Seminary
Lesson 112: Doktrina at mga Tipan 107:21–38


Lesson 112

Doktrina at mga Tipan 107:21–38

Pambungad

Noong Abril 1835 ang mga kaoorden na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nasa Kirtland, Ohio, na naghahandang magpunta sa kanilang unang misyon bilang isang korum. Bago sila umalis, hiniling nila na humingi ng paghahayag si Propetang Joseph Smith na tutulong sa kanila habang magkakahiwa-hiwalay sila (tingnan sa pambungad sa lesson 111). Ang paghahayag na natanggap niya ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107. Ito ang pangalawa sa tatlong lesson na tatalakay sa bahaging ito. Sa bahaging ito ng paghahayag, inilahad ng Panginoon ang mga tungkulin ng mga namumunong korum ng Simbahan: ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Pitumpu.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 107:21–26

Inilahad ng Panginoon ang mga tungkulin at awtoridad ng mga namumunong korum ng Simbahan

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: suporta at pagsang-ayon. Kapag nagsimula na ang klase, sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na sinuportahan o sinang-ayunan sila ng isang tao. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na humarap sa kanilang kapartner at ikuwento ang nangyari.

  • Kapag alam ninyong sinusuportahan o sinasang-ayunan kayo, ano ang kaibhang nagagawa nito sa inyo?

Isulat sa pisara ang salitang pagtibayin, at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagtibayin ang isang tao ay suportahan at sang-ayunan ang taong iyon.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:21–22 at alamin ang sinabi ng Panginoon kung sino ang dapat pagtibayin ng mga miyembro ng Simbahan.

  • Sino ang sinabi ng Panginoon na dapat nating pagtibayin? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang Ang Unang Panguluhan bilang heading sa pisara.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:8–9. Bago nila basahin ang mga talatang ito, ipaliwanag na sa talata 9, ang pariralang “Ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote, alinsunod sa orden ni Melquisedec” ay tumutukoy sa Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Unang Panguluhan.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Unang Panguluhan? (Sa ilalim ng heading, isulat ang sumusunod na katotohanan: Ang Unang Panguluhan ay may responsibilidad at awtoridad na mamuno sa lahat ng katungkulan sa Simbahan.)

  • Ayon sa talata 22, paano natin pinagtitibay ang Unang Panguluhan? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Unang Panguluhan ay pinagtitibay ng pagtiwala, pananampalataya, at mga panalangin ng Simbahan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala sa talata 22 na nagtuturo ng alituntuning ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan nating pagtibayin ang Unang Panguluhan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang dapat nating gawin para masang-ayunan, o mapagtibay, ang mga lider natin sa Simbahan.

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Upang masang-ayunan natin ang mga natawag ngayon, suriin natin ang ating buhay, magsisi kung kailangan, mangakong sundin ang mga utos ng Panginoon, at sundin ang Kanyang mga lingkod. …

“… Mainam na magpasiyang sang-ayunan natin nang may pananampalataya at panalangin ang lahat ng naglilingkod sa atin sa kaharian. Alam ko mismo ang kapangyarihan ng pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan na sang-ayunan ang mga natawag. … Nadama ko sa nakaaantig na mga paraan ang mga panalangin at pananampalataya ng mga taong hindi ko kilala at kilala lamang ako bilang isang taong natawag na maglingkod sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood” (“Ang Totoo at buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 21).

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Eyring na dapat nating gawin upang masang-ayunan ang mga lider natin sa Simbahan?

  • Paano natin masasang-ayunan ang mga lider ng Simbahan, tulad ng Unang Panguluhan, na hindi natin kilala nang personal?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang ginagawa nila sa kasalukuyan upang masang-ayunan ang Unang Panguluhan at iba pang mga lider ng Simbahan. Hikayatin sila na sumulat ng isang partikular na mithiin sa kanilang notebook o scripture study journal tungkol sa gagawin nila sa hinaharap upang mas lalo pang masuportahan at masang-ayunan ang mga lider ng Simbahan.

Isulat ang Ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang heading sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:23 at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga tungkulin ng Labindalawang Apostol.

  • Ayon sa talata 23, ano ang tungkulin ng Labindalawang Apostol? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina sa ilalim ng “Ang Korum ng Labindalawang Apostol”: Ang mga Apostol ay mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang doktrinang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng ang mga Apostol ay natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang nakasaad sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan tungkol sa salita at titulong Apostol. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na ang Pangulo ng Simbahan ay ang senior na Apostol sa lupa at ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay mga Apostol din. Samakatwid, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay mga natatanging saksi rin ng pangalan ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nadama nila nang marinig o mabasa nila ang mga patotoo ng mga Apostol. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang nadama nila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:24 at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng Korum ng Labindalawang Apostol.

