Lesson 104
Doktrina at mga Tipan 101:1–16
Pambungad
Noong Disyembre 16 at 17, 1833, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag hinggil sa mga paghihirap na nararanasan ng mga Banal sa Missouri. Ang paghahayag na ito na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101 ay tatalakayin sa tatlong lesson. Kabilang sa unang lesson na ito ang paliwanag ng Panginoon kung bakit tinulutan Niya ang mga Banal na magdusa. Kabilang din dito ang Kanyang mga payo at salitang nagbibigay ng kapanatagan sa mga nagdurusang Banal.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 101:1–8
Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit tinulutan Niyang makaranas ang Kanyang mga tao ng mga pagsubok
Idrowing ang kalakip na mapa sa pisara bago magklase. Maaari mong gamitin ang mapa sa buong lesson upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pangyayari sa lesson.
Para simulan ang lesson, itanong ang sumusunod:
-
Ano ang ilang halimbawa ng pag-uusig na dinanas ng mga Banal sa Jackson County, Missouri? (Maaaring kailangan mong ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa pagwasak sa palimbagan, tahanan, at taniman ng mga Banal at pagbuhos ng alkitran at balahibo kina Edward Partridge at Charles Allen.)
Ibuod o basahin ang sumusunod na talata o ipabasa ito sa isang estudyante.
Dahil sa karahasan ng mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, noong Hulyo 1833, pumayag ang mga lider ng Simbahan sa Missouri na lisanin ang bayan. Gayunman, noong Agosto 1833, isang pulong ng mga pangkalahatang lider ng Simbahan sa Kirtland ang ginanap upang talakayin ang mga paghihirap sa Missouri. Nagpadala sila ng tagubilin na hindi dapat ipagbili ng mga Banal ang kanilang lupain o umalis sa bayan hangga’t hindi sila lumalagda ng kasunduan na gagawin nila ito. Nagpetisyon ang mga lider ng Simbahan sa pamahalaan at gumamit ng legal na paraan para mapanatili ang kanilang mga lupain sa Missouri at naghangad na maparusahan ang mga gumawa ng karahasan sa kanila. Matapos marinig ang tungkol sa mga pagkilos na gagawin, at naniwalang hindi balak ng mga Banal na umalis gaya ng inaasahan, muling inatake ng mga hindi Banal sa mga Huling Araw ang mga Banal. Noong gabi ng Oktubre 31, 1833, isang grupo ng mga mandurumog na mga 50 mangangabayo ang sumalakay sa Whitmer Settlement, na nasa kanluran ng Independence. Tinanggalan nila ng bubong ang 13 kabahayan at hinagupit ng latigo ang ilang kalalakihan, na halos pumatay sa kanila. Ang pag-atakeng ito ay nagpatuloy sa magkasunod na dalawang gabi sa Independence at sa iba pang mga lugar kung saan nakatira ang mga Banal. Ang mga kalalakihan ay binugbog, at tinakot ang mga kababaihan at mga bata.
-
Ano sa palagay ninyo ang naging mga katanungan ng mga Banal sa Missouri sa pagkakataong ito? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong sabihin na maaaring inisip ng mga Banal kung bakit tinulutan ng Panginoon na mausig sila.)
Itanong sa mga estudyante kung naisip na ba nila kung bakit sila tinulutan ng Panginoon o ang mga taong kilala nila na makaranas ng mga paghihirap.
Ipaliwanag na nang maranasan ng mga Banal sa Missouri ang mga pagsubok na ito, inihayag ng Panginoon ang katotohanan kung bakit tinutulutan Niya ang Kanyang mga tao na makaranas ng mga paghihirap. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 101 at tukuyin ang mga petsa kung kailan natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahin nang mabilis ang natitirang bahagi sa pambungad para malaman ang iba pang mga paghihirap na naranasan ng mga Banal sa pagitan ng pag-atake ng mga mandurumog noong Oktubre 31 at ng mga petsa kung kailan ibinigay ang paghahayag na ito. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. (Matapos silang magbahagi, maaari mong ipaliwanag na mahigit 1,000 Banal ang pinalayas sa kanilang tahanan sa Jackson County.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit tinulutan ng Panginoon ang mga Banal sa Jackson County na magdanas ng pag-uusig at paghihirap. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa talata 2 tungkol sa mga ibubunga ng pagsuway sa mga kautusan ng Diyos? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinuway natin ang mga kautusan, tinutulutan ng Diyos na magdusa tayo.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan ang alituntuning ito?
Ipaliwanag na bagama’t maraming Banal sa Missouri ang tapat at masunurin, nagdurusa pa rin sila dahil sa pag-uusig. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit tinulutan ng Panginoon maging ang mabubuting Banal na magdusa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pagpaparusa ay pagdidisiplina o pagtutuwid, at ang salitang mapabanal ay gawing dalisay o banal ang isang tao o isang bagay.
-
Ayon sa mga talatang ito, bakit pinarurusahan at sinusubukan ng Panginoon ang Kanyang mga tao? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin matitiis ang pagpaparusa, hindi tayo mapapabanal. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makatutulong sa atin ang pagpaparusa upang mapabanal tayo?
-
Paano kaya nakaimpluwensya ang mensahe sa mga talatang ito sa mga Banal sa Missouri?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tumutulong sa atin ang pagpaparusa at pagsubok na mapabanal tayo, sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bukod sa pagpukaw sa atin na magsisi, ang mismong pagtitiis ng kaparusahan ay nagpapadalisay sa atin at inihahanda tayo para sa mas dakilang mga espirituwal na pribilehiyo” (“Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 98).
