Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Pagtuturo sa Mag-anak


Kabanata 24

Pagtuturo sa Mag-anak

“Mamuhay tayo nang buhay sa ating sarili ang diwa ng ating relihiyon, kung magkagayon magkakaroon tayo ng kapayapaan, kagalakan, kaligayahan at kapanatagan, na maglilikha ng mga kalugud-lugod na ama, kaiga-igayang ina, kawili-wiling anak, kawili-wiling sambahayan, kapitbahay, pamayanan at lungsod. Kapaki-pakinabang na mabuhay tayo para rito, at sa palagay ko ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nararapat na magsumikap na makamtan ito” (DBY, 204).

Mga Turo ni Brigham Youn

Ang mag-anak ay institusyong itinatag ng Diyos sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Kung ang bawat taong nagsasabing siya ay isang Banal sa mga Huling Araw, ay tunay na isang Banal, ang ating tahanan ay magiging paraiso, wala ritong maririnig, mararamdaman, mangyayari, kundi pagpapapuri sa pangalan ng ating Diyos, paggawa ng ating tungkulin, at pagsunod sa kanyang mga kautusan (DBY, 203).

Kapag ang isang lalaki at babae ay tumanggap ng kanilang endowment at pagbubuklod [sa templo para sa kawalang-hanggan], at pagkatapos ay magkaroon ng mga anak, ang mga batang ito ay ang legal na tagapagmana ng Kaharian at lahat ng biyaya at pangako nito, at sila lamang ang mga [legal na tagapagmana] sa mundong ito (DBY, 195).

Ang ordenansa ng pagbubuklod ay kailangang ganapin dito … ang babae sa lalaki, ang mga anak sa magulang, atbp., hanggang ang pagkakadugtung-dugtong ng mga salinlahi ay mabuo sa mga ordenansa ng pagbubuklod pabalik kay Amang Adan; dahil dito, tayo ay inutusang magtipun-tipon upang umalis sa Babilonia, at pabanalin ang ating sarili, at itatag ang Sion ng ating Diyos, … hanggang ang mundo ay mapabanal at maihanda para sa pananahanan ng Diyos at mga anghel (DBY, 407).

Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang anak na sundin ang mga utos ng Diyos.

Nakikita natin ang sanggol sa mga bisig ng kanyang ina. Bakit naririto ang sanggol na ito? Ano ang layunin sa paglikha ng maliit na sanggol na ito? … Nakikita ninyo ang saligang ito, ang simula, ang binhi ng katalinuhan na nakalangkap sa sanggol na ito, binalangkas upang lumaking maging binata [dalaga], hanggang maging anghel, pagkatapos ay hanggang sa walang hanggang kadakilaan. Ngunit narito ang saligan. … Dito ang unang lugar kung saan tayo matututo, ito ang paanan ng bundok (DBY, 205–6).

Tuwina kong pinag-iisipan at sinasabi, “Kung gaano kahalaga para sa mga ina, na siyang unang guro ng kanilang mga anak at ang unang nag-iiwan ng bakas sa kanilang murang isipan, na maging maingat.” Maging maingat silang kailanman ay hindi mag-iwan ng maling ideya sa isip ng isang bata! Hindi sila kailanmang dapat magturo ng anumang bagay maliban na kung alam nilang tama ito sa lahat ng kadahilanan. Hindi sila kailanmang dapat magbigkas ng isang salita, lalo na sa abot ng pandinig ng isang bata, na hindi angkop (DBY, 206–7).

Turuan ng mga ina ang kanilang mga anak habang sila ay nasa kanilang mga kandungan pa, doon turuan silang magmahal sa Panginoon, at sumunod sa kanyang mga kautusan (DBY, 206).

