Lesson 39
Doktrina at mga Tipan 33–34
Pambungad
Noong Oktubre 1830 tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet upang ipahayag ang ebanghelyo. Kasama sa paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33, ang mga tagubilin kung paano ituturo ng mga lalaking ito ang ebanghelyo. Hindi pa natatagalan, sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 34, pinuri ng Panginoon si Orson Pratt dahil sa kanyang pananampalataya at inutos din sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 33:1–6
Tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet upang ipahayag ang ebanghelyo
Bago magklase isulat sa pisara ang sumusunod: pakakak, bibig, tainga, bukid na handa nang anihin. (Kung posible, magdispley ng mga larawan ng mga bagay na ito.) Sa simula ng klase, itanong ang sumusunod:
-
Paano nauugnay ang mga bagay na ito sa gawaing misyonero?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto sa Doktrina at mga Tipan 33, ipaliwanag na tumira si Ezra Thayre malapit sa pamilya ni Joseph Smith Sr. Nakilala niya ang mga miyembro ng pamilya Smith dahil sa mga ginawa nila para sa kanya sa iba’t ibang pagkakataon. Noong Oktubre 1830, si Ezra Thayre at ang isa pang residente ng Palmyra, si Northrop Sweet, ay nabinyagan sa Simbahan. Hindi nagtagal, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag para sa dalawang lalaking ito, na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 33.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 33:1–2 at hanapin ang mga salita at parirala na nauugnay sa mga drowing (o mga salita) sa pisara. (Ang larawan ng bibig ay tatalakayin mamaya sa lesson na ito.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “buksan ang inyong mga tainga at makinig sa tinig ng … Diyos”? Paano natin maipapakita sa Panginoon na bukas ang ating mga tainga upang makinig sa tinig Niya?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ipangaral ang ebanghelyo na “tulad ng tunog ng pakakak”?
Ipaliwanag na madalas gumamit ang Panginoon ng mga pamilyar na bagay, tulad ng pakakak, bilang mga simbolo para ituro ang Kanyang ebanghelyo at tulungan tayong maunawaan ang mga walang-hanggang katotohanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 33:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang simbolo na ginamit ng Panginoon sa paghahayag na ito.
-
Ano sa palagay ninyo ang sinasagisag ng ubasan ng Panginoon? (Ang daigdig.)
-
Sino sa palagay ninyo ang kinakatawan ng mga manggagawa sa ubasan ng Panginoon? (Mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ito na ang ikalabing-isang oras”? (Ito ang huling dispensasyon ng ebanghelyo at ang huling pagkakataon na itinatag ng Panginoon ang Kanyang kaharian sa lupa bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 33:4 at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang kundisyon ng daigdig noong 1830.
-
Anong mga pariarala sa talatang ito ang pinakanapansin ninyo? Bakit? Ano ang magagawa natin upang mapalakas ang ating sarili laban sa masasamang impluwensya ng mundo?
Isulat sa pisara ang sumusunod: Ang Panginoon ay may at Siya ay .
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na isipin ang nagawa o ginagawa sa kanila ng Panginoon para mapalakas sila laban sa kasamaan ng daigdig. Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 33:5–6, inihayag ng Panginoon ang isang bagay na ginawa Niya at isang bagay na ginagawa Niya upang palakasin tayo laban sa kasamaan ng mundo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang ginawa at gagawin ng Panginoon para palakasin tayo.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang isang bagay na ginawa ng Diyos at isang bagay na ginagawa Niya ngayon na magpapalakas sa atin laban sa kasamaan ng mundo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, sabihin sa isang estudyante na punan ang mga patlang sa pahayag na nasa pisara. Kailangang makita sa mga sagot ng estudyante ang sumusunod na alituntunin: Itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at tinitipon ang Kanyang hinirang sa mga huling araw.)
Upang matulungan ang mga estudyante na lalong maunawaan ang katotohanang ito at madama ang kahalagahan nito, pagpartnerin sila at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong basahin nang malakas ang mga tanong na ito, isulat sa pisara, o gawing handout at ipamahagi sa klase. (Huwag isama ang sagot na nakapanaklong.)
