Lesson 44
Doktrina at mga Tipan 39–40
Pambungad
Noong Enero, 1831, isang Protestanteng Ministro na nagngangalang James Covel ang nakipagkita kay Joseph Smith sa Fayette, New York, at “nakipagtipan sa Panginoon na kanyang susundin ang alinmang kautusan na ibibigay sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang tagapaglingkod na si Joseph” (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 233–34). Ang tugon ng Panginoon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 39. Sa paghahayag, sinabi ng Panginoon kay James Covel na magpabinyag at ipangaral ang kabuuan ng ebanghelyo sa Ohio. Gayunman, isang araw matapos maipaalam [ng Panginoon] ang paghahayag, umalis si James Covel sa Fayette at “binalikan ang kanyang dating mga prinsipyo at mga tao” (History of the Church, 1:145). Pagkatapos ay ibinigay ng Panginoon ang isang paghahayag kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipinapaliwanag kung bakit hindi sinunod ni Covel ang mga kautusan na ibinigay sa kanya. Ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 40.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 39:1–12
Inanyayahan ni Jesucristo si James Covel na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo at magpabinyag
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay niregaluhan sila kamakailan ng kanilang magulang o ng isa pang mahal nila sa buhay. Nang buksan nila ang regalo, nakita nila ang isang bagay na talagang gustung-gusto nila.
-
Tatanggapin ba ninyo ang regalong ito? May mga dahilan ba kung bakit hindi ninyo tatanggapin ang regalo?
-
May naiisip ba kayong anumang regalo o handog mula sa Ama sa Langit na hindi tinanggap ng Kanyang mga anak?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 39:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang ayaw tanggapin ng ilang tao.
-
Ano ang ayaw tanggapin ng mga taong ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tanggapin si Jesucristo?
-
Mula sa nalaman ninyo tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi Siya tinanggap ng Kanyang mga tao?
Isulat sa pisara ang hindi kumpletong pahayag: Kung tatanggapin natin si Jesucristo, Siya ay …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 39:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano kukumpletuhin ang pahayag sa pisara para makabuo ng alituntunin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na kahit sinasabi sa talata ang “mga anak na lalaki,” itinuro ng Panginoon na ang kababaihan ay maaaring maging mga anak na babae ni Jesucristo (tingnan sa D at T 25:1). Pagkatapos ay kumpletuhin ang pahayag sa pisara tulad ng sumusunod: Kung tatanggapin natin si Jesucristo, Siya ay magbibigay sa atin ng kapangyarihan na maging Kanyang mga anak.
Upang mas maipaunawa sa mga estudyante ang ibig sabihin ng maging mga anak ni Jesucristo, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith. (Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito bago magklase o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante.)
“Ang ating Tagapagligtas ay naging ating Ama, ayon sa kahulugan ng salitang ito sa mga banal na kasulatan, dahil siya ang naghahandog sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-salang ginawa niya para sa atin” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:29).
Ipaliwanag na sa Aklat ni Mormon nalaman natin na ang mga nagsipagbago ng kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ni Jesucrsito ay espirituwal na isinilang sa Kanya. Sila ay naging Kanyang mga anak na lalaki at babae (tingnan sa Mosias 5:7). Sa madaling salita, ang mga anak na lalaki at babae ni Cristo ay “yaong mga tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anak ni Cristo, Mga,” scriptures.lds.org).
-
Ayon sa pahayag ni Pangulong Smith, bakit tayo magiging mga anak ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 39:5–6 at alamin kung paano natin matatanggap si Jesucristo at ang ibinibigay Niya sa atin upang tayo ay Kanyang maging mga anak.
-
Batay sa natutuhan ninyo sa mga talatang ito, paano ninyo maipapaliwanag ang dapat nating gawin upang maging mga anak ni Jesucristo?
Ipaliwanag na ang mga salita ng Panginoon sa mga talatang ito ay patungkol kay James Covel, na isang respetadong ministro ng Methodist sa loob ng 40 taon. Bago matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito, nalaman ni James Covel ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit hindi siya miyembro ng Simbahan, nakipagtipan siya na susundin ang alinmang kautusang matatanggap niya sa pamamagitan ni Joseph Smith. (Tandaan na sa pagsasaliksik kamakailan nabigyang-linaw kung sino ang taong pinagbigyan ng paghahayag na ito. Kung walang pinakabagong edisyon ng mga banal na kasulatan ang mga estudyante, hindi makikita sa pambungad ng bahagi ang pinakabagong impormasyon.)
-
Batid na hindi pa miyembro ng Simbahan si James Covel nang matanggap ang paghahayag na ito, paano maaaring iugnay sa kanya ang mga turo sa mga talata 5–6?
-
Bakit kakailanganin ni James Covel ang malaking pananampalataya para tanggapin si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo at magpabinyag? (Bilang ministro, kung bibinyagan si James Covel kailangan niyang talikuran ang kanyang posisyon, mga kasamahan, at kinikita na tinamasa niya nang mahigit 40 taon na.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 39:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katibayan na kilala ng Panginoon si James Covel. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:
-
Kung kayo ang nasa sitwasyon ni James Covel, ano kaya ang mararamdaman ninyo matapos marinig ang mga salitang ito? Bakit?
