Lesson 138
Doktrina at mga Tipan 131
Pambungad
Ang Doktrina at mga Tipan 131 ay naglalaman ng mga tinipong alituntuning itinuro ni Propetang Joseph Smith habang nasa Ramus, Illinois, noong Mayo 16–17, 1843. Itinuro niya ang tungkol sa bago at walang hanggang tipan ng kasal at ang pangako na buhay na walang hanggan para sa matatapat. Itinuro rin niya na ang lahat ng espiritu ay bagay o materya [matter].
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 131:1–4
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa kahalagahan ng walang hanggang tipan ng kasal
Magpakita sa mga estudyante ng isang simpleng kandado na ginagamitan ng kombinasyon ng mga numero. Maaari mong gamitin ito para maikandado ang takip ng kahon. Kung wala kang kandado, magdrowing na lang nito sa pisara. Papuntahin ang isang estudyanteng lalaki at isang estudyanteng babae sa harapan ng klase. Bigyan ang isang estudyante ng papel na may nakasulat ng unang bahagi ng kombinasyon. Bigyan ang isa pang estudyante ng papel na may nakasulat ng natitirang bahagi ng kombinasyon. Kung nagdala ka ng kandado sa klase, sabihin sa isa sa dalawang estudyante na buksan ang kandado nang walang tulong ng isa pang estudyante. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na magtulungan sa pagbukas ng kandado.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong (o isulat ito sa papel sa loob ng kahon na kabubukas pa lang ng dalawang estudyante): Kung ang kandado ay sumasagisag sa pagpasok sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, ano ang isinasagisag ng kombinasyon? Sabihin sa mga estudyante na alamin ang sagot sa tanong na ito sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 131.
Ipaliwanag na noong Mayo 16, 1843, nagtungo si Joseph Smith sa Ramus, Illinois. Habang nakatira sa bahay nina Benjamin at Melissa Johnson, ibinuklod niya sila bilang mag-asawa sa kawalang-hanggan. Itinuro rin niya sa kanila kung paano nauugnay ang kasal sa kawalang-hanggan sa selestiyal na kaharian. Ang mga katotohanang ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4. (Tingnan sa History of the Church, 5:391–92.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katotohanang inihayag ng Propeta tungkol sa kahariang selestiyal.
-
Ano ang inihayag ni Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal?
Ipaliwanag na karaniwan nating tinatawag ang pagtanggap ng pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal bilang kadakilaan o buhay na walang hanggan. Isulat sa pisara ang salitang kadakilaan. Ipaliwanag na ang mga nagtatamo ng antas na ito ng kaluwalhatiang selestiyal ay mabubuhay nang katulad ng Ama sa Langit.
Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 131:2–4 nang malakas, at sabihin sa klase na alamin ang dapat nating gawin para matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian ng kahariang selestiyal.
-
Ano ang kailangan nating gawin para matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Para matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, dapat tayong pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin sa talata 4 ng kung hindi tayo ibinuklod sa templo sa pamamagitan ng tamang awtoridad, tayo ay “hindi magkakaroon ng pag-unlad”? (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talatang ito, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pag-unlad ay tumutukoy sa pagkakataong patuloy na magkaroon ng mga anak sa kahariang selestiyal.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “bago at walang hanggang tipan ng kasal,” ipaliwanag na ang salitang bago sa kontekstong ito ay nangangahulugan na ang tipang ito ay bagong ipinanumbalik sa ating dispensasyon. Ang ibig sabihin ng mga katagang walang hanggan ay magtatagal ang mahalagang tipan na ito hanggang sa kawalang-hanggan. Ipaalala sa mga estudyante na pumapasok tayo sa tipang ito ng selestiyal na kasal sa templo.)
-
Sa inyong palagay sa paanong mga paraan inihahanda sa kadakilaan ang lalaki at ang babae na ikinasal para sa kawalang-hanggan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano makatutulong ang kasal sa paghahanda natin para sa buhay na walang hanggan.
“May dalawang nakahihikayat na dahilan ng doktrina na nakatutulong sa atin na maunawaan kung bakit ang walang-hanggang kasal ay mahalaga sa plano ng Ama.
“Unang dahilan: Ang likas na pagkatao ng mga espiritu ng lalaki at babae ay ginagawang kumpleto at perpekto ang isa’t isa, kaya nga, ang kalalakihan at kababaihan ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kadakilaan. …
“Sa banal na plano, ang mga lalaki’t babae ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kaganapan at puspos na kaluwalhatian. Dahil sa magkaiba nilang mga pag-uugali at kakayahan, hatid ng mga lalaki’t babae sa pagsasama nila ang mga natatanging pananaw at karanasan. Magkaiba ngunit magkapantay ang ambag ng lalaki at babae tungo sa pagkakaisa na hindi makakamit sa ibang paraan. Ang lalaki ay kukumpletuhin at ginagawang ganap ang babae at ang babae ay kukumpletuhin at ginagawang ganap ang lalaki habang natututo sila sa isa’t isa at parehong napapalakas at napagpapala ang bawat isa. …
“Pangalawang dahilan: Sa plano ng Diyos, kailangan kapwa ang lalaki at babae upang iluwal ang mga anak sa mundo at mailaan ang pinakamabuting lugar para sa pagpapalaki at pangangalaga sa mga anak” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano” Liahona, Hunyo 2006, 83–84; inalis ang boldface at italics).
