Kabanata 9
Pagsisisi at Pagbibinyag
Noong isang malamig, at maniyebeng araw ng Abril 1832, bininyagan si BrighamYoung sa nagyeyelong tubig ng batis ng kanyang molino, ni Eleazer Miller, isang kasapi ng Simbahan na bininyagan apat na buwan pa lamang ang nakararaan. Sa pangyayaring ito sinabi niyang, “Nakadama ako ng isang mapagpakumbaba at maamong damdamin, na nagpapatotoo sa akin na ang aking mga kasalanan ay pinatawad na” (MHBY-1, 2–3). Itinuro niya na ang tubig ay walang “sariling kapangyarihan para magalis ng kasalanan” (DBY, 159) ngunit ang pagbibinyag ay mabisa sa pagalis ng ating mga kasalanan kapag isinasagawa ng mga may awtoridad sa mga nasa wastong gulang at kapag pinangungunahan ng pagsisisi at sinusundan ng taimtim na pagpupunyaging igalang ang mga tipan sa pagbibinyag.
Mga Turo ni Brigham Young
Habang nadaragdagan ang ating pang-unawa, ang ating pananagutan at responsibilidad ay nadaragdagan din.
Ang kasalanan ay binubuo ng paggawa ng mali samantalang nakaaalam at makagagawa tayo ng higit pa roon, at ito ay parurusahan ng nararapat na kaparusahan, sa takdang panahon ng Panginoon (DBY, 156).
Bagaman ginagawa natin ang pinakamabuting alam nating gawin sa oras na ito, wala na ba tayong magagawang pagpapabuti pa sa ating buhay? Mayroon pa. Kung nakagagawa tayo ng mali nang hindi natin alam, kapag nalaman nating mali ito, tungkulin nating tumigil agad sa paggawa ng kamaliang iyon at hindi na ito muling gawin kailanman (DBY, 156).
Magagawa nating maging mabisa ang Pagbabayad-sala sa ating buhay sa pamamagitan ng taimtim na pagsisisi.
Kung nasaktan ko ang sinumang tao, nararapat akong magtapat sa taong iyon at itama ang ginawa kong mali (DBY, 158).
Naniniwala ako sa pagiging lantaran at prangka at tapat sa mga bagay na dapat malaman ng madla, at sa pagkimkim sa inyong sarili ng mga bagay na dapat itago. … Sabihin sa madla ang para sa madla. Kung nagkasala kayo sa mga tao, magtapat sa kanila. Kung nagkasala kayo sa isang mag-anak o kapitbahayan, pumunta sa kanila at magtapat. … Kung nagkasala kayo sa isang indibiduwal, makipagsarilinan sa taong iyon at magtapat sa kanya (DBY, 158).
Kapag ang mga tao ay tunay at taos-pusong nagsisisi, at nagpapakita sa kalangitan na ang kanilang pagsisisi ay tapat, sa pagsunod sa mga pangangailangang ipinabatid sa kanila sa pamamagitan ng mga batas ng Ebanghelyo, sila ay may karapatang mabigyan ng kaligtasan at walang kapangyarihan na makapagkakait sa kanila ng mabuting espiritu (DBY, 156).
Ang ilan sa ating mga matandang kaugalian ay nagtuturo sa atin na ang tao na may salang kalupitan at pagpatay ay maaaring makapagsisi para sa kanyang kaligtasan kapag siya ay nasa bitayan na; at sa kanyang kamatayan ay maririnig natin ang mga salitang, “Purihin ang Diyos! Nagtungo siya sa langit upang putungan ng kaluwalhatian, sa pamamagitan ng mapagtubos na kabutihan ni Cristo na Panginoon.” Ito ay kalokohan. Hindi kailanman makikita ng taong tulad nito ang langit. Ang ilan ay mananalangin, “Sana ako ay sumakabilang buhay na sa gabi ng aking pagbabalik-loob!” Pinatutunayan nito ang maling ideya at walang kabuluhang kuru-kurong isinasaalang-alang ng buong Kristiyanismo (DBY, 157).
