Seminaries and Institutes
Lesson 142: Doktrina at mga Tipan 133:36–74


Lesson 142

Doktrina at mga Tipan 133:36–74

Pambungad

Tinatalakay ng lesson na ito ang pangalawang bahagi ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 133. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito noong Nobyembre 3, 1831. Sinagot nito ang mga tanong ng mga missionary tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo at pagtitipon ng Israel. Inilalarawan din nito ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon at ipinapaliwanag ang kailangan nating gawin upang maging handa para dito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 133:36–40

Ipinahayag ng Panginoon na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay ipapangaral sa lahat ng tao sa buong mundo

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng sumusunod:

  • Kailan kayo nasabik na makita ang isang tao? (Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Ang Ikalawang Pagparito

Ipakita ang larawan na Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org).

  • Nasasabik ba kayong makita ang Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito? Bakit?

Ipaliwanag na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay magiging isang masaya at napakagandang karanasan sa ilan at kakila-kilabot naman para sa iba. Ipaliwanag na nais ng Tagapagligtas na maging handa ang lahat ng tao sa Kanyang pagparito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:36–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katibayan na nais ng Panginoon na maging handa ang lahat ng tao para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo sa mga talatang ito na nais ng Tagapagligtas na maging handa ang lahat ng tao para sa Kanyang Ikalawang Pagparito? (Nagpadala Siya ng anghel [o mga anghel] upang ipanumbalik ang ebanghelyo sa mundo. Ipinapadala rin Niya ang Kanyang mga sugo upang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao.)

  • Sino ang mga tagapaglingkod ng Diyos na mangangaral ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo? (Ang lahat ng miyembro ng Simbahan ay mga tagapaglingkod ng Diyos na may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang sumusunod na alituntunin sa kanilang banal na kasulatan: Bilang mga tagapaglingkod ng Diyos, matutulungan nating maihanda ang iba para sa Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng ebanghelyo.)

  • Ayon sa talata 38, paano natin dapat ipangaral ang ebanghelyo? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ibahagi ang ebanghelyo “sa malakas na tinig”? (Maaaring kasama sa mga sagot na dapat nating ibahagi ang ebanghelyo nang may tapang at matibay na pananalig.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:40 at alamin ang iba pang gagawin ng mga tagapaglingkod ng Diyos bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

  • Ayon sa talata 40, ano ang gagawin ng mga tagapaglingkod ng Diyos bago ang Ikalawang Pagparito? (Ipagdarasal nila ang pagbabalik ng Tagapagligtas.)

Doktrina at mga Tipan 133:41–56

Inilarawan ni Jesucristo ang Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:41–45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapala na darating sa mga nananalangin at naghihintay para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

  • Ayon sa talata 45, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga maghihintay sa Kanya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Naghanda ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala sa mga maghihintay sa Kanya.)

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maghintay sa Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ibig sabihin ng pariralang “maghintay sa Panginoon” ay hindi lamang magpalipas ng oras hanggang sa Siya ay dumating. Ang ibig sabihin nito ay maging handa at makibahagi sa Kanyang gawain.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila matapat na maghihintay sa Panginoon at sa Kanyang pagparito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang dapat nating gawin habang naghihintay sa Ikalawang Pagparito.

Elder Jeffrey R. Holland

“Sa Sinuman sa inyo na nababalisa tungkol sa hinaharap …

“Inaasahan sa inyo ng Diyos na magkaroon ng sapat na pananampalataya at sapat na tiwala sa Kanya upang patuloy na kumilos, mamuhay, at magalak. Sa katunayan, inaasahan Niya sa inyo na hindi lamang ninyo haharapin ang hinaharap (na tila hindi maganda at walang malasakit); inaasahan Niya na tatanggapin at huhubugin ninyo ang hinaharap—mahalin ito at magalak sa inyong mga oportunidad.

“Ang Diyos ay sabik na naghihintay ng pagkakataong sagutin ang inyong mga panalangin at tuparin ang inyong mga pangarap, noon pa man. Ngunit hindi Niya magagawa ito kung hindi kayo mananalangin, at mangangarap. Sa madaling salita, hindi Niya ito magagawa kung hindi kayo maniniwala” (“Terror, Triumph, and a Wedding Feast” [Church Educational System devotional, Set. 12, 2004], 3, speeches.byu.edu).

