saan nauubliga o napipilit siya na itaguyod ang kanyang sarili, na magkaroon ng pananampalataya sa pangalan ni Jesucristo, at siya ay dadalhin nito sa puntong malalaman niya ito para sa kanyang sarili; at maligaya ang mga taong nakapapasa sa mga pagsubok, kung kanilang napapanatili ang kanilang integridad at ang kanilang pananampalataya sa kanilang tungkulin (DBY, 154).

Ipinakikita at pinalalakas ng mabubuting gawa ang pananampalataya.

Upang ipaliwanag kung gaanong pagtitiwala sa Diyos dapat mayroon tayo, kung gagamit ako ng salitang naaangkop para sa akin, ang sasabihin ko ay ganap na pagtitiwala. May pananampalataya ako sa aking Diyos, at ang pananampalatayang iyon ay umaayon sa mga bagay na aking ginagawa. Wala akong tiwala sa pananampalataya na walang mga gawa (DBY, 155).

Kung ang mga tao ay mapupuspos lamang ng mabubuting gawa, titiyakin kong sila ay magkakaroon ng pananampalataya sa oras ng pangangailangan (DBY, 154).

Kapag bumukal ang pananampalataya sa puso, ang susunod ay mabubuting gawa, at daragdagan ng mabubuting gawa ang dalisay na pananampalatayang nasa kanila (DBY, 156).

Nananampalataya ako na kapag nagawa na natin ang lahat ng ating magagawa, ang Panginoon ay may obligasyon, at hindi niya bibiguin ang matatapat; siya na ang gagawa ng natitira pa (DBY, 155).

Kapag ang isang tao ay nalalagay sa mga situwasyong hindi niya makakayanang magtamo ni katiting ng anumang bagay na tutustos sa buhay, pribilehiyo niyang manampalataya upang mapakain siya ng Diyos, na maaari namang mag-utos sa isang uwak na kumuha ng isang piraso ng karne mula kung saan lugar na marami nito, at ilaglag ito sa nagugutom na tao. Kapag hindi ko mapakain ang aking sarili sa paraang sakop ng aking kapangyarihan na ibinigay sa ng Diyos, oras na para ipakita niya ang kanyang pagkalinga sa pamamagitan ng di-karaniwang paraang maipagkaloob ang aking pangangailangan. Subalit habang matutulungan natin ang ating sarili, tungkulin nating gawin ito (DBY, 155).

Napakaraming mabuting tao, na malakas na nagtataglay ng Espiritu ng Panginoon ang likas na madaling mag-alinlangan, dahil kakatiting ang tiwala sa sarili kung kaya minsan ay nag-aalinlangan sila kung sila nga ay tunay na mga Banal o hindi. Malimit silang mag-alinlangan nang hindi naman nararapat. Habang namumuhay sila nang mapagkumbaba sa harap ng Diyos, sinusunod ang kanyang mga utos, at ginagawa ang kanyang mga ordenansa, nakahandang ibigay ang lahat para kay Cristo, at ginagawa ang lahat upang maitaguyod ang kanyang Kaharian, hindi sila kailanman kailangang mag-alinlangan, dahil magpapatotoo sa kanila ang Espiritu kung sila man ay sa Diyos o hindi (DBY, 155).

Kung mamumuhay ang mga Banal sa mga Huling Araw na karapat-dapat tumanggap sa kanilang mga pribilehiyo, at mananampalataya sa pangalan ni Jesucristo, at mamumuhay na tinatamasa ang kaganapan ng Espiritu Santo araw-araw, walang anumang bagay sa ibabaw ng lupa na hihilingin nila, na hindi ibibigay sa kanila. Naghihintay ang Panginoon na maging magiliw sa kanyang mga tao, at ibuhos sa kanila ang kayamanan, karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, upang makamit nila ang lahat ng bagay ayon sa mga ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga Apostol at Propeta (DBY, 156).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

  • Bakit nagbibigay sa atin ng pag-asa ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo?

  • Ano ang mga tiyak na bagay na sinabi ni Pangulong Young na kailangan nating paniwalaan upang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Bakit ang pananampalataya kay Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo? (Tingnan din sa Moroni 7:33–34; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4.) Ayon kay Pangulong Young, paano natin mauunawaan na ang pananampalataya kay Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo?

  • Sino “sila na mga gumagawa para sa kaligtasan ng sangkatauhan”?

Ang pananampalataya kay Cristo ay isang kaloob ng Diyos na nakakamit sa pamamagitan ng paniniwala, pagsunod, at mabubuting gawain.

  • Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya kay Cristo? Ano ang ibig sabihin ng patuloy na maragdagan ang pananampalataya? (Tingnan din sa Alma 32:26–28.)

  • Bakit kailangan nating paniwalaan, sundin, at isagawa ang katotohanan upang magkaroon ng pananampalataya? (Tingnan din sa Alma 32:21.)

  • Bakit sinabi ni Pangulong Young na “tungkulin nating magtiwala sa Diyos”? (Tingnan din sa Ether 12:6–7.) Paano natin ipinakikita ang ating tiwala sa Diyos? (Tingnan din saEther 3:11–12.)

  • Paano nakasasagabal ang pag-aalinlangan at pag-iisip ng tao sa pananampalataya? Paano natin malalaman sa ating sarili ang ating katayuan sa Diyos? Paano naiimpluwensiyahan ng ating pananampalataya kay Jesucristo ang ating damdamin sa ating sarili?

  • Sinabi ni Pangulong Young na, “Maligaya ang mga taong nakapapasa sa mga pagsubok, kung kanilang mapapanatili ang kanilang dangal at ang kanilang pananampalataya sa kanilang tungkulin.” Paano natin mapananatili ang ating pananampalataya at dangal sa panahon ng kahirapan? Paano matagumpay na nakatulong sa inyo ang pananampalataya at dangal sa pagharap sa pagsubok? (Tingnan din sa Helaman 12:3; Alma 32:6.)

Ipinakikita at pinalalakas ng mabubuting gawa ang pananampalataya.

  • Paano ipinaliwanag ni Pangulong Young ang kaugnayan ng pananampalataya at mga gawa?

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Young na kailangan nating gawin upang matulungan ang Panginoon? Ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga “nakahandang magbigay ng lahat para kay Cristo, at ginagawa ang lahat upang maitaguyod ang kanyang Kaharian”?

  • Ano ang ipinangako ni Pangulong Young sa mga “nananampalataya sa pangalan ni Jesucristo, at namumuhay na tinatamasa ang kaganapan ng Espiritu Santo araw-araw”? Kung ang ating mga panalangin ay may kalakip na ganitong pananampalataya at inspirasyon, ano ang magiging bunga? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 46:30; Helaman 10:5.)

pioneers

Nagpakita ng dakilang pananampalataya sa Panginoon ang naunang mga Banal habang nililisan nila ang kanilang mga tahanan at lupang tinubuan upang magtipon sa Sion sa ilalim ng tagubilin ni Pangulong Brigham Young.

wagons in Salt Lake City

Larawan ng mga bagon sa Lungsod ng Salt Lake noong unang bahagi ng taong 1860.