Seminaries and Institutes
Lesson 133: Doktrina at mga Tipan 124:84–145; 125–26


Lesson 133

Doktrina at mga Tipan 124:84–145; 125–126

Pambungad

Ito ang huli sa tatlong lesson na tumatalakay sa Doktrina at mga Tipan 124. Tinatalakay din nito ang Doktrina at mga Tipan 125 at 126. Sa Doktrina at mga Tipan 124:84–145, pinayuhan ng Panginoon ang bawat miyembro ng Simbahan at binanggit ang mga maglilingkod sa iba’t ibang katungkulan sa pamumuno sa priesthood. Noong Marso 1841, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 125, kung saan inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa pagtitipon ng mga Banal sa Teritoryo ng Iowa. Noong Hulyo 9, 1841, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 126, kung saan sinabi ng Panginoon kay Brigham Young na hindi na niya kailangang iwan ang kanyang pamilya para magmisyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 124:84–122

Ang Panginoon ay nagbigay ng payo sa bawat indibidwal

Bago magklase, isulat sa kapirasong papel ang sumusunod na alituntunin: Kung makikinig tayo sa payo ng mga propeta, ito ay magiging mabuti para sa atin. Ilagay ang papel sa sobre, at sa labas ng sobre, isulat ang Paano tayo mapagpapala ngayon at sa tuwina.

Simulan ang lesson sa pagpapakita sa mga estudyante ng sobre. Sabihin sa kanila na naglalaman ito ng mga tagubilin tungkol sa kung paano sila magiging masaya ngayon, makaiiwas sa mahihirap na hamon sa buhay, at makatatanggap ng iba pang mga pagpapala. Ipaliwanag na akma ang mga tagubilin sa bawat isa sa kanila, sa kabila ng kanilang kakaibang kalagayan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Gaano kaya kahalaga sa inyo na matanggap ang mga tagubiling iyon na nasa sobre?

  • Kung ibibigay sa inyo ang mga tagubiling iyon, gaano ninyo susundin nang mabuti ang mga ito sa sandaling mapasainyo ang mga ito?

Kopyahin ang kasamang diagram sa pisara bago magsimula ang klase. Patingnan ang chart, at ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 124:84–118 nagbigay ang Panginoon ng kani-kanyang tagubilin sa ilang miyembro ng Simbahan na kung susundin, ay magdudulot ng malalaking pagpapala. Ipabasa nang tahimik sa bawat estudyante ang dalawa o higit pa sa mga scripture reference na nasa pisara. Sabihin sa kanila na hanapin ang pagkakatulad ng mga tagubiling ibinigay sa bawat indibiduwal na binasa nila.

William Law (D at T 89–90)

Hyrum Smith (D at T 94–96)

Amos Davies (D at T 111–114)

Robert Foster (D at T 115–118)

Matapos ang sapat na oras na nakapagbasa na ang mga estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang napansin ninyong pagkakatulad sa tagubuling ibinigay sa mga kalalakihang ito? (Bawat talata ay naglalaman ng tagubilin na sundin ang payo ni Propetang Joseph Smith.)

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga talatang binasa nila at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kung susundin ng mga kalalakihang ito ang payong ibinigay Niya sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

  • Paano ninyo ibubuod ang mga ipinangako ng Panginoon sa mga kalalakihang ito kung makikinig sila sa Propeta?

Ipabukas sa isang estudyante ang sobre at basahin nang malakas ang alituntuning nakasulat sa papel.

  • Paano nauugnay ang mga ipinangakong pagpapala na nakalista sa pisara sa pariralang “ito ay magiging mabuti para sa atin”?

Sabihin sa mga estudyante na maglista ng mga partikular na payo na ibinigay ng Pangulo ng Simbahan nitong mga nakaraang taon, at ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara.

  • Kailan kayo pinagpala sa pagsunod sa payo ng mga propeta? (Maaari ka ring magbahagi ng karanasan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:84. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na ginawa ng isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Almon Babbitt sa halip na sumunod sa payo ng Unang Panguluhan.

  • Ayon sa talata 84, ano ang ginawa ni Almon Babbitt sa halip na sundin ang payo ng Unang Panguluhan? (Nagmithing magtatag o gumawa ng sarili niyang payo. Maaari mong ipaliwanag na tila tangka niyang kumbinsihing “tigilan” ng mga tao ang paglipat sa Nauvoo at sa halip ay manirahan sa Kirtland [tingnan sa History of the Church, 4:476].)

