Seminaries and Institutes
Lesson 83: Doktrina at mga Tipan 78–80


Lesson 83

Doktrina at mga Tipan 78–80

Pambungad

Noong Marso 1, 1832, ipinahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang mga pahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 78. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa Propeta na magtatag ng isang samahan (na makikilala kalaunan bilang Nagkakaisang Samahan [United Firm]) para pamahalaan ang mga kamalig o storehouse at gawain ng Simbahan sa paglilimbag. Inilahad rin ng Panginoon ang mga pagpapalang matatanggap ng mga Banal kung susundin nila ang utos na itatag ang samahang ito. Sa pagsisikap na maprotektahan ang organisasyon na pinamamahalaan ng Simbahan mula sa mga kaaway ng Simbahan, ilan sa mga wika ng paghahayag na ito ay binago nang una itong ilathala sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Halimbawa, ang Nagkakaisang Samahan ay tinukoy bilang “orden” o “nagkakaisang orden.” Sa panahong ding iyon nang iutos ng Panginoon kay Joseph Smith na itatag ang Nagkakaisang Samahan, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 79–80. Sa mga paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon sina Jared Carter, Stephen Burnett, at Eden Smith na maglingkod bilang mga misyonero.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 78:1–16

Iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na itatag ang Nagkakaisang Samahan

Magpakita ng maliit na halaga ng pera, at itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nagagamit ang pera para sa masasamang layunin?

  • Paano nagagamit ang pera para maisulong ang mabubuting layunin?

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na noong Mayo 1831 iniutos ng Panginoon na magtayo ng isang kamalig o storehouse para matipon ang sobrang suplay at pera para sa kapakanan ng mga maralita (tingnan sa D at T 51). Kalaunan dalawang kamalig ang naitayo: ang isa ay pinamamahalaan ni Sidney Gilbert sa Independence, Missouri, at ang isa ay pinamamahalaan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio. Sa responsibilidad na ito, sina Brother Gilbert at Brother Whitney ang kumikilos bilang mga kinatawan para sa Simbahan. Ang mga kamalig na ito ang nagbibigay sa mga Banal ng mga kinakailangang suplay, at kumikita rin para makabili ng lupain at magkaroon ng panggastos sa paglilimbag ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith. Ang mga kamalig na ito ay tumutulong din sa mga nangangailangan (tingnan sa D at T 72:10–12).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 78, ipabasa sa isang estudyante ang pambungad sa bahaging iyan na nasa 2013 edisyon ng mga banal na kasulatan:

“Ang paghahayag na ito ay orihinal na nagtagubilin sa Propeta, kina Sidney Rigdon at Newel K. Whitney na maglakbay patungo sa Missouri at makapagtatag ng kalakal at palimbagan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagtatag ng isang ‘samahan’ na mamamahala sa mga gawaing ito, magkaroon ng pondo para sa pagtatatag ng Sion at para sa kapakanan ng mga maralita. Ang samahang ito, na kilala bilang Nagkakaisang Samahan, ay itinatag noong Abril 1832 at binuwag noong 1834 (tingnan sa bahagi 82). Hindi pa natatagalan matapos itong buwagin, sa pamamahala ni Joseph Smith, ang pariralang ‘mga bagay-bagay ng kamalig para sa mga maralita’ ay napalitan ng ‘mga pangkalakal at palimbagan’ sa paghahayag, at ang salitang ‘samahan’ ay pinalitan ng salitang ‘orden.’”

Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na sa Doktrina at mga Tipan 78, ang salitang orden (tingnan sa talata 4) ay tumutukoy sa Nagkakaisang Samahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:3–4 at sabihin sa klase na alamin kung ano ang pinahihintulutang gawin ng samahang ito, o orden, sa mga Banal.

  • Ayon sa talata 4, ano ang adhikain na gustong isulong ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtatatag ng samahang ito? (Ang kaligtasan ng sangkatauhan.)

  • Ano ang ilang paraan na magagamit ang pera sa pagsusulong ng adhikain ng kaligtasan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na tulungan ang “mga maralita ng [Kanyang] mga tao” (D at T 78:3). Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman.

