Lesson 45
Sa Ohio
Pambungad
Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng maikling buod ng mga karanasan ng mga Banal sa Ohio. Noong Disyembre 1830 iniutos sa mga Banal na lumipat sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3), at noong Enero 1831 sila ay pinangakuang “pag[ka]kalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” kung sila ay susunod (D at T 38:32).
Ang mga nagtipon sa Ohio ay pinagpala nang lubos. Ang patuloy na mga paghahayag ay nagbigay sa mga Banal ng mas malalim na pang-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo. Bukod dito, natanggap nila ang mga pagpapalang dulot ng pagtatayo ng templo at pangangaral ng ebanghelyo. Habang dumarami ang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio at lumalakas sa espirituwalidad, tumitindi rin ang oposisyon laban sa Simbahan at sa mga namumuno rito. Si Propetang Joseph Smith ay nanirahan sa Kirtland mula Enero 1831 hanggang Enero 1838.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Buod ng kasaysayan sa Kirtland
Ipaliwanag na noong Enero 1831, sina Propetang Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma, gayundin sina Sidney Rigdon at Edward Partridge, ay umalis ng New York papuntang Ohio. Karamihan sa mga Banal sa New York ay sumunod sa loob ng sumunod na limang buwan. Ang sumusunod na apat na mini lesson ay naglalaman ng buod ng mahahalagang kaganapan ng kasaysayan ng Simbahan sa Ohio. Hatiin sa apat na grupo ang klase, at mag-assign sa bawat grupo ng tig-iisang mini lesson. (Kung hindi sapat ang bilang ng mga estudyante sa klase mo, maaari mong hatiin sila sa mas kaunting grupo at mag-assign sa bawat grupo ng mahigit sa isang mini-lesson.) Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang kanilang outline at maghandang ibahagi ang materyal sa klase. Pagkatapos ng sapat na oras na nakapaghanda na ang mga estudyante, sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang kagrupo nila na magtuturo sa klase. Ang bawat lesson ay dapat tumagal nang tatlo hanggang apat na minuto.
Nahirapan nang labis ang matatapat na Banal sa Ohio dahil sa mga pagsalungat at apostasiya
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad sa itaas, ipaliwanag na sa panahong pinagpapala ng Panginoon ang mga Banal sa Ohio, lalo namang pinatindi ni Satanas ang pagsalungat niya sa Simbahan. Pagkarating ng mga Banal sa Kirtland, nagsimulanang batikusin ng mga anti-Mormon ang Simbahan.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith tungkol sa mga kalagayang ito:
“Maraming maling ulat, kasinungalingan, at walang kabuluhang mga kuwento, ang inilathala sa mga pahayagan, at ipinalaganap sa lahat ng lugar, upang hadlangan ang mga tao na siyasatin ang gawain, o tanggapin ang relihiyon” (sa History of the Church, 1:158).
Ipaliwanag na ilan sa mga negatibong ulat ay sinimulan ng ilang mga tumiwalag sa Simbahan dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Halimbawa, noong Setyembre 1831, tinangka ng dating miyembro ng Simbahan na si Ezra Booth na pigilan ang mga tao sa pagsapi sa Simbahan at inilathala ang siyam na liham na detalyadong naglalaman ng kanyang mga pamumuna sa Simbahan (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 203–4; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 113–15). Lalong pinasidhi ng mga liham na ito ang pagkapoot ng mga tao sa Simbahan. Ang pag-uusig na ibinunga ng gayong mga impluwensya ay paminsan-minsang humahantong sa karahasan, lalo na sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan.
Sa isang malalang insidente, noong gabi ng Marso 24, 1832, nilusob ng mga mandurumog na binubuo ng 25 hanggang 30 tao ang tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio, kung saan nanunuluyan sina Joseph at Emma Smith. Pinagtulungan ng kalalakihan si Joseph Smith at kinaladkad siya palabas sa kadiliman ng gabi. Sinakal nila siya, hinubaran, at pilit na pinasubo ang maliit na bote ng asido na ikinatapyas ng kanyang ngipin kaya sa tuwing magsasalita siya ay may kaunting sipol na naririnig. Pagkatapos ay iniwan nila siya na balot ng alkitran at mga balahibo. Nang makabawi ng lakas si Joseph pinilit niyang makabalik ng bahay. Pagdating niya sa pintuan at nakita ni Emma na balot siya ng alkitran, inakala ni Emma na pawang dugo ang kanyang nakita, at siya ay hinimatay. Magdamag na tinanggal ng mga kaibigan ni Joseph ang alkitran. Kinabukasan, araw ng Linggo, nagbigay ng mensahe si Joseph sa pulong na dinaluhan ng ilang miyembro ng mandurumog. Matapos ang pulong, bininyagan ni Joseph ang tatlong tao. (Tingnan sa History of the Church, 1:261–65.)
Sa oras na nagkakagulo at nalilito ang lahat dahil sa pandurumog, naiwang bukas ang pintuan ng bahay. Dahil dito, ang anak ni Joseph na si Joseph Murdock Smith, na may sakit na tigdas, ay nagkaroon ng “matinding sipon” at namatay makalipas ang limang araw. Nang gabi ring iyon si Sidney Rigdon ay hinawakan sa dalawang paa at hinila palabas ng kanyang tahanan. Nagkaroon siya ng malaking sugat sa ulo dahil sa magaspang na lupang balot ng makapal na niyebe, at ilang araw na nagdeliryo bunga nito. (Tingnan sa History of the Church, 1:265.)
Ipaliwanag na sa kabila nito at iba pang paghihirap, patuloy na nagtipon ang mga Banal sa Kirtland, lalo na mula noong 1836 hanggang 1838. Gayunpaman, tumindi ang pag-uusig noong taglamig ng 1837 at tagsibol ng 1838 kaya napilitang lisanin ng karamihan sa mga Banal ang Ohio. Ilang lider ng Simbahan, kabilang na sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Brigham Young, ay kinailangang lisanin ang Kirtland para sa kaligtasan ng kanilang buhay.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na bagama’t nakaranas ang Simbahan ng matitinding pagsubok at pang-uusig sa Kirtland, lubos na pinagpala ng Panginoon ang mga nanatiling tapat.