Lesson 135
Doktrina at mga Tipan 128:12–25
Pambungad
Ang lesson na ito ay sumasaklaw sa natitirang bahagi ng isang liham na isinulat ni Joseph Smith sa mga Banal noong mga unang araw ng Setyembre 1842. Sa bahaging ito ng liham, itinuro ng Propeta ang tungkol sa kaligtasan ng mga buhay at ng mga patay. Hinikayat niya ang mga Banal na maging matapat sa kanilang gawain para sa mga patay at inihayag ang kanyang kagalakan sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 128:12–18
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol sa kaligtasan ng mga buhay at ng mga patay
Magdispley ng larawan ng bautismuhan sa templo (halimbawa, “Bautismuhan sa Templo,” Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 121; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay dadalo sila ng open house ng isang templo kasama ang isang kaibigang hindi miyembro ng Simbahan. Matapos libutin ang bautismuhan, nagtanong ang kanilang kaibigan, “Bakit inilulubog kayo sa tubig kapag binibinyagan kayo?” Itinanong din ng kanilang mga kaibigan, “Bakit kayo nagpapabinyag para sa mga patay na tao?”
Ipaalala sa mga estudyante na noong nagtatago si Joseph Smith sa mga tao na naghahanap sa kanya para dakpin siya nang labag sa batas, sumulat siya sa mga Banal. Sa liham na ito, marami pa siyang itinuro sa kanila tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa simbolismo ng binyag.
-
Paano ninyo magagamit ang mga turo sa mga talata 12–13 upang matulungan ang isang tao na maunawaan kung bakit ginagawa ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit tayo nagbibinyag para sa mga patay.
-
Ayon sa talatang ito, bakit kailangan ng ating mga ninuno na magbinyag tayo para sa mga patay? (Kung kailangan, ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga salitang “sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap.” Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang ating mga ninuno na namatay nang walang ebanghelyo ay hindi magagawang ganap hanggang hindi naisasagawa ang mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila.)
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Ang inyong mga yumaong ninuno ay nakatira sa isang lugar na tinatawag na daigdig ng mga espiritu. Doon ay may pagkakataon sila na marinig at matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunman, hindi nila matatanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili, at hindi sila makasusulong hanggang sa magawa ng iba ang mga ordenansang ito para sa kanila.
“Ang inyong pribilehiyo at responsibilidad ay ibigay sa inyong mga ninuno ang kaloob na ito sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanila at pagtiyak na isinasagawa ang mga ordenansa para sa kanila sa templo. Pagkatapos nito ay sila na ang magpapasiya kung tatanggapin nila ang gawaing isinagawa” (Member’s Guide to Temple and Family History Work [2009], 2).
-
Ano kaya ang madarama ng mga ninuno ninyo kapag ginawa ninyo ang gawaing ito para sa kanila?
-
Ayon sa talata 15, ano ang isa pang dahilan kung bakit tayo nagbibinyag para sa mga patay? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang kaligtasan ng ating mga namatay na ninuno ay kailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan.)
-
Sa palagay ninyo, bakit “ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan”? (Matapos ang sapat na oras na natalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, sabihin sa kanila na marami pa silang matututuhan tungkol sa doktrinang ito habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Doktrina at mga Tipan 128.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga propeta sa Biblia na nagsulat tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano kaya makatutulong sa isang kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan ang mga talatang ito mula sa Biblia?
Magpakita ng isang kadena na maraming kawing, o magdrowing ng isa nito sa pisara.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nauugnay ang mga kawing sa kadena sa mga turo ni Joseph Smith tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay. (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang dispensasyon ay isang panahon kung kailan inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga doktrina, mga ordenansa, at priesthood. Maaari mo ring ipaliwanag na sa talatang ito, ang mga salitang mga anak ay tumutukoy sa atin at ang mga salitang mga ama ay tumutukoy sa ating mga ninuno.)
-
Paano nauugnay ang mga kawing sa kadena sa mga turo ni Joseph Smith tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang pagbibinyag para sa mga patay ay tumutulong na maiugnay tayo sa ating mga ninuno nang walang hanggan. Ipaliwanag na bukod pa sa binyag, ang iba pang mga nakapagliligtas na ordenansa—kumpirmasyon, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood [para sa mga kalalakihan], endowment sa templo, at ang ordenansa ng pagbubuklod—ay lubhang mahalaga rin upang mapag-ugnay ang ating mga ninuno at ang ating sarili.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga doktrina at alituntuning natukoy nila sa Doktrina at mga Tipan 128:12–18, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:
“Kailangang magkaroon ng isang organisasyon ng pamilya, isang yunit ng pamilya, at bawat henerasyon ay kailangang nakadugtong sa kawing na nauna rito para sa kaganapan ng organisasyon ng pamilya. Kaya sa bandang huli tayo ay magiging isang malaking pamilya at si Adan ang mamumuno, si Miguel ang arkanghel, na mamumuno sa kanyang angkan” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:175).
