Seminary
Lesson 76: Doktrina at mga Tipan 72–74


Lesson 76

Doktrina at mga Tipan 72–74

Pambungad

Ang pagtatatag ng Simbahan sa Missouri at paglipat doon ni Bishop Edward Partridge ay naging dahilan para tumawag ng iba pang bishop sa Ohio. Noong Disyembre 4, 1831, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng tatlong paghahayag, na pinagsama-sama sa Doktrina at mga Tipan 72. Sa mga paghahayag na ito naipaalam ang pagtawag kay Newel K. Whitney bilang bagong obispo o bishop sa Ohio, naihayag ang ilan sa mga tungkulin ni Bishop Whitney, at nagbigay ng mga tagubilin hinggil sa pagtitipon sa Sion. Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 73, na ibinigay noong Enero 1832, ay naglalaman ng utos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na muling simulan ang pagsasalin ng Biblia. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 74 ay natanggap noong 1830, bago naipanumbalik ang Simbahan. Naglalaman ito ng paliwanag ng Panginoon tungkol sa I Mga Taga Corinto 7:14, isang banal na kasulatan na ginagamit ng ilang tao para bigyang-katwiran ang pagbibinyag sa sanggol.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 72:1–8

Tinawag ng Panginoon si Newel K. Whitney bilang obispo o bishop sa Ohio

Itanong sa mga estudyante kung alin sa mga tungkulin sa Simbahan ang sa palagay nila ay pinakamahirap.

  • May natanggap na ba kayong mahirap na tungkulin o gawain sa Simbahan at nadamang hindi ninyo ito kaya o wala kayong kakayahan na gawin ito? Kung oo, bakit?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 72:1–2 at tukuyin ang katungkulang kailangang italaga sa Simbahan. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang “sa dakong ito ng ubasan ng Panginoon” ay tumutukoy sa Ohio.)

  • Anong katungkulan ang kailangang italaga sa Ohio?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit kailangan ng bagong bishop sa Ohio, sabihin sa kanila na alalahanin kung sino ang tinawag na unang bishop sa Simbahan (Edward Partridge; tingnan sa D at T 41:9). Ipaliwanag na dahil sa pagtatatag ng Simbahan sa Missouri at paglipat ni Bishop Partridge sa Independence, Missouri (halos 1,000 milya mula sa Kirtland), inihayag ng Panginoon na kailangan ng bagong bishop sa Ohio. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 72:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang parirala na nagpapaliwanag kung bakit kailangan ng mga Banal sa Ohio ang isang bishop.

  • Ayon sa mga talata 3 at 5, bakit kailangan ng mga Banal sa Ohio ang isang bishop? (Upang sila ay magbigay-sulit sa bishop para sa kanilang mga pangangasiwa.)

  • Paano ito natutulad sa pagbibigay-sulit natin sa ating bishop o branch president ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 72:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang tinawag na bagong bishop sa Ohio at kung sino ang pumili sa kanya para tuparin ang katungkulang ito.

  • Sino ang tinawag na bagong bishop sa Ohio?

  • Sino ang pumili kay Newel K. Whitney bilang bagong bishop?

  • Anong doktrina ang matututuhan natin sa talata 8 hinggil sa mga tungkulin na maglingkod sa Simbahan ng Panginoon? (Maaaring maipahayag sa mga sagot ng estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga tungkulin na maglingkod sa Simbahan ni Jesucristo ay nagmula sa Tagapagligtas.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano kaya ang mararamdaman nila kung tinawag sila sa isang mahirap na katungkulan sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento, na isinalaysay ng apo ni Newel K. Whitney na si Elder Orson F. Whitney ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nadama ni Brother Whitney nang tawagin siyang bishop at kung ano ang nalaman niya tungkol sa kung sino ang nagbigay ng tungkulin sa kanya.

Larawan
Elder Orson F. Whitney

“Ang isiping manungkulan sa mahalagang responsibilidad na ito (ang katungkulan na bishop) ay halos higit pa sa makakaya ni [Newel K. Whitney]. … Siya … ay walang tiwala sa kanyang kakayahan, at [nadamang] walang kakayahan na gampanan ang mataas at banal na katungkulan. Sa kanyang pagkabalisa kinausap niya ang Propeta:

“‘Hindi ko nakikita ang sarili ko na isang Bishop, Brother Joseph; ngunit kung sinasabi mong kagustuhan ito ng Panginoon, susubukan ko.’

“‘Hindi lang salita ko ang dapat mong paniwalaan;’ ang mahinahong sagot ng Propeta, ‘Humayo ka at itanong mo mismo sa Ama.’