Kung kayong mga ina, ay ipamumuhay ang inyong mga relihiyon, at sa pamamagitan ng pagmamahal at takot sa Diyos ay magtuturo sa inyong mga anak tuwina at lubus-lubos sa daan ng buhay at kaligtasan, sinasanay sila sa daan na dapat nilang lakaran, at kapag tumanda man sila ay hindi nila hihiwalayan ito [tingnan sa Mga Kawikaan 22:6]. Ipinangangako ko ito sa inyo, totoo ito tulad ng nakasikat na araw, ito ay isang walang hanggang katotohanan. Sa tungkuling ito tayo ay bigo (DBY, 206).

Palakihin ang inyong mga anak sa pagmamahal at takot sa Panginoon; pag-aralan ang kanilang mga hilig at ang kanilang mga ugali, at makitungo sa kanila ayon dito, hindi kailanmang pahintulutan ang sariling itama sila kapag kayo ay galit, turuan silang mahalin kayo kaya sa katakutan, alalahanin ninyo tuwina na ang mga batang ibinigay sa inyo ng Diyos ay naturuan sa kanilang pagkabata ng kahalagahan ng mga paghahayag ng Diyos, at ng kagandahan ng mga alituntunin ng ating banal na relihiyon, na kapag sila ay naging binata at dalaga ay mamahalin nila ang mga ito at hindi nila kailanman tatalikuran ang katotohanan (DBY, 207).

Magulang, turuan ninyo ang inyong mga anak sa pamamagitan ng alituntunin at halimbawa, ang kahalagahan ng paglapit sa Luklukan ng biyaya; turuan sila kung paano mamuhay, kung paano kumuha mula sa mga elemento ng mga pangangailangan ng buhay, turuan sila ng mga batas ng buhay nang malaman nila kung paano pangalagaan ang kanilang kalusugan at makapaglingkod sa iba. At habang nagtatagubilin sa kanila tungkol sa mga alituntunin ng Ebanghelyo, ituro sa kanila na ang mga ito ay totoo, mga katotohanang nanggaling mula sa langit para sa ating kaligtasan, at na ipinaglalakip ng Ebanghelyo ang bawat katotohanang nasa langit, nasa lupa, o nasa impiyerno; at ituro rin sa kanila, na hawak natin ang mga susi ng buhay ng walang hanggan, na kailangan nilang sumunod at tumupad sa mga ordenansa at batas hinggil sa banal na Pagkasaserdoteng ito, na ipinahayag ng Diyos at ipinanumbalik para sa kadakilaan ng mga anak ng tao (DBY, 207).

Kung hindi tayo magsisikap na turuan ang ating mga anak, turuan sila tungkol dito sa inihayag na katotohanan, kahit paano, ang pagkakasala ay mapapasa atin, bilang mga magulang (DBY, 207).

Habang ang mga magulang ay mamumuno sa pamamagitan ng angkop na halimbawa, tumutulong sila sa pagtatakda ng mabuting daan para sa kanilang mag-anak.

Kung hindi tayo magsisikap na turuan ang ating mga anak, turuan at tagubilinan sila tungkol sa ipinahayag na mga katotohanang ito, kahit paano, ang pagkakasala ay mapapasaatin, bilang mga magulang (DBY, 207).

Hindi natin dapat pahintulutan ang ating sariling gumawa ng isang bagay na hindi nating handang makitang gagawin ng ating mga anak. Dapat tayong magpakita sa kanila ng halimbawa na nais nating gayahin nila. Nauunawaan ba natin ito? Gaano kadalas nating nakikita ang mga magulang na humihingi ng pagsunod, magandang asal, mga mabuting pananalita, kalugud-lugod na anyo, magiliw na tinig, maaliwalas na mukha mula sa isang anak o mga anak samantalang sila ay puno ng sama ng loob at pagpapagalit! Gaano ito kasalungat at kawalang katwiran! (DBY, 208).

Kung sa tuwina ay magpapakita ang mga magulang sa kanilang mga anak ng halimbawang karapat-dapat na gayahin at may pagsang-ayon ng ating Ama sa Langit, mababago nila ang daloy ng damdamin ng kanilang mga anak, at sa huli kanilang higit na nanaisin ang kabutihan kaysa kasamaan (DBY, 208).

