Home-Study Lesson
Doktrina at mga Tipan 90–97 (Unit 20)
Pambungad
Ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 93 noong Mayo 6, 1833. Ang lesson na ito ay nakatuon sa Doktrina at mga Tipan 93:1–20, na tinalakay lamang nang maikli sa lesson ng estudyante para sa Doktrina at mga Tipan 93. Sa mga talatang ito, itinuro ni Jesucristo kung paano natin Siya makikila at kung paano tayo magiging katulad Niya at ng ating Ama sa Langit.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 93:1–5
Itinuro ni Jesucristo kung paano makikita ng mga tao ang Kanyang mukha at malalaman na Siya ay buhay
Magpakita ng larawan ng isang bantog na tao na makikilala ng iyong mga estudyante at tanungin sila kung alam nila ang pangalan ng taong ito. (Kung wala kang maipapakitang larawan, isulat sa pisara ang pangalan ng tao at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung sino ang taong ito at kung saan siya kilala.)
-
Bakit kilala ng napakaraming tao ang taong ito?
-
Sa palagay ba ninyo ay mahalagang makilala kung sino ang taong ito? Bakit?
Magpakita ng larawan ni Jesucristo (maaari mong gamitin ang Jesucristo [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), blg. 1]; tingnan din sa LDS.org), at ipaliwanag na maraming tao ngayon ang hindi kilala kung sino Siya.
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang makilala kung sino si Jesucristo?
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 93 itinuro ng Panginoon kung paano natin madaragdagan ang nalalaman natin tungkol sa Kanya at tungkol sa Kanyang kapangyarihan na pagpalain tayo ngayon at sa buong kawalang-hanggan. Isulat sa pisara ang sumusunod na dalawang tanong at mag-iwan ng puwang na pagsusulatan ng mga estudyante ng kanilang sagot sa ilalim ng mga tanong:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:1–5. Bago magsimula sa pagbabasa ang estudyante, sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang mga sagot sa unang tanong at sa natitirang kalahati na alamin ang mga sagot sa pangalawang tanong. Matapos basahin ang mga talata, palapitin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang kanilang mga sagot sa mga tanong. Pagkatapos ay itanong sa klase ang sumusunod na tanong:
-
Paano ninyo ipahahayag ang pangako sa talata 1 bilang isang alituntunin na naghahayag ng “sanhi at epekto”? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tatalikuran natin ang ating mga kasalanan, lalapit kay Cristo, tatawag sa Kanyang pangalan, susundin ang Kanyang tinig, at susundin ang Kanyang mga kautusan, makikita natin ang Kanyang mukha at malalamang Siya na nga.)
Maaari mong bigyang-diin na ang pagpapalang ito ay darating sa sariling panahon ng Panginoon, at sa Kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa Kanyang sariling kalooban (tingnan din sa D at T 88:68; tingnan din sa Enos 1:27).
-
Paano makatutulong ang bawat isa sa mga gagawin sa Doktrina at mga Tipan 93:1 para makilala natin si Jesucristo?
-
Mula sa natutuhan ninyo sa talata 3, ano ang isang mahalagang doktrina na dapat nating maunawaan tungkol sa Ama at sa Anak? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Ama at ang Anak ay isa.)
-
Ano ang ibig sabihin ng ang Ama at ang Anak ay isa?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Ama at ang Anak ay dalawang magkahiwalay at magkaibang nilalang, bawat isa ay may niluwalhating pisikal na katawan (tingnan sa D at T 130:22). Gayunman, ang Ama at ang Anak ay isa sa layunin at doktrina. Sila ay ganap na nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Ituro ang sumusunod na parirala sa Doktrina at mga Tipan 93:4: “Ang Ama dahil sa ibinigay niya sa akin ang kanyang kaganapan.” Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:17, 26. Itanong ang sumusunod:
-
Ano ang ibig sabihin ng natanggap ni Jesucristo ang kaganapan ng Ama? (Tingnan sa D at T 93:16–17, 26.)
Doktrina at mga Tipan 93:6–20
Ginamit ang tala ni Juan upang matulungan tayo na maunawaan kung paano natanggap ni Jesucristo ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama sa Langit
Ayusin ang sumusunod na demonstrasyon upang maihanda ang mga estudyante na maunawaan kung paano natanggap ng Tagapagligtas ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama. Sabihin sa isang estudyante na mahusay sa isang bagay, tulad ng paglalaro ng sport o instrumentong pangmusika o paggawa ng ilang uri ng sining, na maikling ipakita o ilarawan ang kahusayan sa bagay na ito. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na ikuwento sa klase ang sandaling humusay siya sa bagay na iyon. (Ang sagot ng estudyante ay dapat makatulong sa klase na maunawaan na ang pagiging mahusay na atleta, musikero, o pintor ay isang prosesong nangangailangan ng palagiang pagsisikap at hindi kaagad nangyayari nang biglaan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:12–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung paano naging katulad ni Jesucristo ang Kanyang Ama.
-
Paano naging katulad ni Jesucristo ang Kanyang Ama? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Si Jesucristo ay nagpatuloy nang biyaya sa biyaya hanggang sa Kanyang matanggap ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa talata 13.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nagpatuloy si Jesucristo nang biyaya sa biyaya, hanggang sa Kanyang tanggapin ang kaganapan?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang biyaya ay lakas at kapangyarihan mula sa Diyos na nagtutulot sa atin na matamo ang buhay na walang hanggan at kadakilaan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilang ibinigay ng Tagapagligtas sa paghahayag kung paano Niya natanggap ang kaganapan ng Ama.
-
Ayon sa talata 19, bakit inihayag ng Tagapagligtas kung paano Niya natanggap ang kaganapan ng Ama?
Tulungan ang mga estudyante na makita na inihayag ng Tagapagligtas kung paano Niya natanggap ang kaganapan upang “maunawaan [natin] at malaman” ang tungkol sa Kanya at sa Ama sa Langit at malaman kung paano sambahin ang Ama at tanggapin ang Kanyang kaganapan. Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 568.)
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagsamba?
-
Paano natin dapat sambahin ang Ama sa Langit? (Maaaring maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kailangan nating sambahin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)
-
Paano nahahalintulad ang pag-unlad ng Tagapagligtas nang biyaya sa biyaya sa proseso ng pag-aaral at pag-unlad na maaaring maranasan natin?
-
Ano ang pangakong ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 93:20 sa mga yaong tutularan ang halimbawa ni Jesucristo at susundin ang Kanyang mga kautusan? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, matatanggap natin ang kaganapan ng Ama, katulad ni Jesucristo.)
Hawakan ang larawan ng Tagapagligtas na ipinakita mo sa simula ng klase.
-
Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo tungkol sa halimbawa, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
-
Ano ang maaari mong gawin para magpatuloy “nang biyaya sa biyaya” (D at T 93:13) at maging higit na katulad Niya?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang partikular na paraan para umunlad at humusay sila sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas. Hikayatin sila na gawing mithiin iyon at pagsikapan na maisakatuparan iyon.
Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 98–101)
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 98–101, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Nagawan na ba kayo ng mali ng iba at pinag-isipan kung paano kayo dapat tumugon dito? Sa mga susunod na lesson, malalaman ninyo ang tungkol sa pang-uusig at paghihirap na naranasan ng mga Banal sa Missouri. Malalaman din ninyo ang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa pagtugon sa pang-uusig, pati na ang Kanyang damdamin tungkol sa pakikidigma.