Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Paggalang sa Sabbath at sa Sakramento


Kabanata 21

Paggalang sa Sabbath at sa Sakramento

Isang araw pagkaraan ng pagdating ng kampo ng tagabunsod sa Lambak ng Salt Lake, nagbigay ng maikling pananalita si Pangulong Brigham Young sa kanila ukol sa pangingilin sa araw ng Sabbath. Sila ay may ilang na lilinangin, mga pananim na itatanim, at iba pang kinakailangan gawaing dapat harapin sa panahong iyon, sinabi niya sa “mga kapatid na hindi sila dapat gumawa sa araw ng Linggo, na [kung gagawa sila] mawawala ng limang ulit kung anuman ang kanilang tutubuin sa paggawa sa araw na ito, at hindi rin sila dapat mangaso sa araw na ito.” Sinabi rin niya na “magkakaroon ng pulong bawat Linggo sa lugar na ito o saan man tayo hihimpil” (WWJ, ika-25 ng Hul. 1847). Tuwinang pinapaalalahanan ni Pangulong Young ang mga Banal na panatilihing banal ang Sabbath ”bilang pag-alaala sa ating Diyos at sa ating banal na relihiyon” (DBY, 165).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay nagdudulot ng mga pagpapalang temporal at espirituwal.

Kunin ang aklat na ito (ang aklat ng Doktrina at mga Tipan) at mababasa ninyo rito na ang mga Banal ay dapat magtipun-tipon sa araw ng Sabbath [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–16]. … Ang mga taong ito na tinawag na Banal sa mga Huling Araw, ay kinailangan, alinsunod sa mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon, na magtipun-tipon sa araw na ito. Sa kautusang ito kinailangan tayong magkitang sama-sama at magsisi sa ating mga kasalanan at magsabi ng ating mga kasalanan at kumain ng [sakramento] bilang paggunita sa kamatayan at pagpapakasakit ng ating Panginoon at Tagapagligtas (DBY, 164).

Kapag nagsasama-sama ang mga tao upang sumamba dapat nilang iwan ang mga alalahanin sa mundo, kung magkagayon ang kanilang isipan ay nasa tamang kalagayan upang magsamba sa Panginoon, upang tawagin siya sa pangalan ni Jesus, at upang makuha ang kanyang Banal na Espiritu, nang kanilang marinig at maunawaan ang mga bagay sa kawalang-hanggan, at malaman kung paano mauunawaan ang kalooban ng Diyos. Ito ang oras na ang kanilang mga isipan ay dapat bukas, upang mamasdan ang mga dinakikitang bagay ng Diyos, na kanyang ipinahahayag sa pamamagitan ng kanyang Espiritu(DBY, 167).

Dapat ay tahimik ang lahat ng tao kapag nagtitipon tayo rito upang sumamba sa Diyos. Alalahanin at sikaping maging ganap na tahimik, huwag magbubulungan, mangag-uusap, ni kaladkarin ang inyong mga paa (DBY, 167–68).

Sa pamamagitan ng pagtalikod sa ating mga bukid sa maikling panahon, upang magtipun-tipon, upang sumamba sa ating Diyos, tinitiyak ko sa inyo ang inyong mga pananim ay higit na magiging maganda kaysa kung ibubuhos ninyong lahat ang inyong oras sa inyong mga bukid. Maaari tayong magdilig at magtanim at gumawa, ngunit hindi natin dapat kalimutan na ang Diyos ang nagpapalago ng mga pananim; at sa pamamagitan ng pagpupulong nang sama-sama, ang ating kalusugan at espiritu ay higit na mapabubuti, magiging higit na maayos ang ating hitsura, at ang mga bagay sa daigdig na ito ay uunlad sa paligid natin, at malalaman natin kung paano higit na tatamasahin ang mga ito (DBY, 167).