Sundan ng ama at ina, na kasapi ng Simbahan at Kahariang ito, ang tamang daan ng kabutihan, at magsumikap nang buong lakas na hindi gumawa ng kamalian, kundi gumawa ng mabuti sa buong buhay nila; kung may isa silang anak o sandaang anak, kung magpapakabuti sila sa kanila gaya ng nararapat, ibinubuklod sila sa Panginoon ng kanilang pananampalataya at panalangin, hindi ako nag-aalala sa mga batang iyon kung saan man sila tutungo, sila ay nakabigkis sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng walang hanggang pagkakabuklod, at walang kapangyarihan ng lupa at impiyerno ang makapaghihiwalay sa kanila sa kanilang mga magulang sa kawalang-hanggan; babalik silang muli sa bukal na kanilang pinagmulan (DBY, 208).

Magkakaroon ng pagmamahal sa katotohanan ang ating mga anak, kung atin lamang ipamumuhay ang ating relihiyon. Ang daang dapat kunin ng mga magulang ay ang daang masasabi ng kanilang mga anak na, “Hindi ko kailanman nalaman na nanloko o nanamantala ang aking ama sa kanyang kapwa; Hindi ko kailanman nalaman na kinuha ng ama ko ang isang bagay na hindi kanya, hindi kailanman! Hindi, bagkus ay sinabi niya, ‘Anak, ikaw ay maging tapat, totoo, mabuti, mabait, masipag, masinop at puno ng mabuting gawa.’ Ang mga turong ganito ng mga magulang sa kanilang mga anak ay mamamalagi sa kanila magpakailanman, maliban na lamang kung magkakasala sila laban sa Espiritu Santo (DBY, 209).

Maaari nating gabayan, supilin, at pungusin ang isang batang usbong, at susunod ito sa ating kagustuhan, kung ito ay matalino at mahusay na ginawa. Dahil dito, kung palilibutan natin ang isang bata ng malusog at kapaki-pakinabang na mga impluwensiya, bigyan siya ng mga naaangkop na tagubilin at punuin ang kanyang isip ng mga tamang tradisyon, maaaring gagabayan nito ang kanyang mga paa sa daan ng buhay (DBY, 209).

Ang pagpipigil sa sarili at mabait na pagdidisiplina ay nakatutulong sa pagtatatag ng matibay na mag-anak.

Ang mapamahalaan natin ang ating espirituwalidad, at ang mga impluwensiyang nakapaligid sa atin, sa pamamagitan ng mahigpit na pagdidisiplina ng sarili, ay ang ating unang isaalang-alang, ito ang ating unang gawain, bago natin mailalatag ang daan para sa ating mga anak upang sila ay lumaking walang kasalanan hanggang sa kanilang kaligtasan (DBY, 203).

Ano ang ipinangako ninyo sa inyong maliit na anak na babae kung gagawin niya ang isang bagay? Nangako ba kayong bibigyan ninyo siya ng regalo kung nagawa niya ito nang mabuti? “Oo.” Inyo bang naaalala itong gawin? “Hind, nawala ito sa isip ko,” sinabi ng ina. Kung nakagawa ba siya ng mali ay nangako ba kayong pagagalitan ninyo siya? “Oo.” Tinupad ba ninyo ang inyong sinabi? Hindi, at ang anak inyo ngayon ay mag-iisip na ang ina niya ay nagsasabi ng hindi totoo—sinasabi niyang gagawin niya ito o kaya ay ito, ngunit hindi naman niya ito gagawin. Madali lamang na aral na matutuhan ng mga ina kung paano palilipasin ang kanilang mga oras sa kanilang mga anak na hindi kailanman magbibigay sa kanila ng maling impresyon. Mag-isip bago kayo magsalita. … Kung nais ninyong bigyan sila ng regalo bigyan ninyo sila; kung nangako kayong magpaparusa, gawin ang inyong sinabi, ngunit maging maingat! (DBY, 210).

