Seminaries and Institutes
Lesson 110: Doktrina at mga Tipan 105


Lesson 110

Doktrina at mga Tipan 105

Pambungad

Sa pagsunod sa mga iniutos ng Panginoon, si Propetang Joseph Smith at mga 200 boluntaryo at mga bagong kasapi ay bumuo ng isang pangkat na nakilala bilang Kampo ng Sion upang tulungan ang mga Banal na pinaalis mula sa Jackson County, Missouri. Noong Hunyo 22, 1834, habang nagkakampo malapit sa Fishing River sa Missouri, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 105. Sa paghahayag na ito, ipinabatid ng Panginoon sa mga Banal na ang lupain ng Sion ay hindi matutubos sa pagkakataong iyon. Nagbigay din ang Panginoon ng mga tagubilin hinggil sa kung ano ang kailangang mangyari para matubos ang Sion sa hinaharap.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 105:1–19

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na maghintay para sa pagkatubos ng Sion

Bago magklase, kumuha ng isang paper cup, isang goma, at tatlong piraso ng tali. Ang circumference ng goma ay dapat na mas maliit kaysa sa circumference ng paper cup. Itali ang mga piraso ng tali sa goma nang magkakapareho ang sukat ng agwat.

paper cup, goma, tali

Simulan ang lesson sa pag-anyaya ng tatlong boluntaryo. Ilagay ang paper cup sa patag na bagay o sa mesa, at sabihin sa mga boluntaryo na kunin ang paper cup gamit lamang ang goma at mga tali. Sabihin sa kanila na hindi nila hahawakan ang goma; ang hahawakan lang nila ay ang mga tali. (Upang magawa ito, kailangang magtulungan ang mga estudyante at sabay-sabay na hilahin ang tali nang may magkakaparehong pwersa sa paghila para mabanat ang goma at magkasya sa palibot ng paper cup at maitaas ito.)

Matapos magawa ng mga estudyante ang aktibidad na ito, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang naitulong ng pagkakaisa sa pagtapos sa gawaing ito?

Ipaalala sa mga estudyante na noong Pebrero 1834, iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith at sa iba na magtipon ng mga suplay at ng mga boluntaryo upang matulungan ang mga Banal na pinaalis sa Jackson County, Missouri, sa pagbawi ng kanilang lupain. Sa pagsisimula ng mga estudyante sa pagtalakay ngayon ng Doktrina at mga Tipan 105, hikayatin sila na alamin ang naitulong ng pagkakaisa sa pagsisikap ng mga Banal na mabawi ang lupain ng Sion.

Sabihin sa kanila na alalahanin mula sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 103 ang bilang ng mga boluntaryo na nais ng Panginoon na sumali sa Kampo ng Sion (500) at ang pinakakaunting bilang na hiningi Niya (100). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na pakinggan ang bilang ng mga tao na talagang nagboluntaryo para sa Kampo ng Sion nang unang umalis ang pangkat.

Ang pagtugon sa pagsisikap ni Propetang Joseph Smith at ng iba pa na magtipon ng mga boluntaryo at suplay para sa Kampo ng Sion ay hindi gaanong nagtagumpay na tulad ng inaasahan. Nang magsimulang maglakbay ang kampo, o hukbo, sa pagsisimula ng Mayo 1834, 122 katao lamang ang nagboluntaryo na sumama. Nakapagsama pa ng karagdagang mga boluntaryo ang Kampo ng Sion habang patungo sa Missouri. Nang magkita ang pangkat na naisama nina Hyrum Smith at Lyman Wight mula sa Michigan Territory at ang pangkat ni Joseph Smith noong mga unang araw ng Hunyo 1834, ang Kampo ng Sion ay binubuo lamang ng mahigit sa 200 kalalakihan, 12 kababaihan, at 9 na bata (tingnan sa Alexander L. Baugh, “Joseph Smith and Zion’s Camp,” Ensign, Hunyo 2005, 45).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang dahilan kung bakit may ilang miyembro ng Simbahan na piniling hindi tulungan ang kapwa nila mga Banal sa Missouri. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 105:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nakaapekto ang pagsuway at hindi pagkakaisa sa mga miyembro ng Simbahan. (Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng talata 5, makatutulong na ipaliwanag na kabilang sa “batas ng kahariang selestiyal” ang lahat ng mga batas at alituntunin na kailangan nating sundin, ang mga ordenansa na kailangan nating tanggapin, at ang mga tipan na kailangan nating tuparin upang magmana ng kahariang selestiyal.)

  • Sa anong mga paraan nabigong magkaisa at sumunod ang mga miyembro ng Simbahan?

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating gawin para makatulong sa pagtatatag ng Sion? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang makatulong sa pagtatatag ng Sion, kailangan nating magkaisa at sumunod sa lahat ng iniuutos ng Diyos.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan ang pagkakaisa at pagsunod para maitatag ang Sion?

