Library
Mga Salaysay tungkol sa Unang Pangitain


“Maraming Salaysay tungkol sa Unang Pangitain,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

unang pangitain

Mga Tanong tungkol sa Simbahan at sa Ebanghelyo

Maraming Salaysay tungkol sa Unang Pangitain

Ang paghahanap ng mga sagot sa ating mga tanong ay mas maglalapit sa atin kay Jesucristo kung gagamitan natin ng mga tamang alituntunin. Ang pagkatutong suriin ang kalidad ng mga pinagkukunan natin ng impormasyon ay isa sa mga alituntuning iyon.

Tingnan ang paksang “Sumangguni sa mga Mapagkakatiwalaang Mapagkukunan” para sa iba pang mga tip sa pagsusuri ng impormasyon.

Buod

Pinatotohanan ni Joseph Smith na nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo sa isang kakahuyan malapit sa tahanan ng kanyang mga magulang noong siya ay mga 14 na taong gulang. Ang pagpapakitang ito ng Diyos sa tao ay nakilala bilang ang Unang Pangitain. Itinala ni Joseph at ng iba pa ang ilang salaysay tungkol sa Unang Pangitain noong nabubuhay pa ang Propeta.

Naglathala si Joseph ng dalawang salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Ang pinakakilala ay opisyal na ipinahayag at matatagpuan sa Mahalagang Perlas. Walang nakaalam sa dalawang hindi nakalathalang salaysay, na nakatala sa pinakaunang talambuhay ni Joseph Smith at sa kanyang journal, hanggang sa ilathala ito ng Simbahan noong dekada ng 1960.

Iisa ang kuwento ng iba’t ibang salaysay, bagama’t natural na magkakaiba ang binibigyang-diin at detalye ng mga ito. Mali ang argumento ng ilan na anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga paglalarawan sa Unang Pangitain ay katibayan na gawa-gawa lamang ito. Bagkus, inaasahan ng mga mananalaysay na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig makalipas ang maraming taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa ibang mga aspekto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang mga detalye.

Ang mga pangunahing pagkakaiba sa mga salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain ay matatagpuan sa pinakauna, na isinulat noong 1832. Naiiba ito sa iba pang mga salaysay sa ilang punto:

  1. Sa salaysay noong 1832, isiningit ng isa sa mga eskriba ni Joseph ang pariralang “noong mag-16 na taong gulang ako.” Nakaulat sa iba pang mga salaysay na siya ay 14 na taong gulang. Marahil ay resulta ito ng isang pagkakamali ng eskriba.

  2. Sa pinakaunang salaysay, nanalangin si Joseph para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Sa mga sumunod na salaysay, gusto niyang malaman kung aling simbahan ang sasalihan. Ang dalawang tanong na ito ay marahil napakalapit ng kaugnayan sa isipan ni Joseph, at kapwa nagpapamalas ng kanyang hangaring maligtas.

  3. Nakasaad sa unang salaysay, “Binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon at nagsalita siya sa akin.” Sa salaysay sa banal na kasulatan, ipinaliwanag ni Joseph na ipinakilala ng Ama ang Anak, na nagpatuloy sa pagkausap kay Joseph. Bagama’t hindi kasama sa salaysay noong 1832 ang detalyeng ito, lahat ng salaysay ay binibigyang-diin ang mahalagang papel ni Jesucristo sa pangitain. Siya ang sumagot sa mga tanong ni Joseph.

Dahil sa maraming salaysay ni Joseph tungkol sa Unang Pangitain, mas marami tayong natututuhan tungkol sa pambihirang kaganapang ito kaysa kung kakaunti lamang ang naisulat tungkol dito. Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nagbabasa nito ay maaaring magkaroon ng pagpapahalaga sa taos-pusong patotoo ng Propeta na sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin sa isang pambihirang pangitain.

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo:

Paggalugad ng Iyong mga Tanong

Bakit may mga pagkakaiba sa pagitan ng mga salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain?