Ipaliwanag na tinukoy ng Panginoon si Abraham bilang halimbawa ng isang taong pinarusahan at sinubok. Maaari mong tawagin ang isang estudyante na maikling ibuod ang salaysay tungkol sa Panginoon na nag-uutos kay Abraham na ialay ang kanyang anak na si Isaac bilang hain (tingnan sa Genesis 22:1–14). Ipaliwanag na ang katapatan ni Abraham sa panahon ng pagsubok na iyon at sa iba pang mga pagsubok ay naghanda sa kanya na tumanggap ng mga dakilang espirituwal na pagpapala (tingnan sa Genesis 22:15–18). Patingnan sa mga estudyante ang alituntunin na isinulat mo sa pisara.
-
Paano tayo matutulungan ng katotohanang ito sa mahihirap na panahon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 101:6–8, at hanapin ang mga kasalanang nagawa ng ilan sa mga Banal sa Missouri na humantong sa pagdurusa nilang lahat. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang nahanap nila.
-
Ano ang matututuhan ninyo sa mga talata 7-8?
-
Batay sa talata 8, ano ang maaaring ginagawa ng ilang tao kapag payapa ang kanilang buhay?
-
Ayon sa talata 8, ano ang ginagawa ng ilang tao kapag nahihirapan sila? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “inaapuhap” ang Panginoon?
Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan ang mga karanasan nila na humantong sa pagbaling ng kanilang puso sa Panginoon.
Doktrina at mga Tipan 101:9–16
Pinayuhan at binigyan ng kapanatagan ng Panginoon ang mga Banal
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:9 at sabihin sa klase na alamin ang mensahe ng pag-asa na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal na nagdurusa sa Missouri.
-
Anong mensahe ang ibinigay ng Panginoon sa talata 9 na makatutulong sa atin kapag pinagdurusahan natin ang mga ibinunga ng ating mga kasalanan? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Bagama’t nagkasala tayo, ang Panginoon ay mahahabag sa atin. Isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Paano makapagdadala ng pag-asa sa atin ang katotohanang ito?
Ipasulat sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal ang magagawa nila para maibaling ang kanilang puso sa Panginoon at madama ang Kanyang habag.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:10–11 na ipinapaliwanag na bagama’t tinulutan ng Panginoon na mausig ang mga Banal, sinabi Niya na parurusahan Niya ang mga taong nang-usig sa kanila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na talata, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga karagdagang pagsubok na naranasan ng mga Banal sa Missouri. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang madarama nila kung masaksihan o maranasan nila ang mga pagsubok na iyon.
Patuloy na inusig ng mga mandurumog sa Jackson County ang mga Banal hanggang sa lahat ng miyembro ng Simbahan ay mapalayas sa lugar na iyon. Iniulat ni Lyman Wight, “Nakita ko ang isandaan at siyamnapung kababaihan at bata na itinaboy nang tatlumpung milya sa parang, kasama lamang ang tatlong nanghihinang kalalakihan, noong buwan ng Nobyembre, ang lupa ay bahagyang nagyeyelo; at madali ko silang nasusundan dahil sa dugo na pumatak mula sa kanilang mga sugatang paa sa ibabaw ng mga sinunog na damuhan sa parang!” (sa History of the Church, 3:439).
Karamihan sa mga Banal ay nagsitakas patungo sa hilaga, kung saan kailangan nilang tawirin ang Missouri River. Ang pampang ng ilog malapit sa mga bangka ay puno ng mga nagsitakas. May mga taong mapalad na nakatakas na dala ang ilan sa kanilang mga ari-arian, ngunit marami ang nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian. Isinulat ni Parley P. Pratt: “Napakaraming tao ang makikita saanmang direksyon, ang ilan ay sa mga tolda, ang ilan ay sa labas sa palibot ng isang siga, habang malakas ang buhos ng ulan. Hinahanap ng mga kalalakihan at kababaihan ang kanilang mga asawa; hinahanap ng mga magulang ang kanilang mga anak, at hinahanap ng mga anak ang kanilang mga magulang. … Hindi mailarawan ang tagpong ito, at, natitiyak ko, na mahahabag ang puso ng sinumang tao sa mundo, maliban sa mga nabubulagan na umusig sa amin, at sa isang nabubulagan at mangmang na komunidad” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 102).
-
Alin sa mga pagsubok na ito ang maaaring pinakamahirap para sa inyo na masaksihan o maranasan?
-
Sa inyong palagay, ano ang gagawin ninyo kung naranasan ninyo ang ganitong mga paghihirap? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito nang tahimik sa halip na sumagot nang malakas.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:12–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mabubuting Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga nalaman nila. Ipaliwanag na sa talata 12, ang pariralang “lahat ng aking Israel” ay tumutukoy sa mga yaong tapat sa tipan ng ebanghelyo.
-
Anong alituntunin ang natutuhan ninyo sa mga talata 12–16? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa isang pahayag at isulat ito sa pisara. Dapat maipahayag sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kapag namuhay tayo nang matwid, mapapanatag tayo sa kaalamang ang lahat ng tao ay nasa mga kamay ng Panginoon.)
-
Sa talata 16, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng utos na “mapanatag at malaman na ako ang Diyos”?
-
Paano ang pagiging “panatag” ay tumutulong sa atin na matanggap ang kapayapaan mula sa Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila ang kapayapaan at nalaman na sila ay nasa mga kamay ng Diyos. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari kang magbahagi ng isang karanasan tungkol sa kapayapaang natanggap mo sa panahong nahihirapan ka.
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na bumaling sa Panginoon at magtiwala na gagawin Niya ang pinakamabuti para sa kanila.