Kabanata 22
Ikapu at Paglalaan
Sa kabila ng lahat ng pagsubok na hinarap ni Pangulong Young, para sa kanya, “walang matatawag” na sakripisyo (DNW, ika-24 ng Ago. 1854, 1) dahil ang lahat ng bagay ay pag-aari ng Diyos at ang ipinagkakaloob natin ay nagpapala lamang at naghahanda sa atin para sa kadakilaan. Para sa kanya, ang tinatawag nating sakripisyo ay mga pagkakataon upang ipagpalit “ang isang mas masamang kalagayan sa isang mas mabuti” (DNW, ika-24 ng Ago. 1854, 1). Itinuro ni Pangulong Young na maaari tayong makibahagi sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng ikapu at paglalaan—pagkilala na ang lahat ng nasa atin ay pag-aari ng ating Ama sa Langit at pagsasauli ng bahagi ng ating pag-aari sa kanya.
Mga Turo ni Brigham Young
Ang pagbabayad ng ikapu ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang makibahagi sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasauli ng bahagi ng pag-aari niya.
Hindi ko inakala saglit man na may sinuman sa Simbahang ito na hindi nakakaalam sa tungkulin ng pagbabayad ng ikapu, ni hindi rin kailangang magkaroon ng paghahayag taun-taon tungkol sa paksang ito. May Batas—magbayad ng ikasampung bahagi (DBY, 174).
Napakarami nang naging pagtatanong at nakakasawa na: ang batas ay dapat magbayad ng ikasampung bahagi ang isang tao … para sa pagtatayo ng Bahay ng Diyos, pagpapalaganap ng ebanghelyo, at pagtataguyod sa pagkasaserdote. Kapag pumupunta sa simbahan ang isang tao, nais niyang malaman kung dapat niyang isama sa kuwenta ang kanyang kasuotan, malaking pagkakautang, lupain, at iba pa. Ang batas ay magbigay … ng ikasampung bahagi ng kanyang kita [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 119:4] (HC, 7:301). Ang batas ng ikapu ay isang walang hanggang batas. Hindi pa nangyaring itinatag ng Pinakamakapangyarihang Panginoon ang kanyang Kaharian dito sa lupa nang walang batas ng ikapu na ipinag-uutos sa kanyang mga tao, at hindi niya kailanman gagawin ito. Ito ay isang walang hanggang batas na itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan, para sa kanilang kaligtasan at kadakilaan. Ang batas na ito ay nakapaloob sa Pagkasaserdote, subalit ayaw naming sumunod ang sinuman maliban kung maluwag sa kanilang kalooban na gawin ito (DBY, 177).
Ang mga tao ay hindi pinipilit magbayad ng kanilang ikapu, nagbabayad sila sang-ayon sa kanilang nais, hinihiling lamang ito sa kanila bilang tungkulin nila sa kanilang Diyos (DBY, 177).
Hindi namin pinagbabayad ng ikapu ang sinuman maliban kung handa sila; subalit kung nagpapanggap kayong nagbabayad ng ikapu, bayaran ninyo ito nang tulad ng matapat na tao (DBY, 177).
Dapat na magbayad ng kanilang ikasampung bahagi ang lahat. Dapat na ibayad ng mahirap na babae ang kanyang ikasampung manok, kahit na kailangang ibalik sa kanya nang sampung beses ang halaga ng ibinigay niya para sa kanyang pangangailangan (DBY, 178).