Doktrina at mga Tipan 33:7–18
Binigyan ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet ng mga tagubilin para sa pagtuturo ng ebanghelyo
Patingnan ang drowing ng bibig (o ang salitang bibig) sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 33:7–10 at alamin ang itinuro ng Panginoon na gawin nina Ezra Thayre at Northrop Sweet. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung bubuksan natin ang ating mga bibig upang ipangaral ang ebanghelyo …
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 33:7–10 para makumpleto ang pahayag na ito. Maaari mong papuntahin ang isang estudyante sa pisara at ipatapos ang pagsulat sa alituntuning ito. Maaari itong isulat na tulad ng sumusunod: Kung bubuksan natin ang ating bibig upang ipangaral ang ebanghelyo, bibigyan tayo ng inspirasyon ng Panginoon sa dapat nating sabihin.
-
Ano ang ilang sitwasyon na nag-aalangan tayong buksan ang ating bibig at ipangaral ang ebanghelyo?
-
Kailan kayo nagpasiya na buksan ang inyong bibig upang magsalita tungkol sa ebanghelyo at nabigyang-inspirasyon na malaman kung ano ang sasabihin? Kailan kayo nakakita ng isang tao na nagbahagi ng ebanghelyo at nakadama na siya ay binigyang-inspirasyon sa sinabi niya?
Ibuod ang Doktrina at Tipan 33:11–15 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito, tinagubilinan ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet na ipangaral ang mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo—pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo.
Patingnan muli ang alituntunin na nakasulat sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung ano ang kailangan nating gawin, bukod pa sa pagbubukas ng ating mga bibig, nang sa gayon ay mabigyan tayo ng Panginoon ng inspirasyon na malaman ang ating sasabihin kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa iba. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 33:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang partikular na ipinayo ng Panginoon kina Ezra and Northrop na makatutulong sa kanila na malaman ang sasabihin bilang mga missionary.
-
Ano ang ipinayo ng Panginoon kina Ezra and Northrop na makatutulong sa kanila na malaman ang sasabihin bilang mga missionary? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Ano sa palagay mo ang kahulugan ng payo ng Panginoon na dapat “ang inyong mga ilawan [ay] tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo”? (D at T 33:17). (Maging espirituwal na handa sa lahat ng oras para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang talatang ito ay nauugnay sa talinghaga ng sampung dalaga, na matatagpuan sa Mateo 25:1–13 at binanggit sa Doktrina at mga Tipan 45:56–57.)
-
Paano makatutulong sa atin ang payo ng Panginoon sa mga talatang ito na maging handa na buksan ang ating mga bibig upang ibahagi ang ebanghelyo sa anumang sandali at sa anumang sitwasyon?
Doktrina at mga Tipan 34
Pinuri ng Panginoon si Orson Pratt dahil sa kanyang pananampalataya at iniutos sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 34 para makita ang halimbawa ng isang taong pinagpala nang buksan ng isa pang tao ang kanyang bibig upang ibahagi ang ebanghelyo.
-
Sino ang pinagpala sa halimbawang ito? Ilang taon si Orson Pratt nang mabinyagan siya? Paano niya nalaman ang tungkol sa ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 34:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tinawag ng Panginoon si Orson. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa klase ang Doktrina at mga Tipan 34:2–3 para malaman kung bakit tinawag siya ng Panginoon na “Aking anak.”
-
Bakit tinawag ng Panginoon si Orson na Kanyang anak? (Dahil sa paniniwala ni Orson sa Panginoon.)
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 34:3, ano ang ginawa ng Panginoon para sa “kasindami ng” maniniwala sa Kanya? (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang katotohanan sa talatang ito ay angkop din sa mga babae, maaari mong imungkahi na basahin nila ang Doktrina at mga Tipan 25:1.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 34:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Orson na magdudulot ng mga pagpapala sa buhay nito.
-
Sa inyong palagay bakit “lalo [tayong] pinagpala” kapag itinuturo natin ang ebanghelyo sa iba?
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 34:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang ibinibigay sa mga masigasig magbahagi sa iba ng ebanghelyo.
-
Anong mga pagpapala ang ibinibigay sa mga taong masigasig magturo ng ebanghelyo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Lahat ng masigasig magturo ng ebanghelyo ay gagawin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)
-
Anong pagpapala ang ipinangako sa matatapat? (Maaari mo ring isulat sa pisara ang alituntuning ito: Kung tayo ay matapat, makakasama natin ang Panginoon.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 34:11 sa oras na pinanghihinaan kayo ng loob?
Maaari kang magtapos sa pagbabahagi ng isang pagkakataon na nadama mong kasama mo ang Panginoon dahil naging tapat ka sa Kanya. Maaari mo ring patotohanan ang mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.