Seminaries and Institutes
Lesson 1: Ang Plano ng Kaligtasan


Lesson 1

Ang Plano ng Kaligtasan

Pambungad

Tinagubilinan ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga seminary teacher na magbigay ng maikling buod ng plano ng kaligtasan bago simulan ang kursong pag-aaralan sa bawat taon:

“Ang maikling buod ng ‘plano ng kaligtasan’ … , kung ituturo sa simula pa lang at pag-aaralang muli paminsan-minsan ay napakalaking tulong … sa inyong mga estudyante. …

“Nagtataka ang mga kabataan kung ‘bakit?’—Bakit tayo inutusang gawin ang ibang mga bagay, at bakit tayo inutusang huwag gawin ang ibang bagay? Ang kaalaman sa plano ng kaligayahan, kahit naka-outline lamang, ay nagbibigay ng sagot sa mga tanong na ‘bakit’ na nasa isip ng mga kabataan” (“The Great Plan of Happiness” [mensahe sa to CES religious educators, Ago. 10, 1993], LDS.org).

Ang lesson na ito ay nagbibigay ng maikling buod ng plano ng kaligtasan. Nakapokus ang lesson na ito sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na siyang “pangunahing katotohanan, ang napakahalagang saligan, at ang pinakamahalagang doktrina ng dakila at walang hanggang plano ng kaligtasan” (Jeffrey R. Holland, “Missionary Work and the Atonement,” Ensign, Mar. 2001, 8).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 1:39. (O maaaring bigkasin ito ng estudyante kung naisaulo na niya ito.) Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinahayag ng Ama sa Langit na layunin ng Kanyang gawain. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang layunin ng plano ng Ama sa Langit ay maglaan ng paraan na magkaroon tayo ng kawalang-kamatayan o imortalidad at buhay na walang hanggan.

  • Ano ang pagkakaiba ng imortalidad at buhay na walang hanggan? (Ang imortalidad ay ang mabuhay kailanman bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang; sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay tatanggap ng kaloob na ito. Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang mabuhay na kasama ang Diyos at ang ating mga pamilya nang walang hanggan; ang kaloob na ito ay matatamo rin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng mga taong sumusunod sa mga batas o ordenansa ng ebanghelyo.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga katagang “buhay na walang hanggan,” ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

Ang buhay ng Diyos ay buhay na walang hanggan; ang buhay na walang hanggan ay buhay ng Diyos —ang mga pahayag ay magkasingkahulugan” (Mormon Doctrine, Ika-2 edisyon [1966], 237).

  • Ano ang ilan sa mga pagpapalang ibinibigay sa mga taong tumatanggap ng buhay na walang hanggan?

Idrowing sa pisara ang kalakip na diagram. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang diagram o magsulat ng tala sa kanilang notebook o scripture study journal kapag pinag-aralan nila ang tungkol sa plano ng kaligtasan sa lesson na ito.

diagram 1 ng plano ng kaligtasan

Ipaliwanag na bago tayo isinilang sa mundo, namuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang mga espiritu. Nalaman natin doon ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligayahan at kung paano ang pagsunod sa planong iyan ay makatutulong sa atin na tuparin ang Kanyang mga layunin para sa atin (tingnan sa D at T 138:55–56; Abraham 3:22–28).

  • Paano tayo naiiba sa ating Ama sa Langit bago tayo isilang sa mundo? (Perpekto ang Kanyang katawan at pagkatao. Sa atin ay hindi.)

  • Sa premortal na buhay, ano ang inilahad sa atin ng Ama sa Langit para matulungan tayo na tumanggap ng imortalidad at buhay na walang hanggan? (Ang plano ng kaligtasan.)

Ipaliwanag na ginagamit natin ang salitang mortalidad para tukuyin ang buhay natin sa mundo. Tulad ng makikita sa kalakip na diagram, idagdag sa pisara ang drowing na oval na simbolo ng buhay sa mundo, at sulatan ito ng salitang Mortalidad. Magdrowing ng arrow mula sa Buhay bago tayo isinilang hanggang sa Mortalidad.

diagram 2 ng plano ng kaligtasan

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Bakit kailangan nating iwan ang kinaroroonan ng Diyos upang maging higit na katulad Niya? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng estudyante ang sumusunod: upang magkaroon ng katawan; upang matuto at umunlad sa pamamagitan ng paggamit ng ating kalayaang pumili.)

Matapos sumagot ang ilang estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Binigyan tayo ng Diyos ng plano. Ipinadala Niya tayong lahat sa lupa upang magkaroon ng katawan at karanasan at umunlad” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 25).