Sadyang totoo na mas magaling magbayad ng kanilang ikapu ang mahihirap kaysa sa mayayaman. Kung magbabayad lamang ng ikapu ang mayayaman magiging sagana tayo. Ang mahihirap ay matapat at maagap sa pagbabayad ng kanilang ikapu, samantalang ang mayayaman ay halos hindi makabayad—napakalaki ng kanilang ibabayad. Kung sampung piso lamang ang pera niya, kaya niyang magbayad ng isa; kung piso lamang ang pera niya, kaya niyang magbayad ng sampung sentimo; walang anuman ito sa kanya. Kung mayroon siyang isandaang piso marahil ay makapagbabayad siya ng sampu. Kung mayroon siyang isanlibong piso, saglit niya itong titingnan at sasabihing, “Sa palagay ko ay babayaran ko ito; kailangan din namang bayaran ito;” at ibabayad niya ang kanyang sampung piso o isandaang piso. Subalit halimbawang kaya ng isang tao na magbayad ng sampung libong piso, titingnan niya ito nang paulit-ulit at sasabihing, “Sa palagay ko ay maghihintay muna ako hanggang sa makaipon pa ako ng kaunti, at pagkatapos ay magbabayad ako ng malaki.” At naghintay sila nang naghintay, tulad ng matandang lalaki sa Silangan; naghintay siya nang naghintay upang magbayad ng kanyang ikapu hanggang sa pumanaw siya sa mundo, at ganito ang nangyayari sa marami. Naghihintay sila at patuloy na naghihintay hanggang sa huli ay dumarating ang tauhang tinatawag na Kamatayan at lumalapit sa kanila nang lingid sa kanilang kaalaman at binabawi ang kanilang hininga, at pagkaraan nito ay pumapanaw sila at hindi na nakapagbayad ng kanilang ikapu, sadyang huli na sila, at ganito ang nangyayari (DBY, 175).
Hindi ako maaaring tumayo at sabihing makapagbibigay ako sa Panginoon, subalit sa katotohanan ay wala akong maibibigay. Kahit paano ay mayroon akong maibibigay. Bakit? Dahil ninais ng Panginoon na itaguyod ako, at biniyayaan niya ang aking pagsisikap upang makalikom ng mga bagay na kanais-nais, at ang mga ito ay tinatawag na ari-arian (DBY, 176).
Nang dumating ang aking Obispo upang kalkulahin ang halaga ng aking ari-arian, nais niyang malaman kung ano ang kukunin niya bilang ikapu. Sinabi ko sa kanya na kunin ang anumang bagay na mayroon ako dahil hindi ko itinuon sa anumang bagay ang aking puso; maaari niyang kunin ang aking mga kabayo, baka, baboy, o anumang iba pang bagay; ang aking puso ay nakatuon sa gawain ng aking Diyos, sa ikabubuti ng kanyang dakilang Kaharian (DBY, 176).
Kung ipinamumuhay natin ang ating relihiyon, magiging handa tayong magbayad ng ikapu (DBY, 176).
Hindi sa atin ang ating sarili, tayo’y tinubos, tayo ay pag-aari ng Panginoon; ang ating panahon, mga talino, ginto at pilak, trigo at mga pinong harina, inumin at langis, mga baka, at ang lahat ng pag-aari natin na nasa daigdig na ito ay pag-aari ng Panginoon, at hinihingi niya ang ikasampung bahagi nito para sa pagtatayo ng kanyang Kaharian. Kahit marami o kakaunti ang ating pag-aari, dapat na ibayad ang ikasampung bahagi bilang ikapu (DBY, 176).
Kapag ang isang tao ay nagnanais magbigay ng anumang bagay, hayaan ninyong ibigay niya ang pinakamahusay. Ang Panginoon ang nagbigay sa akin ng lahat ng aking pag-aari; sa katunayan ay wala akong pag-aari ni kusing. Maaaring tanungin ninyo, “Ganyan ba talaga ang nararamdaman mo?” Oo, ganito talaga ang nararamdaman ko. Ang amerikanang suot ko ay hindi sa akin, at hindi kailanman naging akin; marangal na ipinagkaloob ito sa akin ng Panginoon, at isinusuot ko ito; subalit kung kailangan niya ito, at pati ang may suot, malugod kong ipagkakaloob ang lahat. Wala akong bahay, o sakahan, kabayo, mola, karwahe, o bagon. … na hindi ibinigay ng Panginoon sa akin, at kung kailangan niya ang mga ito, maaari niyang kunin ang mga ito ayon sa kanyang kalooban, kahit na ipabatid o kunin niya ito nang walang paalam (DBY, 175).