Dapat nating ipangilin [ang Sabbath] para sa ating temporal na kabutihan at kagalingang espirituwal. Kapag nakakikita tayo ng isang magsasaka na nagmamadali, na kailangan niyang asikasuhin ng kanyang pag-aani at pag-iimbak ng dayami, paggawa ng bakod, o pagtitipon ng kanyang mga baka sa araw ng Sabbath, sa ganang akin, ibibilang ko siyang isa sa mga may mahinang pananampalataya. Humigit-kumulang ay nawala niya ang diwa ng kanyang relihiyon. Sapat na ang anim na araw sa atin upang gumawa [tingnan sa Exodo 20:9–11], at kung nanaisin nating maglaro, maglaro sa loob ng anim na araw; kung nais nating mageskursiyon, gamitin ang isa sa anim na araw na iyon, ngunit sa ikapitong araw, pumunta sa lugar ng pagsamba (DBY, 165).

Sa halip na gumawa sa araw ng Sabbath, … dapat tayong gumawa nang kaunti lamang; kung kinakailangang magluto ng pagkain, gawin ito; ngunit kung maiiwasan ito, mas mabuti. Tungkol naman sa pagpapanatili ng Sabbath ayon sa batas ni Moises, sa katunayan ay hindi ko ito ginagawa; dahil hindi ito abot ng aking kakayahan. Gayon pa man, sa ilalim ng bagong tipan,, dapat nating panatilihing banal ang isang araw sa isang linggo bilang araw ng pahinga—bilang pag-alaala sa pagpapahinga ng Panginoon at ng pagpapahinga ng mga Banal; gayon din para sa ating temporal na kapakinabangan, dahil ito ay itinatag para sa ikabubuti ng tao. Nasusulat sa aklat na ito (ang Biblia), na ang Sabbath ay ginawa dahil sa tao. Ito ay pagpapala para sa kanya. Dahil kaunti lamang ang dapat gawin sa araw na ito; dapat itong italaga bilang araw ng pamamahinga, upang magtipuntipon sa lugar na itinalaga, ayon sa paghahayag [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:10–12], ipagtapat ang ating mga kasalanan, dalhin ang ating mga ikapu at handog, at humarap sa ating Panginoon (DBY, 164).

Ngayon, tandaan, aking mga kapatid, ang mga nag-iisketing, sumasakay sa mga karwahe upang magliwaliw, o pumupunta sa mga pasyalan sa araw ng Sabbath—napakaraming gumagawa nang ganito—sila ay mahina sa pananampalataya. Baha-bahagya, at unti-unting nawawalay sa kanilang mga puso at damdamin ang diwa ng kanyang relihiyon, at hindi magtatagal, mag-uumpisa silang makakita ng mga kamalian sa kanilang mga kapatid, mga kamalian sa mga doktrina ng Simbahan, mga kamalian sa samahan, at sa wakas ay lilisanin nila ang Kaharian ng Diyos at hahantong sa kapahamakan. Talagang nais kong matandaan ninyo ito, at sabihin ito sa inyong mga kapwa (DBY, 165).

Mahirap o mayaman man tayo, kung pinababayaan natin ang ating mga panalangin at ang ating mga pulong sakramento, pinababayaan natin ang Espiritu ng Panginoon, at isang espiritu ng kamangmangan ang sumasaklaw sa atin (DBY, 170).

Nasa ilalim tayo ng pangangailangang magtipun-tipon dito bawat araw ng Sabbath, at sa mga pagpupulong ng Purok, … upang magturo, magsalita, magdasal, umawit, at magtagubilin. Para anong dahilan? Upang mapanatili tayo sa pag-aalaala sa ating Diyos at sa ating banal na relihiyon. Kinakailangan ba ang kaugaliang ito? Oo; sapagkat madali tayong makalimot—madali tayong maligaw, kung kaya’t kailangan nating marinig sa ating mga tainga ang Ebanghelyo nang isa, dalawa, o tatlong ulit sa isang linggo, o, masdan, muli tayong babalik sa ating mga sinasambang bagay (DBY, 165).