  • Ayon kay Pangulong Kimball, ano ang ilang dahilan kung bakit ipinadala tayo ng Diyos sa mundong ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ipinadala tayo ng Diyos sa lupa upang magkaroon ng katawan at karanasan at umunlad.)

  • Ano ang ginagampanan ng mga tukso, sakit, lungkot, pasakit, kabiguan, kawalan ng kakayahan, at iba pang mga paghihirap sa buhay sa ating mga pagsisikap na magkaroon ng buhay na walang hanggan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga hadlang sa atin sa pagkakaroon natin ng buhay na walang hanggan.

  • Ano ang ilang bagay na nararanasan natin sa mundo na maaaring makahadlang sa atin sa pagkakaroon natin ng buhay na walang hanggan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan sila na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Hinahadlangan tayo ng kasalanan na maging katulad ng ating Ama sa Langit at bumalik upang makasama Siya. Tingnan din sa Moises 6:57, na nagtuturo na sa pamamagitan ng pagsisisi, makababalik tayong muli sa piling ng Diyos.)

Sa pisara, isulat ang salitang Kasalanan sa diagram sa tabi ng Mortalidad. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 10:21, at ipabasa sa isa pa ang Moises 6:57, at sa isa pa ang Alma 41:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit hinahadlangan tayo ng kasalanan na maging katulad ng Ama sa Langit at magkaroon ng buhay na walang hanggan.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit hinahadlangan tayo ng kasalanan na maging katulad ng Ama sa Langit at magkaroon ng buhay na walang hanggan? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Walang maruming bagay ang makatatahan sa kinaroroonan ng Diyos.)

Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa isa na hawakan ang larawan na Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 56; tingnan din sa LDS.org) at ipahawak sa isa pa ang larawan na Pagpapako sa Krus (blg. 57). Ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:40–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang inilaan ng Ama sa Langit upang mapaglabanan natin ang kasalanan.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 76:40–42, ano ang tumutulong sa atin na mapaglabanan ang kasalanan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay nagdusa at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng lahat ng tao.)

Sabihin sa mga estudyante na may hawak ng mga larawan na ipaliwanag kung ano ang kinalaman ng mga pangyayaring ipinakita sa kanilang mga larawan sa ating kakayahang madaig ang mga epekto ng kasalanan. Idispley ang mga larawan sa pisara tulad nang ipinapakita sa kalakip na diagram.

diagram 3 ng plano ng kaligtasan na may mga larawan

Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara: D at T 18:22–23; D at T 25:13, 15. Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa isa sa magkapartner na basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:22–23, at sabihin sa kapartner niya na basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:13, 15. Sabihin sa kanilang dalawa na alamin kung ano ang dapat nating gawin para matanggap ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sabihin sa kanila na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang nalaman.

  • Ano ang dapat nating gawin para makalapit kay Jesucristo at tumanggap ng mga pagpapala ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang magpakita ng pananampalataya kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, tumanggap ng Espiritu Santo, magtiis nang may pananampalataya, tuparin ang mga tipan, at sundin ang mga kautusan. Tulad ng makikita sa kasunod na diagram, magdrowing ng arrow mula sa oval sa itaas papunta sa oval sa ibaba. Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa tabi ng arrow.)

Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagpapatotoo na kung tayo ay masunurin sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo, mapaglalabanan natin ang kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipaliwanag na kapag tayo ay gumagawa at tumutupad ng tipan sa binyag, tayo ay may awang patatawarin sa ating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi. Bukod diyan, sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, magagabayan tayo araw-araw sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

  • Paano kayo natulungan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa araw-araw na pagsisikap ninyo na ipamuhay ang ebanghelyo?

Ipaliwanag na bukod sa kasalanan, may pangalawang hadlang na dapat madaig upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Itanong sa mga estudyante kung matutukoy nila ang hadlang na ito.

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang Pisikal na Kamatayan sa diagram sa tabi ng salitang Kasalanan. Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa ating mga espiritu at katawan kapag namatay na tayo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:33–34 at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot sa sumusunod na tanong:

  • Paano nagiging hadlang ang permanenteng paghihiwalay ng ating espiritu at katawan para tayo maging tulad ng Diyos? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Hindi tayo matutulad sa Ama sa Langit kung wala tayong katawan na may laman at mga buto.)

Ipakita sa klase ang larawan ni Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59; tingnan din sa LDS.org), at sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag kung ano ang nangyayari sa larawan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 11:42–44. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ginawa ni Jesucristo upang madaig natin ang hadlang na pisikal na kamatayan.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ginawa ni Jesucristo para matiyak na madadaig natin ang pisikal na kamatayan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:14–17.

  • Paano nakapagbibigay ng galak sa inyo at sa inyong pamilya ang “pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli”?

