Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Ang Impluwensiya ng Espiritu Santo


Kabanata 10

Ang Impluwensiya ng Espiritu Santo

Sinabi ni Pangulong Brigham Young na:“Kapag nakakikita ako ng taong walang kahusayan sa pagsasalita, o mga talento sa pagsasalita sa harap ng madla, na nakapagsasalita lamang ng, ‘Alam ko, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay Propeta ng Panginoon,’ ay binibigyang-liwanag ng Espiritu Santo na nagmumula sa taong iyon ang aking pang-unawa, at ang liwanag, kaluwalhatian, at imortalidad ay nasa harapan ko.” Sinabi niya na siya ay napapalibutan at napupuspos ng mga ito, at alam niya sa kanyang sarili na ang patotoo ng taong ito ay totoo (DNW, ika-9 ng Peb. 1854, 4). Itinuro ni Pangulong Young na ang Espiritu Santo ay “natatanging kaloob ng Ama” (DBY, 160), na ibinibigay ayon sa ating katapatan, at maaaring magturo sa atin ng lahat ng bagay at umakay sa atin sa kaganapan.

Mga Turo ni Brigham Young

Ang Espiritu Santo ay kaloob mula sa Diyos na tinatamasa natin ayon sa karunungan ng Diyos at ating katapatan.

Upang maunawaan ang unang mga alituntunin ng Ebanghelyo—upang tunay na maunawaan ang mga ito, kailangang magkaroon ang tao ng karunungan na nagmumula sa itaas; kailangan siyang mabigyang-liwanag ng Espiritu Santo; ang kanyang isipan ay kailangang bukas at handang tumanggap ng pangitain o paghahayag; kailangang tinatamasa niya mismo ang mga pagpapala ng kaligtasan, upang kanyang maibahagi ang mga ito sa iba (DBY, 152).

Ano ang kailangan nating gawin kapag inabot na natin ang gulang ng pananagutan? Kinakailangan nating, dahil ito ay itinatag sa langit, na ang pinagmulan ay hindi natin masabi, dahil sa simpleng dahilan na ito ay walang simula, ito ay mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalanghanggan— kailangan nating lumusong sa tubig ng pagbibinyag. Narito ang isang bukal o elemento, karaniwan sa kadalisayan ng kawalang-hanggan. Lumusong sa tubig, at doon ay mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at pagkatapos ay ipapatong ang mga kamay sa ating ulo upang pagtibayin tayong mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkatapos ay tanggapin ang Espiritu ng Katotohanan, o ang Espiritu Santo (DBY, 159).

Sa Bagong Tipan at Aklat ni Mormon, natutunan natin na kapag ang Ebanghelyo ay ipinangangaral ang mga tao ay tinuturuang maniwala sa Panginoong Jesucristo, magsisi ng kanilang mga kasalanan, magpabinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, at tanggapin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay; ang Espiritu Santo ay natatanging kaloob ng Ama at ang kanyang ministro. Siya ay nagbibigay rin ng katalinuhan sa pamamagitan ng mga anghel, gayon din sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga isipan ng mga Banal upang mamalas sa pangitain ang mga bagay gaya ng nasa kawalanghanggan. Kapag nagturo ng tunay na mga doktrina, maging bago man ito sa mga nakaririnig, gayunpaman ang mga alituntuning napapaloob dito ay ganap na likas at madaling maunawaan, kaya nga inaakala ng mga nakaririnig na batid na nila ito noon pa man. Nangyayari ito dahil sa impluwensiya ng Espiritu ng Katotohanan sa diwa ng katalinuhan na nasa bawat tao [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:15]. Ang impluwensiyang nagmumula sa langit ay nagtuturo sa mga anak ng tao sa lahat ng oras (DBY, 160).

Ibinibigay ang mga kaloob ng Ebanghelyo upang palakasin ang pananampalataya ng mga naniniwala (DBY, 161).

Naniniwala kami na may karapatan kami sa kaloob na Espiritu Santo … ayon sa pagpapasiya at karunungan ng Diyos at ating katapatan; ang kaloob na nagpapaalala sa amin ng lahat ng bagay, sa nakaraan, kasalukuyan, at sa darating, na kailangan naming malaman, hanggang sa handang tanggapin ng aming isipan ang kaalaman ng Diyos na ipinahayag ng pinakamarunong na Kinatawang iyon. Ang Espiritu Santo ay ministro ng Diyos, at sinugo upang dalawin ang mga anak na lalaki at anak na babae ng tao. Lahat ng matalinong nilalang sa mundong ito ay tinatagubilinan mula sa iisang pinanggalingan (DBY, 160–61).