Sa Panginoon ang lahat ng ito at tayo ay mga tagapangasiwa lamang niya (DBY, 178).
Hindi ko inaasahang maging ganap na malaya, hanggang sa ako ay maputungan sa kahariang selestiyal ng aking Ama, at maging kasing laya ng aking Ama sa Langit. Hindi ko pa ganap na natatanggap ang aking mana, at ipinalalagay kong aasa ako hanggang sa matanggap ko ito, sapagkat ang lahat ng pag-aari ko ay ipinahiram sa akin (DBY, 177).
Tungkulin nating magbayad ng ikapu at sang-ayunan ang mga tagapag-ingat ng ikapu.
Narito ang isang tao—na nilalang, binuo, hinubog at ginawa ng Diyos,—ang bawat bahagi at kaliit-liitang himaymay ng aking katawan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan ay ginawa ng aking Ama sa Langit; at hinihingi niya ang ikasampung bahagi ng aking utak, puso, nerbiyos, kalamnan, litid, laman, buto, at ang aking buong katawan, para sa pagtatayo ng mga templo, para sa paglilingkod, para sa pagtataguyod ng mga misyonero at mag-anak ng mga misyonero, para sa pagpapakain ng mahihirap, matatanda, mga lumpo at bulag, at para tipunin ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa at alagaan sila matapos na sila ay tipunin. Sinabi niya, “Anak, ilaan mo ang ikasampung bahagi ng iyong sarili para sa mabuti at kanais-nais na gawain ng pangangalaga sa iyong kapwa, pangangaral ng Ebanghelyo, pagdadala ng mga tao sa Kaharian; planuhin mong alagaan ang mga hindi kayang mangalaga sa kanilang sarili; pangasiwaan mo ang mga gawain ng mga may kakayahang gumawa; at sapat na sapat na ang ikasampung bahagi kapag ito ay inilaan nang wasto, maingat at buong talino para sa pagsulong ng aking Kaharian sa lupa” (DBY, 176).
Kung hinihingi ng Panginoon ang ikasampung bahagi ng aking kakayahan upang ilaan sa pagtatayo ng mga templo, bahay-pulungan, paaralan, sa pagpapaaral sa ating mga anak, pagtitipon ng mahihirap mula sa iba’t ibang bansa, pag-uuwi sa mga matanda, pilay, lumpo at bulag, at sa pagtatayo ng mga bahay na kanilang titirahan, upang maging maginhawa sila pagdating sa Sion, at sa pagtataguyod ng Pagkasaserdote, wala akong karapatang mag-alinlangan sa awtoridad ng Pinakamakapangyarihan tungkol sa pagbabayad ng ikapu, ni pag-alinlanganan ang kanyang mga tagapaglingkod na nangangasiwa nito. Kung ipinag-uutos sa akin na magbayad ng aking ikapu, tungkulin kong bayaran ito (DBY, 174).
Gusto ko ang salitang [ikapu], dahil matatagpuan ito sa banal na kasulatan, at higit na nanaisin kong gamitin ito kaysa sa anuman. Pinasimulan ng Panginoon ang ikapu, isinagawa ito noong panahon nina Abraham, at Enoc at hindi nakalimutan nina Adan at ng kanyang mga anak ang kanilang mga ikapu at handog. Mababasa ninyo mismo kung ano ang hinihingi ng Panginoon. Nais kong sabihin ang ganito sa mga nagpapahayag na sila ay mga Banal sa mga Huling Araw—kapag kinakaligtaan natin ang ating mga ikapu at handog, parurusahan tayo ng Panginoon. Tiyak na mangyayari ito. Kapag kinaligtaan nating magbayad ng ating mga ikapu at handog, kakaligtaan natin ang iba pang bagay at unti-unti tayong madadaig nito hanggang sa ang diwa ng Ebanghelyo ay ganap na mawala sa atin, at tayo ay mangangapa sa dilim [kamangmangan at kawalang katiyakan] at hindi alam kung saan patutungo (DBY, 174).
