Lesson 72
Doktrina at mga Tipan 66
Pambungad
Matapos mabinyagan si William E. McLellin noong tag-init ng 1831, tinanggap niya ang tawag na mangaral ng ebanghelyo. Noong Oktubre, naglakbay siya patungo sa Ohio para dumalo sa pagpupulong ng Simbahan. Doon ay nakilala niya si Propetang Joseph Smith, at noong Oktubre 29, 1831, hiniling niya kay Joseph Smith na magtanong sa Panginoon para sa kanya. Bilang tugon sa kahilingang ito, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 66. Ang paghahayag na ito ay naglalaman ng partikular na payo hinggil sa espirituwal na katayuan ni Brother McLellin, ang kanyang tungkulin na ipangaral ang ebanghelyo, at ang kanyang potensyal na tumanggap ng malalaking pagpapala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 66:1–3
Ipinahayag ng Panginoon na si William E. McLellin ay pinagpala dahil tinanggap niya ang ebanghelyo
Bago magklase, kopyahin ang sumusunod na diagram sa pisara.
Sa pagsisimula ng klase, sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang diagram sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung saan nila ilalagay ang kanilang sarili sa diagram. Imungkahi rin na isipin nila kung saang direksyon sila papunta—mas palapit sa Diyos o papalayo sa Kanya. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan na mas mapapalapit tayo sa Diyos.
“Kung gusto mong manatiling malapit sa isang tao na naging mahalaga sa inyo, ngunit napahiwalay kayo sa kanya, alam na ninyo ang gagawin. Hahanap kayo ng paraan para makausap siya, makikinig kayo sa kanya, at malalaman ang mga paraan na gagawin para sa isa’t isa. Kapag mas madalas na mangyari iyan, mas magtatagal, mas titibay at lalalim ang pagmamahalan. Kung lumipas ang maraming panahon nang walang pag-uusap, pakikinig, at paggawa, hihina ang pagmamahalan.
“Ang Diyos ay perpekto at makapangyarihan, at kayo at ako ay mortal. Ngunit siya ang ating Ama, mahal niya tayo, at binibigyan niya tayo ng gayon ding pagkakataon na mas mapalapit sa kanya tulad ng gagawin ng isang mapagmahal na kaibigan. At gagawin ninyo ito sa halos gayon ding paraan: pag-uusap, pakikinig, at paggawa” (“To Draw Closer to God,” Ensign, Mayo 1991, 66).
-
Ayon kay Pangulong Eyring, paano tayo mas mapapalapit sa Diyos? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pag-uusap, pakikinig, at paggawa?
Ipaliwanag na noong mga unang araw ng Simbahan, isang lalaking nagngangalang William E. McLellin ang mas napalapit sa Diyos nang malaman niya ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nabinyagan siya noong Agosto 20, 1831. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, siya ay inordenan na isang elder, at sinamahan niya si Hyrum Smith nang ilang linggo bilang missionary. Noong Oktubre 1831, naglakbay siya patungo sa Ohio para sa pagpupulong ng Simbahan. Habang naroon, nakita niya si Propetang Joseph Smith. Noong Oktubre 29, personal na nanalangin si Brother McLellin at hiniling sa Panginoon na ipahayag ang mga sagot sa limang partikular na tanong sa pamamagitan ni Joseph Smith. Nang hindi sinasabi kay Joseph Smith ang mga tanong, humiling si Brother McLellin ng paghahayag. Habang idinidikta ng Propeta ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 66, nakita ni Brother McLellin na bawat isa sa kanyang mga tanong ay sinagot. Binigyan siya ng Panginoon ng mga tagubilin at babala na tutulong sa kanya na manatiling matapat at sa huli ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit pinagpala ng Panginoon si Brother McLellin sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito.
