Lesson 96
Doktrina at mga Tipan 90–92
Pambungad
Noong Marso 8, 1833, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 90. Ang paghahayag na ito ay naglalaman ng mga tagubilin sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote at “isang pagpapatuloy na hakbang” sa pagtatatag ng Unang Panguluhan (tingnan sa pambungad). Noong Marso 9, 1833, nagtanong si Joseph Smith kung isasama niya ang Apocripa sa pagsasalin niya ng Biblia. Tinugon ng Panginoon ang katanungan ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 91 at sinabi sa kanya na hindi na ito kailangang isalin. Makalipas lamang ang ilang araw noong Marso 15, 1833, tumanggap ang Propeta ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 92, na nag-uutos kay Frederick G. Williams, isa sa mga tagapayo kay Joseph Smith, na maging masiglang kasapi o miyembro ng Nagkakaisang Samahan na itinatag upang pangasiwaan ang kapakanan at negosyo ng Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 90:1–18
Tinagubilinan ng Panginoon ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote hinggil sa kanilang mga responsibilidad
Simulan ang lesson sa pagtatanong ng sumusunod:
-
Ano ang pinakamahalagang regalo na natanggap ninyo? Bakit napakahalaga nito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:1–3 at sabihin sa klase na alamin ang isang bagay na mahalaga na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith.
-
Ano ang hawak ni Joseph Smith? (Ang mga susi ng kaharian, na ibig sabihin ang mga karapatan ng panguluhan, o ang kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa tao upang pamahalaan at pangasiwaan ang Kanyang kaharian sa lupa.) Bakit mahalaga iyan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na katulad ng pagkakagamit sa mga talata 4–5, ang mga salitang mga orakulo ay tumutukoy sa mga paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.)
-
Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal? Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa babalang ito? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung ituturing natin na walang-halaga ang mga paghahayag ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tayo ay matitisod at madadapa. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ituring na “isang bagay na walang-halaga” ang mga paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Ano ang ilang halimbawa ng paghahayag na maaaring matukso ang mga tao na ituring na walang-halaga?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:6 at alamin kung sino pa ang sinabi ng Panginoon na hahawak ng mga susi ng kaharian. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na noong Marso 18, 1833, sampung araw matapos ibigay ang bahagi 90, itinalaga ni Joseph Smith sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams bilang mga tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote, na kalaunan ay tatawaging Unang Panguluhan ng Simbahan.
-
Anong doktrina ang matututuhan natin sa talata 6? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Hawak ng Unang Panguluhan ang mga susi ng kaharian. Tiyakin na maunawaan ng mga estudyante na bagama’t hawak ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan ang mga susi ng kaharian, ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao sa mundo na makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 90:7–10 na ipinapaliwanag na iniutos sa Unang Panguluhan na ihanda ang mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta sa pangangaral ng ebanghelyo sa buong mundo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 90:11 at pag-isipang mabuti kung paano natutupad ang talatang ito sa panahon ngayon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Maaari mo ring ibuod ang Doktrina at mga Tipan 90:12–18. Itinuro sa mga talatang ito na si Propetang Joseph Smith at ang kanyang mga tagapayo ang magsasaayos ng mga gawain ng Simbahan.
Maaari mong patotohanan na hawak ng Unang Panguluhan ang mga susi ng kaharian at ibahagi ang iyong damdamin tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa kanilang mga salita.
Doktrina at mga Tipan 90:19–37
Tinagubilinan Panginoon ang mga Banal sa Sion
Ipaliwanag na noong matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 90, siya at iba pang mga lider ng Simbahan ay nasa mahirap na kalagayan dahil sa kakulangan sa pananalapi ng Simbahan.
-
Ano ang gagawin ninyo kapag naging napakahirap ng mga kalagayan ninyo sa buhay?
Ipaliwanag na naglalaman ang Doktrina at mga Tipan 90:19–37 ng mga tagubilin ng Panginoon sa mga naunang lider ng Simbahan kung paano haharapin ang mahihirap na kalagayang naranasan nila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga payo na makapapanatag sa mga taong dumaranas ng hirap.
-
Ano ang ipinayo sa talata 24 na makapapanatag sa mga taong dumaranas ng hirap? Paano ninyo ipahahayag bilang alituntunin ang mensahe ng Panginoon sa talatang ito? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay masigasig na maghahanap, mananalangin tuwina, mananampalataya, at tutupad sa ating mga tipan, ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti?