Hinihingi ng Panginoon ang ikasampung bahagi ng ipinagkaloob niya sa akin; kailangan kong ibayad ang ikasampung bahagi ng aking kita mula sa aking kawan at lahat ng aking ari-arian, at dapat ding gawin ito ng lahat ng tao. Maaaring itanong, “Ano ang gagawin sa ikapu?” Ito ay para sa pagtatayo ng mga templo ng Diyos; para sa pagpapalawak ng mga hangganan ng Sion; para sa pagpapadala ng mga Elder sa mga misyon upang ipangaral ang Ebanghelyo at para sa pangangalaga ng kanilang mag-anak. Di magtatagal, may mapapasukan na tayong mga templo, at matatanggap natin ang ating mga pagpapala, ang mga pagpapala ng langit, sa pamamagitan ng pagsunod sa doktrina ng ikapu. Magkakaroon tayo ng mga templo sa kabundukang ito, sa mga lambak ng Teritoryong ito at sa mga lambak ng susunod na Teritoryo, at sa huli ay sa lahat ng lambak ng kabundukang ito. Inaasahan nating makapagtayo ng mga templo sa maraming lambak. Papasok tayo sa Tahanan para sa Endowment, at bago pumunta, kukuha tayo ng rekomendasyon mula sa ating Obispo na nakabayad tayo ng ating ikapu (DBY, 178).
Tungkulin kong pangasiwaan ang mga paggugol ng ikapu na ibinayad ng mga Banal, at hindi ito tungkulin ng bawat Elder sa Kaharian na nagaakalang pagmamay-ari niya ang ikapu (DBY, 178).
Kapag hinahayaan ninyong imungkahi ng diyablo na hindi ko kayo pinamumunuan nang tama, at hinahayaang manatili sa inyong puso ang kaisipang iyan, ipinapangako ko sa inyo na aakayin kayo nito tungo sa pagtalikod sa katotohanan. Kapag hinahayaan ninyo ang inyong sarili na mag-alinlangan sa anumang inihayag ng Diyos, hindi magtatagal ay kaliligtaan ninyong manalangin, tatanggi kayong magbayad ng inyong Ikapu, at pupulaan ninyo ang mga awtoridad ng Simbahan. Uulitin ninyo ang sinasabi ng lahat ng tumalikod sa katotohanan, “Hindi ginagamit nang tama ang Ikapu”(DNSW, ika-29 ng 29 Ago. 1876, 1).
Ang paglalaan ay ang kahandaang ibigay ang lahat at ang pagkilala na ang lahat ng sa atin ay pag-aari ng ating Ama sa Langit.
“Nakita ko ang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang pangitain; at namasdan ko silang natatatag bilang isang dakilang mag-anak ng langit; ginagawa ng bawat isa ang kanyang mga tungkulin sa kanyang uri ng gawain, gumagawa para sa kabutihan ng lahat higit pa para sa pagpapayaman ng sarili; at dito ay namasdan ko ang pinakamagandang kaayusan na maaaring isipin ng tao, at ang pinakamarangyang mga bunga ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos at ang paglaganap ng kabutihan sa mundo. Hahantong kaya sa ganitong kaayusan ang mga taong ito? Handa na ba silang mamuhay batay sa orden ng patriyarka na maitatatag sa kalipunan ng mga tunay at tapat bago tanggapin ng Diyos ang kanyang mga tao? Sangayon tayong lahat na kapag natapos na ang buhay na ito, at kasama nito ang mga alalahanin, takot, pagmamahal sa sarili, pagmamahal sa kayamanan at kapangyarihan; at lahat ng magkakasalungat na interes na may kinalaman sa buhay na ito, kapag dumating ang panahong iyon, na ang ating mga espiritu ay bumalik na sa Diyos na nagbigay nito, mapapasailalim tayo sa lahat ng ipag-uutos niya sa atin, mabubuhay tayo kung gayon bilang isang malaking mag-anak; magiging isa at pangkalahatan na ang ating interes. Bakit hindi tayo makapamuhay nang ganito sa daigdig na ito? (DBY, 181).