  • Paanong ang pagtulong sa mga maralita ay tutulong sa mga Banal na maging “pantay sa mga bagay sa lupa”?

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sa naunang paghahayag binigyang-kahulugan ng Panginoon ang pagkakapantay-pantay ayon sa mga kalagayan, pangangailangan, at mga kakulangan ng pamilya (tingnan sa D at T 51:3). Samakatwid, ang kautusang maging pantay sa mga bagay sa lupa ay hindi nangangahulugang ang lahat ng tao ay magkakaroon ng magkakapantay na halaga o dami ng resources, kundi ang lahat ng pamilya ay magkakaroon ng sapat para sa kanilang mga pangangailangan at kakulangan, ayon sa kani-kanyang kalagayan.

Ituro ang pariralang “mga bagay na makalangit” sa mga talata 5–6.

  • Sa inyong palagay, anong “mga bagay na makalangit” ang hangad ng Panginoon na maging magkakapantay tayo?

  • Paanong ang pagiging pantay sa mga bagay sa lupa ay nagtutulot sa atin na maging pantay sa pagtatamo ng mga bagay sa langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isa pang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na pangalagaan ang mga maralita. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa inyong palagay, paanong ang pangangalaga sa mga maralita ay maghahanda sa mga Banal upang mamana nila ang kahariang selestiyal?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talatang ito na maipamumuhay natin ngayon? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat kakitaan ang mga sagot nila ng sumusunod na alituntunin: Ang pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon ay naghahanda sa atin para sa isang lugar sa kahariang selestiyal.)

Sabihin sa mga estudyante na ilista ang mga kautusan ng Panginoon hanggang makakaya nila sa loob ng isang minuto. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga kautusan na nakalista sa pisara at magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng ilang pangungusap na nagpapaliwanag kung paano tutulong ang pagsunod sa kautusang iyon sa paghahanda nila para sa kahariang selestiyal. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang layunin ng Panginoon sa pagbibigay sa atin ng mga kautusan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita sa atin kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32).

  • Paanong ang pag-unawa sa layunin ng Panginoon sa pagbibigay sa atin ng mga kautusan ay tumutulong sa atin na sundin Siya nang may higit na katapatan?

Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 78:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pangalan ng mga taong inatasan ng Panginoon na magtatag ng Nagkakaisang Samahan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 9, kaninong kapulungan mauupo ang tatlong lalaking ito ayon sa iniutos sa kanila? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pariralang “mga banal na nasa Sion” ay tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan sa Independence, Missouri.)

Ipaliwanag na sinunod nina Joseph Smith, Newel K. Whitney, Sidney Rigdon, Peter Whitmer Jr., at Jesse Gause ang kautusang ito at naglakbay patungo sa Missouri noong Abril 1832. Hindi nagtagal pagkatapos nilang makarating doon, ang tatlo ay nagdaos ng kapulungan kung saan itinatag nila ang Nagkakaisang Samahan ayon sa iniutos sa paghahayag na ito. Ang samahan ay binubuo nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Newel K. Whitney, Edward Partridge, Sidney Gilbert, Oliver Cowdery, John Whitmer, William W. Phelps, at Martin Harris.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 78:10–16 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito binigyang-diin ng Panginoon na dapat pagkaisahin ng mga miyembro ng samahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tipan na pamahalaan ang mga negosyo ng Simbahan. Sa pagiging tapat sa tipang ito, tutulungan sila ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga kautusan. Ipinaliwanag din ng Panginoon na kung susundin ng mga Banal ang Kanyang mga tagubilin, ang Simbahan ay makatatayo nang hiwalay sa lahat ng iba pang mga entity o mga tao o samahan.

Doktrina at mga Tipan 78:17–22

Inilarawan ng Panginoon ang mga pagpapalang matatamo ng mga taong susunod sa Kanyang mga kautusan

Magpabanggit sa mga estudyante ng ilang regalo o pagpapala na natanggap nila noong sila ay mga bata pa na lalo pa nilang pinasasalamatan hanggang ngayon.