“Nagpasiya si Newel … na sundin ang ipinayo [ng Propeta]. … Sinagot ang kanyang mapagkumbaba at taimtim na panalangin. Sa katahimikan ng gabi at pag-iisa sa kanyang silid, narinig niya ang tinig mula sa langit: ‘Ang iyong lakas ay nasa akin.’ Ang mga salita ay kaunti at simple, ngunit napakahalaga nito. Ang kanyang pag-aalinlangan ay napawi tulad ng hamog bago sumikat ang araw. Kaagad niyang pinuntahan ang Propeta, sinabi sa kanya na natutuwa siya, at handang tanggapin ang katungkulang ibinigay sa kanya” (“The Aaronic Priesthood,” Contributor, Ene. 1885, 126).

  • Ano ang nakatulong kay Newel K. Whitney para handa niyang matanggap ang tawag sa kanya na maglingkod bilang bishop?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang karanasan na makatutulong sa atin kapag nadarama nating nahihirapan tayo sa tungkulin o gawain natin sa Simbahan?

  • Paano nakatutulong sa inyo na nauunawaan ninyo na ang mga tungkuling maglingkod sa Simbahan ay nagmula sa Tagapagligtas para matanggap ninyo at masigasig na magampanan ang inyong mga tungkulin?

Maaari kang magbahagi ng karanasan na nagpalakas sa iyong patotoo na ang mga tungkuling maglingkod sa Simbahan ng Panginoon ay nagmula sa Kanya.

Doktrina at mga Tipan 72:9–26

Ipinaliwanag ng Panginoon ang mga tungkulin ng isang bishop

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Pinamamahalaan ng mga bishop at branch president ang mga temporal at espirituwal na gawain ng Simbahan sa kanilang mga ward at branch. (Maaari mong ipaliwanag na ang temporal ay tumutukoy sa mga bagay na may kaugnayan sa pisikal na buhay. Halimbawa, pinamamahalaan ng mga bishop at branch president ang mga ari-arian ng Simbahan, mga pondo ng Simbahan, at ang paggamit ng mga aytem na nasa mga kamalig o storehouse ng mga bishop.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 72:9–26 na ipinapaliwanag na inilalarawan sa mga talatang ito ang ilan sa mga tungkulin ni Bishop Whitney. Ipaliwanag na ang mga tungkulin ng bishop na inilarawan ng Panginoon sa paghahayag na ito ay may kaugnayan una sa lahat sa tungkulin ng bishop sa ilalim ng batas ng paglalaan. Sa panahong ito, ang Simbahan ay hindi nahahati sa mga ward na ang bishop ang nangungulo sa bawat ward tulad ngayon. Sa panahong iyon dalawa lamang ang bishop: si Bishop Whitney ang bishop ng mga Banal na nasa Ohio, at si Bishop Partridge ang bishop ng mga nasa Missouri.

Doktrina at mga Tipan 73

Iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipagpatuloy ang pagsasalin ng Biblia

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 73:1–2 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga elder na nangangaral na ipagpatuloy ito hanggang sa susunod na pagpupulong, na gaganapin pagkatapos ng dalawang linggo. Nangaral sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon para makatulong sa pagtatama sa mga maling impormasyon tungkol sa Simbahan na bunga ng paglalathala ng mga liham ni Ezra Booth. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 73:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na pagtuunan nila pagkatapos ng pagpupulong.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na dapat nilang pagtuunan? Ano ang “pagsasalin” na tinutukoy ng Panginoon? (Ang rebisyon ng Biblia.)

Doktrina at mga Tipan 74

Ipinaliwanag ng Panginoon ang ibig sabihin ng I Mga Taga Corinto 7:14

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga full-time missionary sila ng Simbahan. Habang kausap nila ang isang mag-asawa na inaalam ang tungkol sa Simbahan, nalaman nila na namatayan sila ng anak na ilang buwang gulang pa lamang. Ang mag-asawa ay sinabihan ng lider sa kanilang simbahan na hindi makakapasok sa langit ang kanilang anak dahil hindi ito nabinyagan bago namatay. Labis ang lungkot ng mag-asawa dahil sa pagkamatay ng kanilang anak at sa paniniwala nila na hindi maliligtas ang kanilang anak.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila tutugon sa sitwasyong ito, at sabihin sa kanila na magkakaroon sila ng pagkakataon na masagot ito mamaya sa lesson.

