Seminaries and Institutes
Lesson 81: Doktrina at mga Tipan 76:81–119


Lesson 81

Doktrina at mga Tipan 76:81–119

Pambungad

Tatalakayin sa lesson na ito ang pangitain tungkol sa kaluwalhatiang telestiyal na ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Inilarawan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang nalaman nila tungkol sa mga taong magmamana ng kahariang telestiyal at ang mga bunga ng hindi pagtanggap sa patotoo tungkol kay Jesucristo. Inilarawan din nila ang kaibahan ng kahariang telestiyal sa iba pang mga kaharian ng kaluwalhatian.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 76:81–112

Ipinakita ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitain tungkol sa kahariang telestiyal

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan nila na miyembro ng ibang relihiyong Kristiyano ang nagsabi sa kanila ng, “Sabi ng pastor namin na kapag namatay tayo, mapupunta tayo sa langit o di kaya ay sa impiyerno. Sa ngayon hindi ko masasabing napakabait ko para mapunta ako sa langit, pero hindi naman napakasama ko para mapunta ako sa impiyerno. Ano ang itinuturo ng relihiyon ninyo tungkol sa langit at impiyerno?”

  • Paano ninyo sasagutin ang tanong ng inyong kaibigan?

Idispley ang diagram mula sa lesson 78 na may pamagat na “Doktrina at mga Tipan 76: Outline ng Pangitain” (o sabihin sa mga estudyante na ilabas ang sariling kopya nila ng diagram). Sa pagtalakay ng mga estudyante sa natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 76, hikayatin sila na alamin ang mga katotohanan na maaaring makatulong sa kaibigang ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:81–83, 101, 103. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa mga taong magmamana ng kahariang telestiyal.

  • Anong mga salita at mga parirala sa mga talatang ito ang naglalarawan sa mga taong magmamana ng kahariang telestiyal? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang manggagaway ay isang taong gumagawa ng mga aktibidad na nag-aanyaya ng impluwensya ng masasamang espiritu. Ang isang patutot ay isang taong gumagawa ng mga kasalanang seksuwal.)

  • Ayon sa mga talata 82 at 101, may mga taong magmamana ng kahariang telestiyal dahil hindi nila tinanggap ang malalaking pagpapalang ibinibigay sa kanila. Ano ang mga pagpapalang hindi nila tinanggap? (Kinusa nilang hindi tanggapin ang patotoo tungkol kay Jesus at ang ebanghelyo. Dahil hindi nila tinanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo, tinanggihan nila ang pagkakataong magsisi ng kanilang mga kasalanan at malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Habang tinatalakay ng mga estudyante ang sagot sa tanong na ito, maaari mong ipaalala sa kanila ang tungkol sa pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus. Ipaliwanag na ang kaluwalhatian na mamanahin natin ay depende sa paraan ng pagtanggap natin sa patotoong ito [tingnan sa D at T 76:50–51, 69, 78–79, 81–82, 101].)

  • Ayon sa talata 83, ano ang pagkakaiba ng mga maninirahan sa kahariang telestiyal sa mga anak na lalaki ng kapahamakan? (Hindi sila nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran na pagtakwil sa Banal na Espiritu [tingnan sa D at T 76:35].)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:84–85, 104–106 at alamin ang mangyayari sa masasama bago nila matanggap ang kaluwalhatiang telestiyal.

  • Ano ang mangyayari sa masasama bago sila matubos at pahintulutang mamana ang kahariang telestiyal? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga magmamana ng kahariang telestiyal ay kinakailangang magdusa sa impiyerno bago sila matubos ng Tagapagligtas. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang salitang impiyerno, ipaliwanag na ginamit ng mga banal na kasulatan ang salita sa dalawang paraan. Una, ang impiyerno ay bahagi ng daigdig ng mga espiritu na pinaninirahan ng masasama at isang literal ngunit pansamantalang kalagayan ng espirituwal na pagdurusa at paghihirap. Pangalawa, ginagamit ng mga banal na kasulatan kung minsan ang salitang impiyerno upang tukuyin ang permanenteng kalagayan ng pagdurusa at paghihirap para sa mga anak na lalaki ng kapahamakan. (Tingnan sa Bible Dictionary, “Hell”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Impiyerno,” scriptures.lds.org.)

  • Anong mga salita sa mga talata 84–85 at 104–106 ang naglalarawan sa pagdurusang mararanasan ng masasama matapos silang mamatay? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa talata 105, ang pariralang “apoy na walang hanggan” ay isang matalinghagang pahayag na tumutukoy sa pagdurusa ng masasama na magmamana ng kahariang telestiyal. Hindi ibig sabihin nito na walang katapusan ang kanilang padurusa. Tingnan sa D at T 19:4–12.)

