Kabanata 25
Pagkakaroon ng Dagdag na Pasasalamat, Kababaang-loob, at Katapatan
Naniwala at namuhay si Pangulong Brigham Young ayon sa mga payak, totoong alituntunin. Batay sa kanyang mga karanasan bilang karpintero at kontratista, natutuhan niyang pahalagahan ang matatapat na manggagawa ng mga pader na tumatagal, pintuang hindi mangangailangan ng pagkumpuni, at mga manggagawang hindi umaalis ng pinagtatrabahuhan nang ang mga kagamitan o pako ng may-ari ay nasa bulsa. Pinayuhan niya ang mga tao sa lahat ng uri ng pamumuhay na “imulat ang kanilang mga mata upang makita nila kung gaano kahalaga ang katapatan at pagkamakatarungan” (DNW, ika-2 ng Dis. 1857, 4). Hinimok din ni Pangulong Young ang mga naunang Banal na nagdusa mula sa mga pagsubok na tulad ng pag-uusig, kahirapan, at pagkagutom na tanggapin ang kanilang mga paghihirap nang may pasasalamat at kababaang-loob, sapagkat tunay na pinalakas sila ng Panginoon sa kanilang mga pagdurusa. Sa kanyang mga salita at sa ng kanyang buhay ay binigyang-diin niya na ang ating tungkulin ay ang ipakita ang ating integridad at pasasalamat sa pamamagitan ng paglinang ng anumang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.
Mga Turo ni Brigham Youn
Ang pagkilala sa kamay ng Panginoon sa ating buhay ay nakapaglilinang ng pasasalamat.
Wala akong alam na anuman, maliban sa walang kapatawarang kasalanan, ang hihigit pa kaysa sa kasalanan ng kawalan ng utang-na-loob (DBY, 228).
Maaari kong sabihin ang ilang bagay tungkol sa mga panahon ng kahirapan. Alam ninyong sinabi ko sa inyo na kung may isa man sa atin na takot mamatay sa gutom, paalisin siya, at papuntahin saanman may kasaganahan. Ni hindi ko naiisip na may panganib na magugutom tayo, dahil hanggang hindi kinakain ang huling mola, mula sa dulo ng tainga nito hanggang sa buntot nito, hindi ako natatakot na mamamatay tayo sa gutom. Maraming tao ang hindi makakuha ngayon ng trabaho, ngunit malapit nang dumating ang tagsibol sa atin, at hindi na tayo magdurusa pa ng anumang hindi para sa ikabubuti natin. Nagpapasalamat ako sa kamay ng Panginoon na namamalas natin; nagpapasalamat ako sa biyaya niyang ito at gayon din sa iba pang aking tinanggap. Sinabi ko na sa inyo, mga taon na ang nakalilipas, ang aking damdamin tungkol sa kanilang mga pakikiramay, kanilang pananampalataya, pagtanaw ng utang-na-loob at pasasalamat, at kanilang pagkilala sa kamay ng Panginoon at ang pagkakaloob niya ng kanyang biyaya. Nagdurugo ang aking kaluluwa sa kapighatian, na makita ang mapag-aksaya at mapangwaldas na ugali ng mga tao sa paggamit ng sagana nilang mga pagpapala. Marami sa kanila ay niyurakan ang mga ito, at handang sumpain ang Diyos na nagkaloob sa kanila ng mga ito. Ninais nila ang ginto at pilak, sa halip na trigo at mais, at pinong harina, at pinakapiling gulay na tumubo sa ibabaw ng lupa. Niyurakan nila ang mga ito, at ipinagwalang-bahala ang mga piling pagpapala ng Panginoon nilang Diyos (DNW, ika-6 ng Peb. 1856, 4).