Darating kaya ang panahong masisimulan at maitatatag natin ang mga tao na ito bilang isang mag-anak? Darating. Alam ba natin kung paano? Oo. … Sa palagay ninyo kaya ay magkakaisa tayo? Kapag bumalik na tayo sa ating Ama at Diyos, hindi ba natin nanaising mapabilang sa mag-anak? Hindi ba magiging pinakadakilang pangarap at mithiin natin ang makilala bilang mga anak na lalaki ng buhay na Diyos, bilang mga anak na babae ng Pinakamakapangyarihang Diyos, na may karapatan sa sambahayan, at sa pananampalataya na taglay ng sambahayan, na mga tagapagmana ng Ama, ng kanyang mga pag-aari, kayamanan, kapangyarihan, kadakilaan, kaalaman at karunungan? (DBY, 179).
At kapag nagkaisa ang mga taong ito, ito ay magiging isa sa Panginoon. Hindi sila magiging magkamukha. Hindi tayo magkakaroon ng magkakatulad na kulay abo, asul, o itim na mata. Magkakaiba ang ating anyo, at sa ating mga kilos, ugali, at paraan ng pagkuha, pamamahagi, at pagbibigay ng ating oras, talino, kayamanan at anumang ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon sa ating paglalakbay sa buhay ay magkakaiba rin na tulad ng pagkakaiba ng ating anyo. Nais ng Panginoon na dumating tayo sa punto na susundin natin ang kanyang payo at ipamumuhay ang kanyang salita. Sa gayon ay mapasusunod niya ang bawat isa upang makakilos tayo bilang isang mag-anak (DBY, 180).
Nais nating makakita ng isang komunidad na itinatag kung saan ang bawat tao ay magiging masipag, matapat at masinop (DBY, 180).
Huwag kailanman maghangad ng isang bagay na hindi ninyo kaya, mamuhay sa abot ng inyong makakaya (DBY, 180).
Nang ibigay ng Panginoon ang paghahayag na nagtuturo sa atin sa ating tungkulin na ilaan kung ano ang mayroon tayo, kung ito ay ganap na naunawaan ng mga tao noon, at sinunod ang paghahayag na iyon, nangangahulugan ito ng ganap na pagsasauli ng hindi sa kanila sa tunay na may-ari. At gayon din ang kahulugan nito ngayon (DBY, 178).
Ipinahayag ng Panginoon na nais niyang pumasok sa isang tipan ang kanyang mga tao na tulad ng ginawa nina Enoc at ng kanyang mga tao. Kailangan ito bago tayo bigyan ng karapatang itayo ang Sentrong Istaka ng Sion sapagkat ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay madarama roon, at walang iba kundi ang mga may dalisay na puso ang maaaring mamuhay at makatamasa nito (DBY, 178).
May isa pang paghahayag [marahil ay Doktrina at mga Tipan 42] … na nagsasaad na tungkulin ng lahat ng tao na pumupunta sa Sion na ilaan ang lahat ng kanilang ari-arian sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang paghahayag na ito … ay isa sa mga unang kautusan o paghahayag na ibinigay sa mga taong ito pagkaraang bigyan sila ng karapatang buuin ang kanilang sarili bilang isang Simbahan, kalipunan, bilang Kaharian ng Diyos sa lupa. Napansin ko noon at naiisip ko ngayon na magiging isa ito sa mga huling paghahayag na tatanggapin ng mga tao sa kanilang puso at uunawain nang kusa, at ituturing na kaligayahan, karapatan, at pagpapala na sundin at panatilihing lubhang banal (DBY, 179).