Ipaliwanag na ang mga kalagayan sa impiyerno na mararanasan ng mga taong magmamana ng kahariang telestiyal ay pansamantala lamang. Dahil ang mga taong ito ay hindi nagsisi at hindi ginamit ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa kanilang buhay, mananatili sila sa impiyerno sa buong panahon ng Milenyo, at babayaran ang kaparusahan para sa kanilang mga kasalanan ng kanilang pagdurusa.

  • Anong mga parirala mula sa talata 85 at 106 ang nagtuturo na ang impiyerno ay magiging pansamantalang kalagayan para sa mga taong magmamana ng kahariang telestiyal?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, at sabihin sa klase na pakinggan ang mga ibinunga ng pagdurusa na mararanasan ng masasama sa impiyerno:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang pagdurusang ito ay magiging daan sa paglilinis, o pagdadalisay, at sa pamamagitan nito ang masasama ay dadalhin sa isang kalagayan kung saan sila, sa pamamagitan ng pagtubos ni Jesucristo, ay magkakaroon ng imortalidad. Ang kanilang mga espiritu at mga katawan ay muling magsasama, at maninirahan sa kahariang telestiyal. Ngunit ang muling pagkabuhay na ito ay hindi mangyayari hanggang sa katapusan ng daigdig” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:298).

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:106–108 na ipinapaliwanag na magdurusa ang masasama para sa kanilang mga kasalanan hanggang sa matapos ni Jesucristo ang Kanyang gawain at maibigay sa Kanyang Ama ang kaharian ng Diyos na nasa lupa. Pagkatapos nito ay puputungan ng kaluwalhatian si Cristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:109–111. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mangyayari kapag ang mga taong magmamana ng kahariang telestiyal ay haharap sa luklukan ng Diyos upang hatulan.

Ipaliwanag na bagama’t ang talata 111 ay partikular na tumutukoy sa mga taong magmamana ng kahariang telestiyal, ang katotohanang itinuro sa talatang ito ay angkop sa lahat.

  • Ayon sa talata 111, saan ibabatay ang mamamana nating kaharian ng kaluwalhatian? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang kaharian ng kaluwalhatian na ipamamana sa atin ay ibabatay sa mga ginawa natin sa buhay na ito at sa mga hangarin ng ating puso. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Paano makaiimpluwensya ang doktrinang ito sa mga pagpili ninyo?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:86–89, 98, 112 at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan kung ano ang imortalidad para sa mga magmamana ng kahariang telestiyal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano ipinakita sa mga salita at mga pariralang ito ang pagmamahal at awa ni Jesucristo?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 76:91–98. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inihambing ang mga kaharian ng kaluwalhatian sa isa’t isa.

  • Paano naiiba ang kahariang selestiyal sa kahariang terestriyal at kahariang telestiyal? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat kakitaan ang mga sagot nila ng sumusunod na katotohanan: Ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal ay nakahihigit sa kaluwalhatian ng kahariang terestriyal at telestiyal.)

  • Ayon sa mga talata 92–95, anong mga pagpapala ang darating sa mga tatanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal? Ano ang pagkakaiba nito sa mga pagpapalang ibibigay sa mga magmamana ng kahariang telestiyal?

Doktrina at mga Tipan 76:113–119

Ipinaliwanag nina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung paano matatanggap ng iba ang kaalamang natanggap nila

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:113–119 na ipinapaliwanag na matapos mailarawan ang pangitaing ito, sinabi nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na iniutos ng Panginoon na huwag nilang isulat ang lahat ng ipinakita sa kanila. Ipinaliwanag din nila kung ano ang dapat nating gawin upang makita at maunawaan ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:116–118. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natin makikita at mauunawaan ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating gawin upang makita at maunawaan ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos? (Tingnan din sa D at T 76:5–10.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maipaliwanag at mapatotohanan ang mga doktrina na natutuhan nila mula sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 76, ipaalala sa kanila ang tanong na tinalakay nila sa simula ng klase: “Ano ang itinuturo ng relihiyon ninyo tungkol sa langit at impiyerno?” Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na magtulungan sa paggawa ng outline tungkol sa isasagot nila sa tanong na ito. Sabihin sa kanila na pagkatapos ng ilang minuto, bawat magkapartner ay magkakaroon ng pagkakataon na maibahagi ang mga sagot nila sa ibang magkapartner.