Nagagalak tayo dahil kinakasihan tayo ng Panginoon, dahil nilikha tayong mahina para sa tiyak na layuning makatamo ng higit na dakilang kapangyarihan at kaganapan. Sa lahat ng bagay ang mga Banal ay maaaring magalak—sa pag-uusig, dahil kailangang dalisayin sila, ihanda ang masasama para sa kanilang kaparusahan; sa karamdaman at sakit, bagamat mahirap silang batahin, dahil ginagawa tayong bihasa sa sakit, kalungkutan, at lahat ng paghihirap na mababata ng mga mortal, sapagkat sa pamamagitan ng pagharap dito lahat ng bagay ay maitatanghal sa ating mga pandamdam. May dahilan tayong lubos na magalak na ang pananampalataya ay nasa daigdig, na naghahari ang Panginoon, at ginagawa niya ang kanyang nais sa mga naninirahan sa mundo. Itinatanong ba ninyo kung nagagalak ako dahil nakalalamang ang Diyablo sa mga naninirahan sa mundo, at pinahihirapan niya ang sangkatauhan? Tiyak akong sasagot ng oo; nagagalak ako rito tulad ng pagkagalak ko sa iba pang bagay. Nagagalak ako dahil ako ay nagdurusa. Nagagalak ako dahil ako ay mahirap. Nagagalak ako dahil ako ay nawawalan ng pag-asa. Bakit? Dahil ako ay itataas muli. Nagagalak ako at ako ay mahirap dahil ako ay payayamanin; na ako ay nagdurusa dahil ako ay aaluin, at ihahanda upang tamasahin ang kagalakan ng ganap na kaligayahan, sapagkat hindi tunay na mapahahalagahan ang kaligayahan maliban na sa pamamagitan ng pag-titiis ng mga kasalungat (DBY, 228).
Nagsasalita tayo tungkol sa ating mga pagsubok at suliranin dito sa buhay na ito; ngunit ipalagay natin na nakikita natin ang ating sarili libu-libo at milyun-milyong taong matapos ninyong patunayang tapat kayo sa inyong relihiyon sa loob ng ilang maiikling taon sa buhay na ito, at tinamo na ninyo ang walang hanggang kaligtasan at putong ng kaluwalhatian sa harap ng Diyos? Pagkatapos ay magbalik-tanaw sa inyong buhay rito, at tingnan ang mga pagkatalo, pasanin, kabiguan, at kalungkutan. … ; kayo ay bigla na lamang mapabubulalas, “anong kabuluhan nito? Ang mga bagay na ito ay saglit lamang, at ngayon tayo ay naririto. Naging matapat tayo sa ilan saglit sa ating mortalidad, at ngayon ay nagtatamasa tayo ng buhay na walang hanggan at kaluwalhatian, na may kapangyarihan umunlad hanggang sa walang hangganang kaalaman at sa hindi mabilang na antas ng pag-unlad, nagtatamasa ng mga ngiti at pagsang-ayon ng ating Ama at Diyos, at ni Jesucristo na ating nakatatandang kapatid” (DNW, ika-9 ng Nob. 1859, 1).
Mayroong isa pang bagay na aking babanggitin ngayon, at hanggang matutuhan natin ang bagay na ito ipinangangako sa inyong hindi natin kailanman mamamana ang Kahariang Selestiyal. Nagtitipon tayo sa layong malaman natin ang dapat gawin sa buhay na ito at sa pagpapalang ipinagkaloob sa atin ngayon. Kung hindi natin matutuhan ang mga aral na ito, paano ninyo maaasahang mapagkatiwalaan ng mga kayamanan ng kawalang-hanggan; dahil siya na tapat sa kakaunting bagay ay gagawing tagapamahala sa maraming bagay [tingnan sa Mateo 25;21]. … Kapag pinagpala tayo ng pagdami ng ating baka, at ating ipagwalang halaga ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, sa ganitong paraan, mapapala natin ang galit Niya, at maglalagay ito sa atin sa panganib ng kaparusahan. Sinong ama sa mundo ang magkakaloob nang may lugod at kasiyahan sa isang anak na patuloy na maglulustay at magsusugal ng mga ito? Paglipas ng ilang panahon ipagkakait na ng amang ito ang kanyang mga pagpapala, at ipagkakaloob ang mga ito sa higit na mga karapat-dapat na anak. Higit na maawain ang Panginoon kaysa atin; ngunit maaaring matigil ang Kanyang pagbibigay ng kaloob, kung ang mga ito ay hindi natin tinatanggap nang may pasasalamat at hindi ito pinangangalagaan nang sapat kapag ay mga ito ay nasa atin na. Alagaan ng mga tao ang kanilang mga baka at kabayo, at ang taong hindi gagawa nito ay mananagot sa sisi sa mata ng katarungan (DNSW, ika-29 ng Okt. 1865, 2).