Nagpunla sa atin ang Panginoon ng kabanalan; at ang banal at walang kamatayan na espiritung iyon ay kailangang pakanin. Masasagot ba ng pagkaing matatagpuan sa mundo ang pangangailangang ito? Hindi; mapapanatili lamang nitong buhay ang katawang ito hangga’t pumipisan dito ang espiritu, na nagbibigay sa atin ng pagkakataong gumawa nang mabuti. Ang kabanalang sumasaatin ay nangangailangan ng pagkain mula sa Bukal kung saan ito nanggaling. Hindi ito sa lupa, o makalupa, bagkus ay mula sa langit. Mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, ng Diyos at pagkamakadiyos, ang siyang tanging makapagpapakain sa walang kamatayang kakayahan ng tao at makapagbibigay ng tunay na kasiyahan (DBY, 165).

Ang pagpunta sa Tabernakulong ito upang sumamba at gawin ang kalooban ng Diyos sa loob ng isang araw sa isang linggo, at sundan ang ating mga hilig at gawin ang ating sariling kalooban sa iba pang mga araw, ay isang kalokohan; wala itong kabuluhan, at isang tahasang pagkutya sa paglilingkod sa Diyos. Dapat nating gampanan ang kalooban ng Diyos, at gugulin ang lahat ng ating panahon para sa ikatutupad ng kanyang mga layunin, nasa Tabernakulo man tayo o saan pa mang lugar (DBY, 166).

Ang Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, at Sabado ay kinakailangang iukol para sa kaluwalhatian ng Diyos, kagaya rin ng Linggo, kundi ay hindi natin matatamo ang layuning hinahabol natin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:11] (DBY, 166).

Nagkakatipon tayo upang magpalakas at palakasin.

Sa araw na ito [sa Sabbath] ay nagagawa nating magkatipon at magsalita sa isa’t isa, upang palakasin at gawan nang mabuti ang bawat isa (DBY, 167).

Habang may tanging karapatan tayong makapagsalita sa isa’t isa, magsalita tayo ng mga katagang magbibigay ng ginhawa at aliw. Kung kinakasihan kayo ng Espiritu ng kabanalan at kadalisayan, paliwanagin ang inyong ilaw, ngunit kung kayo ay sinusubok at tinutukso at sinasaktan ni Satanas, sarilinin ang inyong mga iniisip—itikom ang inyong mga bibig; sapagkat ang pagsasalita ay maaaring magbunga ng mabuti o masama (DBY, 166).

Kung [ang isang tao] ay sinisimulan o tinatapos ang isang pagtitipon sa pamamagitan ng pagdarasal, ang bawat lalaki, babae, at bata sa kongregasyon na nagpapahayag na Banal siya ay hindi dapat na magkaroon ng hangarin o mga kataga sa kanilang puso at bibig maliban sa mga yaong ipinagdarasal ng [taong] siyang tagapagsalita para sa buong kongregasyon (DBY, 170).

Kung mayroon man sa inyong nagsasabing walang sigla sa inyong mga pagtitipon, kagaya ng paminsan-minsang kong naririnig na sinasabi ng mga kapatid, samakatwid ay tungkulin ninyong dumalo at bigyang sigla ang pagtitipong yaon, at gampanan ang inyong bahagi upang magkaroon ng karagdagang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos sa mga pagtitipon sa inyong pook (DBY, 170).

Gagamitin ko ang kalayaang magmungkahi sa mga kapatid na nagsasalita sa kongregasyon, na ang ating mga sermon ay dapat na maikli, at kung hindi sila naglalaman ng kasiglahan at diwa, paikiliin ang mga ito, sapagkat wala tayong panahon sa Pagpupulong na ito upang mapayagan ang lahat ng Elder na nagsasalita na mangaral nang mahabang sermon, ngunit may panahon tayo upang makabigkas ng ilang salita sa pagbibigay patotoo, sa pagbibigay ng ilang salita ng pagpapayo upang palakasin ang loob ng mga Banal, sa pagpapalakas ng mahina, at sa pagsusumikap na pagtibayin ang mga yaong nag-aatubili, at sa pagsusulong ng Kaharian ng Diyos (DBY, 167).

