Seminaries and Institutes
Lesson 91: Doktrina at mga Tipan 88:1–40


Lesson 91

Doktrina at mga Tipan 88:1–40

Pambungad

Ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang Doktrina at mga Tipan 88 ay “isa sa pinakamagagandang paghahayag na ibinigay sa tao” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56] 3:181). Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na ito nang tatlong araw—Disyembre 27–28, 1832, at Enero 3, 1833—matapos manalangin ang matataas na saserdote o mga high priest sa kumperensya para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagtatayo ng Sion. Ito ay isa sa apat na lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 88. Ang bahagi ng paghahayag na tinalakay sa lesson na ito ay kinapapalooban ng (1) ang pahayag ng Panginoon na Siya ang liwanag na namamahala sa lahat ng bagay at nasasalahat ng bagay at (2) ang Kanyang paliwanag tungkol sa mga batas na namamahala sa Kanyang mga kaharian at sa mga naninirahan dito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 88:1–13

Inihayag ng Panginoon na Siya ang liwanag na nasa lahat ng bagay

Itanong sa mga estudyante kung napunta na ba sila sa isang lugar na talagang napakadilim. Anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang naranasan nila. Magpakita ng isang flashlight o isang kandila, o magdrowing nito sa pisara.

  • Paano makatutulong sa inyo ang pagiging nasa lugar na napakadilim para mapahalagahan ang biyaya ng liwanag?

  • Ano ang sinasagisag ng liwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo?

Ipaliwanag na nakapaloob sa Doktrina at mga Tipan 88 ang mga turo ng Panginoon tungkol sa kahalagahan ng liwanag. Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na ito nang tatlong araw, matapos manalangin ang matataas na saserdote o mga high priest sa kumperensya para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagtatayo ng Sion.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:1–2 at alamin ang sinabi ng Panginoon na nadarama Niya at ng mga anghel kapag nananalangin ang Kanyang mga tagapaglingkod para malaman ang Kanyang kalooban.

  • Sa inyong palagay, bakit nalulugod ang Panginoon at nagsasaya ang mga anghel kapag nananalangin tayo para malaman ang kalooban ng Panginoon?

  • Paano natutulad sa isang liwanag ang pag-alam sa kalooban ng Diyos sa mga naghahangad nito?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:3–5 na ipinapaliwanag na itinuro ng Panginoon sa mga kalalakihang ito na makatatanggap sila ng katiyakan ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na tinatawag ding Mang-aaliw at Banal na Espiritu ng Pangako.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:6–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pinagmumulan ng lahat ng liwanag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa talata 7, anong salita ang ginamit sa pagtukoy sa liwanag ng katotohanan?

  • Ayon sa mga talata 12–13, saan nagmumula ang lahat ng liwanag?

  • Paano naiimpluwensyahan ng Diyos ang Kanyang mga nilikha sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo, ang Diyos ay nagbibigay ng liwanag at buhay sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito. Maaari ding banggitin ng mga estudyante na ang Liwanag ni Cristo ay batas na namamahala sa buong sansinukob at sa mga naninirahan dito at “nagpapabilis” ng ating pang-unawa. Ang ibig sabihin ng nagpapabilis ay nagbibigay ng buhay. Dahil ang salitang ito ay ginamit kalaunan sa paghahayag, sabihin sa mga estudyante na maaari nilang isulat ang kahulugang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 11.)

Kung kailangan, idagdag sa paliwanag ng mga estudyante tungkol sa Liwanag ni Cristo na ito ay “banal na lakas, kapangyarihan, o impluwensya na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo at nagbibigay ng buhay at liwanag sa lahat ng bagay” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo ,” scriptures.lds.org).

Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan kung paano sila pinagpala sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo, isulat sa pisara ang mga sumusunod na kategorya:

Pisikal na liwanag Pag-unawa Buhay Batas

Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga halimbawa kung paano nakaiimpluwensya sa kanila sa araw-araw ang mga pagpapakitang ito ng Liwanag ni Cristo. (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang kakayahang makakita, kakayahang matuto at malaman ang katotohanan, ang paglaki ng mga halaman at hayop na nagbibigay sa atin ng pagkain at kasuotan, at kakayahang malaman ang pagkakaiba ng mabuti at masama.)

  • Paano nakatulong sa inyo ang mga katotohanang tinalakay natin tungkol sa Liwanag ni Cristo para mapahalagahan ninyo ang impluwensya ng Panginoon sa inyong buhay?

Doktrina at mga Tipan 88:14–40

Ipinaliwanag ng Panginoon na may mga batas na nauugnay sa mga kaharian ng kaluwalhatian

Magpakita ng isang guwantes, at ipaliwanag na sumasagisag ito sa pisikal na katawan. Sabihin sa isang estudyante na isuot ang guwantes at igalaw-galaw ang kanyang mga daliri. Ipaliwanag na ang mga kamay ang nagpapagalaw, o nagbibigay-buhay, sa guwantes.