May hindi mabilang na dami ng ari-arian, at ginto at pilak sa ilalim at ibabaw ng lupa. Binigyan ng Panginoon ng ilan ang iba at ang iba ay ilan din—ang masasama gayon din ang mabubuti—upang makita kung ano ang gagawin nila rito, subalit ang lahat ng ito ay sa kanya. Pinagkalooban niya ng marami-rami ang mga taong ito. … .Subalit hindi ito sa atin, at ang kailangan lamang nating gawin ay pagsikapan at alamin kung ano ang nais ipagawa ng Panginoon sa taglay natin, at pagkatapos ay gawin natin ito. Kapag lumampas tayo rito, o bumaling sa kanan o kaliwa, pumapasok tayo sa isang uri ng gawain na di-naaayon sa batas. Ang talagang gawain natin ay ang sumunod sa ipinagagawa sa atin ng Panginoon sa ipinagkaloob niya at gamitin ito batay sa kanyang utos, maging ito ay ang pagbibigay ng lahat, ikasampung bahagi, o ang labis (DNW, ika-23 ng Abr. 1873, 4).
Gaano katagal tayo dapat mabuhay bago natin malaman na wala tayong mailalaan sa Panginoon—na ang lahat ay pag-aari ng Ama sa langit; na ang mga bundok na ito ay Kanya; ang mga lambak, puno, tubig, lupa; sa madaling salita, ang daigdig at ang lahat ng narito? [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:14–18, 55] (DNW, iak-20 ng Hun. 1855, 5).
Saan kung gayon ang ginawang sakripisyo ng mga taong ito? Walang matatawag na sakripisyo. Ipinagpalit lamang nila ang isang mas masamang kalagayan para sa mas magandang kalagayan sa tuwing sila ay inililipat; ipinagpalit nila ang kamangmangan sa kaalaman, at kawalan ng karanasan sa kabaligtaran nito(DNW, ika-24 ng Ago. 1854, 1).
Halimbawang tinawag tayo upang iwan kung ano ang mayroon tayo ngayon, tatawagin ba natin itong sakripisyo? Kahiya-hiya ang taong tatawag ditong sakripisyo; sapagkat ito ang paraan upang madagdagan ang kanyang kaalaman, pang-unawa, kapangyarihan, at kaluwalhatian. Inihahanda siya nito upang tumanggap ng mga korona, kaharian, trono, at nasasakupan, at upang maputungan ng kaluwalhatian kasama ng mga Diyos sa kawalang-hanggan. Maliban sa paraang ito, hindi natin kailanman matatanggap ang hinahanap natin (DNW, ika-3 ng Ago. 1854, 2).
Sasabihin ko sa inyo ang dapat ninyong gawin upang matamo ang inyong kadakilaan, na hindi ninyo matatamo maliban kung susundin ninyo ang landas na ito. Kapag ang puso ninyo ay nakatuon sa anumang bagay na maaaring humadlang sa inyo kahit kaunti upang ialay ito sa Panginoon, unahin ninyong ialay ang bagay na ito, upang maging ganap ang pag-aalay ng sarili (DNW, ika-5 ng Ene. 1854, 2).
Ano ang humahadlang sa mga taong ito sa pagiging kasing banal ng mga kasapi ng simbahan noong panahon ni Enoc? Masasabi ko ang dahilan sa ilang salita. Dahil ayaw ninyong linangin ang katangiang maging tulad nila: ito ang buong dahilan. Kapag ang puso ko ay hindi ganap na nakatuon sa gawaing ito, ibibigay ko ang aking panahon, talino, kamay, at mga ari-arian, hanggang sa sumunod ang aking puso; pagaganahin ko ang aking mga kamay sa gawain ng Diyos, hanggang sa sumuko rito ang aking puso (DNW, ika-5 ng Ene. 1854, 2).
Sinabi ko na sa inyo ang landas na dapat sundan upang matamo ang kadakilaan. Ang Panginoon ang dapat na una at pinakamahalaga sa ating puso; nangangailangan ng pangunahing pagsasaalang-alang natin ang pagtataguyod ng kanyang layunin at pagtatayo ng kanyang kaharian (DNW, ika-5 ng Ene. 1854, 2).