Ang binyag ay mahalagang ordenansa para sa ating kaligtasan.
Tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ayon sa patotoo ng mga disipulo ni Jesus at sa mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa mga huling araw na ito. Ang mga sanggol ay dalisay, wala silang nararamdamang kalungkutan, ni kasalanang dapat pagsisihan at talikuran, samakatwid hindi sila maaaring binyagan para sa kapatawaran ng kasalanan. Kung tayo ay nagkasala, kailangang alam natin ang mabuti sa masama; hindi ito alam ng sanggol, hindi niya malalaman ito; hindi pa ito malaki upang makaunawa ng ideya ng kaibahan ng mabuti sa masama; wala siyang kakayahang makinig sa magulang o guro o saserdote kapag sinasabihan nila siya kung ano ang tama o mali o kung ano ang nakasasakit; at hanggang sa ang mga bagay na ito ay maunawaan ng isang tao hindi siya maaaring managot at dahil dito hindi siya mabibinyagan para sa kapatawaran ng kasalanan [tingnan sa Moroni 8] (DBY, 158–59).
Walang ordenansa na inihatid ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sariling tinig, sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesucristo, o sa pamamagitan ng bibig ng sinuman sa kanyang mga Propeta, Apostol, o Ebanghelista, na walang kabuluhan. Bawat ordenansa, bawat kautusan at pangangailangan ay kailangan para sa kaligtasan ng sangkatauhan (DBY, 152).
Kung kayo ay naging mabuti mula noong kayo ay ipinanganak, at hindi nakagawa ng mabigat na mga kasalanan at paglabag, magpabinyag upang tuparin ang lahat ng kabutihan, tulad ni Jesus. Kung masasabi ninyong wala kayong kasalanang dapat pagsisihan, talikuran ang inyong mga maling kurukuro, at mahalin at paglingkuran ang Diyos nang buong puso (DBY, 159).
Lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay pumapasok sa bago at walang hanggang tipan kapag pumapasok sila sa Simbahang ito. Nakikipagtipan silang titigil sa pagtataguyod, pagtatanggol at pagtatangi sa kaharian ng Diyablo at sa kaharian ng daigdig na ito. Pumapasok sila sa bago at walang hanggang tipan na itataguyod ang Kaharian ng Diyos at wala ng iba pang kaharian. Nanumpa sila ng isang labis na kapita-pitagang sumpa, sa harap ng kalangitan at lupa, at iyon ay ginawa nila, para sa katuparan ng kanilang sariling kaligtasan, na itataguyod nila ang katotohanan at kabutihan sa halip na ang kasamaan at kasinungalingan, at itatatag ang Kaharian ng Diyos, sa halip na kaharian ng daigdig na ito (DBY, 160).
Gayunpaman, gaano man natin ipinapahayag ang pagmamahal sa Diyos at sa kanyang layunin ay wala tayong karapatan sa mga pagpapala at pribilehiyo ng kanyang Kaharian hangga’t hindi tayo nagiging mga mamamayan nito. Paano natin magagawa ito? Sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan, at pagsunod sa mga hinihiling ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos na inihatid sa atin. Daan-daan at libu-libong tao ang naniniwala sa Panginoong Jesucristo at nagsisi ng kanilang mga kasalanan, at napasakanila ang Banal na Espiritu upang patunayan sa kanila na ang Diyos ay pag-ibig, na mahal nila siya at sila ay mahal niya, ngunit wala naman sila sa kanyang Kaharian. Hindi sila nakatupad sa mahahalagang pangangailangan, hindi sila nakapasok sa pinto (DBY, 152–53).