  • Bakit mas lalo pa ninyong pinasasalamatan ang mga regalo o pagpapalang ito ngayon?

  • Sa inyong palagay, paano nauugnay ang mga pagpapalang ito sa mga pagpapalang inihanda para sa atin ng Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natutulad sa maliliit na bata ang mga Banal.

  • Bakit mahirap kung minsan na maunawaan natin ang mga pagpapala ng Panginoon na inilalaan para sa atin?

  • Kahit hindi natin nauunawaaan o nakakayanan ang lahat ng bagay, ano ang paanyayang ibinibigay sa atin ng Panginoon? (Magalak tayo.)

  • Dahil alam natin na “aakayin [tayo]” (D at T 78:18) ng Panginoon na malampasan ang mga bagay na hindi natin maunawaan o makayanan, paano tayo tinutulungan nito na magalak?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:19 nang tahimik at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal. Pagkatapos ay ipalahad sa kanila ang nalaman nila.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga taong tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tinatanggap natin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat, pararamihin ng Panginoon ang ating mga pagpapala.)

  • Sa inyong palagay, bakit pararamihin ng Panginoon ang mga pagpapala ng mga taong tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat?

  • Sa pagtanggap din natin ng lahat ng bagay nang may pasasalamat, paano ito tumutulong sa atin na magalak?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila mas lubos na tatanggapin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:20–22 at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa dapat nating gawin dahil naunawaan natin ang mga pangakong inilarawan sa talata 19. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 79–80

Sina Jared Carter, Stephen Burnett, at Eden Smith ay tinawag na magmisyon

Sabihin sa mga estudyante na sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 79 at 80, ang Panginoon ay tumawag ng tatlong lalaki para maglingkod bilang mga misyonero. Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa isa sa magkakapartner na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 79 at sa mga kapartner nila ang Doktrina at mga Tipan 80. Sabihin sa kanila na alamin ang mga alituntunin na angkop sa gawaing misyonero sa pag-aaral nila ng mga bahaging naka-assign sa kanila.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner ang mga alituntuning nalaman nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang alituntunin na natutuhan nila. Sabihin sa kanila na sumulat ng ilang pangungusap tungkol sa paraan kung paano nila gagamitin ang alituntuning iyon upang maibahagi ang ebanghelyo sa isang taong kilala nila.

Tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo mo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay mo ngayon sa klase.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 78:5–6. “Pantay sa mga bagay sa lupa”

Sa sumusunod na pahayag, nagbabala si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng Simbahan na huwag ilagak ang kanilang mga puso sa mga bagay sa lupa:

Elder D. Todd Christofferson

“Maitatanong natin sa sarili, sa klase ng pamumuhay ng marami sa atin sa mga lipunang sumasamba sa mga pag-aari at kasiyahan, kung hindi ba tayo nag-iimbot at nagnanasang magkaroon pa ng mas maraming bagay na makamundo. Ang materyalismo ay isa pang pagsamba sa diyus-diyusan at kahambugang makikita sa Babilonia. Marahil matututo tayong makuntento sa kung ano ang sapat sa ating pangangailangan” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 39).

Doktrina at mga Tipan 78:15. Adan-ondi-Ahman

Ang Adan-ondi-Ahman ang lugar kung saan binasbasan ni Adan ang kanyang mabubuting angkan tatlong taon bago siya pumanaw (tingnan sa D at T 107:53–56) at kung saan siya darating upang makipagkita sa mga Banal bago ang panahon ng Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 116).

Doktrina at mga Tipan 78:15–16. Si Miguel at ang mga susi ng kaligtasan

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Si Adan ay kabilang sa mga katalinuhang binanggit ng Panginoon kay Abraham na itinalagang maging mga pinuno sa mundong ito. Siya si Miguel, isang prinsipe, at anak ng Diyos na piniling pumarito sa mundo at namuno sa kanyang angkan, may hawak ng ‘mga susi ng kaligtasan sa ilalim ng payo at tagubilin ng Ang Banal, na walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay’ [D at T 78:16]. Ang Banal na ito ay si Jesucristo. Sa mundo si Miguel ay kilala bilang si Adan. Sa buhay bago tayo isinilang siya ay isang espiritu tulad ng iba pa sa mga anak ng ating Ama” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 1:5–6). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 173.)