  • Kung ang guwantes ang sumasagisag sa pisikal na katawan, ano ang sinasagisag ng kamay? (Katawang espiritu.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang tawag ng Panginoon sa pagsasama ng espiritu at katawan.

  • Ano ang tawag ng Panginoon sa pagsasama ng espiritu at katawan? (Ang espiritu at ang katawan ay ang kaluluwa ng tao. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang doktrinang ito.)

  • Paano naaapektuhan ang ating espiritu ng mga bagay na nakakaapekto sa ating pisikal na katawan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, hikayatin sila na magbigay ng ilang halimbawa.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan pa ang kaugnayan ng ating katawan at espiritu, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano maaaring maapektuhan ng espiritu at katawan ang isa’t isa.

Pangulong Ezra Taft Benson

“Walang alinlangan na nakakaapekto ang kalusugan ng katawan sa espiritu, o kung hindi ay hindi na ihahayag ng Panginoon ang Word of Wisdom. Ang Diyos ay hindi kailanman nagbigay ng anumang kautusang nauukol sa temporal—yaong nakakaapekto sa ating katawan ay nakakaapekto rin sa ating [mga espiritu]. …

“… Ang kasalanan ay nagpapahina. Hindi lamang ito nakakaapekto sa [espiritu], kundi sa katawan din. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng pisikal na lakas na natatamo ng mabubuti. Sa kabilang banda, ang mga kasalanang hindi napagsisihan ay nagpapawala ng lakas at humahantong sa karamdamam sa pag-iisip at katawan” (“In His Steps,” Ensign, Set 1988, 5).

  • Paano makatutulong sa paggawa ninyo ng mabubuting desisyon ang pagkaunawa ninyo sa kaugnayan ng inyong katawan at ng inyong espiritu?

Upang ihanda ang mga estudyante na matalakay ang mga katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, sabihin sa estudyante na nasa harapan ng klase na alisin ang guwantes mula sa kanyang kamay at ilagay ito sa mesa o upuan.

  • Ano ang sinasagisag ng aksyon na ito? (Pisikal na kamatayan.)

  • Ano ang nangyayari sa tao kapag namatay ito? (Ang espiritu at katawan ay naghihiwalay.)

Sabihin sa estudyante na kunin at isuot ang guwantes.

  • Ano ang sinasagisag ng aksyon na ito? (Pagkabuhay na Mag-uli.)

  • Ano ang nangyayari sa tao sa pagkabuhay na mag-uli? (Ang espiritu at katawan ay muling nagsasama.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:14, 16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Pagkabuhay na Mag-uli. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sino ang naging daan para maging posible ang pagtubos sa ating kaluluwa? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang naging daan kaya naging posible ang pagtubos sa ating kaluluwa.)

  • Matapos matubos ang ating kaluluwa, ano ang mamamana ng “mga maralita at maaamo”? (Ang mundo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:18–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang mangyayari sa mundo bago ito mamana ng mga natubos na kaluluwa.

  • Ano ang mangyayari sa mundo bago ito mamana ng mga natubos na kaluluwa?

  • Ayon sa talata 19, kaninong presensya ang makikita sa pinabanal na mundo?

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sino ang magiging karapat-dapat na manirahan sa kahariang selestiyal at makasama ang Ama sa Langit? Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila sasagutin ang tanong na ito.

Ipaliwanag na tulad ng mundo na tatanggap ng kaluwalhatian matapos itong mapabanal, ang katawan din natin ay mababago at tatanggap ng kaluwalhatian sa Pagkabuhay na Mag-uli. Gayunpaman, hindi lahat ng tao ay tatanggap ng pare-parehong antas ng kaluwalhatian.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:21–24 at tukuyin kung saan ibinabatay ang matatanggap na antas ng kaluwalhatian ng isang tao sa Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Saan ibinabatay ang antas ng kaluwalhatian na matatanggap ng isang tao sa Pagkabuhay na Mag-uli? (Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina. Imungkahi mo rin sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan. Sa Pagkabuhay na Mag-uli tatanggap tayo ng kaluwalhatian ayon sa batas na sinunod natin.)

Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 88:25–33 nang may kapartner. Sabihin sa kanila na alamin kung paano nakakaapekto sa mundo at sa bawat isa sa atin ang pagsunod sa mga batas ni Cristo. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.

  • Ano ang nalaman ninyo na sumusuporta sa katotohanan na tatanggap tayo ng kaluwalhatian sa Pagkabuhay na Mag-uli ayon sa batas na sinunod natin?