Mga kapatid na lalaki at babae, may isa akong pakiusap sa inyo. Kung magsasalita kayo, magsalita nang naririnig at nauunawaan namin kayo. … Kung wala kayong sasabihin, sundin ang payo ko, at manatiling nakaupo. Kung mayroon kayong anumang sasabihin, sabihin ito; at kung matapos na, huminto. Pamahalaan at supilin ang inyong mga damdamin sa pamamagitan ng mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, na siyang dapat na ginagawa ng mga anak ng Diyos, na kinalulugdan ang katotohanan at pagkamatwid (DBY, 167).

Ang pinakadakila kong minimithi sa aking Amang Diyos ay ang makapagsalita ako na magiging katanggap-tanggap sa kanya ang aking mga pangungusap at kapakipakinabang sa mga yaong nakikinig sa akin (DBY, 168).

Kapag nahihirapan akong magsalita sa isang kongregasyon, aking … hinihiling sa Diyos na aking Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, na pagkalooban ako ng kanyang Espiritu, at ilagay sa aking puso ang mga bagay na nais niyang sabihin ko (DBY, 168).

Kinakailangan ko ang pansin ng kongregasyon at ang pananampalataya ng mga may pananampalataya; kinakailangan ko ang karunungan ng Diyos at ang kanyang Espiritu na napasaaking puso upang makapagsalita ako para sa ikapagpapatibay ng mga tao. Bagamat naging tagapagsalitang pangmadla ako sa loob ng tatlumpu’t pitong taon, madalang na tumayo ako sa harap ng isang kongregasyon nang di nakadarama ng pagkahiyang tulad ng sa bata; kung tumanda akong katulad ni Matusalem, hindi ko alam kung mawawala sa akin ito. May mga dahilan kung bakit ganito at nauunawaan ko ito. Kung tinitingnan ko ang mga mukha ng matalinong mga nilalang, nakikita ko ang larawan ng Diyos na aking pinaglilingkuran. Wala sa kanilang hindi nagtataglay sa kanilang sarili ng isang tiyak na bahagi ng kabanalan; at bagamat nababalutan tayo ng mga katawan na nasa wangis ng ating Diyos, gayunman ay nanliliit ang mortalidad na ito sa harap ng bahaging iyon ng kabanalan na mana natin mula sa ating Ama. Ito ang sanhi ng aking pagkahiya (DBY, 168).

Sa pagsasalita sa isang kongregasyon, bagamat ang tagapagsalita ay hindi makabigkas nang higit sa kalahating dosenang pangungusap, at ang mga ito ay saliwa ang pagkakabalangkas, kung dalisay ang kanyang puso sa harapan ng Diyos, ang mga ilang putul-putol na pangungusap ay may higit na halaga kaysa pinakadakilang kahusayan sa pananalita na wala ang Espiritu ng Panginoon at may higit na tunay na halaga sa paningin ng Diyos, sa mga anghel, at sa lahat ng mabuting tao. Sa pagdarasal, bagamat ang mga kataga ng isang tao ay iilan at saliwa ang pagkakabigkas, kung dalisay ang puso sa harapan ng Diyos, ang panalanging iyon ay makatatamo ng higit na pagpapala kaysa kahusayan sa pananalita ni Cicero [isang mananalumpating Romano noong unang siglo bago isilang si Cristo]. Ano ang pakialam ng Panginoon, na Ama nating lahat, sa paraan ng ating pagpapahayag? Ang payak at tapat na puso ay may higit na bisa sa Panginoon kaysa kagarbuhan, kapalaluan, karangyaan, at kahusayan sa pananalita na nagagawa ng tao. Kung nakikita niya ang isang pusong puspos ng katapatan, karangalan, at payak tulad ng sa bata, namamalas niya ang isang alituntuning mananatili magpakailanman—”Iyan ang diwa ng aking kaharian—ang diwang ibinigay ko sa aking mga anak” (DBY, 169).

Naniniwala akong tungkulin natin na tularan ang lahat ng bagay na mabuti, maganda, kagalang-galang at kapuri-puri. Dapat nating tularan ang pinakamahusay na mga tagapagsalita, at mag-aral upang maiparating ang ating mga kuru-kuro sa bawat isa sa pinakamainam at pinakapiling salita, lalo na kung ipinamamahagi natin ang mga dakilang katotohanan ng Ebanghelyo ng kapayapaan sa mga tao. Karaniwan kong ginagamit ang pinakamainam na salita na kaya ko (DBY, 169).