  • Ano ang ilang halimbawa na maaaring gumagawa ng sarili nilang payo ang mga tao sa ating panahon?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot sa mga tanong na pinagnilayan kanina sa lesson tungkol sa hangarin nilang matamo at masunod ang mga tagubilin sa sobre. Sabihin sa kanila na magsulat ng isang partikular na mithiin na pakinggan at sundin nang mas mabuti ang payo ng mga buhay na propeta upang makatanggap sila ng mga ipinangakong pagpapala.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:119–122 na ipinapaliwanag na nagbigay ang Panginoon ng mga karagdagang tagubilin sa Simbahan hinggil sa pagtatayo ng Nauvoo House, na magiging hotel na pag-aari ng Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 124:123–145

Binanggit ng Panginoon ang mga pangalan ng mga maglilingkod sa iba’t ibang katungkulan sa pamumuno sa priesthood

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang ilan sa mga katungkulan sa pamumuno sa priesthood sa Simbahan.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 124:123–145, binanggit ng Panginoon ang mga pangalan ng mga indibiduwal na maglilingkod sa ilang katungkulan sa pamumuno sa priesthood. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na basahin ang mga talata 123–132 at sabihin sa pangalawang grupo na basahin ang mga talata 133–142, na inaalam ang mga katungkulan sa pamumuno sa priesthood na binanggit ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, at isulat ang anumang katungkulan sa pamumuno sa priesthood na hindi pa nailista.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:143. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit tumatawag ang Panginoon ng mga lider ng priesthood at nagbibigay ng mga susi ng priesthood.

  • Bakit tumatawag ang Panginoon ng mga lider ng priesthood at nagbibigay ng mga susi ng priesthood? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Tumatawag ang Panginoon ng mga lider ng priesthood upang pamahalaan ang gawain ng ministeryo at tumulong sa pagpapaganap ng mga Banal.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan na natulungan sila ng kanilang mga lider ng priesthood para mas masunod nila si Jesucristo at maging mas katulad Niya. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Doktrina at mga Tipan 125

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa mga lugar na Kanyang itatalaga

Ipaliwanag na matapos paalisin ang mga Banal sa Missouri noong taglamig ng 1838–39, nakarating sila sa Illinois at Iowa, kung saan nanirahan sila sa magkabilang panig ng Ilog Mississippi. Ibuod ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 125 na ipinapaliwanag na ito ay natanggap noong Marso 1841 at inihayag ang kalooban ng Panginoon hinggil sa mga Banal na nakatira sa Teritoryo ng Iowa at sa mga taong nagplanong pumunta roon. Sa paghahayag na ito iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon at magtayo ng mga lunsod sa mga lugar na itatalaga ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, pati na ang isang lunsod sa Iowa na papangalanang Zarahemla. Ang Simbahan ay mas maraming biniling lupain sa Iowa kaysa sa Illinois, na nagpapahiwatig na hindi layon ng mga lider ng Simbahan na manirahan sa Nauvoo ang lahat ng mga Banal.

Doktrina at mga Tipan 126

Hindi na kailangang iwan ni Brigham Young ang kanyang pamilya para sa mga karagdagang misyon

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam na iwan ang kanilang pamilya upang maglingkod sa misyon para sa Panginoon sa sumunod na limang tag-init at pagkatapos ay tawaging muli na magmisyon sa ibang bansa nang halos dalawang taon.

  • Ano ang pakiramdam na iiwan ninyo ang pamilya ninyo nang maraming beses?

  • Ano ang madarama ninyo kung kayo ang nagtataguyod sa mga pangangailangan ng inyong pamilya?

Ipaalam sa mga estudyante na matapos sumapi si Brigham Young sa Simbahan noong Abril 1832, nagmisyon siya nang maraming beses sa sumunod na siyam na taon. Ang kanyang unang misyon ay noong taglamig matapos siyang mabinyagan. Ang limang iba pa, kabilang na ang kanyang partisipasyon sa Kampo ng Sion, ay nangyari tuwing tag-init mula 1833 hanggang 1837. Ang mga mission na ito ay inabot nang tatlo hanggang limang buwan. Noong Hulyo 8, 1838, si Brigham Young, kasama ang iba pang mga Apostol, ay tinawag na magmisyon sa Great Britain. Sinunod nila ang mga tagubilin ng Panginoon na lisanin ang Far West, Missouri para sa misyong ito, noong Abril 26, 1839 (tingnan sa D at T 118). Ginugol ni Brigham Young at ng iba pang mga Apostol ang sumunod na ilang buwan sa Iowa at sa Illinois, at mas pinaghandaan pa ang paglalakbay patungo sa Great Britain. Isang epidemya ng malarya ang lumaganap sa lugar noong tag-init ng 1839, at sila rin ay dinapuan ng sakit na ito.

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Brigham Young. Sabihin sa klase na pakinggan ang itinugon niya para mapaglingkuran ang Panginoon kahit malubha ang kanyang karamdaman at halos hindi siya makasakay sa bagon nang walang tulong noong umalis siya.