  • Pansinin sa talata 28 na tinukoy ng Panginoon yaong mga “may selestiyal na espiritu.” Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “may selestiyal na espiritu”?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga yaong may selestiyal na espiritu ay mga indibiduwal na namuhay ayon sa batas ng kahariang selestiyal. Ipaalala sa klase na nalaman natin mula sa Doktrina at mga Tipan 76 na kabilang sa batas ng kahariang selestiyal ang pagkakaroon ng patotoo ni Jesucristo, pagsunod sa mga kautusan, paggawa at pagtupad ng mga tipan, [pananagumpay sa pamamagitan] ng pananampalataya, at pagtanggap ng Banal na Espiritu ng Pangako (tingnan sa D at T 76:50–53, 69–70).

  • Sa Doktrina at mga Tipan 88:28–29, paano inilarawan ng Panginoon ang katawan ng mga nabuhay na mag-uli na tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal?

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 88:30–31, kung batas na nauukol sa terestriyal o telestiyal lamang ang sinusunod ng tao sa mundong ito, anong uri ng katawan ang matatanggap niya sa Pagkabuhay na Mag-uli? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ating nabuhay na mag-uling katawan ay tutugma sa kaluwalhatiang matatanggap ng ating espiritu.)

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang doktrina na tatanggap tayo ng kaluwalhatian ayon sa batas na sinunod natin, sabihin sa kanila na maggrupu-grupo na may tatlo o apat na miyembro para magtulungan sa pagkumpleto ng sumusunod na assignment. Maaari kang magbigay ng kopya ng mga instruksyon o isulat ang mga ito sa pisara.

  1. Talakayin ang mga sumusunod na tanong nang magkakasama: Ano ang ilang kabutihan ng pagsunod sa batas trapiko? Ano ang ilang ibinubunga ng hindi pagsunod sa batas trapiko?

  2. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:34–35, at alamin ang mga ibubunga ng pagsunod at hindi pagsunod sa mga batas ng Diyos. Talakayin ang nalaman ninyo.

  3. Inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 88:40 ang mga katangian ng mga taong mapupunta sa kahariang selstiyal. Pag-aralan nang magkakasama ang talatang ito at tukuyin ang mga katangian. Pagkatapos ay talakayin kung ano ang magagawa natin para mataglay o mapalakas ang mga katangiang ito sa ating buhay.

Matapos matalakay ng mga estudyante ang mga katangiang ito sa kanilang grupo, ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa liwanag na pumupuno sa ating buhay kapag sinisikap nating sundin ang mga batas ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila nakita ang katotohanang ito sa sarili nilang buhay. Tulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagpapasulat sa kanila ng isang mithiin na tutulong sa kanila na sundin ang batas ng kahariang selestiyal at mapagpala ng mga katangiang ito. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga mithiin kung gusto nilang gawin ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 88:3–4. “Isa pang Mang-aaliw”

“Iniisip ng ilan na ang pariralang ‘isa pang Mang-aaliw’ sa Doktrina at mga Tipan 88:3 ay tumutukoy sa Pangalawang Mang-aaliw, o personal na pagdalaw mula sa Tagapagligtas. Gayunman, ang Panginoon sa talatang ito ay nangako na ang Mang-aaliw na ito ay ‘[ma]mamalagi sa inyong mga puso.’ … Ang Mang-aaliw na ipinangako sa Doktrina at mga Tipan 88 ay ‘ang Banal na Espiritu ng pangako’ (t. 3), ‘ang pangakong aking ibinigay sa inyo na buhay na walang hanggan’ (t. 4)” (Doctrine and Covenants Student Manual, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2001, 198).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay hindi ang Pangalawang Mang-aaliw. Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay ang Espiritu Santo na siyang opisyal na nag-aapruba sa lahat ng ordenansa na ginawa nang matwid [D at T 132:7]; at kapag ang mga tipan ay hindi tinupad, inaalis niya ang pagkabuklod” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:55).

Doktrina at mga Tipan 88:6–13. Ang Liwanag ni Cristo

“Ang liwanag ‘ay nanggagaling mula sa kinaroroonan ng Diyos upang punuin ang kalakhan ng kalawakan.’ Ito ay ‘liwanag na nasa lahat ng bagay, na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, na siyang batas kung saan ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan’ (D at T 88:12–13; tingnan din sa mga talata 6–11). Ang kapangyarihang ito ay isang impluwensya para sa kabutihan sa buhay ng lahat ng tao (tingnan sa Juan 1:9; D at T 93:2). Sa mga banal na kasulatan, ang Liwanag ni Cristo ay tinatawag kung minsan na Espiritu ng Panginoon, Espiritu ng Diyos, Espiritu ni Cristo, o Liwanag ng Buhay.