Hindi kailanman dapat pilitin ng mga magulang ang kanilang mga anak, ngunit kailangan nilang akayin sila, nagbibigay sa kanila ng kaalaman na kaya nilang tanggapin. Agad na pinarurusahan sila kung kailangan, ngunit dapat na pamahalaan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pananampalataya kaysa sa pamamagitan ng pamalo, inaakay sila sa pamamagitan ng mabubuting halimbawa sa lahat ng katotohanan at kabanalan (DBY, 208).

Makapagtuturo ako ng ilang mga kalalakihan sa kongregasyong ito na nagtaboy sa kanilang mga anak mula sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pamalo. Kung saan may paghihigpit, doon ay walang pagmamahal o pagmamahalan ng magulang sa anak at ng anak sa magulang; ang mga anak ay magnanais pang malayo sa kanilang ama kaysa makasama siya (DBY, 203).

Sa mga araw-araw nating gawain sa buhay, anumang uri o klase, ang mga Banal sa mga Huling Araw, lalo na ang mga nagtataglay ng mahahalagang tungkulin sa Kaharian ng Diyos, ay dapat na maging mahinahon, kapwa kung nasa tahanan at nasa labas ng tahanan. Hindi nila dapat pababayaan ang mga kasawian at hindi kasiya-siyang kalagayan na magpainit ng kanilang ulo, labis na mag-alala at maging mahirap pakisamahan sa bahay, maging dahilan upang makapagsalita nang puno ng sama ng loob at matalas na pananalita sa kanilang mga asawa at anak, lumikha ng kapanglawan at kalungkutan sa kanilang tahanan, katakutan kaysa mahalin ng kanilang maganak. Hindi dapat hayaang bigyang buhay ang galit sa ating dibdib, ang mga salitang dulot ng galit ay hindi nararapat na pahintulutang lumabas sa ating mga labi. “Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot, ngunit ang mabigat na salita ay humihila ng galit [Mga Kawikaan 15:1].” “Ang poot ay malupit, at ang galit ay mapanghamak” [Mga Kawikaan 27:4]; ngunit “ang bait ng tao ay nagpapakupad sa galit; at ang kaniyang kaluwalhatian na paraanin ang pagsalangsang [Mga kawikaan 19:11] (DBY, 203–4).

Nakakikita kayo, nakaririnig, at nakasasaksi ng maraming pagtatalu-talo sa mga bata—ang ilan sa inyo, kung hindi man lahat—magbibigay ako sa inyo ng ilang salita ukol sa inyong buhay sa hinaharap, nang kayo ay huwag magkaroon ng mga anak na mahilig makipag-away. Maging laging masiyahin kayo, ito ang unang hakbang. Huwag kailanmang pahintulutan ang sariling maging magagalitin at mabugnutin. … Punung-puno sila ng sigla kaya’t waring ang mga buto nila at puno rin ng lakas. Sila ay puno ng sigla ng— buhay, lakas at paggawa, at kailangan nilang ilabas ito; at ang maliliit na bata ay maaaring makipag-away sa isa’t isa. Huwag kayong magalit. Unawain at patahimikin sila. Maging mahinahon at kawili-wili (DBY, 209–10).

Sa aking karanasan natutuhan ko na ang pinakamalaking suliranin sa maliliit na alitan at awayan sa pagitan ng dalawang lalaki, sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, sa pagitan ng dalawang babae, sa pagitan ng dalawang bata, ay nagmumula sa hindi pagkakaunawaan ng isa’t isa (DBY, 203).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang mag-anak ay institusyong itinatag ng Diyos sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

  • Bakit mahalaga ang pagbubuklod para sa kawalang-hanggan ng mga mag-anak? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 128:18.) Paano makatutulong ang pag-unawa sa walang hanggang kahalagahan at banal na pinanggalingan ng mga ugnayan ng mag-anak sa pakikipag-ugnayan natin sa mga kasapi ng ating mag-anak?