Pangulong Brigham Young

“Determinado akong magtungo sa Inglatera o mamatay sa pagsisikap. Ang aking matatag na pasiya ay gagawin ko ang kailangan kong gawin sa Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan, o mamamatay akong nagsisikap gawin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 6).

Ipaliwanag na sa paglilingkod ni Brigham Young bilang missionary, kinailangan ding magsakripisyo ang kanyang pamilya. Ipabasa sa isang estudyante ang buod ng mga kalagayan ng pamilya ni Brigham Young nang umalis siya para magmisyon sa Great Britain:

Umalis si Brigham Young sa Montrose, Iowa, at nagpunta sa Great Britain noong Setyembre 14, 1839, 10 araw lang pagkatapos isilang ng kanyang asawang si Mary Ann ang kanilang pang-apat na anak. Si Mary Ann ay may sakit din na malarya. Ito ang panlimang beses mula nang ikasal sila na umalis si Brigham para magmisyon. Dahil pinalayas sa kanilang tahanan at nawalan ng halos lahat ng kanilang ari-arian sa Missouri noong nakaraang taon, napakahikahos ng kanilang kalagayan. Nakapag-iwan lamang si Brigham kay Mary Ann ng $2.72 para sa kanilang pamilya. Nagtiwala sina Brigham at Mary Ann na maglalaan para sa kanila ang Panginoon at nagtiwala sa pangako ni Propetang Joseph Smith na ang mga pangangaiilangan ng mga pamilya ng mga Apostol ay tutugunan habang nasa misyon ang mga Apostol. (Tingnan sa Leonard J. Arrington, Brigham Young: American Moses [1985], 74–75, 413, 420.)

Ipaliwanag na matapos pamunuan ang gawaing misyonero sa Simbahan sa Great Britain, dumating si Brigham Young sa Nauvoo, Illinois, noong Hulyo 1, 1841. Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 126 walong araw kalaunan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 126:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Brigham tungkol sa kanyang paglilingkod. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang paghihirap ay masigasig na paggawa sa mahabang panahon.)

Ipaliwanag na kahit hindi na kinailangan ng Panginoon na iwan niya ang kanyang pamilya, ilang beses pa ring nagmisyon nang maikliang panahon si Brigham Young. Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang alituntunin mula sa mga talata 1–2 na nagtuturo kung ano ang mangyayari kung maglilingkod tayo nang masigasig para sa Panginoon. (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung maglilingkod tayo nang masigasig para sa Panginoon, tatanggapin Niya ang ating mabuting handog. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang alituntuning ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)

  • Kailan ninyo nadama na nalulugod ang Panginoon sa paglilingkod ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga oportunidad na mayroon sila na makapaglingkod sa Panginoon. Hikayatin sila na tularan ang halimbawa ng mga lider na tulad ni Brigham Young sa paglilingkod nang masigasig sa mga oportunidad na ito. Ibahagi ang iyong patotoo na tatanggapin ng Panginoon ang mabubuting handog ng kanilang masigasig na paglilingkod sa Kanyang gawain.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 124:84–86. Almon Babbitt

Si Almon Babbit ay miyembro ng Kampo ng Sion at itinalaga bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu noong Pebrero 28, 1835. Noon pa man ay nakikita na ang kawalang-pagpapahalaga ni Almon sa payo ng mga lider ng Simbahan at hinikayat ang iba na sundin ang kanyang sariling mga desisyon.

Sa Doktrina at mga Tipan 124:84, ginamit ng Panginoon ang analohiya ng ginintuang guya (tingnan sa Exodo 32) para ilarawan ang pag-uugali ni Almon Babbitt. Nagbigay si Almon ng sarili niyang payo na dapat sundin ng mga Banal sa halip na ang payo na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Unang Panguluhan.

Doktrina at mga Tipan 126:1. Ang misyon ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Great Britain

“Noong Abril 1840, nang dumating ang iba pang mga Apostol sa British Isles, si Brigham Young, na binigyan ng responsibilidad na pamunuan ang Simbahan sa British Mission, ay pinapunta ang mga kapatid sa Preston para sa isang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. … Ang unang tungkuling ginawa ay ang pag-oorden kay Willard Richards [na noon ay naglilingkod sa mission presidency] sa pagkaapostol ayon sa paghahayag na ibinigay noong 1838 [tingnan sa D at T 118:6]. … Ngayon ay may walong miyembro ng Labindalawa sa British Isles, na sina Brigham Young, Heber C. Kimball, Parley P. Pratt, Orson Pratt, John Taylor, Wilford Woodruff, George A. Smith, at Willard Richards. Ang dalawang iba pa, sina William Smith at John E. Page, ay hindi nagmisyon sa Britanya. Si Orson Hyde ay dumating kalaunan, naglingkod kasama ng mga kapatid nang ilang buwan sa Inglatera, at pagkatapos ay tumuloy sa Palestina para ilaan ang lupain para sa pagbabalik ng mga Judio. May isa pang kulang sa Labindalawa nang panahong iyon” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 231).