Ano ang ating tungkulin? Tungkulin nating pagyamanin ang bawat pagpapalang ibinibigay sa atin ng Panginoon. Kung binibigyan niya tao ng lupain, pagyamanin ito; kung binibigyan niya tayo ng pribilehiyong makagawa ng mga bahay, pagyamanin ito; kung binibigyan niya tayo ng mga asawa at mga anak, pagsikapan silang turuan ng mga paraan ng Panginoon, at itaas sila sa kadiliman, nakabababa, at masamang kalagayan ng sangkatauhan. … Sa kanyang pagkalinga tinawag niya ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa sanglibutan, tinipon sila mula sa ibang mga bansa, at binigyan sila ng isang lugar sa mundo. Pagpapala ba ito? Oo, isa sa mga pinakadakila na matatamasa ng tao, malaya mula sa kasamaan ng masasama,mula sa mga kapahamakan at ingay ng daigdig. Sa pamamagitan ng pagpapalang ito maipakikita natin sa ating Ama sa Langit na tayo ay matatapat na katiwala, at higit pa, pagpapala ring magkaroon ng pribilehiyong maibalik sa kanya ang kanyang ipinagkatiwala sa atin. … Samakatwid malinaw na anumang tila ay akin ay hindi ko tunay na pag-aari, at ibabalik ko ito sa Panginoon kapag kanyang hiningi ito mula sa akin; ito ay sa kanya, at kanya ito sa lahat ng panahon. Hindi ito akin, kailanman ay hindi ito naging akin (DN, ika-20 ng Hun. 1855, 4).
Wala ni isang kalagayan sa buhay [o] isang oras ng karanasan na hindi nakabubuti sa lahat ng nag-aaral, at naglalayong mapagyaman ang mga karanasang kanilang tinatamasa (DNW, ika-9 ng Hul. 1862, 1).
Ang mga mapagpakumbaba ay nakakikilala ng kanilang pag-asa sa Panginoon.
Kailangan tayong magpakumbaba at maging tulad ng mga bata sa ating mga damdamin—maging mapagkumbaba at maging tulad ng isang bata sa diwa, nang sa gayon ay tanggapin ang unang liwanag ng diwa ng Ebanghelyo, kung magkagayon mayroon na tayong pribilehiyong umunlad, madagdagan sa kaalaman, sa karunungan, at sa pang-unawa (DBY, 228).
Tayo ay wala maliban lamang sa pagkakagawa ng Panginoon sa atin (DNW, ika-28 ng Okt. 1857, 5).
Kapag nakikita ng isang tao ang mga bagay sa tunay nilang kalagayan, … kung nakikita niyang binibigyang-kasiyahan niya ang Diyos at ang kanyang mga kapatid, siya ay lubos na nagagalak, at nakadarama ng karagdagang kababaang-loob at pagpapasailalim sa kalooban ng Diyos. Kapag ang isang tao ay palalo at mapagmataas, pinupuno siya ng labis na papuri ng kapalaluan at ipinapahamak siya; ngunit hindi ganito kapag siya ay nadaragdagan sa pananampalataya sa Diyos (DBY, 228).
Sino ang may pinakamalaking dahilan upang magpasalamat sa kanyang Diyos–ang taong walang masidhing pagnanasa o kagustuhan sa kasamaang dapat mapagtagumpayan, o ang isang nagsusumikap araw-araw na magtagumpay, ngunit nasusumpungan ng anumang pagsuway? Ang kapangyarihan ng kanyang lakas, pananampalataya, at paghahatol ay nadaraig, at siya ay natatagpuang nagkamali sa pamamagitan ng kanyang pagkahilig sa masama, bagamat nagsusumikap siya, araw-araw, gabi-gabi, na magwagi. Sino ang may dahilan na higit na magpasalamat? Ang taong kung paghahambingan ay walang gaanong pagnanasang kailangang mapagtagumpayan ay nararapat na tuwinang lumakad nang mga kababaang-loob, kaysa magyabang sa kanyang kapwa dahil sa kanyang kabutihan. Tayo ay may tungkulin, dahil sa pagmamalasakit natin sa kapwa at pagkakaugnay sa sangkatauhan, na humigit kumulang ay makipagkaibigan sa mga gumagawa ng masama. Kailangan nating pagtiisan ito hanggang marapatin ng Panginoon na paghiwalayin ang trigo sa dayami—hanggang matipon ang mabubuti, at ang masasama ay matipon sa mga bigkis handa na upang sunugin [tingnan sa Doktrina at ma Tipan 86]—hanggang mahiwalay ang mga tupa sa mga kambing [tingnan sa Mateo 25:31–34]. Sila na walang masidhing pagnanasang pinaglalabanan, araw-araw, at taun-taon, ay dapat na lumakad nang may kababaang-loob, at kung ang inyong mga kapatid ay masusumpungan ng pagsuway, ang inyong puso ay dapat na mapuspos ng kabutihan—may pagmamahal sa kapwa, at mabait na damdamin—upang huwag mapansin ang kanilang mga pagkakamali hangga’t maaari (DNW, ika-22 ng Ago. 1860, 1).