Mga Mungkahi sa Pag-aara
Ang pagbabayad ng ikapu ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang makibahagi sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasauli ng bahagi ng pag-aari niya.
-
Tukuyin ang bawat pangungusap kung saan ginamit ni Pangulong Young ang mga salitang “ikasampung bahagi,” at pagkatapos ay isulat ang lahat ng kabilang sa pagbabayad natin ng ikapu. Ano ang bumubuo sa ikapu at sino ang dapat magbayad nito? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 119:3–4.)
-
Bakit sinabi ni Pangulong Young na wala siyang maibibigay? (Tingnan din sa Mosias 2:19–24; Doktrina at mga Tipan 104:14–18, 55.) Saan nagmula ang lahat ng tinatamasa natin pati ang ibinabayad nating ikapu? Ano ang dapat nating maging saloobin sa natitirang siyam na bahagi na pag-aari ng Panginoon na ipinagkatiwala niya sa atin? (Tingnan din sa Jacob 2:17–19.) Paano tayo natutulungan ng saloobing ito na maunawaan ang Malakias 3:8–12?
-
Basahing mabuti ang 2 Mga Cronica 31:5–6. Kailan nagbayad ng kanilang ikapu ang mga taong ito? Ano ang dapat nating maging saloobin sa pagbabayad ng ikapu?
Tungkulin nating magbayad ng ikapu at sang-ayunan ang mga tagapag-ingat ng ikapu.
-
Ano ang ibig sabihin ni Pangulong Young noong sabihin niya na “hinihingi [ng Panginoon] ang ikasampung bahagi ng … aking buong katawan”? Sa anong mga paraan ninyo “mailalaan ang ikasampung bahagi ng inyong sarili” sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos? Paano kayo biniyayaan noong ilaan ninyo ang inyong panahon at talino sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos bukod sa pagbabayad ng ikapu?
-
Anong mga kahihinatnan ang binanggit ni Pangulong Young na dulot ng hindi pagbabayad ng ikapu? Paano nakakaapekto kapwa sa Simbahan ng Panginoon at sa kasapi ang hindi pagbabayad ng ikapu?
-
Saan ginagamit ang ikapu ayon kay Pangulong Young? Sino ang may pananagutan sa paggugol ng ikapu? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 120.) Ano ang saloobin ni Pangulong Young tungkol sa pagaalinlangan sa mga binigyan ng panagutang gumugol ng ikapu?
Ang paglalaan ay ang kahandaang ibigay ang lahat at ang pagkilala na ang lahat ng sa atin ay pag-aari ng ating Ama sa Langit.
-
Ano ang kahulugan ng magiging “isang dakilang mag-anak ng langit” at magiging “mga tagapagmana ng Ama” ang “komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw”?
-
Bakit “isa … sa mga huling paghahayag na tatanggapin ng mga tao sa kanilang puso at uunawain nang kusa, at ituturing na kaligayahan, karapatan, at pagpapala na sundin at panatilihing lubhang banal” ang batas ng paglalaan?
-
Bakit tayo binibigyan ng ari-arian ng Panginoon? Ano ang pananagutan natin bilang mga tagapangasiwa ng mga ari-arian ng Diyos? Ayon kay Pangulong Young, ano ang “talagang gawain” natin tungkol sa ikapu at paglalaan? Paano kasing mali ng paggawa nang kaunti ang paggawa nang labis?
-
Ano ang dapat nating ilaan kung inaasahan nating matanggap ang lahat ng mayroon ang Diyos? Bakit? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:38.) Sa anong mga tiyak na paraan ninyo mailalaan ang lahat ng mayroon kayo at ang inyong sarili sa ating Ama sa Langit? Paano kayo pagpapalain nito? Paano nito pagpapalain ang inyong mag-anak, kapwa kasapi ng Simbahan, at ang inyong mga kahalubilo?