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga miyembro ng Simbahan?

Ipaliwanag na ang mga nagboluntaryo para sa Kampo ng Sion ay dumanas ng maraming pagsubok at himala sa buong paglalakbay nila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na pagnilayan kung paano kaya sila tutugon sa ilan sa mga paghihirap na iyon.

Ang Kampo ng Sion ay naglakbay ng mga 900 milya (1,450 kilometro) sa 4 na estado, naglakbay sa pagitan ng 20 at 40 milya (mga 30–60 kilometro) kada araw sa loob ng 45 araw. Napaltos ang mga paa ng mga miyembro ng kampo, naranasan ang napakainit at maalinsangang klima, kakulangan sa pagkain, at hindi masustansyang pagkain. Sa isang pagkakataon, dahil sa sobrang uhaw, uminom ng tubig mula sa latian ang ilang miyembro ng kampo. Sinala nila ang tubig mula sa latian para maalis ang kitikiti ng lamok (kung minsan ang gamit nilang pansala ay ang mga ngipin nila) o uminom sila mula sa mga bakas ng paa ng kabayo sa lupa pagkatapos itong mapuno ng tubig-ulan. Sa buong paglalakbay, madalas din ang pagbabanta ng karahasan laban sa Kampo ng Sion mula sa ibang tao. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 143–45.)

  • Sa inyong palagay, paano kayo tutugon sa mga paghihirap na ito?

Ipaliwanag na matapos makarating ang mga miyembro ng Kampo ng Sion sa Missouri, nalaman nila na si Daniel Dunklin, ang gobernador ng Missouri, ay hindi tutupad sa kanyang pangako na tutulungan ang mga Banal na makabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County. Sa kabila ng nakapanlulumong balitang ito, nagpatuloy ang Kampo ng Sion sa pagpunta sa Jackson County, naghihintay ng karagdagang tagubilin mula sa Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na dumating ang kinakailangang tagubiling iyon sa isang paghahayag mula sa Panginoon noong Hunyo 22, 1834, matapos makapaglakbay ang Kampo ng Sion nang halos pitong linggo at mga 10–20 milya (mga 15–30 kilometro) na lang mula sa Jackson County. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:9–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin nila hinggil sa pagtubos ng Sion.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gagawin ng kampo hinggil sa pagtubos ng Sion?

  • Kung miyembro kayo ng Kampo ng Sion, ano kaya ang madarama ninyo kapag narinig ninyo ang paghahayag na ito bago kayo makarating sa inyong destinasyon?

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon kung bakit hindi matutubos ang Sion sa pagkakataong iyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:18–19. Sabihin sa klase na alamin kung bakit iniutos ng Panginoon sa Kampo ng Sion na maglakbay patungo sa Missouri at pagkatapos ay inihayag na hindi nila maibabalik ang mga Banal sa kanilang mga lupain sa Sion sa pagkakataong iyon.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit iniutos ng Panginoon sa Kampo ng Sion na maglakbay patungo sa Missouri at pagkatapos ay inihayag na hindi pa matutubos ang Sion? (Ito ay pagsubok sa pananampalataya. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang pagsubok sa pananampalataya ay maaaring tumukoy sa isang pagsubok kung pipiliin nating magtiwala at sundin ang Panginoon anuman ang mangyari.)

  • Sa anong mga paraan sinubukan ang pananampalataya ng mga miyembro ng Kampo ng Sion sa kanilang mga naranasan?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Ang isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay naghanda ang Diyos ng mga dakilang pagpapala para sa matatapat na natiis ang mga pagsubok nila.)

  • Kailan sinubukan ang inyong pananampalataya o ang pananampalataya ng isang taong kilala ninyo? Paano kayo inihanda ng mga pagsubok sa inyong pananampalataya para sa mas dakilang mga pagpapala?

Ipaalam sa mga estudyante na maraming kalalakihan na naglingkod sa Kampo ng Sion ang nabigyan ng mga pagkakataon na maglingkod sa kaharian ng Panginoon. Noong Pebrero 1835, inorganisa ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Unang Korum ng Pitumpu. Siyam sa orihinal na Apostol at lahat ng miyembro ng Korum ng Pitumpu ay naglingkod sa Kampo ng Sion. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 151.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang naitulong ng Kampo ng Sion sa paghahanda sa mga kalalakihan para sa mga katungkulan sa pamumuno:

Propetang Joseph Smith

“Hindi nais ng Diyos na makipaglaban kayo. Hindi Niya maitatatag ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magbubukas ng pintuan ng Ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng kanilang pamumuno na susunod sa landas na tinahak nila, maliban lamang kung kukunin Niya sila sa isang pangkat ng kalalakihan na nag-alay ng kanilang buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing dakila ng ginawa ni Abraham” (sa History of the Church, 2:182; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times, 151).

Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagtitiwala at pagsunod sa Panginoon kapag sinusubok ang ating pananampalataya.

Doktrina at mga Tipan 105:20–41

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung ano ang gagawin nila bago matubos ang Sion

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 105:20–37 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri kung paano sila tutugon sa pag-uusig na naranasan nila habang hinihintay ang pagkatubos ng Sion sa hinaharap. Pinayuhan Niya sila na maging mapagkumbaba at iwasan ang pagtatalu-talo. Ipinaliwanag Niya na kailangan nilang mapabanal sa paghahanda para sa pagkatubos sa huli ng Sion. Tulad ng sinabi Niya sa paghahayag ding ito, sila ay dapat “maturuan nang mas ganap, at magkaroon ng karanasan, at makaalam nang mas ganap hinggil sa kanilang tungkulin, at ang mga bagay na [Kanyang hiningi] sa kanilang mga kamay” (D at T 105:10).

  • Paano tayo dapat tumugon sa pag-uusig?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:38–41 at pumili ng isang parirala mula sa mga talata na nagbubuod sa iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal sa pagtugon sa kanilang mga taga-usig.

  • Ayon sa talata 40, anong pagpapala ang darating sa mga Banal sa Missouri kung sisikapin nilang magkaroon ng kapayapaan sa mga umuusig sa kanila? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung sisikapin nating magtatag ng kapayapaan sa iba, lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)

  • Ano ang magagawa natin para makatulong sa pagtatatag ng kapayapaan sa kapwa natin?

  • Paano kayo pinagpala nang sikapin ninyong magtatag ng kapayapaan, pati sa mga yaong maaaring umusig sa inyo?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila upang mas mapagsikapang maitatag ang kapayapaan sa iba sa kanilang buhay, lalo na kapag ginawan sila nang masama, at sumulat ng isang mithiin sa kanilang notebook o scripture study journal na susundin ang alituntuning ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at Tipan 105. Paglisan para sa Kampo ng Sion

Bago lisanin ang Kirtland, Ohio, si Joseph Smith ay “nangako sa mga kapatid na kung mamumuhay sila nang karapat-dapat, sa harapan ng Panginoon, sinusunod ang kanyang mga kautusan, … lahat sila ay makababalik nang ligtas” (sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 143). At kung hindi, babala ng Propeta, mararanasan nila ang poot ng Diyos.

Sa gayong katiyakan lumisan ang mga miyembro ng Kampo ng Sion, nababatid na nasa panganib ang kanilang buhay sa pagsama sa paglalakbay na ito. Inihayag ni Heber C. Kimball ang nadarama ng marami sa panahong iyon:

Heber C. Kimball

“Nagsimula kaming maglakbay noong ika-5 ng Mayo (1834), at talagang napakapayapang umaga ito sa akin. Nilisan ko ang aking asawa at mga anak at kaibigan, hindi nakatitiyak kung makikita ko silang muli sa laman, dahil ako at ang aking mga kapatid ay pinagbantaan kapwa sa lugar na iyon at sa Missouri ng mga kaaway, na papatayin at lilipulin nila kami mula sa lupain” (sa Orson F. Whitney, The Life of Heber C. Kimball [1945], 40).

Marami sa mga kalalakihan sa Kampo ng Sion ang nilisan ang kanilang mga pamilya nang may kaunti o walang pera at walang pagkakakitaan. Upang maiwasan ang sobrang hirap, nagtanim ang mga miyembro ng Simbahan upang makapag-ani ng mais at iba pang mga pananim ang kababaihan at mga bata sa panahong wala ang hukbo. Ang karaniwang edad ng mga kalalakihan sa kampo ay 29 na taong gulang. Ang pinsan ng Propeta na si George Albert Smith ay 16 na taong gulang, at si Addison Greene ay 14 na taong gulang. Ang pinakamatanda ay 79 na taong gulang. Si Joseph Smith, na piniling maging “pinuno ng mga hukbo ni Israel,” ay 28 taong gulang lamang. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 142–52.)

Doktrina at Tipan 105. Ang pagprotekta ng Panginoon sa Kampo ng Sion

Sa buong paglalakbay, madalas din ang pagbabanta ng karahasan laban sa Kampo ng Sion mula sa ibang tao. Gayunman, tinupad ng Panginoon ang pangakong nakatala sa Doktrina at mga Tipan 103:20. Sinabi ni Joseph Smith, “Sa kabila ng patuloy na pagbabanta ng karahasan ng aming mga kaaway, hindi kami natakot, ni nag-alangan na ipagpatuloy ang aming paglalakbay, sapagkat sumaamin ang Diyos, at ang Kanyang mga anghel ay nanguna sa amin, at ang pananampalataya ng maliit naming grupo ay hindi natitinag. Alam naming kasama namin ang mga anghel, sapagkat nakita namin sila” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 336).

