Lesson 43
Doktrina at mga Tipan 38:17–42
Pambungad
Ang nakaraang lesson ay sumasaklaw sa unang 16 na talata ng Doktrina at mga Tipan 38. Ang lesson na ito ay sumasaklaw sa natitirang nilalaman ng bahagi 38. Bilang tugon sa pagnanais ng mga Banal na malaman pa ang tungkol sa utos na magtipon sa Ohio, inihayag ng Panginoon ang ilang pagpapalang darating sa mabubuti sa panahon ng Milenyo. Pagkatapos ay tinagubilinan Niya ang mga Banal na magkaisa at ipinaliwanag kung bakit iniutos Niya sa kanila na magtipon sa Ohio. Sa huli, nagbigay ang Panginoon ng mga kautusan upang tulungan ang mga Banal na malaman kung paano simulan ang pagtitipon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 38:17–22
Inihayag ng Panginoon ang ilang pagpapala na darating sa mabubuti ngayon at sa panahon ng Milenyo
Itanong sa mga estudyante kung ano ang mana at sino ang karaniwang tumatanggap nito.
-
Bakit gugustuhin mong mapamanahan?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 38:17–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang manang ipinangako ng Panginoon sa Kanyang mga tao.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na kailangang gawin ng Kanyang mga tao upang matanggap ang manang binanggit sa mga talatang ito? (Hangarin ito nang buo nilang puso [tingnan sa D at T 38:19]; makinig sa Kanyang tinig at sumunod sa Kanya [tingnan sa D at T 38:22].)
Sabihin sa mga estudyante na ilahad muli ang pangyayaring nakapaloob sa Doktrina at mga Tipan 38 na natutuhan nila noong nakaraang lesson. Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante na ilan sa mga Banal sa New York ay humiling ng karagdagang impormasyon tungkol sa utos ng Panginoon na lumipat sa Ohio.
-
Sa inyong palagay, paano kaya nakaapekto ang pagtuturo sa mga Banal tungkol sa kanilang pamana na pangwalang-hanggan sa kanilang nadarama tungkol sa utos na lumipat sa Ohio?
Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga karagdagang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio sa kanilang pag-aaral ng natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 38.
Doktrina at mga Tipan 38:23–27
Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magkaisa
Bago magklase, idrowing sa pisara ang isang simpleng sketch ng labas ng isang gusali na matatagpuan sa inyong lugar. O magdrowing ng isang simpleng larawan ng bahay, tulad nang nakalarawan dito. Isama ang mahahalagang bahagi ng gusali, pati na ang pasukan, bintana, dingding, at bubong. Itanong sa mga estudyante kung anong bahagi ng gusali ang pinakamahalaga. Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy na bawat bahagi ng gusali ay may paggagamitan.
-
Paano maihahambing ang mga bahagi ng isang gusali sa mga tao sa isang pamilya o sa mga tao sa isang ward o branch? (Tulad ng bawat bahagi ng isang gusali ay mahalaga, bawat tao sa isang pamilya o ward o branch ay mahalaga at makagagawa ng isang mahalagang tungkulin.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:23–25 at alamin ang parirala na nagtuturo kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili”? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating pahalagahan ang iba tulad nang pagpapahalaga natin sa ating sarili.)
Upang matulungan ang mga estudyante na matandaan ang alituntuning ito, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan, notebook, o scripture study journal. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Ang Mahina at Simple sa Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 7.)
-
Ano ang nangyayari kapag iniisip ng mga tao na mas mahalaga, o mas magaling, sila kaysa sa iba?
-
Paano napagpapala ang Simbahan kapag hindi nating iniisip na mas mahalaga tayo kaysa iba?
Sabihin sa mga estudyante na nagturo ang Tagapagligtas ng talinghaga na naglalarawan kung bakit dapat nating pahalagahan ang iba na tulad ng ating sarili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talinghagang ito mula sa Doktrina at mga Tipan 38:26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tinrato ng lalaking ito sa talinghaga ang kanyang mga anak na lalaki.
-
Ano ang mararamdaman ninyo kung kayo ang anak na pinagsuot ng basahan?
-
Ano ang maaaring gawin ng anak na pinagsuot ng bata (robe) para mabago ang sitwasyong ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang mensahe sa atin ng Panginoon sa talinghagang ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:27 at alamin ang alituntunin na nais ng Panginoon na maunawaan natin mula sa talinghagang ito. (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking maipapahayag nila ang tulad ng sumusunod: Kung hindi tayo nagkakaisa, hindi tayo maaaring maging mga tao ng Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito sa tabi ng unang alituntuning isinulat mo. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa kanilang banal na kasulatan na nagtuturo ng alituntuning ito.)
-
Sa konteksto ng talata 27, ano ang ibig sabihin ng “maging isa”? (Ang makiisa sa iba at sa Panginoon sa kabutihan.)
-
Paano nakatutulong sa pagkakaisa natin ang pagpapahalaga sa iba na gaya ng pagpapahalaga natin sa ating sarili? Paano makatutulong ito na maging isa tayo sa Panginoon?
-
Sa palagay ninyo, bakit hindi tayo magiging mga tao ng Panginoon kung hindi tayo nagkakaisa?
Ipaliwanag na ang mga naunang miyembro ng Simbahan na tinawag na magtipon sa Ohio ay iba’t iba ang pinagmulang kalagayan. Ang ilan ay may-ari ng masasaganang bukirin at tinitingala sa kanilang komunidad, samantalang ang iba ay may kaunting ari-arian lang at itinuturing na nasa mas mababang katayuan sa lipunan.
