Kabatana 39
Hatol na Walang Hanggan
“Nakarating ako sa paniniwala,” ang pahayag ni Pangulong Brigham Young, “na hahatulan tayo alinsunod sa mga gawaing ginawa habang nabubuhay at alinsunod sa mga hangarin at layunin ng puso” (DNW, ika-17 ng Ago. 1869, 2; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 137:9). Malinaw niyang itinuro na ang bawat lalaki at babae ay makararanas ng paghuhukom na ito: “Ang bawat matalinong nilalang ay hahatulan … alinsunod sa kanyang mga gawa, pananampalataya, mga hangarin, at katapatan o kawalan ng katapatan sa harapan ng Diyos; ang bawat katangian ng kanyang pagkatao ay tatanggap ng kaukulang gantimpala o kaparusahan at hahatulan siya ayon sa batas ng langit” (DNW, ika-12 ng Set. 1860, 2).
Mga Turo ni Brigham Young
Hahatulan tayo alinsunod sa ating mga gawa, salita, iniisip, at pagtugon sa katotohanan.
Isa itong mundo kung saan natin mapatutunayan ang ating sarili. Ang buong buhay ng tao ay isang araw ng pagsubok, kung kailan maaari nating mapatunayan sa Diyos, sa ating kamangmangan, sa ating kahinaan, at kung saan naghahari ang kaaway, na tayo ay mga kaibigan ng ating Ama, at na tumatanggap tayo ng liwanag mula sa kanya at karapat-dapat na mamuno sa ating mga anak—upang maging mga panginoon ng mga panginoon, at mga hari ng mga hari—upang magkaroon ng ganap na kapangyarihan sa yaong bahagi ng ating mga mag-anak na puputungan sa kahariang selestiyal ng kaluwalhatian, kawalang kamatayan, at mga buhay na walang hanggan (DBY, 87).
Batid kong hindi magtatagal, ay darating ang araw ng paghuhukom sa inyo at sa akin, at bago maglaon ay ihihimlay na natin ang mga tabernakulong ito at magtutungo sa daigdig ng mga espiritu. At alam kong habang nakahimlay tayo, ganoon tayo mararatnan ng paghuhukom, at ito ay batay sa banal na kasulatan; “sa dakong kabuwalan ng kahoy ay doon ito mamamalagi” [tingnan sa Eclesiastes 11:3], o, sa ibang pananalita, sa pag-iwan sa atin ng kamatayan ay masusumpungan tayo ng paghuhukom (DBY, 382).
Pinagpapantay ng kamatayan ang pinakamakapangyarihang hari at ang pinakamahirap at nagugutom na pulubi; at kapwa sila kinakailangang tumayo sa harap ng luklukan ng paghuhukom ni Cristo upang panagutan ang mga ginawa natin habang nabubuhay (DBY, 445).
Paniwalain ang bawat isa ayon sa kanyang nais at pasundin sa mga paniniwala ng kanyang sariling isipan, sapagkat ang lahat ay malayang pumili at tumanggi; malaya silang maglingkod sa Diyos o magtakwil sa kanya. Mayroon tayong mga Banal na Kasulatan ng mga makalangit na katotohanan, at malaya tayong maniwala o tanggihan ang mga ito. Ngunit ihaharap tayong lahat sa paghuhukom sa harap ng Diyos dahil sa mga bagay na ito, at kinakailangan tayong magbigay-sulit sa kanya na siyang may karapatang tumawag sa atin upang magbigay-sulit sa ating mga ginawa habang nabubuhay (DBY, 67).
Ang panahon at kakayahang gumawa ang siyang puhunan ng buong sangkatauhan, at tayong lahat ay nagkakautang sa Diyos para sa kakayahang gamitin ang panahon nang kapaki-pakinabang at kakailanganin niya sa ating ang pagbibigay-sulit sa ating paggamit sa kakayahang ito (DBY, 301).