  • Sa talata 24, ano ang natutuhan natin tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng Korum ng Labindalawang Apostol? (Ang korum ay may awtoridad at kapangyarihan na pantay sa Unang Panguluhan. Maaari mong isulat sa pisara ang impormasyong ito sa ilalim ng “Ang Korum ng Labindalawang Apostol.”)

Ipaliwanag na kapag ang kalalakihan ay inordenan na mga Apostol, ibinibigay din sa kanila ang parehong mga susi ng priesthood na hawak ng Pangulo ng Simbahan. Gayunman, ang Pangulo ng Simbahan, bilang namumunong high priest sa Melchizedek Priesthood, ay ang tanging tao sa lupa na binigyang-karapatan na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood. Ang iba pang mga Apostol ay ginagamit ang mga susing ito ng priesthood kapag binigyang-karapatan ng Pangulo ng Simbahan. Kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, nabubuwag ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol, na pantay sa awtoridad at kapangyarihan sa Unang Panguluhan, ang nagiging namumunong lupon ng Simbahan. Bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, ang senior na buhay na Apostol ay bibigyang-karapatan sa panahong iyan na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:25 at alamin ang isa pang korum ng priesthood na binanggit sa paghahayag na ito at ano ang mga tungkulin ng mga miyembro nito.

  • Ano ang pangatlong korum na binanggit sa paghahayag na ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang Ang Pitumpu bilang heading sa pisara.)

  • Ano ang mga tungkulin ng Pitumpu? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan sa ilalim ng “Ang Pitumpu”: Ang Pitumpu ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo at maging mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong daigdig.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 107:26 at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa awtoridad ng Pitumpu. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Upang matulungan ang klase na maunawaan ang sinabi ng Panginoon tungkol sa awtoridad ng Pitumpu, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Si Jesucristo ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na nauukol sa Kanyang Simbahan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng mga susi na nauukol sa kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang buhay na senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa mundo na binigyang-karapatan na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood. …

“Ang mga Pitumpu ay kumikilos ayon sa iniatas sa kanila at sa pamamagitan ng awtoridad mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. … Ang Panguluhan ng Pitumpu ay itinatalaga at pinagkakalooban ng mga susi na mamuno sa mga Korum ng Pitumpu” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 2.1.1).

Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila nang basahin at pakinggan nila ang mga mensahe ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawa, at ng Pitumpu. Kung nakausap ng mga estudyante ang ilan sa mga kapatid na ito, anyayahan din silang ibahagi ang mga karanasang ito.

Doktrina at mga Tipan 107:27–32

Ipinaliwanag ng Tagapagligtas kung paano nagpapasiya ang mga namumunong korum ng Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na gusto mo silang gumawa ng simpleng pasiya bilang isang grupo (halimbawa, sila ang magpapasiya kung anong himno ang kakantahin sa susunod na debosyonal ng klase). Hikayatin ang mga estudyante na pag-usapan ang mga opsiyon nila at magkakasamang magpasiya. Kapag nakapagpasiya na ang mga estudyante, talakayin ang mga sumusunod:

  • Paano karaniwang gumagawa ng pasiya ang mga grupo ng mga tao?

  • Sa inyong palagay, paano maikukumpara ang mga paraang ito sa paraan ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Pitumpu sa paggawa ng mga pasiya?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:27–32 nang magkasama, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paraan kung paano gagawa ng pasiya ang namumunong korum ng Simbahan. Matapos ang sapat na oras na mabasa ng mga estudyante ang mga talatang ito, talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ayon sa mga talatang ito, paano nagpapasiya ang mga namumunong korum? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong ibuod ang kanilang mga sagot na isinusulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang mga pasiya ng mga namumunong korum ng Simbahan ay ginagawa nang may pagkakaisa at kabutihan.)

  • Anong mga katangian ang binanggit sa talata 30 na mahalagang taglay ng mga kapatid na ito para magkaisa sa mga pasiya?

  • Ayon sa talata 31, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga namumunong korum ng Simbahan kapag gumawa sila ng mga pasiya gamit ang mga katangiang ito?

  • Ngayong alam ninyong nangako ang Panginoon na pagkakalooban ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Pitumpu ng Kanyang kaalaman, paano ito makatutulong sa inyo na pagtibayin o sang-ayunan ang mga lider na ito nang may tiwala, pananampalataya, at panalangin, at sundin ang kanilang payo?

Doktrina at mga Tipan 107:33–38

Nagbigay ang Panginoon ng karagdagang tagubilin sa mga namumunong korum ng Simbahan

I-assign sa bawat isang estudyante ang isa sa mga sumusunod na talata: Doktrina at mga Tipan 107:33, 34, o 35. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang talatang naka-assign sa kanila at tukuyin ang mga katotohanan tungkol sa Labindalawang Apostol o sa Pitumpu. Matapos ang sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang mga katotohanang natukoy nila sa ilalim ng “Ang Korum ng Labindalawang Apostol” o “Ang Pitumpu.”