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante sa kanilang paghahanda, magbigay ng kopya ng mga sumusunod na tanong o isulat ang mga tanong sa pisara bago magklase:

Ano ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa langit at impiyerno sa Doktrina at mga Tipan 76?

Ano ang mga pagkakaiba ng mga kaharian ng kaluwalhatian sa isa’t isa?

Ano ang mga pagkakaiba sa mga pinili ng mga magmamana ng mga kahariang ito at ng mga hindi magmamana ng kaharian ng kaluwalhatian?

Ano ang alam ninyo na totoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ginampanan sa ating kaligtasan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na ito habang naghahanda sila na maipaliwanag ang itinuturo ng Simbahan tungkol sa langit at impiyerno. Bukod pa rito, sabihin sa mga estudyante na gumamit ng kahit dalawang scripture reference mula sa Doktrina at mga Tipan 76 bilang bahagi ng kanilang paliwanag.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa magkakapartner na makipagtulungan sa ibang magkapartner. Sabihin sa isang magkapartner na turuan ang dalawang iba pang estudyante gamit ang kanilang outline. Kapag naipaliwanag na ng unang magkapartner na estudyante ang doktrina, sabihin sa pangalawang magkapartner na sila naman ang magturo. Pagkatapos magturo ng mga estudyante, maaari mo silang anyayahan na ibahagi sa klase ang kanilang natutuhan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila sa pag-aaral ng tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian, isulat sa pisara ang mga sumusunod na hindi kumpletong pangungusap at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

Bilang resulta ng natutuhan ko sa pag-aaral ng tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian sa Doktrina at mga Tipan 76:

Alam ko na …

Gusto kong …

Ako ay …

Matapos ang sapat na oras na makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad na ito, hikayatin sila na pag-isipan kung ang mga pinipili nila ay magpapamarapat sa kanila na mamana ang kahariang selestiyal. Hikayatin din sila na hingin ang tulong ng Panginoon para makagawa ng anumang pagbabago na sa palagay nila ay kailangan nilang baguhin sa buhay nila. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang natutuhan mo sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 76.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 76:84. Impiyerno

Ipinaliwanag ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang paggamit ng katagang impiyerno sa mga banal na kasulatan:

“Binabanggit ng paghahayag sa huling araw ang tungkol sa impiyerno sa dalawang bagay lamang. Una, pansamantala itong tirahan sa daigdig ng mga espiritu para sa mga yaong hindi masunurin sa buhay na ito. Sa ganitong bagay, may katapusan ang impiyerno. Tuturuan ang mga espiritung naroon ng ebanghelyo, at balang araw kasunod ng kanilang pagsisisi, mabubuhay silang muli sa isang antas ng kaluwalhatian kung saan sila karapat-dapat. Ang mga yaong hindi magsisisi, subalit gayunpaman ay hindi mga anak na lalaki ng kapahamakan, ay mananatili sa impiyerno sa buong Milenyo. Pagkatapos nitong isanlibong taon ng pagdurusa, mabubuhay silang muli sa kaluwalhatiang telestiyal (D at T 76:81–86; 88:100–101).

“Pangalawa, palagian itong kalalagyan ng mga yaong hindi natubos ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa ganitong bagay, palagian ang impiyerno. Para ito sa mga yaong natagpuang ‘marumi pa rin’ (D at T 88:35, 102). Ito ang pook kung saan si Satanas, ang kanyang mga anghel, at ang mga anak na lalaki ng kapahamakan—ang mga yaong ikinaila ang Anak matapos ipahayag siya ng Ama—ay mananahan magpakailanman (D at T 76:43–46)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Impiyerno,” scriptures.lds.org).

Ganito ang sinabi ni Elder Bruce R. McConkie tungkol sa impiyerno:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang bahaging iyon ng daigdig ng mga espiritu na pinaninirahanan ng masasamang espiritu na naghihintay sa araw ng kanilang pagkabuhay na muli ay tinatawag na impiyerno. Sa pagitan ng kanilang kamatayan at pagkabuhay na muli, ang mga kaluluwang ito ng masasama ay itatapon sa labas na kadiliman, sa mapanglaw na lugar na tinatawag ng mga Hebreo na sheol, sa lugar na tinatawag ng mga Griyego na hades kung saan naghihintay ang masasamang espiritu, sa impiyerno. Daranas sila roon ng matinding pagdurusa ng mga isinumpa; daranas sila roon ng paghihiganti ng apoy na walang hanggan; magkakaroon doon ng pagtangis at panaghoy at pagngangalit ng mga ngipin; doon ibubuhos ang pagngingitngit ng poot ng Diyos sa masasama. (Alma 40:11–14; D at T 76:103–106.) …

“Pagkatapos ng kanilang pagkabuhay na muli, ang karamihan sa mga nagdusa sa impiyerno ay papupuntahin sa kahariang telestiyal; ang natitira, na isinumpa tulad ng mga anak na lalaki ng kapahamakan, ay itataboy para makibahagi sa walang katapusang kapighatian kasama ang diyablo at kanyang mga anghel. …

“Sa gayon, para sa mga tagapagmana ng bahagyang kaligtasan, na kinabibilangan ng lahat ng tao maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan (D at T 76:44), ang impiyerno ay may katapusan” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 349, 350, 351; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 165–166.)