Ang puso ng mga maamo at mapagpakumbaba ay puspos ng galak at aliw sa tuwina (DBY, 228).
Ang matatapat ay tapat sa kanilang sarili, sa iba, at sa Panginoon.
Kinakailangang maging matapat ang mga tao, kinakailangan nilang mamuhay na tapat sa harap ng Diyos, at igalang ang kanilang tungkulin at buhay sa mundo. Itinatanong ninyo kung maaaring gawin ito? Oo; ang doktrinang ating niyakap ay pinapalis ang mga matigas na puso (DBY, 232).
Kailangan nating matuto, magsanay, mag-aral, malaman at maunawaan kung paano magkakasamang namumuhay ang mga anghel. Kapag ang pamayanan na ito ay dumating sa puntong siya ay ganap nang tapat at matwid, hindi ka kailanmang makakikita ng isang mahirap; wala ni isang mangangailangan, lahat ay mayroong sapat. Bawat lalaki, babae, at bata ay magkakaroon ng lahat ng kanilang kailangan sa sandaling lahat sila ay maging matapat. Kapag karamihan sa kanilang pamayanan ay mandaraya, pinapangyari nitong maging mahirap ang matatapat, dahil pinaglilingkuran at pinayayaman ng mga mandaraya ang kanilang sarili sa kapinsalaan ng matatapat (DBY, 232).
Tinatangka kong pigilin ang pandaraya sa mga indibiduwal, at aking tinatangka sa paraang ito na gawin silang matapat. Kung uupa ako ng isang karpintero at babayaran siya ng tatlong dolyar isang araw, at nakagagawa siya sa loob ng tatlong araw ng anim na entrepanyong pinto na magagawa ng isang magaling na manggagawa sa isang araw, o isa’t kalahating pinto sa isang araw, hindi ko siya babayaran ng tatlong dolyar isang araw para sa trabahong iyon. Gayunman may ilan dito na walang sapat na pagiisip, pagpapasiya, o ideya tungkol sa tama at mali, na nagnanais na bayaran sa trabahong hindi nila ginawa; at ito ay inaakala nilang matapat: ngunit ito ay pandaraya rin gaya ng anupaman sa daigdig (DNW, ika-2 ng Dis. 1857, 4).
Subuking maging higit na mabuti ang [lahat ng manggagawa]. … May malaking pagbabagong nangyari sa mga taong ito, at magpapatuloy pa silang magiging mahusay. Humingi sa Panginoon ng karunungan … at magpatuloy na magpabuti, hanggang mapantayan natin ang batayan ng katotohanan sa lahat ng ating kilos at salita; kaya’t kapag magpapagawa ako sa isang mason ng dingding ay matapat niya itong gagawin, gayon din ng iba pang manggagawa. Samakatwid kung hindi karapat-dapat ang isang tao sa kanyang upa, hindi siya dapat humingi nito o tanggapin ito. … Ang katapatan ay hindi kailanman pumapasok sa puso ng taong tulad nito; ang kanilang tuntunin ay ingatan ang nasa kanila at kunin ang kanilang makukuha, maging matapat man o hindi nilang makuha, at maghangad ng higit pa (DNW, ika-2 ng Dis. 1857, 5).
Aba sa yaong nagpapahayag na mga Banal at hindi matapat. Maging matapat sa inyong sarili, at magiging matapat kayo sa inyong mga kapatid (DBY, 231–32).
Dapat na turuan ang mga bata ng katapatan, at lalaki silang nalalaman sa kanilang sarili na hindi nila dapat kunin ang isang alpiler na hindi sa kanila; hindi kailanman galawin ang anumang bagay, kundi ilagay ang lahat ng bagay sa tama nitong lalagyan. Kung makakita sila ng anumang bagay ay hanapin ang may-ari nito. Kung mayroon mang pag-aari ang kanilang kapwa na masisira, ilagay ito sa lugar na hindi ito masisira, at maging ganap na tapat sa isa’t isa (DNW, ika-23 Okt. 1872, 5).
Ang matatapat na puso ay lumilikha ng tapat na gawain—ang mga banal na naisin ay lumilikha ng naaayon na kilos na nakikita ng madla. Tuparin ang inyong mga kasunduan at ang inyong salita. Wala akong pakialam sa taong mangangako at hindi tumutupad dito. Ang malinaw na katotohanan, kapayakan, katapatan, pagkamatwid, pagkamakatarungan, pagkamaawain, pagmamahal, kabaitan, paggawa ng mabuti sa lahat at hindi paggawa ng kasamaan kaninuman, ay mga alituntuning kay daling ipamuhay! Isang libong ulit na mas madali kaysa manlinlang! (DBY, 232).