Ang mga anak ng tao ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga ginawa, maging mabuti o masama man ang mga ito. Kung puno ang mga araw ng isang tao ng mabubuting gawa, gagantimpalaan siya alinsunod dito. Sa kabilang banda, kung puno ang mga araw niya ng masasamang gawa, tatanggap siya alinsunod sa mga gawang ito. … Kailan matatanto ng mga taong ito ang yugto ng panahon kung kailan nila dapat na umpisahan ang paglalatag ng mga saligan ng kanilang kadakilaan para sa panahon at kawalang-hanggan, na ito ang panahon upang mag-isip at lumikha ng mabubuting gawa mula sa puso para sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos, kagaya ng ginawa ni Jesus (DNW, ika-13 ng Abril, 1854, 1).
Hindi lamang kakailanganin ng [Diyos] ang ating pagbibigay-sulit sa ating mga ginawa, ang ating mga salita at iniisip ay dadalhin din sa paghuhukom (DBY, 301).
Ang lahat ng nananampalataya, may tapat na puso, at lumilikha ng mga gawa ng pagkamatwid, ay siyang hinirang ng Diyos at mga tagapagmana ng lahat ng bagay. Ang lahat ng ayaw tumupad sa banal na kautusan ng Panginoon at sa mga ordenansa ng kanyang bahay ay hahatulan ayon sa kanilang mga sinalita, ipapahamak ang kanilang sarili kagaya ng ginagawa nila ngayon, ituturing na hindi karapat-dapat at hindi magkakaroon ng bahagi o parte kasama ng mga matwid (DBY, 383–84).
“Kung gayon,” wika ng isa, “kung halos tiyak na akong makatatamo ng kalagayan ng kaluwalhatian na higit na mainam kaysa rito, sa palagay ko ay hindi na kailangan pang magpakahirap upang magmana ng anumang bagay na higit pa.” Kung gayon, gawin mo ito kung nais mo, may tanging karapatan namang ganito ang bawat tao sa lupa. Ipinangaral ang Ebanghelyo, nabuhay ang kasalanan, namatay ang ilan at nakikipagtunggali ang ilan laban dito [sa ebanghelyo]—tinatanggap ito ng ilan at ayaw naman ng ilan; ngunit ito ang kasalanan ng mga tao—sinabi sa kanila ang katotohanan at tinanggihan nila ito. Ito ang kasalanan ng sanlibutan. “Naparito ang ilaw sa sanlibutan, at iniibig pa ng mga tao ang kadiliman sa kaysa ilaw, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa” [tingnan sa Juan 3:19]. Ganito ang sinabi ni Jesus noong panahon niya. Sinasabi natin, narito ang Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan, at sa bawat isang tatanggap nito, ay kaluwalhatian, karangalan, kawalang kamatayan at buhay na walang hanggan ang mapapasakanila; kung tatanggihan nila ito, nagsusugal sila (DBY, 384).
Kapag dumarating sa isang tao ang liwanag ng kaalaman ng Diyos, at tinanggihan niya ito, ito ay kanyang kahatulan (DBY, 383)
Ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan na inilatag sa ating harapan ay nilayon upang itaas tayo sa kapangyarihan at pangalagaan tayo laban sa pagkasira. Kung pipiliin natin ang salungat na landas at makibahagi sa at ipamuhay ang alituntuning humihilig sa kamatayan, nasa ating sarili ang pagkakamali. Kung hindi natin matatamo ang kaligtasang ating hinahangad, dapat nating kilalaning nakuha natin para sa ating sarili ang bawat gantimpala na nararapat sa atin dahil sa ating mga gawa, at na kumilos tayo ayon sa kalayaang pumili na ipinagkaloob sa atin, at hahatulan batay sa ating mga salita, kung tayo man ay bibigyang katwiran o isusumpa (DNW, ika-17 ng Ago. 1859, 1).
Hahatulan tayo batay sa pamumuhay natin ayon “sa pinakamainam na liwanag na mayroon [tayo].”