  • Ano ang ilang bagay na sinabi ni Elder Holland na dapat nating gawin habang hinihintay natin ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:46–47 at sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila tungkol sa ilang tao na narito sa mundo sa oras ng Ikalawang Pagparito. Dapat ding maunawaan ng mga estudyante na hindi lahat ng tao ay makikilala kung sino si Jesucristo sa oras ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:48–49. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang kaanyuan ni Jesucristo sa oras ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang kakaiba sa kaanyuan ng Tagapagligtas sa oras ng Kanyang Ikalawang Pagparito? (Siya ay nakasuot ng pulang kasuotan, at magpapakita sa dakilang kaluwalhatian.)

talyasi ng alak

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang simbolismo ng pulang kasuotan ng Tagapagligtas, ipaliwanag ang katagang talyasi ng alak sa talata 48. Idispley ang kalakip na larawan ng talyasi ng alak (tinatawag din na pisaan ng ubas) o magdrowing nito sa pisara. Ipaliwanag na sa sinaunang daigdig, ang pisaan ng ubas ay malaking batyang ginagamit para sa pagkatas ng mga ubas. Pupunuin ng ubas ang batya, at ilang tao ang tutuntong sa loob ng batya at tatapak-tapakan ang mga ubas para mapisa at kumatas. Habang tinatapakan ng mga tao ang kulay pula o kulay lilang mga ubas, namamantasahan ng katas ang kanilang mga paa at damit ng matingkad na kulay pula.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:50–51.

  • Paano ipinauunawa sa atin ng mga talatang ito ang paghatol ng Panginoon? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang masasamang tao na ayaw magsisi ay pagdudusahan ang hinihingi ng katarungan at hindi makatatagal sa araw ng Ikalawang Pagparito [tingnan sa D at T 38:8]. Ang pulang kulay ng kasuotan ng Panginoon ay sumasagisag sa dugo ng masasama na malilipol kapag ibinuhos ang paghatol sa kanila sa Ikalawang Pagparito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:52–53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang maaalaala at babanggitin ng mga matwid sa oras ng Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa awa ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:54–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung sino ang kasama ng Tagapagligtas na magpapakita sa Ikalawang Pagparito.

  • Sino ang kasama ng Tagapagligtas na magpapakita sa Ikalawang Pagparito? (Ang mga matwid na tao na nabuhay sa mundo bago ang panahon ni Jesucristo at nabuhay na muli ay kasama Niya na darating sa Kanyang kaluwalhatian. Bukod riyan, ang mga matwid na nabuhay sa mundo at namatay pagkatapos ng panahon ni Jesucristo ay mabubuhay na muli at darating upang makasama ang Tagapagligtas at ang mga kasama Niya. Maaari mong banggitin na kabilang dito ang mga matwid na miyembro ng ating pamilya na namatay na. Ang matwid na mga Banal na nabubuhay pa sa mundo ay “papaitaas” upang salubungin ang Tagapagligtas [tingnan sa I Mga Tesalonica 4:17; D at T 109:75].)

Doktrina at mga Tipan 133:57–74

Ang ebanghelyo ay ipinadala upang ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong kasama ang kanilang mga kapartner:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa Doktrina at mga Tipan 133 tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? Ano ang nadarama ninyo habang iniisip ninyo ang mga pangyayaring ito?

Matapos talakayin ng mga estudyante ang mga tanong na ito, sabihin sa kanila na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 133:57–62 kasama ang kanilang mga kapartner at alamin ang mga katotohanan kung bakit ipinadala ang ebanghelyo bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Magpatotoo na kapag nalaman natin ang ebanghelyo at ipinamuhay ito, magiging handa tayo para sa Ikalawang Pagparito.

  • Ayon sa talata 62, ano ang pinakadakilang pagpapalang matatanggap natin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga nagsisisi at pinababanal ang kanilang sarili ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang alituntuning ito sa alituntuning tinukoy nila kanina, itanong ang sumusunod:

  • Paano nauugnay ang alituntunin sa talata 62 sa alituntunin na tinukoy natin kanina sa Doktrina at mga Tipan 133:45, na nagsasabing “naghanda ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala sa mga maghihintay sa Kanya”?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 133:63–74 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito tinukoy ng Panginoon ang ilan sa mga kahihinatnan ng mga hindi magsisisi at maghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Ilan sa mga kahihinatnang ito ay ihihiwalay sila mula sa Panginoon at sa Kanyang mga matwid na tao (tingnan sa D at T 133:63) at “[ipau]ubaya sa kadiliman” (D at T 133:72), ibig sabihin ang masasama na namatay sa Ikalawang Pagparito ay papasok sa lugar na tinatawag na bilangguan ng mga espiritu o impiyerno (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Impiyerno,” scriptures.lds.org).

Tapusin ang lesson na ito sa pagsasabi sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung ano ang natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan 133 na nagpalakas ng kanilang pang-unawa at patotoo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga ideyang ito sa klase. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo.