Seminary
Lesson 40: Doktrina at mga Tipan 35


Lesson 40

Doktrina at mga Tipan 35

Pambungad

Sa loob ng anim na buwan ng pagkakatatag ng Simbahan, tinawag sina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga American Indian (tingnan sa D at T 28:8; 30:5). Hindi nagtagal tinawag din sina Ziba Peterson at Parley P. Pratt upang makasama nila (tingnan sa D at T 32). Nang papunta na sila sa mga hangganan sa kanluran ng Missouri, tumigil sila sa Mentor, Ohio, at Kirtland, Ohio, kung saan ibinahagi nila ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa kaibigan ni Elder Pratt at dating ministro, si Sidney Rigdon. Sa maikling panahon mahigit 100 katao, kabilang na sina Sidney Rigdon at maraming miyembro ng kanyang kongregasyon, ang nabinyagan. Nadoble nito ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng Simbahan.

Nang lisanin ng mga elder ang Kirtland para patuloy na maglakbay, si Sidney Rigdon at ang isang kaibigang nagngangalang Edward Partridge ay nagpunta sa Fayette, New York, para makilala si Propetang Joseph Smith. Pagkarating nila, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 35. Nakasaad dito na binigyan ng Panginoon si Sidney ng mga partikular na responsibilidad sa bagong naipanumbalik na Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 35:1–12

Sinabi ng Panginoon na inihanda Niya si Sidney Rigdon para sa mas dakilang gawain

Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang naranasan ninyo na nakatulong sa inyo na malaman na kilala kayo ng Panginoon at may plano Siya para sa buhay ninyo?

Upang masimulan ang lesson, sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga sagot sa tanong na ito kung komportable silang gawin ito.

Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 35, partikular na binanggit ng Panginoon si Sidney Rigdon na bago pa lang nabinyagan at nakumpirma. Nangusap ang Panginoon kay Sidney tungkol sa tungkulin niya na tulungan si Propetang Joseph Smith. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pag-isipan ang tanong sa pisara habang pinag-aaralan nila ang mga tagubilin ng Panginoon kay Sidney.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang impormasyon tungkol kay Sidney Rigdon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng lesson na ito. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katibayan na kilala ng Panginoon si Sidney Rigdon at alam ang kanyang mga ginagawa.

  • Ano ang katibayang nakita ninyo na kilala ng Panginoon si Sidney Rigdon?

  • Ano ang ipinapahiwatig ng mga talatang ito tungkol sa kaugnayan ng Panginoon sa atin? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kilala tayo ng Panginoon at may gawain Siyang ipagagawa sa bawat isa sa atin.)

  • Bakit mahalaga sa inyo ang katotohanang ito?

Upang patunayan na kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

“Nagpapatotoo ako na matagal nang kilala ng Diyos ang bawat isa sa inyo (tingnan sa D at T 93:23). Noon pa man ay mahal na Niya kayo. … Alam din Niya ang inyong mga pangalan at lahat ng inyong hinanakit at galak!” (“Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 46).

Larawan
Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus

Magdispley ng larawan ni Juan Bautista na nangangaral o ni Juan na binibinyagan ang Tagapagligtas (tingnan sa Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus, Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 35; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung sino si Juan Bautista at paano niya inihanda ang iba para sa pagdating ni Jesucristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nakatulad ni Sidney Rigdon si Juan Bautista.

  • Ayon sa talata 4, paano nakatulad ni Sidney si Juan Bautista? (Inihanda niya ang iba sa patanggap ng kabuuan ng ebanghelyo.)