-
Kailan kayo nagsikap na maging tapat sa panahong nahihirapan kayo at napagpala bunga nito?
Ipaliwanag na ang isang miyembro ng Simbahan na nagpakita ng matinding katapatan sa panahon ng kahirapan ay si Vienna Jaques. Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na impormasyon tungkol kay Vienna Jaques. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 90:28–31 at alamin ang mga partikular na tagubilin na ibinigay ng Panginoon kay Vienna. Pagkatapos, sabihin sa kanila na pag-aralan ang handout at alamin ang mga ginawa ni Vienna na nagpakita ng kanyang katapatan.
Kapag tapos nang magbasa ang magkakapartner, talakayin ang mga sumusunod na tanong sa klase:
-
Paano sinunod ni Vienna Jaques ang mga tagubiling ibinigay sa kanya ng Panginoon? Ano ang hinangaan ninyo kay Vienna Jaques?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa nabasa ninyo tungkol kay Vienna Jaques?
Doktrina at mga Tipan 91
Iniutos ng Tagapagligtas kay Joseph Smith na huwag isalin ang Apocripa
Kung posible, magdispley ng ilang iba’t ibang nakasulat na impormasyon gaya ng aklat, dyaryo o magasin, o mobile device.
-
Paano ninyo malalaman kung totoo ang mga bagay na binabasa ninyo sa mga materyal na ito?
Ipaliwanag na ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 91 ay nagbibigay ng tagubilin kay Joseph Smith kung paano malalaman kung ang binasa niya ay totoo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa bahagi 91. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ginagawa ni Joseph noong panahong matanggap niya ang paghahayag na ito. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na ang Apocripa ay katipunan ng mga sagradong aklat ng mga Judio na hindi orihinal na kasama sa Biblia ng mga Hebreo (Lumang Tipan) ngunit kasama sa pagsasalin ng Biblia sa wikang Griyego bago ang panahon ni Cristo. Ilan sa mga aklat ay may kaugnayan sa panahon sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Nang tipunin ng mga naunang Kristiyano ang mga aklat ng Biblia makalipas ang ilang siglo, isinama nila ang mga aklat ng Apocripa, ngunit may pag-aalinlangan kung ang mga ito ay bahagi ng banal na kasulatan. Ang kopya ng Biblia na ginamit ni Joseph Smith para magawa ang kanyang inspiradong pagsasalin ay naglalaman ng Apocripa. Gayunman, dahil may pag-aalinlangan sa katotohanan ng Apocripa, itinanong ni Joseph sa Panginoon kung dapat isama sa pagsasalin niya ng Biblia ang mga aklat na ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 91:1–3. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang natutuhan ni Joseph Smith tungkol sa Apocripa. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang dagdag na pakahulugan ay materyal na isiningit sa manuskrito, na kung minsan ay nagdudulot ng kamalian sa orihinal na teksto.)
Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 91:4–6. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung paano nalaman ni Joseph Smith kung ano ang totoo sa Apocripa.
-
Paano nalaman ni Joseph Smith kung ano ang totoo sa Apocripa?
-
Paano makatutulong sa atin ang mga payo sa mga talata 4–6 hinggil sa mga bagay na nababasa natin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman kung totoo ang mga binabasa natin.)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila noong madama nila na pinagtibay ng Espiritu Santo na totoo ang binabasa nila.
Doktrina at mga Tipan 92
Si Frederick G. Williams ay dapat tanggapin sa Nagkakaisang Samahan
Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 92 ay nagtatagubilin sa mga lider ng Simbahan na kasapi ng Nagkakaisang Samahan (tinatawag ding Nagkakaisang Orden) na tanggapin si Frederick G. Williams sa samahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 92:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung paano nais ng Panginoon na kumilos si Frederick G. Williams bilang miyembro ng samahan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng dapat maging “masiglang kasapi” si Frederick G. Williams?
-
Ano ang maaari ninyong gawin para maging masiglang kasapi o miyembro ng Simbahan ngayon?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 2 tungkol sa mga pagpapala na ipinangako sa matatapat? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tapat tayo sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon, tayo ay pagpapalain magpakailanman.)
Magtapos sa pagpapatotoo sa kahalagahan ng mga doktrina at alituntunin na natukoy sa lesson na ito.