[Gayunman,] ay naniniwala ako … na kung mayroon ako ng lahat ng kadalubhasaan sa wika na natamo ng mga pantas, higit na kalulugdan ng aking puso ang isang pag-uusap na parang sa bata, at ito rin, sa isang payak na salita, kaysa pinakamahusay na paraang pampanitikan. Ang isang payak, malinaw na paraan ng pagpapahayag ng mga kuru-kuro ang pinakakalugud-lugod sa akin (DBY, 169).

Itinakda ang araw ng ayuno upang makatulong sa nangangailangan at mapalakas ang mga patotoo.

Batid ninyong ang unang Huwebes ng bawat buwan [ngayon ay sa unang Linggo] ay itinatakda nating araw ng ayuno. Ilan sa naririto ang nakaaalam sa pinagmulan ng araw na ito? Bago ibinayad ang ikapu, ang mahihirap ay tinulungan sa pamamagitan ng mga ambag. Pumunta sila kay Joseph at humingi ng tulong, sa Kirtland, at sinabi niyang dapat na magkaroon ng araw ng ayuno, na napagkasunduan. Gaganapin ito minsan sa isang buwan, kagaya sa ngayon, at ang lahat ng kakainin sana sa araw na iyon, harina, karne, o mantikilya, o prutas, o anuman, ay dadalhin sa pulong-ayuno at ipagkakatiwala sa taong napili para sa layuning pangalagaan ang mga ito at ipamahagi sa mahihirap (DBY, 169).

Sa ating mga pagtitipon sa araw ng ayuno, nagtitipon ang mga Banal upang ipahayag ang kanilang mga damdamin at upang palakasin ang bawat isa sa kanilang pananampalataya sa banal na Ebanghelyo (DBY, 169).

Hindi ba kayo nakatatanggap nang sapat na diwa ng katalinuhan, diwa ng kaalaman, at mga mapang-aliw na impluwensiya ng Espiritu Santo, sa pagkakaroon ng mga taong tatayo at magpapatotoo sa mga bagay ng Diyos na kanilang nababatid, ng yaong mga bagay na naranasan nila mismo? Hindi ba nito inihahatid nang malinaw sa inyong isipan ang kabutihan ng Panginoon sa paghahayag sa inyo ng katotohanan ng Ebanghelyo. Hindi ba nito pinalalakas ang inyong pananampalataya, binibigyan kayo ng karagdagang pananalig at nagpapatotoo sa inyo na anak kayo ng Diyos? Tiyak na tiyak ito. Samakatwid, kung may sinuman na nagpapatotoo sa mga bagay ng Diyos, pinapagtibay nito ang kanilang mga kapatid, na katulad na katulad din sa ginawa nito noong mga sinaunang araw nang tumutupad sila sa payo na, “Pagsabihan palagi ang bawat isa,” “papagtibayin ang mga kapatid,” at iba pa (DBY, 170).

Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento, naaalala natin ang Tagapagligtas at sinasariwa natin ang ating mga tipan sa ating Ama sa Langit.

Sinasabi ko sa mga kapatid na lalaki at babae, sa pangalan ng Panginoon, na tungkulin natin at kinakailangan sa atin, ng ating Ama sa Langit, ng diwa ng ating relihiyon, ng ating mga tipan sa Diyos at sa isa’t isa, na gampanan natin ang mga ordenansa sa bahay ng Diyos, lalo na sa araw ng Sabbath, na dumalo sa Sakramento ng Hapunan ng Panginoon. At pagkatapos ay dumalo sa mga pagpupulong ng Purok at sa mga pagpupulong ng Korum (DBY, 171).

Sa ordenansang [sakramento] dinadaluhan natin dito …, ipinakikita natin sa Ama na naaalala natin si Jesucristo, ang ating Nakatatandang Kapatid; nagpapatotoo tayo sa kanya na nakahanda tayong tanggapin sa ating sarili ang kanyang pangalan. Kung ginagawa natin ito, nais kong nandirito ang mga isipan pati na ang mga katawan. Nais ko nandirito ang buong katauhan kung pumupunta kayo para sa pagpupulong (DBY, 171).