Kabilang sa mga katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang sumusunod: Ang Labindalawang Apostol ay kumikilos sa pangalan ng Panginoon at sa ilalim ng pamumuno ng Unang Panguluhan sa pagtatatag ng Simbahan. Ang Pitumpu ay kumikilos sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng pamumuno ng Labindalawang Apostol. Hawak ng Labindalawang Apostol ang mga susi ng paghahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga sagradong responsibilidad ng mga tinawag ng Panginoon na mamuno sa Kanyang Simbahan. Hikayatin ang mga estudyante na pagtibayin at sang-ayunan sila sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang payo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 107:21–24. Mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang ibig sabihin ng maging natatanging saksi ng pangalan ni Cristo:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang tungkulin ng Apostol ngayon ay pareho noong sinauna (tingnan sa Ang Mga Gawa 1:22; 4:33). Ang atas sa amin ay magsihayo sa buong sanlibutan at ipahayag si ‘Jesucristo, at siya na napako sa krus’ (tingnan sa Marcos 16:15; I Mga Taga Corinto 2:2). Ang Apostol ay isang missionary at natatanging saksi ng pangalan ni Cristo. Ang ‘pangalan ni Cristo’ ay tumutukoy sa kabuuan ng misyon, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas—Kanyang awtoridad, doktrina, at mga natatanging katangian bilang Anak ng Diyos upang maging ating Manunubos at Tagapagligtas. Bilang mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo, nagpapatotoo kami sa katotohanan, kabanalan, at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, sa Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala, at sa Kanyang ebanghelyo,” (The Religious Educator: Perspectives on the Restored Gospel, tomo 12, blg. 2 [2011], 1).

Doktrina at mga Tipan 107:27–30. Mga pasiya ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tungkol sa mga pasiya ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Walang desisyong nagmumula sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa nang hindi lubos na nagkakaisa ang lahat ng kasama rito. Sa mga talakayang ito, maaaring magkaroon ng iba’t ibang pananaw. Inaasahan na ito. Ang mga kalalakihang ito ay magkakaiba ng karanasan at pinagmulan. Sila’y kalalakihang ang iniisip ay ang sarili nilang opinyon. Ngunit bago makagawa ng pinakahuling pasiya, magkakaroon ng nagkakaisang isipan at tinig.

“Ito ang inaasahang mangyayari kung sinusunod ang inihayag na salita ng Panginoon. Muli, babanggitin ko ang mula sa paghahayag:

“‘Ang mga pasiya ng mga korum na ito, o isa sa kanila, ay isasagawa ng buong kabutihan, sa kabanalan, at kababaan ng puso, kaamuan at mahabang pagtitiis, at sa pananampalataya, at kabaitan, at kaalaman, kahinahunan, pagtitiis, pagkamaka-diyos, pagmamahal pangkapatid, at pag-ibig sa kapwa tao;

“‘Dahil ang pangako ay, kung ang mga bagay na ito ay nananagana sa kanila sila ay hindi magiging di mabunga sa kaalaman ng Panginoon’ (D at T 107:30–31).

“Idinaragdag ko ang sarili kong patotoo na sa dalawampung taong paglilingkod ko bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa at sa halos labintatlong taong paglilingkod ko sa Unang Panguluhan, hindi nagkaroon ng malaking pagpapasiya nang hindi ginagawa ang pamamaraang ito. Nakita ko ang pagkakaiba-iba ng opinyon sa mga pag-uusap na ito. Mula sa mga opinyon ng mga kalalakihang ito, maingat itong susuriin at aalisin ang hindi gaanong mahalagang ideya at konsepto. Ngunit hindi ako kailanman nakakita ng matinding pagtatalo o pagkainis sa aking Mga Kapatid. Sa halip, napansin ko ang isang napakaganda at kahanga-hangang bagay—ang pagsasama-sama, sa ilalim ng pumapatnubay na impluwensya ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan ng paghahayag, ng magkakaibang pananaw hanggang sa magkaroon ng lubos na pagkakaisa at lubos na pagkakasundo. At saka pa lamang ito isasakatuparan. Pinatototohanan ko na sumasagisag iyan sa diwa ng paghahayag na makikita nang paulit-ulit sa pamamahala sa gawaing ito ng Panginoon” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54, 59).

Doktrina at mga Tipan 107:35. Mga susi ng Labindalawang Apostol

Larawan
Propetang Joseph Smith

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Labindalawang Apostol ang “namumuno sa mga simbahan ng mga Banal. … Sila ang mayhawak ng mga susi ng ministeryong ito, upang magbukas ng pintuan ng Kaharian ng langit sa lahat ng bansa, at ipangaral ang Ebanghelyo sa bawat nilikha. Ito ang kapangyarihan, awtoridad, at dangal ng kanilang pagiging apostol” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 164).

Print