Doktrina at mga Tipan 105:5. Ang batas ng kahariang selestiyal

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Ang batas ng kahariang selestiyal … ang siyang batas ng ebanghelyo at mga tipan, na kabilang ang ating palagiang pag-alaala sa Tagapagligtas at pangakong pagsunod, sakripisyo, dedikasyon, at katapatan” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 38).

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Nakapaloob sa batas ng ebanghelyo ang lahat ng batas, alituntunin, at ordenansa na kailangan para sa ating kadakilaan” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 337).

Doktrina at mga Tipan 105:19. “Pagsubok sa kanilang pananampalataya”

Ang utos na bumalik sa Kirtland nang hindi nakikipaglaban para sa mga Banal sa Missouri ay isang pagsubok sa pananampalataya para sa maraming miyembro ng Kampo ng Sion. Ang ilan ay hayagang naghimagsik at nag-apostasiya kalaunan. Sa simula pa lang ng kanilang paglalakbay, binalaan ng Propeta ang mga miyembro ng Kampo ng Sion na ang hindi nila pagkakaisa, pagtatalu-talo, at pagsuway ay magdadala ng isang sumpa (isang matinding paghihirap o karamdaman) sa kanila. Bunga ng galit at hindi makatwirang pagrereklamo dahil sa tagubilin ng Panginoon na huwang makipaglaban, inulit ng Propeta ang babalang ito. Noong Hunyo 24, 1834, ilan sa mga miyembro ng Kampo ng Sion ay nagkasakit ng kolera. Kumalat ang epidemya, na nagdulot ng matinding pagtatae, pagsusuka, at pamumulikat ng binti. Bago ito natapos, mga 68 katao, kabilang si Joseph Smith, ang dinapuan ng sakit na ito, at 13 miyembro ng kampo at 2 miyembro sa lugar ang namatay. Sinabi ni Joseph Smith na noong Hulyo 2, “sinabi [niya] sa kanila na kung sila ay magpapakumbaba sa harapan ng Panginoon at makikipagtipan na susundin ang Kanyang mga kautusan at susundin ang aking payo, matatapos ang salot sa mismong oras na iyon, at wala nang magkakasakit pa ng kolera sa kanila. Ang kalalakihan ay nakipagtipan na susunod sa kautusan ng Panginoon nang nakataas ang mga kamay, at natapos ang salot” (sa History of the Church, 2:120).

Tinanggap ng Panginoon ang mga sakripisyo ng mga miyembro ng kampo at pinagpala sila para sa mga bagay na handa nilang gawin. Noong Hulyo 1834 binuwag ni Propetang Joseph Smith ang Kampo ng Sion. Bagama’t may ilang hindi nakapasa sa pagsubok sa kanilang pananampalataya at umalis sa Simbahan, ang mga tapat ay napalakas ng karanasang ito.

Ipinaliwanag ni Elder Franklin D. Richards ng Panguluhan ng Pitumpu:

Elder Franklin D. Richards

“Ang ‘paglalakbay ng Kampo ng Sion’ ay itinuring ng marami na isang pangyayaring walang kapakinabangan at hindi nagtagumpay. Isang miyembrong lalaki sa Kirtland na hindi sumama sa kampo, ang kumausap kay Brigham Young sa pagbalik nito at sinabing, ‘Ano ngayon ang napala ninyo sa walang-kabuluhang paglalakbay na ito patungong Missouri kasama si Joseph Smith?’ ‘Lahat ng nangyari sa amin,’ sagot ni Brigham Young. ‘Hindi ko ipagpapalit ang karanasang natamo ko sa paglalakbay na iyon sa lahat ng yaman ng Geauga County,’ ang bayan kung saan naroon noon ang Kirtland. (B. H. Roberts, “Brigham Young, A Character Sketch,” Improvement Era, tomo 6 [Hunyo 1903], p. 567.)” “The Purpose of Life: To Be Proved,” Ensign, Dis. 1971, 50).

Ang Kampo ng Sion ay isang pagkakataon para sa mga miyembro nito na maipakita sa Panginoon at sa kanilang sarili ang lalim ng kanilang katapatan at dedikasyon sa gawain ng Panginoon. Tulad ni Abraham, marami sa mga naunang lider ng Simbahan ang dumaan sa pagsubok na nilayong maisakatuparan ang mga banal na layunin. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang mga kasama sa paglalakbay ng Kampo ng Sion ay hindi ginalugad ang bayan ng Missouri kundi ang kanilang sariling mga posibilidad” (“Notwithstanding My Weakness,” Ensign, Nob. 1976, 14).