Doktrina at mga Tipan 78:20. Ang Anak na si Ahman

Elder Orson Pratt

Sinabi ni Elder Orson Pratt na “may isang paghahayag na karaniwang hindi alam ng mga taong ito. Sa palagay ko hindi ito nailathala, ngunit marahil nasa kasaysayan ito ng simbahan. Ibinigay ito sa mga tanong at mga sagot. Ang unang tanong ay, ‘Ano ang pangalan ng Diyos sa dalisay na wika?’ Ang sagot ay, ‘Ahman.’ ‘Ano ang pangalan ng Anak ng Diyos?’ Sagot, ‘Anak na si Ahman—ang pinakadakila sa lahat ng Anak ng Diyos at namumukod-tangi si Ahman’” (“Discourse,” Deseret News, Mayo 23, 1855, 82 [unang bahagi ng diskursong ito na inilathala sa Deseret News, Mayo 16, 1855, 76]; tingnan din sa Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, tomo 2 ng Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 215).

Pangulong Joseph Fielding Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Si Jesucristo ay tinatawag ding Anak na si Ahman. (Tingnan sa D at T 95:17.) Samakatwid ang kanyang pangalan ay nakaugnay sa pangalan ng lugar kung saan nanirahan si Adan. Sa kadahilanang iyan kaya binigyang kahulugan ito ni Elder Orson Pratt na ‘Ang Lambak ng Diyos’” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:310). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 173.)

Doktrina at mga Tipan 79. Sino si Jared Carter?

Si Jared Carter at ang kanyang asawa ay sumapi sa Simbahan noong 1831 habang naninirahan sa New York. Lumipat sila kasama ang mga Banal mula sa Colesville papunta sa Thompson, Ohio. Nagmisyon si Jared noong mga huling buwan ng 1831 at mga unang buwan ng 1832 sa Ohio, Pennsylvania, New York, at Vermont. Di nagtagal pagkatapos makauwi sa Amherst, Ohio, naglakbay siya patungo sa Hiram, Ohio, para dalawin ang Propeta at magtanong hinggil sa kanyang susunod na misyon. Noong Marso 12, 1832, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 79, na tinatawag si Jared Carter sa isa pang misyon. Siya ay umalis papunta sa kanyang misyon noong Abril 15, 1832. Ang kanyang misyon ay tumagal ng 6 na buwan at 2 araw, at nagbinyag siya ng 79 na tao.

Doktrina at mga Tipan 80. Sino si Stephen Burnett?

Wala pang isang buwan matapos mabinyagan ni Parley P. Pratt sa Kirtland, Ohio, ibinahagi ni John Murdock ang ipinanumbalik na ebanghelyo kay Stephen Burnett at sa pamilya nito noong huling bahagi ng Nobyembre 1830. Wala pang isang taon ang nakalipas, noong Oktubre 1831, si Stephen Burnett ay inordenan bilang mataas na saserdote sa edad na 17 sa isang kumperensya ng Simbahan sa Orange, Ohio. Noong Enero 25, 1832, natanggap ni Stephen ang tawag na mangaral ng ebanghelyo kasama ni Ruggles Eames (tingnan sa D at T 75:35). Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 80, na natanggap noong Marso 7, 1832, ay kinapapalooban ng isa pang tawag kay Stephen na ipangaral ang ebanghelyo at sa pagkakataong ito si Eden Smith ang makakasama niya. Umalis si Stephen papunta sa kanyang misyon noong Abril 1832 at nagsimulang mangaral kasama si Eden Smith noong Agosto ng taon ding iyon. Si Stephen Burnett ay nagmisyon sa New Hampshire at sa iba pang mga estado sa silangan mula 1832 hanggang 1834.