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kalagayan ng puso o nasasaloob ni James Covel sa panahong ito? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang kanyang puso ay “matwid ngayon sa harapan” ng Panginoon? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang salitang ngayon sa talata 8.)
-
Ayon sa talata 9, bakit maraming beses na hindi tinanggap ni James Covel ang Panginoon?
Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara:
Kung kayo ay … |
Kayo ay … |
---|---|
Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 39:10–12. Bago nila simulan ang pagbabasa, sabihin sa kalahati ng klase na alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ni James Covel. Sabihin sa isa pang kalahati na alamin kung ano ang ipinangako ng Panginoon na tatanggapin ni James Covel kung susundin niya ang Panginoon.
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa naaangkop na heading sa chart. Upang matulungan ang estudyante na mas mapag-aralang mabuti ang mga talatang ito, itanong ang sumusunod:
-
Sa anong mga paraan makatatanggap si James Covel ng mas malaking pagpapala at makagagawa ng mas dakilang gawain kung tatanggapin niya ang paanyaya ng Panginoon na magpabinyag? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ibinibigay ng Panginoon kay James ang kabuuan ng ebanghelyo, na kinapapalooban ng mga responsibilidad at pagpapala na hindi pa niya nakakamtan, tulad ng kaloob na Espiritu Santo at ordenasyon sa priesthood.)
Banggitin ang salitang kung sa Doktrina at mga Tipan 39:10 at 11. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang salitang ito sa kanilang banal na kasulatan.
-
Ano ang kahalagahan ng salitang kung sa mga talatang ito? (Ang mga ipinangako ng Panginoon kay James Covel ay matutupad lamang kung pakikinggan ni James ang tinig ng Panginoon.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa paggamit ng Panginoon ng salitang kung sa mga talatang ito? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon ay matutupad lamang kung pakikinggan natin ang Kanyang tinig. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin nang tahimik ang ilan sa mga pagpapalang ipinangako sa kanila ng Panginoon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Anong mga kundisyon ang hinihingi sa inyo ng Panginoon bago ninyo matanggap ang mga pagpapalang iyon?
Doktrina at mga Tipan 39:13–24
Si James Covel ay tinawag upang ipangaral ang kabuuan ng ebanghelyo sa Ohio
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 39:13–24 sa pagsasabi sa mga estudyante na tinawag ng Panginoon si James Covel na ipangaral ang ebanghelyo sa Ohio. Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin kung ano ang ituturo at paano ito ituturo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 39:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nauugnay ang mga talatang ito sa mga alituntuning natalakay na ninyo sa lesson na ito.
-
Ano kaya ang reaksyon ninyo kung kayo ay hindi miyembro ng Simbahan at ibinigay sa inyo ang mga tagubilin sa paghahayag na ito?
Doktrina at mga Tipan 40
Inihayag ng Panginoon kung bakit hindi tinanggap ni James Covel ang Kanyang mga salita
Ipaalam sa mga estudyante na isang araw matapos ibigay ang paghahayag na kilala bilang Doktrina at mga Tipan 39, nilisan ni James Covel ang Fayette, New York, at “binalikan ang kanyang dating mga prinsipyo at mga tao” (History of the Church, 1:145). Inihayag ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung bakit hindi sinunod ni James Covel ang mga tagubilin ng Panginoon at hindi natanggap ang mga pagpapalang nakasaad sa bahagi 39.
Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 40:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit hindi pinakinggan ni James Covel ang tinig ng Panginoon.
-
Ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 40:1 sa Doktrina at mga Tipan 39:8. Paano nabago ang puso ni James Covel?
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 40:2, ano ang tuluyang naging dahilan kaya itinatwa o hindi tinanggap ni James Covel ang salita ng Panginoon?
-
Anong mga alituntunin ang nakikita ninyo sa talata 2? (Maaaring magmungkahi ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking malaman nila na ang takot at alalahanin ng sanlibutan ay maaaring maging dahilan para hindi natin tanggapin ang salita ng Diyos. Isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Ano ang ilang alalahanin ng sanlibutan na maaaring humadlang sa pagsunod ng mga tao sa Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga takot o alalahanin ng sanlibutan na maaaring humadlang sa kanila sa pagsunod kay Jesucristo at sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos ay ipasulat sa kanila ang magagawa nila para mapaglabanan ang kanilang takot o alalahanin. Hikayatin sila na gawin ang kanilang isinulat.
Upang matulungan ang mga estudyante na ibuod ang kanilang natutuhan, isulat sa pisara ang salitang kung. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Paano nauugnay ang salitang ito kay James Covel?
-
Paano ito naaangkop sa atin?
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ikuwento ang pagkakataong nakatanggap sila ng pagpapala mula sa Panginoon dahil sinunod nila ang mga kundisyong kapalit ng pagpapalang iyon. Maaari mo ring ibahagi sa klase ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang natatanggap natin kapag sinusunod natin ang mga kautusan.