Hinihikayat ko ang aking mga kapatid na lalaki at babae na tanggapin ang ordenansang ito bawat Sabbath, kung [kayo] ay nagkakatipon. … Nakikiusap ako sa inyo, aking mga kapatid na lalaki at babae, na pag-isipan ninyong mabuti ang ordenansang ito, at maghangad sa Panginoon nang inyong buong puso upang inyong matamo ang ipinangakong biyaya sa pamamagitan ng pagsunod dito. Ituro ang pagtupad nito sa inyong mga anak; ikintal sa kanila ang pangangailangan dito. Ang pagtupad nito ay kinakailangan sa ating kaligtasan kagaya ng iba pa mang mga ordenansa at kautusan na pinaiiral upang pabanalin ang mga tao, upang pagpalain sila ni Jesus at ipagkaloob sa kanila ang kanyang espiritu; at patnubayan at gabayan sila upang kanilang matamo sa kanilang sarili ang buhay na walang hanggan. Ikintal ang kabanalan ng mahalagang ordenansang ito sa isipan ng inyong mga anak (DBY, 171–72).

Tayo [ay nakikibahagi sa sakramento] sa pag-alaala sa pagkamatay ng ating Tagapagligtas; kinakailangan ito sa kanyang mga disipulo hanggang pumarito siyang muli, hindi mahalaga kung gaano man katagal iyon. Hindi mahalaga kung ilang salinlahi ang dumating at umalis, ang mga nananampalataya sa kanya ay kinakailangang kumain ng tinapay at uminom ng alak [o tubig, sa ngayon] sa pag-alaala sa kanyang pagkamatay at mga paghihirap hanggang pumarito siyang muli. Bakit kinakailangan silang gumawa nito? Upang magpatotoo sa Ama, kay Jesus at sa mga anghel na sila ay nananampalataya at naghahangad na sumunod sa kanya sa pagpapanibagong espirituwal, tuparin ang kanyang mga kautusan, itayo ang kanyang Kaharian, igalang ang kanyang pangalan at paglingkuran siya nang may buong puso, nang sila ay maging karapat-dapat na kumain at uminom kasama niya sa Kaharian ng kanyang Ama. Ito ang dahilan kung bakit nakikibahagi ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Hapunan ng Panginoon (DBY, 172).

Ano ang kapakinabangang natatamo natin mula sa ordenansang ito? Ito ay ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon. Kung sumusunod tayo sa mga kautusan ng ating Ama sa Langit, kung tayo ay may wastong pagkaunawa sa mga ordenansa sa bahay ng Diyos, natatanggap natin ang lahat ng pangako na nakakabit sa pagsunod na iniukol sa kanyang mga kautusan (DBY, 182).

Isa iyon sa pinakadakilang biyayang matatamo natin, ang lumapit sa harapan ng Panginoon, at sa harapan ng mga anghel, at sa harapan ng bawat isa, upang magpatotoong naaalala nating namatay si Jesucristo alang-alang sa atin. Magpapatunay ito sa Ama na naaalala natin ang ating mga tipan, na iniibig natin ang kanyang Ebanghelyo, na iniibig nating tuparin ang kanyang mga kautusan, at upang parangalan ang pangalan ni Jesucristo sa lupa (DBY, 172).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay nagdudulot ng mga pagpapalang temporal at espirituwal.

  • Anu-ano ang mga kinakailangan ng Diyos para sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath? Anu-ano ang kapakinabangan sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:9–16.)

  • Sinabi ni Pangulong Young na “Nasa ilalim tayo ng pangangailangang magtipun-tipon … sa mga pagpupulong.” Ano ang sinabi niyang dapat nating gawin kung tayo ay “nagtitipon-tipon upang sumamba”? Ano ang maaaring makagambala sa atin sa pagtitipun-tipon upang sumamba sa araw ng Sabbath?