Nag-iwan si Joseph Smith ng apat na salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Bukod pa sa mga salaysay na ito, lima sa mga nabuhay noong panahon niya ang sumulat ng mga salaysay matapos marinig na magsalita si Joseph tungkol sa kanyang karanasan. Ang maraming salaysay na may iba’t ibang pagbibigay-diin at mga detalye ay nagbibigay sa atin ng mas kumpletong larawan ng mahimalang karanasang ito.

Madalas bigyang-diin ng mga tao ang iba’t ibang aspekto ng isang karanasan depende sa kanilang tagapakinig o sa kanilang mga dahilan para magbahagi. Ang mga salaysay ni Joseph ay napakagandang halimbawa ng pangyayaring ito. Bagama’t iba-iba ang binibigyang-diin at detalye ng mga ito, iisa ang ikinukuwento ng mga ito. Ang isang halimbawa nito ay matatagpuan sa maraming salaysay sa Bagong Tipan tungkol sa pagbabalik-loob ni Pablo.

Ang mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay ginawa sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon: pagsulat ng isang pribadong kasaysayan, pagsasalaysay ng kanyang karanasan sa isang bisita sa kanyang tahanan, pagdidikta ng kuwento ng kanyang buhay para sa isang opisyal na kasaysayan, o pagtugon sa isang tanong mula sa isang reporter. Sa bawat pagkakataon, tila humango si Joseph sa mga alaala na nadama niyang pinakamalaki ang kaugnayan sa mga tagapakinig. Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga salaysay ay ang inaasahang matagpuan ng mababait na mananalaysay at iskolar na nag-aaral ng memorya sa mga dokumentong ginawa sa gayong iba’t ibang mga konteksto.

Ipinapakita rin ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga salaysay kung paano lumawak ang pang-unawa at pananaw ni Joseph sa paglipas ng panahon, karanasan, at karagdagang paghahayag. Nang idikta ni Joseph ang una niyang salaysay noong 1832, maaga pa iyon sa kanyang ministeryo. Halos buong salaysay ay personal at nakatuon sa kahulugan ng pangitain para kay Joseph. Nang idikta niya kalaunan ang salaysay na matatagpuan ngayon sa Mahalagang Perlas, maingat niyang pinagnilayan ang kahulugan ng pangitain hindi lamang para sa kanya kundi para sa Simbahan at sa mundo.

Ilang makalangit na nilalang ang nakita ni Joseph Smith sa Unang Pangitain?

Tatlo sa apat na salaysay ni Joseph ang malinaw na naglalarawan sa dalawang “personahe”: ang Diyos Ama at si Jesucristo. Sa isang salaysay, binanggit niya na nakakita rin siya ng mga anghel. Ang pinakaunang salaysay ni Joseph ay di-gaanong detalyado. Isinulat noong 1832, inilalarawan sa salaysay ang pagbubukas ng “Panginoon” sa kalangitan at pagkatapos ay nakita ni Joseph ang “Panginoon.”

May ilang paraan para mapag-isipan ang salaysay na ito. Maaaring binanggit ni Joseph Smith “ang Panginoon” para tumukoy kapwa sa Diyos Ama at sa Anak, katulad ng paraan ng pagtukoy sa Kanila ng ilan noong panahon ni Joseph. O maaaring nakatuon lamang siya kay Jesucristo, ang banal na Personahe na pinatawad siya sa kanyang mga kasalanan at naghatid ng mensahe ng pangitain.

Nanalangin ba si Joseph Smith na mapatawad siya o para malaman kung aling simbahan ang sasalihan?

Nakasaad sa pinakaunang salaysay ni Joseph tungkol sa Unang Pangitain, na isinulat noong binatilyo siya, na nanalangin siya na mapatawad ang kanyang mga kasalanan. Ang kanyang mga salaysay kalaunan, na isinulat pagkaraan ng maraming taon ng paglilingkod bilang pinuno ng isang lumalagong simbahan, ay nagbigay-diin sa hangarin niyang malaman kung aling simbahan ang sasalihan. Sa totoo lang, malapit ang kaugnayan ng dalawang tanong na ito para kay Joseph. Parehong sumasalamin ang mga ito sa pagnanais niyang maligtas.

Bakit magkaiba ang mga salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain sa pagsasabi ng kanyang edad?

