Library
Hindi Matwid na Pakikitungo sa mga Taong Iba ang Lahi at Kultura


grupo ng mga babae

Pag-aaral ng Doktrina

Hindi Matwid na Pakikitungo sa mga Taong Iba ang Lahi at Kultura

Buod

Lahat ng tao ay anak ng Diyos at kabilang sa Kanyang banal na pamilya (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Bilang Kanyang mga anak, lahat tayo ay may banal na potensiyal at mahalaga sa Kanya. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “nilikha [ng Diyos] mula sa isa ang bawat bansa ng mga tao” (Mga Gawa 17:26), at “pantay-pantay ang lahat” sa Kanya (2 Nephi 26:33). Hindi Niya minamahal ang isang lahi o kultura nang higit kaysa sa iba.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng anak ng Diyos. Itinuturo sa Aklat ni Mormon na inaanyayahan ng Panginoon ang “lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” (2 Nephi 26:33). Ang katayuan natin sa Diyos ay nakasalalay sa ating katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga kautusan, hindi sa kulay ng ating balat, etniko, o iba pang mga katangian.

Dahil tayo ay mga anak ng Diyos, tayong lahat ay magkakapatid. Iniutos sa atin ng Diyos na “magmahalan sa isa’t isa” (Juan 13:34–35). Sa parabula ng mabuting Samaritano, itinuro ni Jesucristo na ang utos na mahalin ang ating kapwa ay hindi tumitingin sa pagkakaiba-iba ng etniko, kultura, at relihiyon (tingnan sa Lucas 10:25–37). Ipinakita ng Tagapagligtas ang halimbawa ng turong ito. Siya ay “naglibot … na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38), nagtuturo at nagpapagaling ng mga tao ng lahat ng lahi.

Sa pagsisikap na sundin ang mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas, kinukundena ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang anumang uri ng hindi matwid na pakikitungo sa mga taong iba ang lahi at kultura. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang Lumikha sa ating lahat ay nananawagan sa atin na talikdan ang ugaling hindi matwid na pakikitungo sa kahit anong grupo ng mga anak ng Diyos. Sinuman sa atin na hindi matwid na pinakikitunguhan ang ibang lahi ay kinakailangang magsisi!” (sa “President Nelson Shares Social Post about Racism and Calls for Respect for Human Dignity,” Hunyo 1, 2020, newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

Itinuro rin ni Pangulong Nelson na ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat “na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay [at di-matwid] na pakikitungo. Nakikiusap ako sa inyo,” sabi niya, “na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos” (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94). Kapag nauunawaan natin ang “tunay na Pagkaama ng Diyos, … ang pag-unawang iyan ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtayo ng tulay ng [pagkakaisa] sa halip na mga pader ng paghihiwalay” (sa “All Are Equal,’ Prophet Proclaims at ‘Be One’ Celebration,” Church News, Hunyo 1, 2018; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw38.6.14).

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang taong “puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 387). Sinisikap ng Simbahan at ng mga miyembro nito na sundin ang alituntuning ito sa lahat ng ginagawa nila, kabilang na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng tao, pagtanggap sa lahat na makibahagi sa mga serbisyo sa Simbahan, at pangangalaga sa mga nangangailangan.

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Resources sa Pag-aaral

Sa mga Balita

“President Nelson Shares Social Post about Racism and Calls for Respect for Human Dignity,” Newsroom

“Prophet Joins NAACP Leaders in Call for Racial Harmony in America,” Newsroom

“‘All Are Equal,’ Prophet Proclaims at ‘Be One’ Celebration,” Church News