Lumalabas para sa akin, sapul pa sa aking pagkabata hanggang sa ngayon, na kalokohan, na pag-usapan ang mga nananahan sa sanlibutan na nawala nang di na mapapanauli—na pag-usapan ang aking ama at ina, at ang sa inyo, o ang ating mga ninuno, na namuhay nang matapat alinsunod sa pinakamainam na liwanag na mayroon sila; ngunit dahil hindi sila nagkaroon ng walang katapusang tipan at ng banal na pagkasaserdote sa kanilang kalipunan, ay dapat na silang mapunta sa impiyerno at masunog roon nang walang hanggan. Isa itong kalokohan para sa akin; noon pa man, at sa hinaharap (DBY, 384).
Kinakailangang mabatid ng isang lalaki o babae ang mga daan ng Diyos bago sila maging hindi maka-diyos. Maaari maging makasalanan ang mga tao, maaaring maging di matwid, maaaring maging masama, na kailanman ay hindi napakinggan ang plano ng kaligtasan, na hindi man lamang nalaman ang kasaysayan ng Anak ng Diyos, o napakinggan ang pangalan ng Tagapagligtas, at, marahil, ang kasaysayan ng kanyang buhay habang naririto sa lupa, ngunit naturuang di manampalataya sa pamamagitan ng kanilang tradisyon at edukasyon; ngunit upang maging hindi maka-diyos, sa isang mahigpit na pagpapakahulugan sa salitang ito, kinakailangan nilang maunawaan nang may kalawakan ng pagiging diyos (DBY, 384).
Kung ang mortalidad ang pag-uusapan, milyun-milyong nananahan sa sanlibutan ang namumuhay alinsunod sa pinakamainam na liwanag na mayroon sila—alinsunod sa pinakamainam na kaalaman na sumasakanila. Madalas kong sabihin sa inyo na tatanggap sila alinsunod sa kanilang mga gawa; at ang lahat, na namumuhay alinsunod sa pinakamainam na mga alituntuning pinanghahawakan nila, o nauunawaan nila, ay tatanggap ng kapayapaan, kaluwalhatian, kaginhawaan, kagalakan at isang putong na malayong higit sa kanilang inaasam. Hindi sila mawawala (DBY, 384).
Kung [ang mga tao] ay may batas, hindi mahalaga kung sinuman ang gumawa nito, at ginagawa nila ang pinakamainam na nalalaman nila, magkakaroon sila ng kaluwalhatian na higit pa sa inyong iniisip, sa anumang pagsasalarawang maibibigay ko; hindi ninyo maiisip ang pinakamaliit na bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos na inihanda para sa kanyang mga nilalang, ang likha ng kanyang mga kamay (DBY, 385).
Sinasabi ko sa bawat saserdote sa balat ng lupa, hindi mahalaga sa akin kung sila ay Kristiyano, Pagano o [Muslim], na dapat kayong mamuhay alinsunod sa pinakamainam na liwanag na mayroon kayo; at kung gagawin ninyo ay matatanggap ninyo ang lahat ng kaluwalhatian na inyong inaasam (DBY, 384–85).
Ang lahat maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan ay magmamana sa huli ng isang kaharian ng kaluwalhatian.
Ang mga disipulo ni Cristo ay magsisipanahan kasama siya. Saan mapupunta ang iba? Sa mga kahariang inihanda para sa kanila, kung saan sila titira at mananatili. Dadalhin ni Jesus, sa pamamagitan ng kanyang sariling pagtubos, ang bawat anak na lalaki at babae ni Adan, maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan, na itatapon sa impiyerno. Pagdurusahan ng iba ang matinding galit ng Diyos—pagdurusahan ang lahat ng maaaring hingin ng Panginoon mula sa kanilang mga kamay, o ang hingin ng katarungan mula sa kanila; at kung mapagdusahan na nila ang matinding galit ng Diyos hanggang sa mabayaran ang bawat kusing, palalayain sila mula sa kulungan. Ito ba ay mapanganib na doktrina upang ipangaral? Itinuturing ng iba na mapanganib ito; ngunit totoong ang bawat tao na hindi nagkakasala upang mapalayo sa pagpapala, at maging anghel ng Diyablo, ay dadalhin upang magmana ng isang kaharian ng kaluwalhatian (DBY, 382).
