Lesson 55
Doktrina at mga Tipan 47–48
Pambungad
Noong Marso ng 1831, halos isang taon matapos maorganisa ang Simbahan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang mga paghahayag na nakatala na ngayon bilang mga bahagi 47 at 48 ng Doktrina at mga Tipan. Bago ang panahong ito, si Oliver Cowdery ay gumanap bilang mananalaysay at tagasulat sa Simbahan. Sa tungkuling ito, itinala niya ang mga paghahayag na natanggap ng Propeta. Gayunman, si Oliver Cowdery ay nasa misyon mula noong Oktubre 1830 kaya hindi niya naipagpatuloy ang pagiging mananalaysay at tagasulat. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 47, tinawag ng Panginoon si John Whitmer bilang kapalit ni Oliver sa tungkuling ito. Sa panahong ito, ang mga Banal sa Ohio ay humingi rin ng gabay kung paano tutulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nandayuhan mula sa New York. Sa paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 48, tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na bahagian ng lupain ang nangangailangan at maghandang itayo ang saligan ng Sion.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 47
Pinili ng Panginoon si John Whitmer upang magtala ng kasaysayan ng Simbahan
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga espirituwal na karanasan nila na sa palagay nila ay mahalagang maalaala. (Halimbawa, maaaring isipin nila ang mga kaganapang gaya ng paglalaan ng templo o ng isang pulong sa Simbahan, o maaari nilang pagnilayan ang sandali na nakatanggap sila ng sagot sa panalangin o nadama ang presensya ng Espiritu Santo.) Ipabahagi sa ilang estudyante ang mga karanasang ito. Itanong sa bawat isa sa mga estudyanteng ito ang mga sumusunod:
-
Bakit napakahalaga ng kaganapang ito sa iyo?
-
Sa palagay mo, bakit mahalagang alalahanin ang karanasang ito?
-
Paano kaya mapagpapala ang iyong angkan kapag naitala ang karanasang ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagawa ng Panginoon kay John Whitmer. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 47:1–3 at tukuyin ang mga karagdagang detalye tungkol sa tungkulin ni John Whitmer. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sa naunang paghahayag, sinabi ng Panginoon na “May talaang iingatan sa inyo” [D at T 21:1]. Ipaliwanag na sa Simbahan ngayon, ang Unang Panguluhan ay tumatawag ng Church Historian at Recorder [karaniwang tinutukoy bilang Church Historian] at ipinapakilala para sa boto ng pagsang-ayon.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang itala ang kasaysayan ng Simbahan?
-
Ano ang ilang kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan na talagang nagbigay ng inspirasyon sa inyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu, na naglingkod bilang Mananalaysay ng Simbahan mula 2005 hanggang 2012:
“May iba pang magagandang kuwento sa ating kasaysayan na karapat-dapat ipaalam at itinuro sa simbahan at sa tahanan. Ang mga aral sa Kirtland, mga pagsubok sa Missouri, mga tagumpay at kalaunan sa pagpapatalsik sa mga Banal sa Nauvoo, at paglalakad ng mga pioneer pakanluran ay mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon sa mga Banal sa mga Huling Araw sa bawat lupain at wika. Ngunit may gayunding nakaaantig na mga kuwento tungkol sa pagtatatag at paglago ng Simbahan at sa impluwensya ng ebanghelyo sa buhay ng mga pangkaraniwang miyembro sa bawat bansa na naantig sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Kailangan ding itala at ipreserba ang mga ito.
“… Marami sa pinakamagagandang kuwento ng Simbahan ay nasa mga pansariling kasaysayan at kasaysayan ng pamilya, at bahagi ito ng mga pamana sa atin at sa pamilya” (“May Talaang Iingatan sa Inyo,” Liahona, Dis. 2007, 28–29).
-
Sa inyong palagay bakit mahalaga ang personal na kasaysayan at ang kasaysayan ng pamilya?
Tukuyin ang mga karanasang ginunita ng mga estudyante sa simula ng klase. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay binabasa ng kanilang mga anak at apo ang kanilang sariling pagsasalaysay sa mga karanasang iyon. Sabihin sa bawat estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Aling bahagi sa karanasan ang bibigyang-diin ninyo? Ano ang gusto ninyong madama at malaman ng inyong pamilya dahil sa pagbasa nila sa inyong salaysay?
Ipaliwanag na ang mga alituntuning sinunod ni John Whitmer bilang Mananalaysay at Tagasulat ng Simbahan ay angkop din sa ating personal na kasaysayan at sa kasaysayan ng ating pamilya. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 47:4 at alamin ang ipinangako ng Panginoon kung magiging matapat si John Whitmer sa kanyang mga ginagawa.
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon kay John Whitmer? (Ipinangako ng Panginoon na ang Mang-aaliw—ang Espiritu Santo—ay tutulungan siya sa kanyang pagsusulat ng kasaysayan ng Simbahan.)
-
Paano natin ito maiuugnay sa pagsusulat natin ng personal na kasaysayan at ng kasaysayan ng ating pamilya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung matapat tayo sa pagsusulat ng kasaysayan natin at ng ating pamilya, tutulungan tayo ng Espiritu Santo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makatutulong ang Espiritu Santo sa isang tao kapag kanyang isinulat ang kasaysayan niya o ng kanyang pamilya?
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, tulungan silang makita na ang Espiritu Santo ay makapagpapaalala sa atin ng mga bagay (tingnan sa Juan 14:26) at tutulungan tayong magsulat ng mga pangyayari at mga sitwasyon sa paraan na mapagpapala natin ang mga miyembro ng ating pamilya at ang ibang tao.
Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu Santo habang nagsusulat sila ng kasaysayan nila at ng kanilang pamilya.
Doktrina at mga Tipan 48
Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal sa Ohio na tulungan ang mga taong darating mula sa New York
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may mga Banal na nasa malayong lugar ang kailangang iwan ang kanilang mga tahanan. Nakiusap ang mga lider ng Simbahan sa mga pamilya ng mga estudyante na bigyan ng pagkain at matitirhan sa loob ng ilang buwan ang ilan sa mga pamilyang sapilitang pinaalis sa kanilang tinitirhan.
-
Ano kaya ang mga itatanong at ipag-aalala ninyo at ng inyong pamilya sa pakiusap na ito?
-
Ano kaya ang ipag-aalala at mararamdaman ng mga taong lilipat sa inyong tahanan?
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mapa 3 (“Ang mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika”) sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa kanila na hanapin ang Fayette, New York, at Kirtland, Ohio, at alamin ang tinatayang distansya sa pagitan ng mga lunsod na ito (mga 250 milya o 400 kilometro). Ipaalala sa mga estudyante na noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal sa New York na lumipat sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 48:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal sa Ohio para sa mga miyembro ng Simbahan na lumipat sa rehiyon. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.
-
Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal sa Ohio? (Iniutos niya sa mga may lupain na ibahagi ito sa mga Banal na lilipat sa lugar.) Anong alituntunin ang maaari nating matutuhan mula sa utos na ito? (Kailangang makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Iniutos ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw na ibahagi ang mga bagay na mayroon sila sa mga nangangailangan. Maaaring makatulong na ipaliwanag na hindi lahat ng mga Banal sa Ohio ay may maibabahaging lupain at ang ilang miyembro mula sa New York ay kinailangang bumili ng sariling lupain.)
-
Ano ang ilang paraan na maibabahagi natin sa iba ang mga bagay na mayroon tayo?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga pangyayari na nakakita sila ng mga taong nagbibigay sa mga nangangailangan. Maaari mo ring sabihin sa kanila na ilahad ang mga pagkakataon na nabiyayaan sila ng kagandahang-loob at paglilingkod ng iba.
Upang makapagbigay ng isa pang halimbawa ng pagtulong sa nangangailangan, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa naranasan niya sa kanyang klase sa Primary noong bata pa siya:
“Nagsagawa kami ng proyekto na mag-ipon ng mga barya para sa isang malaking Christmas party. Maingat na itinala ni Sister Gertsch ang aming progreso. Komo mga batang likas ang hilig [sa pagkain], nabuo sa isipan namin na ang kabuuan ng pera ay katumbas ng mga cake, cookie, pie at ice cream. Magiging masaya ang party. Kahit kailan wala pa kaming naging titser na nagmungkahi ng ganitong klaseng pagtitipon.
“Unti-unting napalitan ng taglagas ang tag-init. Ang taglagas ay naging taglamig. Natupad ang minimithi namin para sa party. Lumaki ang klase. Nanatili ang mabuting diwa.
“Hindi namin malilimutan ang malungkot na umagang iyon nang ibalita sa amin ng mahal naming titser na pumanaw ang ina ng isa naming kaklase. Naisip namin ang sarili naming mga ina at kung gaano sila kahalaga sa amin. Nalungkot kami talaga para kay Billy Devenport sa pagpanaw ng nanay niya.
“Ang leksyon sa Linggong ito ay mula sa aklat ng Mga Gawa, kabanata 20, talata 35: ‘Alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’ Sa pagtatapos ng leksyon na mahusay na inihanda, nagkomento si Lucy Gertsch sa lagay ng kabuhayan ng pamilya ni Billy. Nangyari ito noong Matinding Kahirapan [Great Depression], at mahirap humanap ng pera. May ningning sa mga mata, itinanong niya: ‘Gusto ba ninyong sundin ang turong ito ng ating Panginoon? Kunin kaya natin ang pera ng party at ibigay natin sa pamilyang Devenport para ipakita ang ating pagmamahal?’ Nagkaisa kaming lahat. Maingat naming binilang ang bawat barya at isinulat ang kabuuan sa malaking sobre. Bumili kami ng magandang card at isinulat namin ang aming mga pangalan.
“Ang simpleng kabaitang ito ay nagbigkis sa amin” (“Ang Iyong Personal na Impluwensya,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 21–22).
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kuwentong ito? Paano mapagpapala ng kabaitan at paglilingkod ang buhay ng nagbibigay at tumatanggap?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng karanasan na nakatulong sila (o nakakita sila ng mga taong nakatulong) sa mga nangangailangan. Hikayatin ang mga estudyante na umisip ng isang paraan na makakatulong sila sa isang tao sa susunod na linggo.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 48:4–6 na ipinapaliwanag na nais ng Panginoon na maghanda ang mga Banal sa pagbili ng lupain kung saan Niya ihahayag ang lokasyon ng lunsod ng Sion, o ang Bagong Jerusalem. Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ipunin ang lahat ng perang kaya nilang maipon bilang paghahanda sa pagtatayo ng saligan ng lunsod na iyon (tingnan sa D at T 48:4–6). Sabihin sa mga estudyante na malalaman pa nila ang tungkol sa mga pagsisikap ng mga Banal na maitayo ang lunsod ng Sion sa mga susunod na lesson.