  • Ano ang magagawa ninyo upang mapatatag ang mga pagkakaugnay ng maganak sa pagitan ng mga salinlahi sa inyong mag-anak? Paano maaapektuhan ng inyong mga kilos ang inyong mga ninuno at ang inyong mga inapo?

Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang anak na sundin ang mga utos ng Diyos.

  • Kaninong pangunahing tungkulin ang pagtuturo sa mga anak? Kailan dapat magsimula ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak na maging matwid? Ano ang payong ibinigay ni Pangulong Young sa mga magulang ukol sa kanilang mga papel bilang unang tagapagturo ng kanilang mga anak?

  • Sinabi ni Pangulong Young na dapat “palakihin [ng mga magulang] ang kanilang mga anak sa pagmamahal at takot sa Panginoon.” (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28.) Paano ninyo matuturuan ang inyong mga anak na mahalin at igalang ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

  • Ano ang mga alituntuning sinabi ni Pangulong Young para sa mga magulang na dapat ituro sa kanilang mga anak? Ano ang maaaring mangyari kung hindi maayos na tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak?

Habang ang mga magulang ay mamumuno sa pamamagitan ng angkop na halimbawa, tumutulong sila sa pagtatakda ng mabuting daan para sa kanilang mag-anak.

  • Bakit napakabisang paraan ang halimbawa sa pagtuturo ng mga bata? Anong uring halimbawa ang ipinakikita ninyo sa mga bata sa inyong paligid?

  • Sinabi ni Pangulong Young na ang mga bata ay “babalik muli sa sibul na kanilang pinagmulan.” Sa paanong paraan ang pangakong ito makaaalo sa mga magulang ng mga batang naligaw ng daan? Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang matulungan ang mga batang naligaw ng daan na magnais na bumalik sa kanilang mga mag-anak?

  • Anong mga positibong pagpapahalaga ang natutuhan ninyo sa inyong mga magulang? Ano ang ilan sa mga pagpapahalagang nais ninyong matutuhan sa inyo ng inyong mga anak?

  • Paanong makatutulong ang mga tamang tradisyon sa inyong mga anak upang maging higit na buo ang loob na ipamuhay ang katwiran? Anong mga makatwirang tradisyon ang nakapagpalakas sa inyong mag-anak? Anong mga makatwirang tradisyon ang nais ninyong itatatag sa inyong mag-anak?

Ang pagpipigil sa sarili at mabait na pagdidisiplina ay nakatutulong na mapatatag ng malakas na mag-anak.

  • Ano ang kaibahan ng “pagpilit” sa mga bata at ang “pag-akay” sa kanila? Bakit higit na epektibo ang pagtuturo ng katwiran sa mga bata sa pamamagitan ng pag-aakay sa kanila?

  • Bakit mahalaga ang “pagiging mahinahon” sa pakikitungo sa iba, lalunglalo na sa mga bata?

  • Ang pag-aalitan at pag-aaway minsan ay karaniwang bahagi ng buhay ng mag-anak. Bakit nakasasama ito sa mag-anak? (Tingnan din sa Mosias 4:14.) Ano ang sinabi ni Pangulong Young na pangunahing dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito? Paano tayo makapagtataguyod ng higit na mainam na komunikasyon at pag-uunawaan sa ating maganak? Ano ang ginawa ninyo na nakatulong sa inyong mag-anak upang maipakita nila nang mas madalas ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa?

Edward Martin family

Si Edward Martin kasama ang kanyang mag-anak noong 1870. Si Edward ang kapitan ng nasawing Pangkat ni Martin ng mga naghihila ng Kariton noong 1856. Nakaligtas siya at naging retratista sa Lungsod ng Salt Lake.