Higit na marami ang mapapatunayang matapat kaysa sa mga magsisitalikod sa katotohanan. Ang isang uri ng mga taong ito ay mapupunta sa kahariang selestiyal, samantalang ang iba ay hindi makapapasok doon, sapagkat hindi nila kayang manatili sa batas na selestiyal, ngunit matatamo nila ang isang kaharian kagaya ng kanilang hinangad at minithi sa kanilang buhay (DBY, 383).
Ang lahat ng magkakaibang kaluwalhatiang ito ay inorden upang iakma sa mga kakayahan at kalagayan ng mga tao (DNW, ika-13 ng Ago. 1862, 2).
Nababasa natin sa Biblia na may isang kaluwalhatian ang araw, at ibang kaluwalhatian ang buwan, at ibang kaluwalhatian ang mga bituin [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 15:40–42]. Sa aklat ng Doktrina at mga Tipan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76], tinatawag ang mga kaluwalhatiang ito na telestiyal, terestriyal, at selestiyal na siyang pinakamataas. Ang mga ito ay mga daigdig, iba’t ibang bahagi, o mga mansiyon, sa bahay ng ating Ama. Ngayon, yaong mga lalaki, o yaong mga babae, na walang nalalaman tungkol sa kapangyarihan ng Diyos, at sa impluwensiya ng Espiritu Santo, kundi ang ganap na pamamahala ng isang tao, na isinasantabi ang kanilang sariling pagkaunawa, at idinikit ang kanilang pananampalataya sa pananampalataya ng iba, ay hindi kailanman makakayanang pumasok sa kaluwalhatiang selestiyal, at maputungan kagaya ng inaasahan nila; hindi nila kailanman makakayanang maging mga Diyos. Hindi nila mapamamahalaan ang kanilang sarili, at huwag nang pag-usapan pa ang pamamahala sa iba, bagkus ay kinakailangan silang pagsabihan sa lahat ng maliliit na bagay, kagaya ng bata. Hindi nila masupil ang sarili nang bahagya man, bagkus kinakailangang supilin sila ni Santiago, Pedro, o ng iba pa; Hindi sila kailanman magiging Diyos, ni maputungan bilang namumuno ng kaluwalhatian, kawalang kamatayan, at mga buhay na walang hanggan. Hindi sila makapamumuno nang may kaluwalhatian, kamaharlikahan, at kapangyarihan sa kahariang selestiyal. Sino ang makagagawa nito? Yaong magigiting at pinasigla ng tunay na kalayaan ng langit, na hahayong may katapangan sa paglilingkod sa kanilang Diyos, na hinahayaan ang ibang gumawa kung ano ang naisin nila, na nakapagpasiyang gumawa ng tama, bagama’t ang buong sangkatauhan ay tumatahak sa kasalungat na landas (DBY, 382–83).
Kung ang masasama, sa kanilang mga kasalanan, sa pangangailangang maglakad patungo sa kinaroroonan ng Ama at Anak, ay maglakad nang kakapit-kamay kasama ang yaong mga nananampalatayang maliligtas ang lahat—na wala ni isa mang iiwan si Jesus, ang kanilang kalagayan ay magiging higit na masakit at di makakayanan kaysa manahan sa dagatdagatan ng apoy at asupre. Ang doktrinang batay sa tadhana ay nagtatalaga sa impiyerno sa sanggol na wala pang isang dangkal ang haba, samantalang ang nakikiapid, nagpapatutot, magnanakaw, sinungaling, bulaang saksi, mamamatay-tao, at iba pang karumal-dumal na mga tao, kung magsisisi lamang sila sa bitayan o sa banig ng kamatayan, ayon sa nasabing doktrina, ay pilit mapupunta sa kinaroroonan ng Ama at Anak, na kung mapapasok nila, ay magiging impiyerno para sa kanila (DBY, 385).