Ang pakikinig at pagkilos ayon sa panghihimok [pagpaparamdam] ng Espiritu Santo ay aalay sa atin patungo sa kaganapan.

Sa aking kaalaman, kung inyong susundin ang mga turo ni Jesucristo at ng kanyang mga Apostol, tulad ng nakatala sa Bagong Tipan, bawat lalaki at babae ay tataglayin ang Espiritu Santo. … Malalaman nila ang mga bagay na nangyayari, mangyayari, at nangyari na. Mauunawaan nila ang mga bagay sa langit, mga bagay sa lupa, at mga bagay sa ilalim ng lupa, mga bagay sa panahong ito, at mga bagay ng kawalang-hanggan, ayon sa kanilang iba’t-ibang tungkulin at kakayahan (DBY, 161).

Kung nais ninyong malaman ang isipan at kalooban ng Diyos, … kunin ito, pribilehiyo din ninyo ito tulad ng sinumang ibang kasapi ng Simbahan at Kaharian ng Diyos. Pribilehiyo at tungkulin ninyong mamuhay nang gayon na lamang upang malaman ninyo ang salita ng Panginoon kapag ito ay winika sa inyo at kapag ang isipan ng Panginoon ay ipinahayag sa inyo. Sinasabi ko sa inyo na tungkulin ninyong mamuhay nang gayon na lamang upang inyong malaman at maunawaan ang lahat ng bagay na ito (DBY, 163).

Kaya’t mamuhay nang ayon sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos, sa pamamagitan ng mga taong kanyang hinirang dito sa lupa, hanggang sa tayo ay maging ganap (DBY, 159).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang Espiritu Santo ay kaloob mula sa Diyos na tinatamasa natin ayon sa karunungan ng Diyos at ating katapatan.

  • Ano ang kailangang taglayin ng tao upang “tunay na maunawaan” ang unang mga alituntunin ng ebanghelyo? Bakit? (Tingnan din sa Isaias 55:8–9.)

  • Sang-ayon kay Pangulong Young, “kapag ipinangangaral ang Ebanghelyo” ay ano ang itinuturo sa mga tao? Ano ang kabuluhan sa inyong buhay ng mga pagpapalang natamo mula sa pagtuturo sa inyo ng ebanghelyo?

  • Ano ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa inyong buhay? Bakit ginagawa ng impluwensiya ng Espiritu Santo na tila pamilyar sa atin ang mga bagong doktrina? Paano ninyo masasabi kung ang mga damdamin, ideya, at kutob ay mula sa inyong sariling puso at isipan o mula sa Espiritu Santo?

  • Sang-ayon kay Pangulong Young, hanggang saan tayo may “karapatan sa kaloob na Espiritu Santo”? Ano ang mga panganib ng pamumuhay nang walang impluwensiya ng Espiritu Santo o sa ilalim ng impluwensiya ng kaalamang hindi maka-diyos?

  • Ano ang mga bagay na sinabi ni Pangulong Young na maaaring malaman natin sa tulong ng Espiritu Santo? Ano ang responsibilidad natin sa pagtatamo ng ganitong mga kaalaman? Ano ang ating responsibilidad sa sandaling matamo na natin ang kaalamang ito?

Ang pakikinig at pagkilos ayon sa panghihimok [pagpaparamdam] ng Espiritu Santo ay aakay sa atin patungo sa kaganapan.

  • Paano natin malalaman ang “isipan at kalooban ng Diyos”? Bakit mahalagang malaman ito? Anong mga pagpapala ang nanggaling mula sa paghahanap at pagsunod sa panghihimok [pagpaparamdam] ng Espiritu Santo at sa mga hinirang na tagapaglingkod ng Diyos?

  • Ano ang mga naging karanasan ninyo o ng iba na nakatutulong sa inyong maniwala na matutulungan kayo ng Espiritu Santo na maunawaan at sundin ang isipan at kalooban ng Diyos sa inyong pangaraw- araw na buhay? (Tingnan din sa 1 Nephi 22:2 at 2 Nephi 32:2–3.)

woman receiving gift of Holy Ghost

Itinuro ng Pangulong Young na ang kaloob na Espiritu Santo ay “magpapaalala sa atin ng lahat ng bagay … na kailangan nating malaman” para sa ating kaligtasan (DBY, 160).