Higit na mabuting maging matapat; mamuhay ng matwid, at iwaksi at iwasan ang masama, kaysa maging sinungaling. Napakadaling landas sa daigdig ang maging matapat,—ang maging matwid sa harap ng Diyos; at kapag natutuhan ng mga tao ito, kanilang gagawin ito (DBY, 232).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Ang pagkilala sa kamay ng Panginoon sa ating buhay ay nakapaglilinang ng pasasalamat.
-
Iminungkahi ni Pangulong Young na dapat magpasalamat ang mga Banal para sa trigo, mais, at gulay kaysa ginto at pilak? Ano ang dapat pasalamatan ng bawat isa sa atin? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:7, 21.) Paano ninyo ipinahayag ang inyong pasasalamat sa Diyos, sa inyong mag-anak, at sa ibang tao?
-
Sa inyong palagay bakit itinuro ni Pangulong Young sa mga Banal na nagalak sa pag-uusig, karamdaman, sakit, at paghihirap? Anong mga pagpapala ang maaaring maging bunga ng ganitong mga kalagayan? Paanong para sa ating kabutihan ang mga paghihirap at pagsubok? Paano natin matutuhang pasalamatan at pahalagahan ang mga kahirapan sa buhay habang dinaranas natin ang mga ito?
-
Sinabi ni Pangulong Young, “Tayo ay [naririto] sa layong malaman natin ang dapat gawin sa buhay na ito at sa pagpapalang ipinagkaloob sa atin ngayon.” Anong mangyayari kung hindi tayo magpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagkatuto kung ano ang ating gagawin sa mga pagpapala ngayon? (Tingnan din sa Mosias 2:20–21.) Ano ang maaari nating gawin upang ipakita ang ating pasasalamat sa ating mga pagpapala? Paano natin “papagyamanin ng bawat pagpapalang ibinibigay sa atin ng Panginoon”?
Ang mga mapagpakumbaba ay nakakikilala ng kanilang pag-asa sa Panginoon.
-
Nagsalita si Pangulong Young tungkol sa pangangailangan na maging tulad ng isang bata upang “tanggapin ang unang liwanag ng diwa ng Ebanghelyo” at kanyang sinabi na ang isang tao ay uunlad sa kaalaman at karunungan. Ano ang patunay na nakita ninyo sa inyong sarili o sa iba na ito ay totoo? Anong mga katangiang mayroon ang mga bata na makatutulong sa mga may sapat na gulang na maging mapgkumbaba?
-
Itinuro ni Pangulong Young, “Tayo ay wala maliban lamang sa pagkakagawa ng Panginoon sa atin.” Paano natin malalaman kung ano ang nais ng Panginoon para sa atin? Paanong ang pagiging mapagpakumbaba natin makatutulong sa Panginoong gabayan tayo? (Tingnan din sa Mosias 3:19.) Paano ginabayan ng Panginoon ang inyong buhay at tinulungan kayong maging mas mabuting tao?
-
Sinabi ni Pangulong Young, “Ang taong kung paghahambingan ay walang gaanong pagnanasang kailangang mapagtagumpayan ay nararapat na tuwinang lumakad nang mga kababaang-loob, kaysa magyabang sa kanyang kapwa dahil sa kayang kabutihan.” Paanong nagbubunga ng kapalaluan ang paghahambing sa ating mga kalakasan sa mga kahinaan ng iba? Anong mga pagpapala ang matatamo ng mga mapagpakumbaba? (Tingnan din sa Eter 12:27.)
Ang matatapat ay tapat sa kanilang sarili, sa iba, at sa Panginoon.
-
Paanong magiging huwaran ang mga anghel kung paano dapat magkakasamang mamuhay ang mga mag-anak at pamayanan?
-
Sinabi ni Pangulong Young na sa isang pamayanan ng matatapat na tao wala ni isang mangangailangan, lahat ay magkakaroon ng sapat. Bakit magiging totoo ito? Paano nakaaapekto ang pagiging hindi matapat? Paano makabubuti ang katapatan sa isang pamayanan?
-
Paano natin matuturuan ang ating mga anak na maging matapat? Bakit mahalagang maging tapat sa lahat ng aspeto ng ating buhay?
-
Ayon kay Pangulong Young, bakit ang pagiging matapat ay “isang libong ulit na mas madali kaysa magsinungaling” at “ang napakadaling landas sa daigdig”?