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 74 ay naglalaman ng paliwanag ng Panginoon tungkol sa I Mga Taga Corinto 7:14. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 74:1, na mga salita ni Apostol Pablo mula sa I Mga Taga Corinto 7:14. Ipaalam sa mga estudyante na ang talatang ito sa I Mga Taga Corinto ay ginamit para bigyang-katwiran ang pagbibinyag sa sanggol. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga salitang hindi sumasampalataya sa talata 1 ay tumutukoy sa mga Judio na hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi sinasabi ni Pablo na maliligtas ang isang tao dahil sa kabutihan ng kanyang asawa ngunit ang pagbabalik-loob ng isang asawa ay magdadala ng impluwensyang magpapabanal sa pamilya.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 74:2–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang naging mga problema sa panahon ni Apostol Pablo kapag ang isang asawa ay nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang asawa nito ay sumusunod pa rin sa batas ni Moises.

  • Anong mga problema ang mararanasan sa ganitong sitwasyon ng mag-asawa? (Pagtatalunan ng mag-asawa ang ituturo nila sa kanilang mga anak, ang maniwala at sundin ang ebanghelyo ni Jesucristo o ang batas ni Moises [tingnan sa talata 3]; ang mga batang pinalaking sumusunod sa batas ni Moises ay lalaking hindi naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo [tingnan sa talata 4].)

  • Paano naaapektuhan ang kanilang pamilya kapag magkaiba ang paniniwala ng mag-asawa sa relihiyon?

Ipaliwanag na natupad na sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang batas ni Moises at hindi na kailangan pa ang pagtutuli. Gayunman, ang mga Judiong sumunod sa batas ni Moises ay naniniwalang marumi ang isang anak na lalaki hangga’t hindi siya natutuli. Ang paniniwalang ito ay nagdulot ng mga problema sa pamilya kung saan ang isang magulang ay naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang isa naman ay naniniwala sa batas ni Moises. Maaaring mangyari din ang ganitong pagtatalo-talo sa mga paniniwala at gawaing pang-relihiyon sa mga pamilya ngayon kung saan ang isang asawa ay miyembro ng Simbahan at ang isa ay hindi miyembro.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 74:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa maliliit na bata.

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa maliliit na bata? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat maipahiwatig sa kanilang sagot ang sumusunod: Ang maliliit na bata ay banal, pinabanal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang doktrinang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon ng mga missionary na inilahad kanina sa lesson. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang Moroni 8:8–12 at Doktrina at mga Tipan 29:46–50 bilang mga cross-reference sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 74:7. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na basahin ang Moroni 8:8–12 at Doktrina at mga Tipan 29:46–50 at pag-usapan nila ng kanilang kapartner ang sagot sa sumusunod na tanong:

  • Gamit ang natutuhan ninyo tungkol sa kaligtasan ng maliliit na bata sa Doktrina at mga Tipan 74:7 at Moroni 8:8–12, ano ang ituturo ninyo sa mag-asawa na nag-akalang hindi makakapasok sa langit ang kanilang anak?

Tumawag ng isa o dalawang magkapartner para maipaliwanag kung ano ang ituturo nila. Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pagtubos sa maliliit na bata.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 72:13. Si Bishop Whitney ay naglingkod sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Partridge

Si Bishop Edward Partridge ay tinawag bilang unang bishop ng Simbahan. Si Bishop Newel K. Whitney ay nanungkulan sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Partridge. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang bishop sa Kirtland [si Newel K. Whitney] ay ‘ibibigay’ sa bishop ng Sion [si Edward Partridge], ang talaan ng mga pangangasiwa, kung saan ang mga permanenteng talaan ay dapat itago. Sa responsibilidad na ito si Newel K. Whitney ay tinawag bilang bishop. Siya ang mangangasiwa sa kamalig [storehouse] ng Panginoon sa Kirtland, at tatanggap ng mga pondo sa bahaging iyon ng ubasan, at tatanggap ng ulat ng mga elder gaya ng iniutos sa kanya; at mangangasiwa sa kanilang mga pangangailangan, lahat ng magbabayad sa yaong kanilang matatanggap, yayamang sila ay may ibabayad. Ang mga pondong ito na natanggap ay ilalaan para sa ikabubuti ng Simbahan, ‘para sa mga maralita at nangangailangan.’ Kung may sinumang hindi makabayad, isang ulat ang gagawin ‘at ibibigay sa obispo ng Sion, na siyang magbabayad ng pagkakautang mula sa yaong ilalagay sa kanyang kamay ng Panginoon’” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:270). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 152–53.)