  • Sinabi ng Panginoon na si Sidney ay gagawa ng “isang mas mahalagang gawain” kaysa sa nagawa na niya (D at T 35:3). Ayon sa Doktrina at mga Tipan 35:6, ano ang kabilang sa “mas mahalagang gawain” na ito? (Tutulungan niya ang iba na mabinyagan at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng tamang awtoridad.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano kaya sila naihahanda ng kanilang mga karanasan at sitwasyon sa buhay para sa “mas mahalagang gawain” na ito sa hinaharap. Maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para maisulat ang tungkol dito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Ipaliwanag ang pariralang “at hindi mo ito alam” sa Doktrina at mga Tipan 35:4. Ipaliwanag na bago nalaman ni Sidney ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, inihahanda na niya ang kanyang sarili at ang ibang tao sa pagtanggap nito. Ginawa niya ito gamit ang Biblia para turuan ang mga tao sa kanyang simbahan sa Ohio. Magpatotoo na bagama’t hindi natin alam ang partikular na mga gawain na inilalaan ng Panginoon sa atin, mapagtitiwalaan natin na kilala Niya tayo. Kapag nagsikap tayong sundin Siya, tutulungan Niya tayong isakatuparan ang ipinapagawa Niya sa atin.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:7–11. Sabihin sa kanila na alamin ang mangyayari sa buhay ng mga naniniwala at nananampalataya sa Diyos sa mga huling araw.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga sumusunod sa Kanya nang may pananampalataya? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na doktrina: Ang Panginoon ay gagawa ng mga himala, palatandaan, at kababalaghan ayon sa pananampalataya ng mga naniniwala sa Kanyang pangalan.)

  • Sa inyong palagay, bakit napakalaki ng kinalaman ng mga himala, palatandaan, at mga kababalaghan sa pananampalataya?

Doktrina at mga Tipan 35:13–19

Ipinangako ng Panginoon na tutulungan Niya ang mga tinawag Niya na gumawa ng Kanyang gawain

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay magbubuo sila ng sports team. Sabihin sa kanila na ilarawan ang mga kalakasan at kasanayan na gusto nilang taglayin ng kanilang mga manlalaro.

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, inilarawan ng Panginoon ang mga tinawag Niya na tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:13 at sabihin sa klase na alamin ang mga katangian ng mga pinipili ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain.

  • Aling mga parirala sa talatang ito ang naglalarawan ng mga taong tinawag ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain?

  • Sa aling mga paraan na ang mga taong tinawag ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain ay maituturing na “mahihinang bagay ng sanlibutan”?

  • Bakit ang mga itinuturing ng sanlibutan na mahihina ay may potensyal na makatulong sa Panginoon sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain?

Ipaliwanag na ang salitang himayin (o giikin) sa talatang ito ay tumutukoy sa paggiik ng butil. Ang paggigiik ay ang paghihiwalay ng butil, na gaya ng trigo, mula sa tangkay at ipa nito. Itinatabi ang butil, at itinatapon ang tangkay at ipa.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “himayin ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu”? (Maaaring kailangan mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na tumutukoy ito sa paghihiwalay at pagtitipon ng Panginoon sa mga taong handa nang tanggapin ang ebanghelyo mula sa mga taong hindi pa handang tanggapin ang ebanghelyo.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 13? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit kailangang matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Tinatawag ng Diyos ang mahihina upang isakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang tao na kinakabahang magmisyon? Paano ito makatutulong sa isang tao na inatasang magturo sa simbahan pero nakadarama ng kakulangan ng kakayahan? Paano ito makatutulong sa isang tao na nahikayat na ibahagi ang ebanghelyo pero hindi sigurado sa sasabihin o gagawin niya?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 35:14–15 at hanapin ang mga paraang ipinangako ng Panginoon upang palakasin ang mga tumutulong sa Kanyang gawain.

  • Anong mga parirala sa mga talatang ito ang naglalarawan kung paano tayo pagpapalain ng Panginoon kapag tumulong tayo sa Kanyang gawain?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:17–19, 22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon kay Sidney Rigdon ukol kay Propetang Joseph Smith.

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon kay Sidney Rigdon ukol kay Propetang Joseph Smith? (“Bantayan siya upang ang kanyang pananampalataya ay hindi mawala,” “manatiling kasama niya,” at “huwag siyang iwanan.”)

  • Paano natin maiaangkop ang payong ito sa mga lider ng Simbahan ngayon?

Doktrina at mga Tipan 35:20–27

Iniutos ng Panginoon kay Sidney Rigdon na magsulat para kay Joseph Smith, ipangaral ang ebanghelyo, at sundin ang mga tipang kanyang ginawa

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang kanilang mga tungkulin o responsibilidad sa Simbahan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis at tahimik ang Doktrina at mga Tipan 35:20–23 at hanapin ang mga responsibilidad na ipinagagawa ng Panginoon kay Sidney Rigdon.

