Library
Mga Kaharian ng Kaluwalhatian


kalangitan sa gabi na may mga bituin

Pag-aaral ng Doktrina

Mga Kaharian ng Kaluwalhatian

Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Pagkatapos nating mabuhay na mag-uli, haharap tayo sa Panginoon upang mahatulan ayon sa ating mga hangarin at gawa. Ang bawat isa sa atin ay tatanggap ng isang walang hanggang tirahan sa isang partikular na kaharian ng kaluwalhatian. May tatlong kaharian ng kaluwalhatian: ang kahariang selestiyal, ang kahariang terestriyal, at ang kahariang telestiyal.

Buod

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Pagkatapos nating mabuhay na mag-uli, haharap tayo sa Panginoon upang mahatulan ayon sa ating mga hangarin at gawa. Ang bawat isa sa atin ay tatanggap ng isang walang hanggang tirahan sa isang partikular na kaharian ng kaluwalhatian. Itinuro ng Panginoon ang alituntuning ito nang sabihin Niya, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan” (Juan 14:2).

May tatlong kaharian ng kaluwalhatian: ang kahariang selestiyal, ang kahariang terestriyal, at ang kahariang telestiyal. Ang kaluwalhatiang mamanahin natin ay nakasalalay sa lalim ng ating pagbabalik-loob, na ipinapakita natin sa ating pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. Nakasalalay ito sa paraan ng “[pagtanggap natin] ng patotoo ni Jesus” (Doktrina at mga Tipan 76:51; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:74, 79, 101).

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Kahariang Selestiyal

Ang kahariang selestiyal ang pinakamataas sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian. Ang mga yaong nasa kahariang ito ay maninirahan magpakailanman sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ito ang dapat mong mithiin: ang manahin ang kaluwalhatiang selestiyal at matulungan ang iba na matanggap din ang dakilang pagpapalang iyon. Ang gayong mithiin ay hindi nakakamtan sa minsanang pagsisikap lamang; iyon ay bunga ng habambuhay na kabutihan at katapatan sa layunin.

Ang kahariang selestiyal ang lugar na inihanda para sa mga yaong “tumanggap ng patotoo ni Jesus” at naging “ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo” (Doktrina at mga Tipan 76:51, 69). Upang mamana ang kaloob na ito, dapat nating tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan, sundin ang mga kautusan, at pagsisihan ang ating mga kasalanan. Para sa detalyadong paliwanag tungkol sa mga magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal, tingnan ang Doktrina at mga Tipan 76:50–70; 76:92–96.

Noong Enero 1836, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng isang paghahayag na nagpalawak sa kanyang pagkaunawa tungkol sa mga kinakailangang gawin upang mamana ang kaluwalhatiang selestiyal. Nabuksan ang kalangitan sa kanya, at nakita niya ang kahariang selestiyal. Namangha siya nang makita niya roon ang nakatatanda niyang kapatid na si Alvin, bagama’t pumanaw si Alvin bago pa man nito natanggap ang ordenansa ng binyag. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:1–6.) Pagkatapos ay narinig ni Propetang Joseph ang tinig ng Panginoon:

“Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos;

“Gayundin ang lahat ng mamamatay magmula ngayon na walang kaalaman dito, na tatanggap nito nang buo nilang puso, ay magiging tagapagmana ng kahariang yaon;

“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (Doktrina at mga Tipan 137:7–9).

Patungkol sa paghahayag na ito, sinabi ni Propetang Joseph, “Namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10).

Mula sa isa pang paghahayag kay Propetang Joseph, nalaman natin na may tatlong antas sa loob ng kahariang selestiyal. Upang matamo ang pinakamataas na antas at maipagpatuloy sa kawalang-hanggan ang ugnayan ng pamilya, dapat pumasok tayo sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” at maging tapat sa tipang iyon. Sa madaling salita, ang kasal sa templo ay kinakailangan upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatiang selestiyal. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4.) Ang lahat ng karapat-dapat na pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal ay magkakaroon ng ganoong pagkakataon, sa buhay man na ito o sa susunod.

Kahariang Terestriyal

Ang mga magmamana ng kaluwalhatiang terestriyal ay “[tatanggap] sa Anak, subalit hindi ng kaganapan ng Ama. Dahil dito, sila ang mga katawang terestriyal, at hindi katawang selestiyal, at naiiba sa kaluwalhatian gaya ng pagkakaiba ng buwan sa araw” (Doktrina at mga Tipan 76:77–78). Sa pangkalahatan, ang mga indibiduwal na nasa kahariang terestriyal ay mararangal na tao na “nabulag ng panlilinlang ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 76:75). Kabilang sa grupong ito ang mga miyembro ng Simbahan na “hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (Doktrina at mga Tipan 76:79). Upang malaman ang iba pa tungkol sa mga magmamana ng kaluwalhatiang terestriyal, tingnan ang Doktrina at mga Tipan 76:71–80, 91, 97.

Kahariang Telestiyal

Ang kahariang telestiyal ay ilalaan para sa mga indibiduwal na “hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo, ni ng patotoo ni Jesus” (Doktrina at mga Tipan 76:82). Tatanggapin ng mga indibiduwal na ito ang kanilang kaluwalhatian matapos silang matubos mula sa bilangguan ng mga espiritu, na kung minsan ay tinatawag na impiyerno (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:84; Doktrina at mga Tipan 76:106). Ang detalyadong paliwanag tungkol sa mga magmamana ng kaluwalhatiang telestiyal ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 76:81–90, 98–106, 109–112.

Kapahamakan

May mga taong hindi magiging karapat-dapat na manirahan sa alinmang kaharian ng kaluwalhatian. Sila ay tatawaging “mga yaong anak na lalaki ng kapahamakan” at “mamalagi sa isang kaharian na hindi isang kaharian ng kaluwalhatian” (Doktrina at mga Tipan 76:32; 88:24). Ito ang magiging kalagayan ng “yaong nakaaalam ng [kapangyarihan ng Diyos], at ginawang kabahagi nito, at hinayaan ang kanilang sarili sa kapangyarihan ng diyablo upang madaig, at upang itatwa ang katotohanan at lumaban sa [kapangyarihan ng Diyos]” (Doktrina at mga Tipan 76:31; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:30, 32–49).

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

4:7

2:29

NaN:NaN

1:50

Resources sa Pag-aaral

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Resources sa Pagtuturo

Mga Outline sa Pagtuturo