Sa pangangasiwa ni Brigham Young ng gawaing misyonero sa British Isles, nagpakita siya ng malaking kakayahan sa espirituwal at pamumuno. Sa pangangasiwa ni Brigham Young at ng iba pang mga Apostol, nagkaroon ng pambihirang pag-unlad ang Simbahan sa Great Britain. Sa panahong umalis sa Inglatera ang karamihan sa mga Apostol nang bandang katapusan ng Abril 1841, nasa pagitan ng 7,000 at 8,000 tao ang sumapi sa Simbahan, at tinatayang 1,000 sa kanila ang nandayuhan sa Nauvoo ilang buwan bago iyon.

“Ang misyon na ito ay mahalagang panahon ng pagsasanay at pagpapabuti ng kakayahan at isipan para sa Korum ng Labindalawang Apostol. Napahusay ni Brigham Young ang mga kasanayan sa pamumuno na di magtatagal ay iaatas sa kanya na gamitin sa Nauvoo. … Sa gitna ng mga pagsubok at sakripisyo sa Britanya, gayundin ang mga pagsisikap para sa iisang mithiin, nagkaisa ang Labindalawa sa paraang nagbigay-katiyakan na matatag na mapamumunuan ang Simbahan sa mga darating na taon” (Church History in the Fulness of Times, 234).

Doktrina at mga Tipan 126:3. Pag-aalaga ni Brigham Young sa kanyang pamilya

Nang makauwi na mula sa Great Britain, sinunod ni Brigham Young ang utos ng Panginoon na “bigyan ng natatanging kalinga ang [kanyang] mag-anak” (D at T 126:3). Ginugol niya ang bawat araw sa pagtuturo at pagdarasal kasama ng kanyang mga anak, na naalaala siya bilang mahinahon at mapagmahal na ama.

Si Brigham Young ay 40 taong gulang nang matanggap ang paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 126, ngunit ang sumusunod na salaysay ay naglalarawan ng kanyang walang maliw na katapatan sa kanyang pamilya:

“Sa gulang na 23 ay pinakasalan niya si Miriam Angeline Works. Dalawang babae ang naging anak ng mag-asawa. Itinaguyod ni Brigham ang kanyang pamilya sa paggawa at pagkukumpuni ng mga upuan, mesa, at kabinet at pagkakabit ng mga bintana, pinto, hagdan, at fireplace. …

“Nang magkasakit si Miriam ng tuberkulosis, binalikat ni Brigham ang halos lahat ng gawain ni Miriam bilang karagdagan sa kanyang sariling gawain. Habang lumalala ang pagkakaratay sa higaan ng kanyang asawa, palagian na siyang nagluluto ng almusal para sa mag-anak, binibihisan ang kanyang mga anak na babae, naglilinis ng bahay, at ‘binubuhat ang kanyang asawa sa tumba-tumba na malapit sa fireplace at iiwan niya roon hanggang sa makabalik siya sa gabi,’ na kung kailan siya ay magluluto ng hapunan, patutulugin ang kanyang mag-anak, at tatapusin ang mga gawaing bahay [Susa Young Gates and Leah D. Widtsoe, The Life Story of Brigham Young (1930), 5]. Ang kanyang mga karanasan noong kanyang kabataan at maagang pag-aasawa [at] pag-aalaga ng mga anak at pamamahala sa tahanan ang nagturo sa kanya nang malaki tungkol sa pagtutulungan sa mag-anak at gawaing bahay. Pagkaraan ng mga taon, pinayuhan niya ang mga Banal sa mga paksang ito at pabirong nagyabang na mahihigitan niya ‘ang karamihan sa mga kababaihan sa komunidad sa gawaing bahay’ [Deseret News, Ago. 12, 1857, 4]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 2).

“Maliban pa sa pag-uukol ng mas maraming oras sa kanyang pamilya matapos ang paghahayag na ito [D at T 126] kaysa sa mga nagawa niya nang nakaraang ilang taon, si Brigham Young ay madalas ding nakasama ni Propetang Joseph Smith (dalawampu’t walo sa huling tatlumpu’t anim na buwan sa buhay ni Joseph).

“Tila malinaw na ang Panginoon, na nalalaman ang kinabukasan ni Brigham Young at ang kinabukasan ng Simbahan, ay inilapit si Brigham kay Joseph upang matutuhan niya ang kailangan niyang malaman upang mapamunuan ang Simbahang ito sa pagkamatay ni Joseph” (Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 313).

Bagama’t hindi na kailangang iwan ni Brigham ang kanyang pamilya para sa mga karagdagang misyon, naglingkod pa rin siya ng ilang maikliang misyon bago pumanaw ang Propeta.