Binuo ni Joseph Smith ang pinakauna niyang salaysay tungkol sa Unang Pangitain sa kanyang sariling sulat-kamay noong 1832. Isang araw pagkatapos sumulat si Joseph, idinagdag ng isang eskriba ang edad ni Joseph sa pagitan ng mga linya, na nagsasaad na siya ay nasa kanyang “ikalabing anim na taon” (o edad 15) sa panahon ng pangitain. Hindi natin alam kung kinonsulta ba ng eskriba si Joseph tungkol sa karagdagang ito. Sa bawat isa sa mga sumunod niyang salaysay, sinabi ni Joseph na siya ay 14 na taong gulang.

Ang mga salaysay ni Joseph ay isinulat na lahat nang mahigit isang dekada matapos mangyari ang pangitain. Kahit inutusan nga niya ang kanyang eskriba na isulat na siya ay 15 taong gulang, lumilitaw na pagkatapos ng mas maingat na pagmumuni-muni ay ipinasiya niya na siya ay 14 na taong gulang sa panahon ng pangitain. Inaasahan ng mga mananalaysay na makahanap ng mga pagkakaibang tulad nito kapag isinalaysay ng mga tao ang kanilang buhay mula sa memorya. Ano’t anuman, ang katotohanan na nangyari ang pangitain ay higit na mahalaga kaysa sa tumpak na petsa kung kailan nangyari iyon.

Mayroon bang katibayan sa kasaysayan tungkol sa kaguluhan sa relihiyon malapit sa Palmyra, New York, noong 1820?

Oo. Sa kanyang kasaysayan noong 1838, sinabi ni Joseph Smith na ang kanyang Unang Pangitain ay naganap noong tagsibol ng 1820. Matagal nang pinag-iisipan ni Joseph ang mga tanong na nagtulak sa kanya na manalangin nang matagal-tagal na panahon bago ang pangitain. Sa kanyang salaysay noong 1832, isinulat ni Joseph na sinimulan niyang pagnilayan “ang lahat ng mahalagang alalahanin para sa kapakanan ng aking imortal na kaluluwa” noong siya ay 12 taong gulang, o mga 1818. Malinaw sa mga talaan ng kasaysayan na ang pangkalahatang kasigasigan sa relihiyon ay kumakalat sa Estados Unidos sa panahong ito, lalo na sa kanlurang New York, kung saan nakatira si Joseph.

Kung minsan ang kasigasigang ito ay nasa anyo ng mga revival meeting, tulad ng ginanap ng mga Methodist sa labas lamang ng Palmyra noong 1818. Nagtipon din ang mga Methodist sa lugar nang sumunod na taon sa Vienna (ngayon ay Phelps), New York, 15 milya mula sa sakahan ng pamilya Smith. Nakatala sa mga journal ng isang naglalakbay na Methodist preacher ang matinding kaguluhan sa relihiyon sa lugar ni Joseph noong 1819 at 1820. Nakasaad sa mga ito na si Reverend George Lane, isang ministro na revivalist Methodist, ay nasa rehiyong iyon sa nabanggit na dalawang taon na nagsasalita “tungkol sa pamamaraan ng Diyos na magkaroon ng mga Reformation.” Nagkaroon ng tatlong araw na Methodist camp meeting sa Palmyra sa huling bahagi ng tagsibol noong 1820, at naganap ang mga malawakang revival makalipas ang ilang taon noong 1824. Bagama’t hindi partikular na binanggit ni Joseph ang mga revival, hindi mapag-aalinlanganan na katibayan ang mga ito ng “hindi pangkaraniwang kaguluhan” na inilarawan niya.

Bakit naghintay si Joseph nang napakatagal para isulat ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain?

Hindi lumikha ng anumang mga talaan ng talambuhay si Joseph Smith sa unang 24 na taon ng kanyang buhay. Lumaki siya sa isang pamilyang marunong bumasa at sumulat, ngunit kakaunti ang kanyang pormal na edukasyon. Alam natin na nahirapan siyang ipahayag ang kanyang sarili sa panulat.

Hindi nagtagal matapos ma-organisa ang Simbahan, inutusan ng Panginoon si Joseph na sumulat ng isang kasaysayan. Mahalaga na matapos matanggap ni Joseph ang kautusang ito, isa sa mga unang bagay na itinala niya ay ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain.