-
Bakit nakatanggap si Brother McLellin ng mga pagpapala mula sa Panginoon? (Dahil tinalikuran niya ang kanyang mga kasalanan, tinanggap ang mga katotohanan ng Panginoon, at tinanggap ang kabuuan ng ebanghelyo.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:3 at alamin ang sinabi ng Panginoon na kailangan pang gawin ni Brother McLellin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “malinis, subalit hindi lahat”? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t malaki ang pagbabago ni Brother McLellin at pinagpala sa kanyang mga pagsisikap, kailangan pa rin niyang pagsisihan ang ilan niyang mga kasalanan.)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa ipinayo ng Tagapagligtas sa talata 3? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Tayo ay inuutusang magsisi ng lahat ng ating mga kasalanan. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)
-
Bakit mahalagang pagsisihan ang lahat ng ating mga kasalanan, at hindi lamang ang ilan sa mga ito?
Ipabasang muli nang tahimik sa mga estudyante ang talata 3 at alamin kung ano ang gagawin ng Panginoon para matulungan si William E. McLellin na magsisi ng lahat ng kanyang mga kasalanan.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa kung paano tayo tutulungan ng Panginoon sa ating pagsisisi? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ipapakita sa atin ng Panginoon ang mga bagay na kailangan nating pagsisihan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita sa atin ng Panginoon ang mga bagay na kailangan nating pagsisihan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na mahihiling natin sa Panginoon na tulungan tayong magsisi.
“Isa sa mga tanong na dapat nating itanong sa ating Ama sa Langit sa ating personal na panalangin ay ito: ‘Ano po ang nagawa ko ngayon, o hindi nagawa, na hindi kalugud-lugod sa Inyo? Kung malalaman ko lamang po, ako po ay kaagad na magsisisi nang buong puso.’ Ang mapagpakumbabang panalanging iyan ay sasagutin” (“Do Not Delay,” Ensign, Nob. 1999, 34).
Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga pagpapalang natanggap nila nang talikuran nila ang kanilang kasalanan at tinanggap ang ebanghelyo. Sabihin sa kanila na sikaping malaman ang mga bagay na kailangan nilang pagsisihan upang makatanggap sila ng mas malalaking pagpapala.
Doktrina at mga Tipan 66:4–13
Iniutos ng Panginoon kay William E. McLellin na ipangaral ang ebanghelyo, talikdan ang lahat ng kasamaan, at magpatuloy nang matapat hanggang sa wakas
Banggitin muli ang ipinangako ng Panginoon na ipapakita Niya kay William E. McLellin ang mga kasalanang kailangan nitong pagsisihan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano pa ang ipinangako ng Panginoon na ipapakita kay Brother McLellin. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.
-
Bakit isang pagpapala ang malaman ang kalooban ng Diyos para sa atin?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Doktrina at mga Tipan 66:5–9, at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ni Brother McLellin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 8–9, anong mga pagpapala ang matatanggap ni Brother McLellin kung matapat niyang gagawin ang kalooban ng Panginoon? (Ang Panginoon ay sasama sa kanya at pagpapalain siya upang mapalakas niya ang matatapat at mapagaling ang mga maysakit.)
-
Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag sinunod natin ang kalooban ng Panginoon para sa atin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay matapat sa paggawa ng kalooban ng Panginoon, sasamahan Niya tayo at pagpapalain upang magawa natin ang iniuutos Niya sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ipaliwanag na bukod pa sa pagbibigay ng mga tagubilin kay Brother McLellin tungkol sa mga dapat gawin, nagbabala sa kanya ang Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang dalawang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 66:10. Bago siya magbasa, ipaliwanag na sa unang pangungusap makikita ang salitang manligalig. Ipaliwanag na naliligalig tayo ng isang bagay kung humahadlang ito sa ating daan o nagiging dahilan para mahirapan tayong magawa ang isang gawain.
-
Iniutos ng Panginoon kay Brother McLellin na “talikdan ang lahat ng kasamaan.” Paano makaliligalig o makahahadlang ang kasamaan, o kasalanan sa gawaing misyonero ni Brother McLellin? Paano tayo espirituwal na naliligalig o nahahadlangan ng kasamaan?
Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Nais ng Panginoon na talikdan natin ang lahat ng bagay na lumiligalig o humahadlang sa ating espirituwal na pag-unlad.
Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na isipin ang mga bagay sa kanilang buhay na nakaliligalig o nakahahadlang sa kanila.
Basahin nang malakas ang pangatlong pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 66:10 at sabihin sa klase na alamin ang partikular na babala na ibinigay ng Panginoon kay Brother McLellin.
-
Ayon sa talata 10, anong tukso ang nakababagabag kay Brother McLellin?
-
Mula sa talata 10, ano ang matututuhan natin tungkol sa nalalaman ng Panginoon tungkol sa bawat isa sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na makita na nalalaman ng Panginoon ang ating mga partikular na pagsubok at tukso, tulad ng nalalaman Niya ang kay Brother McLellin. Anyayahan ang mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa tabi ng talata 10.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na nalalaman ng Panginoon ang ating mga partikular na pagsubok at tukso?
Ipaliwanag na bukod pa sa nalalaman ng Panginoon ang ating mga pagsubok at tukso, nalalaman ng Panginoon ang ating mga kalakasan at kakayahan. Nalalaman Niya ang lahat tungkol sa bawat isa sa atin. Dahil nauunawaan natin na mahal Niya tayo at kilalang-kilala Niya tayo, hahangarin at susundin natin ang Kanyang kalooban nang may kumpiyansa at pagtitiwala sa Kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang payo na ibinigay ng Panginoon kay William McLellin. Sabihin din sa klase na alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kung susundin ni Brother McLellin ang payo na iyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 12, ano ang kailangan nating gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kung magpapatuloy tayo nang matapat hanggang sa wakas, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magpatuloy nang matapat hanggang sa wakas?
Ipaliwanag na noong ibigay ang paghahayag na ito, may patotoo na si Brother McLellin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Matapos ibigay ang paghahayag, pinatotohanan niya ang pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. Sabi niya, “Si Joseph Smith ay totoong propeta … ng Panginoon, at … may kapangyarihan at tumatanggap ng mga paghahayag mula sa Diyos” (Liham mula sa mga kamag-anak ni William E. McLellin, Ago. 4, 1832, RLDS Archives, 4; sinipi sa M. Russell Ballard, “What Came from Kirtland” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Nob. 6, 1994], 8, speeches.byu.edu). Si Brother McLellin ay tapat na naglingkod nang ilang taon at tinawag na maglingkod bilang isa sa mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito. Gayunpaman, hindi siya nagpatuloy nang matapat hanggang sa wakas. Sa katunayan, kinalaban niya si Propetang Joseph Smith, at siya ay itiniwalag sa Simbahan noong 1838. Maaari mong basahin nang malakas ang sumusunod na talata:
“Habang nasa bilangguan si Joseph sa Richmond, Mo., si McLellin, na isang malaki at malakas na lalaki, ay nagpunta sa sheriff at hiniling kung maaari niyang bugbugin ang Propeta. Pinayagan siya kung lalaban si Joseph. Ipinaalam ng sheriff … ang matinding kahilingan ni McLellin, kung saan pumayag si Joseph kung tatanggalin ang posas niya. Tumanggi si McLellin na makipaglaban kung wala siyang pamalo, at handa dito si Joseph; ngunit hindi sila pinayagan ng sheriff na maglaban sa gayong hindi patas na kundisyon” (“History of Brigham Young,” Millennial Star, Dis. 17, 1864, 808).
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa diagram sa pisara, at imungkahi na muling pag-isipan kung saan nila ilalagay ang kanilang sarili sa diagram na iyon. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang gagawin ninyo para mas mapalapit kayo sa Diyos at magpatuloy nang matapat hanggang sa wakas?
Patotohanan ang mga doktrina at alituntunin na tinalakay ninyo, at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga ito.