  • Ano ang ilan sa mga responsibilidad na ipinagagawa ng Panginoon kay Sidney Rigdon?

Ipaliwanag na isa sa mga responsibilidad ni Sidney ay maging tagasulat ni Joseph Smith. Ang mga dating tagasulat ni Joseph na sina si Oliver Cowdery at John Whitmer ay tinawag sa misyon. Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay kumpleto na sa panahong ito, subalit iniutos ng Panginoon kay Joseph na ibalik o baguhin ang ilang bahagi ng King James Version ng Biblia na nawala o binago. Kailangan ni Joseph ng tagasulat na makakatulong niya sa gawaing ito. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith.”)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Sidney kung tutuparin niya ang mga tipan na ginawa niya sa Panginoon. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng payayanigin ng Panginoon ang langit para sa iyong ikabubuti? (Ang isang posibleng kahulugan ay magpapadala ang Panginoon ng mga pagpapala at kapangyarihan ng langit para tulungan tayo na maisakatuparan ang Kanyang gawain at madaig ang kasamaan. Tingnan din sa D at T 21:6.)

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga talatang ito na tinutukoy ang isang alituntunin tungkol sa kung paano natin tagumpay na maisasakatuparan ang ipinagagawa ng Diyos sa atin. Iba-iba man ang pagpapahayag dito ng mga estudyante, dapat kakitaan ang kanilang mga sagot ng sumusunod na alituntunin: Kapag sinusunod natin ang mga kautusan at tinutupad ang ating mga tipan, tutulungan tayo ng Panginoon na isakatuparan ang Kanyang gawain. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa tatlong katotohanang nakasulat sa pisara:

Kilala tayo ng Panginoon at may gawain Siyang ipagagawa sa bawat isa sa atin.

Tinatawag ng Diyos ang mahihina upang isakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu.

Kapag sinusunod natin ang mga kautusan at tinutupad ang ating mga tipan, tutulungan tayo ng Panginoon na isakatuparan ang Kanyang gawain.

  • Paano nauugnay ang tatlong katotohanang ito sa pisara sa isa’t isa?

  • Kailan kayo (o ang isang taong kilala ninyo) nakatanggap ng tulong ng Panginoon habang sinisikap ninyong isakatuparan ang Kanyang gawain?

Sa pagtatapos, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:26–27.

  • Batay sa natutuhan ninyo sa Doktrina at mga Tipan 35, ano sa palagay ninyo ang mga dahilan para pasiglahin nina Sidney Rigdon at Joseph Smith ang kanilang mga puso at magalak?

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga dahilan kung bakit dapat nilang pasiglahin ang kanilang mga puso at magalak. Maaari mong idagdag ang iyong patotoo na handa tayong tulungan ng Panginoon sa pagsisikap nating tumulong sa Kanyang gawain.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 35:3–4. “Inihanda kita sa isang mas mahalagang gawain.”

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagtanggap ng plano ng Panginoon sa ating buhay:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon ay nagbibigay sa atin ng lakas na [tumanggap] at magpatuloy, anuman ang mangyari sa ating buhay. …

“… Huwag umasa sa pagpaplano ng bawat kaganapan sa inyong buhay—kahit ang bawat mahalagang kaganapan. Maghandang tanggapin ang plano ng Panginoon at ang kalayaang pumili ng iba sa mga bagay na hindi maiiwasang aapekto sa inyo. Mangyari pa, magplano, ngunit sa mga personal lang na pangakong magpapalakas sa inyo anuman ang mangyari. Iayon ang inyong buhay sa mga walang hanggang alituntunin, at kumilos ayon dito anuman ang kalagayan at kilos ng iba. Pagkatapos ay mahihintay ninyo ang tiyempo ng Panginoon at matitiyak ang kahihinatnan sa kawalang-hanggan” (“Tiyempo,” Liahona, Okt. 2003, 17).

Doktrina at mga Tipan 35:13–14. “Ang mahihinang bagay ng sanlibutan”

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang Simbahan ay walang propesyonal [o binabayarang] pari. Ang tawag na manungkulan sa pamumuno sa buong daigdig ay [kinukuha] mula sa kongregasyon. …

“Lahat ng ginagawa sa Simbahan—pamumuno, pagtuturo, pagtawag, pag-orden, pagdarasal, pag-awit, paghahanda ng sacrament, pagpapayo, at lahat ng iba pa—ay ginagawa ng mga ordinaryong miyembro, ‘ang mahihinang bagay ng sanlibutan’” (“Ang Mahina at Simple sa Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 6–7).

