Lesson 51
Doktrina at mga Tipan 45:1–15
Pambungad
Noong Marso 1831, patuloy na umunlad ang Simbahan sa Kirtland. Nagpatuloy rin ang oposisyon sa Simbahan. Isinulat ni Propetang Joseph Smith: “Maraming maling ulat, kasinungalingan, at walang kabuluhang mga kuwento, ang inilathala sa mga pahayagan, at ipinalaganap sa lahat ng lugar, upang hadlangan ang mga tao na siyasatin ang gawain, o tanggapin ang relihiyon.” Sa panahong ito ng pag-unlad at oposisyon, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na kalaunan ay sinabi niya na “nagdulot ng kagalakan sa mga Banal na nahihirapang labanan ang lahat ng bagay na malilikha ng kapinsalaan at kasamaan” (sa History of the Church, 1:158). Ang paghahayag na ito, na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 45, ay nagsimula sa mga inihayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang mga ginagampanan sa ating kaligtasan. Ang lesson ngayon ay una sa tatlong lesson na nakapokus sa Doktrina at mga Tipan 45.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 45:1–5
Binigyang-diin ni Jesucristo ang Kanyang mga ginagampanan bilang Lumikha at Tagapamagitan
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay gusto nilang magabayan tungkol sa isang bagay na mahalaga sa kanila at may mga tao na gusto silang payuhan.
-
Ano ang mga katangiang kailangang taglayin ng isang tao bago ninyo naising makinig sa ipapayo niya? (Maaaring magbigay ng iba’t ibang sagot ang mga estudyante sa tanong na ito. Kung kailangan, maaari mong sabihin na malamang na makinig sila sa taong personal na nagmamalasakit sa kanila at napagtagumpayan na ang bagay na inihihingi ninyo ng payo.)
Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45 ay dumating sa panahong ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nakaririnig at nakababasa ng magkakasalungat na mensahe tungkol sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga kalagayang dinaranas ng mga Banal.
Ipabasa sa isang estudyante ang unang salita ng Panginoon sa paghahayag.
Kapag talagang nakikinig tayo sa Panginoon, susundin natin ang Kanyang payo at mga kautusan. Ipaliwanag na sa pagsisimula ng paghahayag na ito, inilahad ng Panginoon ang ilan sa Kanyang mga ginagampanan at mga ginagawa para tulungan tayo. Sa pagbabasa natin ng mga paghahayag na ito, makikita natin ang mga dahilan kung bakit dapat tayong makinig sa Kanyang mga salita. Hikayatin ang mga estudyante na pagtuunan ng pansin ang mga salitang makinig at pakinggan sa mga talatang pag-aaralan nila ngayon.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 45:1 at alamin ang mga sinabi ni Jesucristo tungkol sa Kanyang Sarili. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang lumikha ng langit at lupa.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit kailangang makinig sa Tagapgligtas.
-
Ayon sa talatang ito, bakit dapat tayong makinig sa Tagapagligtas? (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “sa oras na hindi ninyo inaakala ang tag-init ay palipas na” ay tumutukoy sa ideya na ang tag-init ang panahon para gumawa at maghanda para sa pag-ani sa katapusan ng panahon. Itinuturo sa talatang ito na kailangan nating makinig sa Tagapagligtas ngayon at magsisi ng ating mga kasalanan habang may oras pa na gumawa para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa.)
Ipaliwanag na nakapaloob sa Doktrina at mga Tipan 45:3 ang salitang tagapamagitan. Ang tagapamagitan ay isang tao na nagsusumamo para sa kapakanan ng iba. Kung minsan nangyayari ito sa korte, kung saan inilalahad ng tagapamagitan ang mga katibayan sa hukom alang-alang sa isang taong nasasakdal.
Bago magklase maghanda ng tatlong karatula na tulad ng sumusunod:
Isulat sa likod ng tatlong karatula ang sumusunod:
Papuntahin ang tatlong estudyante sa harap ng klase. Ibigay sa bawat estudyante ang bawat isa sa mga karatula. Sabihin sa kanila na hawakan ang mga karatula at ipakita ang mga salitang hukom, tagapamagitan, at nasasakdal. Sabihin sa estudyante na may hawak ng karatula na may nakasulat na tagapamagitan na tumayo sa pagitan ng dalawang estudyante.
Sabihin sa klase na kunwari ay nasa korte sila na kasama ang isang hukom, tagapamagitan, at nasasakdal na inaakusahan sa isang krimen.
-
Ano ang tungkulin ng hukom?
-
Paano matutulungan ng tagapamagitan ang nasasakdal?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa Tagapagligtas.
-
Sa talatang ito, sino ang hukom? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, sabihin sa estudyanteng may hawak ng karatula na hukom na italikod ang karatula.) Sino ang nasasakdal? (Sabihin sa estudyanteng may hawak ng karatulang nasasakdal na italikod ang karatula.) Sino ang tagapamagitan? (Sabihin sa estudyanteng may hawak ng karatulang tagapamagitan na italikod ang karatula. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama sa Langit.)
-
Bakit kailangan natin ng tagapamagitan sa Ama sa Langit? (May nagawa tayong kasalanan. Ayon sa katarungan ng Diyos, walang maruming bagay ang makatatahan sa Kanyang kinaroroonan. Samakatwid, kailangan natin ng tagapamagitan upang magsumamo sa harapan ng Ama para sa ating kapakanan at tulungan tayong makipagkasundo sa Kanya.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano magsumamo si Jesucristo sa harapan ng Ama para sa ating kapakanan.