Ang parusa ng Diyos ay katulad ng Diyos. Mananatili ito magpakailanman, sapagkat hindi magkakaroon ng panahon kung kailan hindi sila nasa kapahamakan, at nararapat na palaging may impiyerno kung saan sila ipadadala. Kung gaano katagal mananatili sa impiyerno ang mga napahamak, ay hindi ko batid, ni ang antas ng paghihirap na kanilang tinitiis. Kung maaari nating matuos, sa pamamagitan ng anumang paraan, ang kasamaang kanilang nagawa, maaari nating mapiho ang laki ng paghihirap na kanilang matatanggap. Tatanggap sila ayon sa mga gawa nila habang nasa katawan pa. Walang hanggan ang parusa ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ang taong masama ay mananatiling walang hanggan sa isang kalagayan ng pagpaparusa (DBY, 383).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Hahatulan tayo alinsunod sa ating mga gawa, salita, iniisip, at pagtugon sa katotohanan.
-
Itinuro ni Pangulong Young na “ang buong buhay ng tao ay isang araw ng pagsubok.” Ano ang dapat nating “mapatunayan sa Diyos” sa buhay natin sa mundo?
-
Saan tayo pananagutin sa araw ng paghuhukom? (Tingnan din sa Alma 12:14; 41:3.)
-
Sino ang mga hinirang ng Diyos?
-
Sinabi ni Pangulong Young na tayo ay “hahatulan batay sa ating mga salita.” Paano natin malalaman kung “[tayo ay] bibigyang katwiran o isusumpa”?
-
Itinuro ni Pangulong Young na hahatulan tayo alinsunod sa ating paggamit ng ating panahon. Bakit napakahalaga ang paggamit natin ng panahon? Paano ninyo hahatulan ang inyong paraan ng paggamit ng panahon sa ngayon? Anu-ano ang inyong natutuhan mula sa mga ibang kasapi sa Simbahan, kaibigan, at kapitbahay tungkol sa wastong paggamit ng panahon?
Hahatulan tayo batay sa pamumuhay natin ayon “sa pinakamainam na liwanag na mayroon [tayo].”
-
Anu-anong katayuan o kalagayan sa buhay ng mga tao ang magpapagaan sa mga paghahatol ng Panginoon tungkol sa kanila? Paano natin magagamit ang alituntuning ito sa paraan ng ating pagturing sa mga taong ang pananampalataya ay iba kaysa atin?
-
Ayon kay Pangulong Young, sa anong batayan tatanggap ang mga tao sa susunod na buhay ng “kapayapaan, kaluwalhatian, kaginhawaan … na malayong higit sa kanilang inaasam”?
Ang lahat maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan ay magmamana sa huli ng isang kaharian ng kaluwalhatian.
-
Bakit ang masasamang namatay sa kanilang mga kasalanan ay hindi makakayanang manahan kasama ng Ama at ng Anak? (Tingnan din sa Mormon 9:3–4; Doktrina at mga Tipan 88:22.)
-
Sinabi ni Pangulong Young na ang mga anak ng Ama sa Langit ay “makatatamo ng isang kaharian kagaya ng kanilang hinangad at minithi sa kanilang buhay” Paano natin malalaman kung namumuhay tayong karapat-dapat sa pagtatamo ng kahariang ating hinahangad?
-
Itinuro ni Pangulong Young na ang lahat ng tao maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan ay magmamana sa huli ng isang kaharian ng kaluwalhatian. Ano ang itinuturo nito sa inyo hinggil sa pamimintuho ng Ama sa katarungan at habag? Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa kanyang pag-ibig sa kanyang mga anak?