Ipaliwanag na ayon sa talata 18, ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa maliban kung mapag-uugnay ang mga henerasyon ng mga ama at ng mga anak. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:
“Kung walang nag-uugnay sa mga ama at mga anak—na siyang gawain para sa mga patay—itatatwa tayong lahat; ang buong gawain ng Diyos ay mabibigo at lubusang masasayang” (Doctrines of Salvation, 2:122).
Doktrina at mga Tipan 128:19–25
Si Joseph Smith ay nagpahayag ng kagalakan sa Panunumbalik ng ebanghelyo at hinikayat ang mga Banal na maging tapat sa paggawa para sa kaligtasan ng mga patay
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na natuwa sila sa narinig na napakagandang balita. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Kapag nakapagbahagi na sila, itanong sa kanila kung gusto nilang ibahagi ang balita sa iba at kung bakit.
Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:19. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Joseph Smith na masasayang balita na natanggap natin.
-
Ano ang “masasayang balita” na natanggap natin? (Ang ebanghelyo ni Jesucristo.)
-
Paano naging isang tinig ng kagalakan ang ebanghelyo ni Jesucrito para sa mga buhay at sa mga patay?
Ipaliwanag na isinulat ni Joseph Smith ang ilan sa mga pangyayaring naranasan niya sa mga sugo ng langit nang ipinanumbalik ang ebanghelyo sa pamamagitan niya. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 128:20–21 at tukuyin ang mga pangyayari at ang mga sugo. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Matapos nilang ibahagi ang natuklasan nila, ibuod ang kanilang mga komento sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na doktrina: Ang mga susi, mga kapangyarihan, at awtoridad ng mga nakaraang dispensasyon ay naipanumbalik sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong John Taylor:
“Ang mga alituntunin na mayroon si [Joseph Smith] ang nagtulot sa kanya na makipag-ugnayan sa Panginoon, at hindi lamang sa Panginoon, kundi sa mga sinaunang apostol at propeta; ang mga taong iyon, halimbawa, sina Abraham, Isaac, Jacob, Noe, Adan, Set, Enoc, at si Jesus, at ang Ama, at ang mga apostol na nabuhay sa kontinenteng ito, gayundin ang mga taong nabuhay sa Asiatic continent. Tila kilala niya ang mga taong ito na tulad ng pagkakilala natin sa isa’t isa. Bakit? Dahil kailangan niyang pasimulan ang dispensasyon na tinatawag na dispensasyon ng kaganapan ng panahon, at alam ito ng mga sinaunang tagapaglingkod ng Diyos” (The Gospel Kingdom [1987], 353.)
-
Ngayong alam na ninyo na naipanumbalik ang ebanghelyo sa mundo sa pamamagitan ng mga sugo ng langit, ano ang kaibhang nagawa nito sa inyong buhay?
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 128:22–23 ay naglalaman ng kagalakang ipinahayag ni Joseph Smith dahil ang mga susi ng priesthood ay naipanumbalik at dahil makatutulong ang mga Banal sa pagliligtas sa mga patay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga parirala na lubos na makahulugan sa kanila. (Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang iyon.) Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga pariralang iyon at ipaliwanag kung bakit makahulugan sa kanila ang mga ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:24, at sabihin sa klase na alamin ang iniutos ng Propeta na gawin ng mga Banal. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talatang ito, anong mabuting handog ang iaalay natin sa Panginoon? (Isang aklat na naglalaman ng mga talaan ng ating mga patay.)
-
Ano ang magagawa natin para makapag-ambag sa “aklat” na ito? Ano ang itinuturo sa atin ng talata 24 tungkol sa ating pakikibahagi sa gawain sa family history at gawain sa templo? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag gumagawa tayo ng family history at tumatanggap ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno, nag-aalay tayo ng mabuting handog sa Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang paglalarawan ni Elder Bednar ng kanilang tungkulin sa kaligtasan ng mga patay:
“Maaaring isipin ng marami sa inyo na ang gawain sa family history ay ginagawa lamang ng mga nakatatanda. Ngunit alam ko na hindi sinabi sa mga banal na kasulatan o mga patakarang ipinahayag ng mga pinuno ng Simbahan na para lang sa mga nasa hustong edad ang mahalagang paglilingkod na ito. …
“Hindi nagkataon lang na lumitaw ang … mga kasangkapan sa panahon na ang mga kabataan ay lubha nang pamilyar sa maraming teknolohiya sa pagkuha ng impormasyon at sa komunikasyon. … Ang mga kasanayan at kakayahan sa maraming kabataan ngayon ay isang paghahanda para makatulong sa gawain ng kaligtasan.
“… Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak. … At hinihimok ko kayong tulungan ang ibang tao na matukoy ang kanilang family history” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 26).
-
Sa anong mga paraan kayo makakabahagi sa gawain sa family history at gawain sa templo?
-
Kailan kayo nakapagbigay ng handog sa pamamagitan ng gawain sa family history at gawain sa templo? Sa paanong mga paraan kayo pinagpala dahil sa mga paghahandog na ito?
Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang matatanggap ng mga estudyante kapag nakibahagi sila sa gawain sa family history at gawain sa templo. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mga mithiin na tutulong sa kanila na magawa ang family history at gawain sa templo.