-
Paano kaya nakatulong sa mga Banal ang mga alituntunin sa pisara nang nagtipon silang kasama ng ibang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio?
Bago magklase, maaari kang maghanda ng handout para sa bawat estudyante na naglalaman ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nauugnay ang kautusang maging isa o magkaisa sa iniutos ng Diyos na magtipon nang sama-sama ang Kanyang mga tao.
“Nalalaman natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. … Hangad [ng ating Ama sa Langit na] ipagkaloob ang sagradong pangarap nating iyon na magkaisa dahil mahal Niya tayo.
“Hindi Niya ito maipagkakaloob sa atin nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan tayong magkita-kita nang madalas. Nasa mga pagtitipong iyon, na nilayon ng Diyos para sa atin, ang ating malaking oportunidad. Magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 69).
-
Ayon kay Pangulong Eyring, bakit nais ng Panginoon na sama-sama tayong magtipon? (Upang mapagpala Niya tayo at tulungan tayong magkaisa.) Ano ang mga pagpapalang dulot ng pagkakaisa? (Kagalakan at pag-ibayo ng kakayahan nating maglingkod.)
-
Paano nakatulong sa atin ang pahayag ni Pangulong Eyring na maunawaan kung bakit tayo nagtitipon bilang pamilya? Bilang mga miyembro ng Simbahan? Bilang klase sa seminary?
-
Kailan ninyo naranasan na pinagpala kayo dahil natipon kayong kasama ang iba?
Sabihin sa mga estudyante na maglaan ng ilang minuto na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang bagay na magagawa nila ngayon para makiisa sa kanilang pamilya, sa mga kabataan sa kanilang korum at klase sa simbahan, at sa Panginoon. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.
Doktrina at mga Tipan 38:28–33
Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit iniutos Niya sa Kanyang Simbahan na magtipon sa Ohio
Ipaliwanag na inihayag Panginoon ang ibang dahilan kung bakit iniutos Niya sa mga Banal na umalis ng New York at magtipon sa Ohio. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:28–30 at sabihin sa klase na alamin ang iba pang mga dahilan kung bakit iniutos sa mga Banal na magtipon sa Ohio.
-
Ano ang babalang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal?
-
Ayon sa talata 30, ano ang magagawa ng mga tao ng Panginoon upang hindi sila matakot sa kanilang mga kaaway? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay handa, hindi tayo matatakot.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at maipamuhay ang katotohanang natukoy nila, pagpartner-partnerin sila at sabihin sa bawat magkapartner na pag-usapan ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.)
-
Sa inyong palagay, bakit ang paghahanda ay nagbibigay sa atin ng tiwala sa harap ng pag-uusig o panganib?
-
Ano ang magagawa natin para maging handa laban sa pagtatangka ng kaaway na pinsalain tayo?
Ipaalala sa mga estudyante na noong 1831, kinuwestiyon ng ilan sa mga Banal sa New York kung bakit pinapapunta sila sa Ohio. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:31–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga paraan na mapagpapala ang mga Banal kung susundin nila ang utos na magtipon sa Ohio. Dapat matukoy ng mga estudyante ang apat na pagpapala: (1) “maaari [nilang] matakasan ang kapangyarihan ng kaaway”; (2) sila ay “mati[ti]pon sa [Diyos] bilang isang mabubuting tao”; (3) tatanggapin nila ang kautusan ng Diyos; at (4) sila ay “pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang proteksyunan sila at espirituwal na palakasin.
-
Paano tumutulong sa inyo ang pagtitipon na kasama ang mga katulad ninyo ng pamantayan na madama na napoprotektahan kayo laban sa kapangyarihan ni Satanas?
-
Paano tayo espirituwal na napapalakas ng pagtanggap sa mga batas ng Diyos?
Doktrina at mga Tipan 38:34–42
Binigyan ang Simbahan ng mga kautusan hinggil sa pagtitipon sa Ohio
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 38:34–42 na ipinapaliwanag na nagbigay ang Panginoon ng ilang kautusan at payo sa mga Banal na tutulong sa kanila sa bagong paninirahan sa Ohio. Ipaliwanag din na karamihan sa mga Banal ay sa bukirin lang nila kumukuha ng ikabubuhay. Dahil napakaraming miyembro ang sabay-sabay na nagbenta ng kanilang ari-arian, marami sa mga Banal ang malamang na malugi sa pagbebenta ng kanilang mga bukirin o hindi na maipagbili ang mga ito. Dahil maraming bukid ang ipagbibili, bababa ang presyo nito at malaking diskwento ang makukukuha ng mga bibili sa mga bukid ng mga Banal.
Ipabasa nang tahimik sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:37, 39 at alamin ang payo ng Panginoon hinggil sa mga bukid at kayamanan ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano nakatutulong sa pagsunod ninyo sa mga kautusan ng Panginoon ang malaman ang mga pangako sa inyo ng Panginoon na pangwalang-hanggan?
Ipaliwanag na matapos matanggap ang kautusang ito, ilan sa mga Banal ay nahirapang ipagbili ang kanilang mga bukid. Ilan sa kanila ay ipinagbili na lang nang palugi ang kanilang bukid; ang iba ay hindi na maipagbili ang kanilang ari-arian. Ilan sa matatapat na miyembro ang iniwan na lamang ang kanilang mga hindi naipagbiling bahay at ari-arian at pumunta na sa Ohio.
Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang natukoy sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga bagay na nadama at naitala nila sa oras ng lesson.