Bakit hindi binanggit ng ilang naunang miyembro ng Simbahan ang Unang Pangitain sa kanilang mga salaysay tungkol sa Pagpapanumbalik?

Isinalaysay kung minsan ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang Pagpapanumbalik nang hindi tinutukoy ang Unang Pangitain. Halimbawa, ang ina ni Joseph Smith na si Lucy at ang kanyang kapatid na si William ay kapwa nag-iwan ng mga salaysay na nagsimula sa pagbisita ng anghel na si Moroni noong 1823 at hindi tinukoy ang pagpapakita ng Ama at ng Anak. Gayundin, ang pinakaunang nalathalang salaysay ni Oliver Cowdery tungkol sa Pagpapanumbalik ay nagsisimula sa pagpapakita ni Moroni.

Si Joseph mismo ay hindi binigyang-diin o madalas na nagsalita sa publiko tungkol sa pangitain sa loob ng maraming taon. Ipinahihiwatig ng isa sa kanyang mga salaysay na noong una ay nag-atubili pa siyang magbahagi ng mga detalye sa kanyang pamilya, marahil dahil sa pag-aatubili na magbahagi ng isang katangi-tanging sagradong karanasan. Sa kabilang dako, madalas na pinatotohanan ni Joseph ang pagdalaw ni Moroni at ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ang mga kaganapang ito ay itinuring ng maraming naunang miyembro ng Simbahan bilang pangunahing katibayan ng banal na tungkulin ni Joseph. Ang mga salaysay na ibinigay ng mga miyembrong ito ng Simbahan ay hindi nagpapahina sa patotoo sa pagsaksi ni Joseph, ngunit ipinapakita nito ang pagkasabik ng mga Banal sa mga Huling Araw noon tungkol sa at patotoo sa Aklat ni Mormon.

May mga pagkakatulad ba sa pagitan ng salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain noong 1832 at ng mga kuwento ng pagbabalik-loob ng ibang mga Kristiyano sa kanyang panahon?

Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ay isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng sangkatauhan. Habang sumulat ang ibang mga tao sa kanyang panahon tungkol sa mga espirituwal na pangitain, lahat ng kanilang salaysay ay nanatiling mga kuwento ng personal na pagbabalik-loob. Ang walang-katulad na karanasan ni Joseph ay naging tanda ng pagsisimula ng sunud-sunod na mga himala na humantong sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain noong 1832 ay nagbabahagi ng ilang pananalitang matatagpuan din sa mga salaysay ng pagbabalik-loob ng ibang mga Kristiyano sa kanyang panahon. Hindi nakapagtataka na gumamit si Joseph ng pananalitang pamilyar sa kanya para ilarawan ang pangitain. Sa gayon ding paraan, nagpapatotoo ang mga miyembro ng Simbahan ngayon gamit ang mga pariralang natutuhan nila mula sa iba. Ngunit samantalang ang pananalitang ginagamit natin para ibahagi ang ating patotoo ay kadalasang may sinusunod na pattern, ang ating indibiduwal na mga espirituwal na karanasan ay natatangi at personal.

Alamin ang Iba pa

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History, circa Summer 1832, 3, josephsmithpapers.org.

  2. Tingnan sa Mga Gawa 9:3–9; 22:6–10; 26:12–18.

  3. Joseph Smith, sa History, circa Summer 1832, 3, josephsmithpapers.org.

  4. Joseph Smith, sa History, circa Summer 1832, 3, josephsmithpapers.org.

  5. Benajah Williams diary, Hulyo 15, 1820, kopya sa Church History Library, Salt Lake City; ginawang regular ang baybay.

  6. Joseph Smith—Kasaysayan 1:5.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 69:2–8.

  8. Tingnan sa Oliver Cowdery, “Letter III,” Messenger and Advocate, Dis. 1834; “Letter IV,” Messenger and Advocate, Peb. 1835.

  9. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:20, 49.

  10. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “The Book of Mormon and Your Mission” (MTC devotional, Provo, Utah, Ene. 17, 2023); tingnan din sa 3 Nephi 21:1–2, 7.