Doktrina at mga Tipan 72:9–26. Ang batas ng paglalaan sa Ohio at ang mga tungkulin ni Bishop Whitney

Ang batas ng paglalaan ay hindi lubos na naipamuhay sa Ohio sa buong komunidad nito. Sinubukan itong ipamuhay ng mga Banal mula sa Colesville na nasa Thompson, Ohio, ngunit nabigo sila dahil sa iba-ibang dahilan, kabilang na ang pagbawi ni Leman Copley ng pagpapatira sa mga Banal mula sa Colesville sa kanyang lupain (tingnan sa D at T 54). Gayunman, ang mga alituntunin at gawain ng batas ng paglalaan ay ipinamuhay pa rin. Ilang miyembro ang nagkaroon ng tungkuling mangasiwa, at isang kamalig o storehouse ang naitayo para makatulong sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan gayundin sa mga temporal na pangangailangan ng Simbahan. Si Bishop Newel K. Whitney ang mamamahala at mangangasiwa ng mga bagay na ito sa batas ng paglalaan kabilang ang iba pang mga temporal na bagay sa Simbahan sa Ohio. Kabilang dito ang responsibilidad na pamahalaan ang mga ari-arian ng Simbahan sa lugar.

Ang isa sa mga pangunahing responsibilidad ni Bishop Whitney ay tumulong sa pangangalaga ng mga maralita at nangangailangan. Isang paraan na ginawa niya ay pamimigay ng mga pagkaing ibinigay ng mga miyembro na nagdaos ng “mga pulong sa pag-aayuno” para sa layuning makapaglaan ng pagkain para sa mga nangangailangan. Sa kanyang tungkulin, nakatulong kay Bishop Whitney ang kanyang mga kasanayan bilang negosyante at isinakripisyo ang marami sa kanyang ari-arian para sa Simbahan at para sa pangangalaga ng iba. Siya ay matapat na naglingkod sa kanyang katungkulan bilang bishop hanggang sa katapusan ng kanyang buhay—na halos 19 na taon—sa panahon ding iyan naglingkod din siya bilang Presiding Bishop sa Simbahan bilang kahalili ni Edward Partridge.

Doktrina at mga Tipan 72:20–22. Ang Literary Firm

Kasunod ng pagpupulong noong Nobyembre 1831 sa Hiram, Ohio, anim na kalalakihan ang tinawag na ilaan ang kanilang panahon at lakas sa pangangasiwa ng paglalathala, paglilimbag, at pamamahagi ng lathalain ng Simbahan, kabilang ang mga banal na kasulatan (tingnan sa D at T 70:3–4). Ang pangkat na ito ng mga kalalakihan—sina Joseph Smith, Martin Harris, Oliver Cowdery, John Whitmer, Sidney Rigdon, at William W. Phelps—ay nakilala bilang Literary Firm. Binigyan ng Panginoon ang mga kalalakihang ito ng karapatang humingi ng tulong sa bishop para sa ikabubuhay nila (tingnan sa D at T 72:20), nang may layunin na kalaunan ang negosyong ito sa paglalathala ay magkaroon ng sapat na kita para matustusan ang sariling pangangailangan nito. Ang mga miyembro ng Literary Firm ay susuportahan ng kita ng negosyo, samantalang ang anumang sobrang kita ay ibabalik sa kamalig ng Panginoon (tingnan sa D at T 70:5–8). Bagama’t tumagal lang ng ilang taon ang Literary Firm, nakatulong ito nang malaki sa sanlibutan sa pamamagitan ng paglalathala ng Aklat ng mga Kautusan at sa inihalili rito na Doktrina at mga Tipan, gayon din ang mga pahayagan ng Simbahan, tulad ng Evening and the Morning Star. (Tingnan sa Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, vol. 2 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers [2013], xxv–xxvi).

Doktrina at mga Tipan 74:4–6. Mga maling tradisyon

Si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng payo kung paano haharapin ang mga tradisyon o kaugalian na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Maaaring maging kasiya-siya at kapaki-pakinabang ang pagpapahalaga sa etniko, kultura, o pambansang pamana, ngunit maaari din itong makagawian at maging bahagi ng buhay na dapat nang isantabi ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. …

“[Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter]: ‘Iminumungkahi ko na bigyan ninyo ng pinakamataas na prayoridad ang pagiging miyembro ninyo sa Simbahan ni Jesucristo. Timbangin ang anumang ipinagagawa sa inyo ng iba, mula man ito sa inyong pamilya, mga mahal sa buhay, pamana ng inyong kultura, o mga tradisyong namana ninyo—timbangin ang lahat ayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Kapag nakita ninyong kaiba o malayo ito sa mga itinuturo ng Panginoon, isantabi na ito at huwag nang gawin pa. Hindi ito magdadala ng kaligayahan sa inyo’ (“Counsel to Students and Faculty,” Church College of New Zealand, 12 Nob 1990)” (“Removing Barriers to Happiness,” Ensign, Mayo 1998, 85).

Print