Ibinigay ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na paghihikayat sa mga taong nakadarama ng kakulangan o kapaguran sa pagtulong sa gawain ng Panginoon:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Kayong mga miyembro ng Simbahan na nag-aalangan dahil akala ninyo hindi ninyo kaya, nakikiusap akong lumapit kayo, lakas ninyo ay idagdag, at tumulong. Kahit dama ninyong kakaunti ang maitutulong ninyo, kailangan kayo ng Simbahan. Kailangan kayo ng Panginoon. Tandaan na madalas ay ang ‘mahihinang bagay ng daigdig’ ang pinipili ng Panginoon para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. [D at T 1:19.]

“Sa inyong lahat na napapagod, makinig sa nakaaalong mga salita ng Tagapagligtas, ‘Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.’ [Mateo 11:28.] Umasa tayo sa pangakong iyan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay mapupuno ng lakas at sigla ang ating espiritu at katawan. Hinihimok ko kayong hangarin ang pagpapalang ito ng Panginoon.

“Lumapit sa Kanya, at lalapit Siya sa inyo dahil ipinangako Niya na, ‘silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila’y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad, at hindi manganghihina.’ [Isaias 40:31.] …

“Tandaan, kung minsan yaong pinakamabagal sa simula ang pinakamalayo ang nararating” (“Pag-alala sa Nawala,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 18–19).

Doktrina at mga Tipan 35:13–14. “Aking bibigkisan ang kanilang balakang”

Itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na tutulungan tayo ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang gawain:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Ilan sa inyo ay maaaring likas na mahiyain o itinuturing ang sarili ninyo na kulang sa kakayahang magampanan ang tungkulin. Tandaan na ang gawaing ito ay hindi lamang sa inyo at sa akin. Ito ay gawain ng Panginoon, at kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na huhubugin ng Panginoon ang likod [natin] para makayanan ang pasanin na ilalagay dito” (“Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 62).

Doktrina at mga Tipan 35:19, 22. “Bantayan siya upang, … , manatiling kasama niya, … huwag mo siyang iwanan”

Iniutos ng Panginoon kay Sidney Rigdon na “bantayan [si Joseph Smith],” “manatiling kasama niya” at “huwag … siyang iwanan” (D at T 35:19, 22). Bagama’t tumiwalag si Sidney sa Simbahan matapos paslangin si Joseph Smith, siya ay tapat noong nabubuhay pa ang Propeta. Siya ay masigasig at tapat na lider ng Simbahan, ang tanging tagapayo sa Unang Panguluhan na naglingkod sa buong pamumuno ni Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan. Dumanas si Sidney ng matinding paghihirap kasama ang Propeta, at nakaranas siya ng mga dakilang espirituwal na pagpapamalas kasama ang Propeta.

Doktrina at mga Tipan 35:20. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

“Ang mga banal na kasulatan ay ibibigay, maging ang mga ito ay mula sa [aking] sariling dibdib” (D at T 35:20). Ipinahihiwatig ng talatang ito na ang gawain ni Joseph Smith sa inspiradong pagsasalin ng Biblia ay hindi lamang ibalik ang orihinal na teksto ng Biblia. Sa halip, ang biblikal na teksto ay dapat maipahayag ayon sa mensahe na nais mismo ng Panginoon na maihayag. Dahil dito, hindi lamang itinama o binago ni Joseph ang teksto ng Biblia, ngunit siya ay nabigyang-inspirasyon din na idagdag ang orihinal na kabilang dito, at dahil diyan mas ganap nating naunawaan ang mga katotohanan na nais ng Panginoon na maunawaan natin.

Doktrina at mga Tipan 35:23. “Tatawag sa mga banal na propeta upang patunayan ang kanyang mga salita”

Si Sidney Rigdon ay isang bihasang mangangaral na may mahusay na kaalaman sa Biblia. Iniutos sa kanya ng Panginoon na gamitin ang mga kaloob na ito upang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo at gamitin ang mga turo ng propeta sa Biblia para suportahan ang mga salita ni Joseph.

Print