Doktrina at mga Tipan 76:85, 106. Ang pagtubos sa masasama

Inilahad ni Pangulong Brigham Young ang naging reaksyon ng ilang tao sa kanyang panahon sa katotohanan na halos lahat ng masasama ay matutubos sa huli at hindi magdurusa sa impiyerno magpakailanman:

Pangulong Brigham Young

“Nang ihayag ng Diyos kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na may isang lugar na inihanda para sa lahat, alinsunod sa liwanag na kanilang tinanggap at sa kanilang pagtakwil sa masama at sa paggawa nila ng mabuti, ito ay naging isang malaking pagsubok sa marami, at ang iba ay lubusang tumalikod dahil hindi ipadadala ng Diyos sa walang katapusang kaparusahan ang mga pagano at mga sanggol, bagkus sila ay may [lugar] ng kaligtasan, sa akmang panahon, para sa lahat, at bibiyayaan ang tapat at mabuti at makatotohanan, kabilang man sila o hindi sa anumang simbahan. Isa iyong bagong doktrina para sa salinlahing ito, at maraming [tao ang nahirapang tanggapin ito]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 326–27).

Doktrina at mga Tipan 76:92–95. “Ang kaluwalhatian ng selestiyal [ay] nakahihigit sa lahat ng bagay”

Itinuro ni Elder Orson Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng pagiging ligtas sa kahariang selestiyal at pagmamana ng iba pang mga kaharian ng kaluwalhatian:

Elder Orson Pratt

“May malaking pagkakaiba sa pagiging ligtas sa ibang kaharian, kung saan naroon ang bahagyang kaluwalhatian, bahagyang kaligayahan, at sa pagiging ligtas sa kaharian kung saan nananahanan ang ating Ama. …

“Ang ating Ama na nananahan sa kalangitan, at ang kanyang Anak na si Jesucristo, ay naroon sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kawalang-hanggan. Taglay nila ang kabuuan ng kaluwalhatian. Nasa kanila ang lubos na kaligayahan, taglay nila ang ganap na kapangyarihan, ang ganap na katalinuhan, liwanag at katotohanan, at sila ang namamahala sa lahat ng iba pang mga kaharian na may mababang kaluwalhatian, bahagyang kaligayahan, at mababang kapangyarihan. … Layunin ng ebanghelyo na madakila ang mga anak ng tao sa gayon ding antas ng kaluwalhatian, kung saan nananahanan ang ating Ama at ang kanyang Anak” (Deseret News, Nob. 10, 1880, 642).

Doktrina at mga Tipan 76:99–101. “Sapagkat sila ang mga yaong kay Pablo, at kay Apollos, at kay Cephas”

Upang kundenahin ang hindi pagkakaisa, isinulat ni Pablo sa mga taga Corinto:

“Sapagka’t ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, … na sa inyo’y may mga pagtatalotalo.

“Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi, Ako’y kay Pablo; at ako’y kay Apolos; at ako’y kay Cefas; at ako’y kay Cristo.

“Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?” (I Mga Taga Corinto 1:11–13).

Ang gayon ding pananalita sa Doktrina at mga Tipan 76:99-101 ay tumutukoy sa mga taong hindi nakaayon kay Jesucristo o sa Kanyang mga propeta. Sasabihin ng ilan na sinusunod nila si Jesucristo o ang isang partikular na propeta, subalit ang mga taong ito ay sadyang hindi tinatanggap ang Tagapagligtas at ayaw tanggapin ang Kanyang ebanghelyo o sundin ang Kanyang mga propeta.

Doktrina at mga Tipan 76:113–116. Maraming nakita si Joseph Smith sa pangitaing ito kaysa sa naisulat

Sa pagtukoy sa pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, sinabi ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Maipapaliwanag ko nang isandaang beses pa ang mga kaluwalhatian ng mga kaharian na ipinakita sa akin sa pangitain, kung pahihintulutan ako, at kung handa ang mga tao na tanggapin ang mga ito” (sa History of the Church, 5:402).