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang nangyayari nang “unti-unti” kung hindi tayo sumusunod sa kautusang panatilihing banal ang araw ng Sabbath? Sa pagbabatay sa mga sinabi ni Pangulong Young, anu-ano ang ilang katanungan na maaari nating itanong sa ating sarili upang mapagpasiyahan ang pagiging angkop ng ilang gawain sa araw ng Sabbath? (Halimbawa: Ang gawain bang ito ay para sa ating kapakanang espirituwal? Pinapagtibay ba nito ang ating pananampalataya? Nakatutulong ba ito sa atin na mabiyayaan ang iba?)

  • Bakit dapat nating sambahin ang Panginoon sa bawat araw at hindi lamang sa araw ng Sabbath? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:11.) Paano ang pagsamba sa ibang araw ng linggo magiging katulad o magiging iba sa pagsamba kung Sabbath? Paano natin magugugol ang bawat araw “para sa kaluwalhatian ng Diyos”?

Nagkakatipon tayo upang magpalakas at palakasin.

  • Bakit mahalagang magkatipon-tipon tayo upang sumamba kung Sabbath? Ano dapat ang layunin natin habang binabati natin ang bawat isa, nagsasalita, o nagtuturo sa mga pagtitipon kung Sabbath? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 43:8–9.) Paano nakatutulong sa inyo ang pakikisalamuha sa ibang mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Anong payo ang ibinigay ni Pangulong Young sa mga yaong naaanyayahang magsalita sa mga pagtitipon sa Simbahan? Bakit higit na mahalaga ang impluwensiya ng Espiritu Santo kaysa mahusay na mga pananalita? Ano ang inaasahan niya sa mga kasapi na nasa kongregasyon? Paano natin nararapat na “bigyang sigla” ang ating mga pagtitipon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 50:21–24.)

Itinakda ang araw ng ayuno upang makatulong sa nangangailangan at mapalakas ang mga patotoo.

  • Ayon kay Pangulong Young, bakit pinasimulan ang araw ng ayuno?

  • Anong impluwensiya ang idinudulot ng pagbibigay nang bukas-palad pagkakaloob ng handog-ayuno sa taong nagbibigay?

  • Sa mga Linggo ng ayuno ay may pagkakataon tayo na makapagbigay patotoo sa bawat isa. Ano ang ibig ipakahulugan ng pagbibigay patotoo? Bakit kailangang-kailangan para sa atin na magbigay patotoo at mapakinggan ang iba na gawin din ito? Paano natin nahihikayak ang iba kung nagpapatotoo tayo sa mga bagay ng Diyos? Paano tayo nahihikayat sa pamamaraang ito? Paano napapagtibay ng mga patotoo ng iba ang inyong pananampalataya?

Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento, naaalala natin ang Tagapagligtas at sinasariwa natin ang ating mga tipan sa ating Ama sa Langit.

  • Ang pinakamahalagang bagay na ginagawa natin sa ating mga pagtitipon kung Linggo ay ang makibahagi sa sakramento. Bakit kinakailangan ng Panginoon ang isang mapag-isip na paglahok sa sakramento? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 27:2.)

  • Ano ang ating ginagawa kung nakikibahagi tayo sa sakramento? (Tingnan ang mga panalanging sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79 o Moroni 4; 5.) Ano ang ibig ipakahulugan ng pagtanggap sa ating sarili sa pangalan ni Cristo? Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga nakikibahagi sa sakramento nang may buong layunin? Paano natin matatanggap ang ipinangakong mga biyayang ito?

  • Paano ang pakikibahagi sa sakramento makapagpapalakas sa ating pangangako sa Tagapagligtas sa loob ng buong linggo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:9–12.)

Jesus instituting sacrament

Ang sakramento ay isang kinakailangang ordenansa “upang magpatotoo sa Ama … na [tayo] ay nananampalataya at naghahangad na sumunod sa kanya … nang may buong puso”(DBY, 171).

13th Ward Relief Society Presidency in 1875

Si Rachel Ridgeway Grant (harap, gitna), ang pangkalahatang pangulo ng Samahang Damayan, at ang kanyang mga tagapayo at mga kalihim noong 1875.