-
Ayon sa talata 4, ano ang hinihiling ni Jesucristo na isaalang-alang ng Ama sa Langit? (Inilalahad ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay na walang kasalanan at ang Kanyang pagdurusa at kamatayan.)
-
Ayon sa talata 5, ano pa ang hiniling ng Tagapagligtas na isaalang-alang ng Ama? (Ang ating panampalataya kay Jesucristo.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit kailangan nila si Jesucristo na maging Tagapamagitan nila sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Bigyan sila ng oras na maisulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang nadarama nila tungkol sa Tagpagligtas bilang kanilang Tagapamagitan. Sabihin din sa kanila na isulat ang sa pakiramdan nila ay ipagagawa Niya sa kanila para maipakita nilang naniniwala sila sa Kanyang pangalan.
Doktrina at mga Tipan 45:6–10
Ipinahayag ng Tagapagligtas na Siya ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan at Kanyang ipinadala ang Kanyang walang hanggang tipan sa daigdig
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Doktrina at mga Tipan 45:6–10. Matapos ang sapat na oras na makapagbasa ang mga estudyante, itanong ang mga sumusunod:
-
Ayon sa mga talata 6–7, ano ang sinabi ng Tapagligtas na mga dahilan kaya dapat tayong makinig sa Kanya? Ano ang ibig sabihin sa inyo na Siya ay “ang simula at ang wakas”? Sa paanong paraan Siya nakapagbibigay ng ilaw at buhay sa sanlibutan?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na paglalarawan tungkol sa Tagapagligtas:
-
Ayon sa talata 8, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong tatanggap sa Kanya?
Ipaliwanag na sa talata 9, mababasa natin na ipinadala ni Jesucristo ang Kanyang “walang hanggang tipan … upang maging ilaw ng sanlibutan, at maging pinakawatawat para sa [Kanyang] mga tao.” Sa isa pang paghahayag, sinabi Niya na ang Kanyang walang hanggang tipan ay “ang kabuuan ng [Kanyang] ebanghelyo” (D at T 66:2).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “hanapin” ang ebanghelyo?
-
Sa anong mga paraan ninyo nakita ang ebanghelyo bilang ilaw sa sanlibutan? Sa anong mga paraan nagsisilbing pamantayan ang ebanghelyo para sa atin na nakipagtipan sa Panginoon?
Doktrina at mga Tipan 45:11–15
Ipinahayag ng Tagapagligtas na Siya ang Diyos ni Enoc
Idispley ang larawang Iniakyat sa Langit ang Lungsod ng Sion (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 6; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na ganito inilarawan ng pintor si Enoc at ang kanyang mga tao. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:11. Ipaliwanag na sa talatang ito, sinabi ng Panginoon na ang tawag ng ilang tao sa Kanya ay “ang Diyos ni Enoc.”
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang nalalaman nila tungkol kay propetang Enoc. Kung kailangan, ibigay ang sumusunod na impormasyon: Nabuhay si Enoc bago ang panahon ni Noe. Ang mundo sa panahon ni Enoc ay nababalutan ng kasamaan, ngunit pinamunuan niya ang isang lipunan ng mabubuting tao na nakatira sa isang lungsod na tinawag na Sion. Kalaunan ang mga naninirahan sa Sion ay “kinuha sa mundo” (D at T 45:12)—dinala sa langit dahil sa kanilang kabutihan (tingnan sa Moises 7:69).
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 45:12–14 na ipinapaliwanag na tinanggap ng Panginoon ang mga tao ng lunsod ng Sion sa Kanyang sarili at Kanya silang ilalaan “hanggang ang araw ng kabutihan ay sumapit.” Sa panahong iyon, si Enoc at ang kanyang mga tao ay babalik sa lupa upang salubungin ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa lunsod ng Bagong Jerusalem, na tatawagin ding Sion (tingnan sa Moises 7:62–64). Inasam ng lahat ng propeta ang araw na iyon. Dahil sa kasamaan ng mga tao sa mundo, ang araw na iyon ay hindi pa dumarating, ngunit yaong umaasam dito ay makikita ito balang-araw.
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag na isinulat mo sa pisara na naglalarawan ng ilan sa mga ginagampanan at katangian ni Jesucristo. Sabihin sa klase na isiping mabuti ang mga pahayag na ito at pumili ng isang katangian na mahalaga sa kanila. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang ginagampanan o katangiang napili nila at ipaliwanag kung bakit ito mahalaga sa kanila. Matapos ipaliwanag ng mga estudyante ang kanilang mga naisip, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nalaman natin ang mga ginagampanan at katangian ni Jesucristo, mag-iibayo ang pagnanais nating sundin Siya.
-
Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Tagapagligtas ngayon na nakatulong sa inyo na naising makinig sa Kanya?
Maaari mong ibahagi ang iyong mga ideya at saloobin tungkol sa isa sa mga ginagampanan o katangian ng Tagapagligtas at kung paano nakatulong ang kaalaman mo tungkol sa ginagampanan o katangiang iyon para mas naising sundin Siya. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga pagpapala ng pakikinig kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang payo at mga kautusan.