“Hindi dapat pagkamalang Espiritu Santo ang Liwanag ni Cristo. Ito ay hindi isang personahe, na tulad ng Espiritu Santo. Ang impluwensya nito ay umaakay sa mga tao na matagpuan ang tunay na ebanghelyo, mabinyagan, at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Juan 12:46; Alma 26:14–15).

“Sa konsiyensya o budhi madarama ang Liwanag ni Cristo, kaya natin nalalaman ang mabuti sa masama. Itinuro ng propetang si Mormon: ‘Ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos. … At ngayon, mga kapatid ko, dahil sa inyong nalalaman ang liwanag kung paano kayo ay makahahatol, kung aling liwanag ay liwanag ni Cristo, tiyakin ninyo na hindi kayo humahatol nang mali; sapagkat sa gayon ding kahatulan kung paano kayo naghahatol, kayo ay gayon din hahatulan’ (Moroni 7:16, 18)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 75).

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Upang ilarawan ang liwanag ni Cristo, ihahambing o ihahalintulad ko ito sa sikat ng araw. Ang sikat ng araw ay pamilyar sa lahat ng tao; kahit saan ay naroroon ito at nakikita at nadarama. Ang buhay mismo ay nakadepende sa sikat ng araw.

“Ang Liwanag ni Cristo ay gaya rin ng sikat ng araw. Ito rin ay nasa lahat ng dako at ibinibigay sa lahat nang pantay-pantay.

“Pinaglalaho ng Liwanag ni Cristo ang kasamaan tulad ng paglalaho ng kadiliman sa pagbubukang-liwayway.

“Walang kadiliman sa sikat ng araw. Napangingibabawan nito ang kadiliman. Maaaring matago ang araw sa likod ng mga ulap o sa pag-inog ng mundo ngunit maglalaho ang mga ulap, at tatapusin ng mundo ang pag-inog nito. …

“Ang Liwanag ni Cristo ay pandaigdigan tulad ng sikat ng araw mismo. Saanman naroon ang tao, naroon ang Espiritu ni Cristo. Bawat kaluluwang buhay ay taglay ito. Ito ang nagtataguyod sa lahat ng mabuti. Ito ang nagbibigay-inspirasyon sa lahat na magpapala at pakikinabangan ng sangkatauhan. Pinangangalagaan nito ang mismong kabutihan” (“Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abr. 2005, 13).

Doktrina at mga Tipan 88:21–24, 34–35. Mapipili nating sundin ang batas ng kahariang selestiyal

Nagmungkahi si Elder Delbert L. Stapley ng Korum ng Labindalawang Apostol ng paraan para malaman natin kung sinusunod natin ang selestiyal na batas:

Elder Delbert L. Stapley

“Marahil makabubuti sa bawat isa sa atin na muling suriin ang ating sarili para malaman natin kung ano ang katayuan natin sa kasalukuyan na may kaugnayan sa pangunahing batas ng kahariang selestiyal—ang batas ng pagsunod. Ipapakita ng mga resulta sa atin kung aling kaharian ang pinili natin bilang ating mithiin. Halimbawa:

  1. Pinag-aaralan at pinagninilayan ko ba ang mga banal na kasulatan para malaman ang kalooban ng Diyos at maunawaan ang Kanyang mga kautusan hinggil sa Kanyang mga anak?

  2. Sinusunod ko ba ang mga payo ng buhay na propeta ng Diyos, o pinipili ko lang ang mga bagay na gusto kong sundin, at binabale-wala ang iba?

  3. Hinihingi ko ba ang payo ng aking bishop at stake president tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa akin at sa aking pamilya?

  4. Masigasig ko bang sinisikap na disiplinahin ang aking sarili, na kinokontrol ang mga naisin o hilig ng aking katawan?

  5. Gingawa ko ba ang lahat para pagsisihan ang mga nagawa kong kasalanan noon o ngayon at itinutuwid ito sa paggawa nang mabuti?

  6. Sumasampalataya ba ako sa Diyos kahit dumaranas ako ng mga pagsubok, paghihirap, at kapighatian? Pinapasan ko ba ang aking mga pasanin nang hindi nagrereklamo?

“Ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay hindi mahirap na pasanin kapag ginagawa natin ito dahil mahal natin Siya na lubos na nagpala sa atin. Iniutos sa atin ng Panginoon na ‘pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“‘Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.’ (Mat. 11:29–30.)

“Ang ating kahandaang sundin ang mga kautusan ng Diyos ay katibayan ng ating pananampalataya sa Kanya at ng ating pagmamahal sa Kanya. Ang taong palaging naghihimagsik ay hindi magmamana ng kahariang selestiyal” (“The Blessings of Righteous Obedience,” Ensign, Nob 1977, 20–21).