Wala kayong kapangyarihang binyagan ang inyong sarili, ni wala kayon kapangyarihang buhaying mag-uli ang inyong sarili; hindi ninyo legal na mabibinyagan ang ibang tao para sa kapatawaran ng mga kasalanan hangga’t hindi kayo nabibinyagan ng isang tao nagtataglay ng awtoridad at maordenan kayo sa awtoridad na ito (DBY, 160).
Ang tubig ba ay may sariling kapangyarihan na mag-alis ng mga kasalanan? Tiyak na wala; ngunit sinabi ng Panginoon, “Kung magsisisi ang nagkasala ng kanyang mga kasalanan, at tutungo sa mga tubig ng pagbibinyag, at doon malilibing sa pagkakawangis ng paglibing sa lupa, at muli ay ihahango mula sa tubig, sa pagkakawangis ng pagsilang—kung taos sa puso niyang gagawin ito, ang kanyang mga kasalanan ay maaalis.” [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128: 12–13]. Mahuhugasan ba ang mga ito sa pamamagitan ng tubig lamang? Hindi; ngunit ang pagtupad sa mga kautusan ng Diyos ay lilinis sa bahid ng kasalanan (DBY, 159).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Habang nadaragdagan ang ating pang-unawa, ang ating pananagutan at responsibilidad ay nadaragdagan din.
-
Paano ipinaliwanag ni Pangulong Young ang kasalanan? (Tingnan din sa Santiago 4:17.)
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa ating responsibilidad habang nadaragdagan ang ating kaalaman tungkol sa tama at mali? (Tingnan din sa 2 Nephi 9:25–27.)
-
Ano ang dapat nating maging saloobin tungkol sa pagpapabuti ng ating buhay? (Tingnan din sa Alma 34:33.) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kaalaman, pananagutan, at responsibilidad?
Magagawa nating maging mabisa ang Pagbabayad-sala sa ating buhay sa pamamagitan ng taimtim na pagsisisi.
-
Ano ang bunga ng tunay na pagsisisi? Bakit mahalagang bahagi ng pagsisisi ang pagsunod sa mga batas ng ebanghelyo?
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa pagsisisi sa huling sandali ng buhay?
Ang binyag ay mahalagang ordenansa para sa ating kaligtasan.
-
Ano ang bahaging ginagampanan ng binyag sa paglapit kay Cristo? (Tingnan din sa Moroni 8:25–26.)
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa kung sino ang dapat at ang hindi dapat binyagan? Bakit hindi angkop na binyagan ang mga taong walang pananagutan? (Tingnan din sa Moroni 8:9–14.) Ano ang sinabi ni Pangulong Young sa mga taong may pananagutan na nagsasabing wala silang kasalanan?
-
Itinuro ni Pangulong Young na ang lahat ng ordenansa ng ebanghelyo, kabilang na ang binyag, ay kailangan para sa ating kaligtasan. Paano napagpala ng mga ordenansa ng ebanghelyo ang inyong buhay?
-
Itinuro ni Pangulong Young na ang “lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay pumapasok sa bago at walang hanggang tipan nang sila ay pumasok sa Simbahang ito.” Kapag tayo ay binibinyagan, ano ang ipinagtitipan nating gagawin? Ano ang ipinagtitipan nating hindi natin gagawin? (Tingnan din sa Mosias 18:8–10.)
-
Bakit hindi sapat ang paniniwala sa Panginoong Jesucristo at pagmamahal sa Kanya upang makapasok tayo sa pintuan ng kanyang kaharian?
-
Bakit kailangan na ang isang tao ay “maordenan … sa awtoridad na ito” upang makapagbinyag?
-
Sang-ayon kay Pangulong Young, ano ang kahalagahan at isinasagisag ng binyag? (Tingnan din sa Mga Taga Roma 6:3–6, 11; Moises 6:58–60; I Juan 5:7–8.) Ipinaliwanag ni Pangulong Young na, “ang tubig, [ay walang] sariling kapangyarihan na mag-alis ng mga kasalanan.” Ano lamang ang makalilinis sa atin mula sa kasalanan?