Ipaalala sa mga estudyante na ang imortalidad ay isang kaloob na matatanggap ng lahat ng tao. Gayunpaman, ang buhay na walang hanggan ay ipinagkakaloob lamang ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa mga batas at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Ilagay ang larawan ni Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo sa pisara sa tabi ng ibang mga larawan. Isulat ang pariralang Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ibabaw ng tatlong larawan.

Magdrowing ng isa pang bilog sa itaas na oval at lagyan ng label na Buhay na Walang Hanggan. Magdrowing ng patayong arrow mula sa dulo ng arrow sa ibaba ng diagram hanggang sa mga salitang Buhay na Walang Hanggan.

huling diagram ng plano ng kaligtasan

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligayahan. Hikayatin sila na maghanap ng mga pagkakataon na maituro ang plano ng kaligayahan sa isang kapamilya o kaibigan.

Para tapusin ang lesson, ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan, marami pa silang matututuhan na mga katotohanan na nauugnay sa plano ng kaligayahan. Ang lesson na ito ay naglahad lamang ng maikling buod. Magbahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ng klase sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang Pagbabayad-sala ang sentro ng plano ng kaligtasan

Pinatotohanan ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay tinawag na ang ‘pinakadakila sa lahat ng kaganapan magmula sa paglikha hanggang sa mga panahon ng kawalang hanggan.’ [Bruce R. McConkie, The Promised Messiah: The First Coming of Christ (1981), 218.] …

“Ang sakripisyong iyon—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ay nasa sentro ng plano ng kaligtasan” (“Sakripisyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 19).

Ang mga aral ng buhay sa mundo

Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga hamon sa buhay ay makapagdadalisay sa atin:

Elder Joseph B. Wirthlin

“Ang pagkatutong magtiis sa mga panahon ng kabiguan, pagdurusa, at kalungkutan ay bahagi ng pagkatuto natin sa buhay. Ang mga karanasang ito, kahit madalas ay mahirap tiisin sa sandaling iyon, ang talagang mga uri ng karanasan na nagpapalawak sa ating pang-unawa, humuhubog sa ating pagkatao, at nagpapaibayo ng pagkahabag natin sa iba” (“Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 27).

Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang isa sa mga layunin ng mortalidad ay maranasan ang kagalakan: “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).

Hinihintay ng Ama sa Langit ang ating pagbalik

Nagpatotoo si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa hangarin ng Diyos na makabalik sa Kanyang piling ang bawat isa sa Kanyang mga anak:

Pangulong Thomas S. Monson

“Selestiyal na kaluwalhatian ang hangad natin. Sa piling ng Diyos natin nais manirahan. Nais nating mapabilang sa pamilyang walang hanggan. Ang mga pagpapalang iyan ay makakamtan sa pamamagitan ng habambuhay na pagsisikap, pagsusumigasig, pagsisisi, at sa huli ay pagtatagumpay. …

“Nagagalak ang ating Ama sa Langit sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos. Nag-aalala Siya sa batang nawawala, sa makupad na tinedyer, sa naliligaw na kabataan, sa iresponsableng magulang. Magiliw na nangusap ang Panginoon sa kanila, at maging sa lahat: ‘Magsibalik kayo. Magsilapit kayo. Pumasok ka. Magsiuwi na kayo. Magsi[lapit] sa akin.’

“… Bilang Kanyang natatanging saksi, pinatototohanan ko sa inyo na buhay Siya, at hinihintay Niya ang matagumpay nating pagbalik” (“Ang Takbo ng Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 93).

“Magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa langit na kahinatnan natin”

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang huling paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. Ito ay pagkilala sa huling epekto ng mga ginawa at inisip natin—kung ano ang magiging kahihinatnan natin. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at mga tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko upang magkamit ng gantimpala sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita sa atin kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32).

Ano ang pagkakaiba ng imortalidad at buhay na walang hanggan?

Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin:

Elder Joseph B. Wirthlin

“Ang buhay na walang hanggan … ay naiiba sa [imortalidad]. Ang imortalidad ay tungkol sa dami. Ang buhay na walang hanggan ay tungkol sa kalidad. …

“Ang buhay na walang hanggan ang pinakasukdulan ng pag-iral ng buhay. Bilang mga espirituwal na anak ng Diyos, kayo at ako ay mga tagapagmana ng walang-katumbas na kayamanang ito, tagapagpala sa isang maluwalhating kinabukasan, tagapagtanggap ng biyaya.

“Kung ang imortalidad ay gawain ng Diyos, kung gayon ang buhay na walang hanggan ang kaluwalhatian ng Diyos” (“What Is the Difference between Immortality and Eternal Life?” New Era, Nob. 2006, 8).