-
Ayon kay Elder Bednar, bakit mahalaga sa ating kadakilaan ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae?
-
Ano ang epekto sa paghahanap ninyo ng mga katangian sa mapapangasawa ang pag-unawa sa doktrina na kailangan ang selestiyal na kasal para sa kadakilaan?
-
Bakit mahalaga na sa edad ninyo ay iprayoridad ninyo ang paghahandang maikasal sa templo nang pangwalang-hanggan?
Maaari mong ipaliwanag na ang mga pagpapala ng kadakilaan ay makukuha ng mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataon na makamtan ang selestiyal na kasal sa buhay na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa buklet na Tapat sa Pananampalataya:
“May ilang miyembro ng Simbahan na hindi nakapag-aasawa nang hindi nila sinasadya, kahit gusto nilang mag-asawa. Kung kayo ay nasa ganitong sitwasyon, mapanatag na ‘lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios’ (Mga Taga Roma 8:28). Kapag nanatili kayong karapat-dapat, ibibigay sa inyo balang araw sa buhay mang ito o sa kabilang buhay, ang lahat ng pagpapala ng walang hanggang ugnayan ng pamilya” (Tapat sa Pananampalataya: Isang sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 68).
-
Paano nakatutulong ang pagtupad sa inyong mga tipan sa binyag ngayon na maihanda kayo sa pagtanggap ng mga pagpapala sa templo? Ano ang maaaring gawin ngayon ng mga kabataang lalaki at babae para maiprayoridad ang selestiyal na kasal sa templo? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Hikayatin ang mga estudyante na iprayoridad ang kasal na pangwalang-hanggan sa templo. Patotohanan ang mga pagpapalang idinudulot ng selestiyal na kasal.
Doktrina at mga Tipan 131:5–6
Ipinaliwanag ng Propeta ang “mas tiyak na salita ng propesiya”
Magpakita sa mga estudyante ng nakasulat na garantiya o warranty.
-
Ano ang mga pakinabang na may hawak kayong garantiya?
-
Bakit napakahalaga na mayroon kayong garantiya mula sa Ama sa Langit?
Ipaliwanag na sa Ramus, Illinois, noong umaga ng Mayo 17, 1843, nagbigay ng mensahe si Joseph Smith tungkol sa isang parirala na matatagpuan sa II Ni Pedro 1:19 na naglalarawan ng garantiya mula sa Diyos (tingnan sa History of the Church, 5:392). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Ni Pedro 1:19 at ipahanap ang parirala. (“Lalong [tiyak] na salita ng [propesiya].”)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 131:5 at alamin ang ibig sabihin ng pariralang “mas tiyak na salita ng propesiya.” Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 5, ano ang ginarantiya ng Ama sa Langit sa isang tao sa pamamagitan ng mas tiyak na salita ng propesiya? (Buhay na walang hanggan.)
-
Ano kaya ang mararamdaman ninyo na makatanggap ng gayong garantiya? Bakit?
Paalala: Huwag magbigay ng haka-haka na may mga tao na nabubuhay pa na maaaring nakatanggap ng “mas tiyak na salita ng propesiya.” Gayunman, inilalahad sa mga banal na kasulatan na may ilang tao na nakatanggap ng katiyakang ito ng buhay na walang hanggan habang nasa mundo pa. Halimbawa, ipinahayag ng Panginoon ang katiyakang ito kay Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:49) at kay Alma (tingnan sa Mosias 26:20).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:6 at sabihin sa klase na alamin ang isang bagay na makahahadlang sa isang tao sa pagtanggap ng buhay na walang hanggan.
-
Ano ang sinabi ni Joseph Smith na bagay na magiging hadlang para tayo maligtas, o makatanggap ng buhay na walang hanggan? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking nauunawaan nila na hindi tayo maliligtas dahil sa kamangmangan. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan tungkol sa katotohanang ito. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang uri ng kaalaman na kailangan natin para tumanggap ng buhay na walang hanggan.
“Ang kaalaman tungkol sa ‘iisang Dios na tunay at…[kay] Jesucristo’ (Juan 17:3) ay pinakamahalagang kaalaman sa sansinukob; ito ang kaalamang sinabi ni Propetang Joseph Smith na kailangan upang maligtas ang tao. Ang kawalan nito ay ang kamangmangang tinukoy sa paghahayag kung saan nasusulat: ‘Hindi maaari para sa isang tao na maligtas dahil sa kamangmangan.’ (D at T 131:6.) (“Except a Man Be Born Again,” Ensign, Nob. 1981, 14).
-
Anong kaalaman ang dapat na mayroon tayo upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? Sa inyong palagay, bakit kailangan ang kaalamang ito para maligtas?
-
Ano ang magagawa natin para madagdagan ang kaalaman natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Doktrina at mga Tipan 131:7–8
Itinuro ni Joseph Smith na ang lahat ng espiritu ay bagay o materya [matter]
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang bumubuo sa mga espiritu.
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito? (Lahat ng nilikha ay binubuo ng mga materya [matter], ngunit ang materya [matter] na espiritu ay “mas pino o dalisay.”)
Magpatotoo sa mga alituntuning tinalakay sa Doktrina at mga Tipan 131, at hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang maaari silang maging higit na katulad Nila.