Seminaries and Institutes
Lesson 35: Doktrina at mga Tipan 29:1–29


Lesson 35

Doktrina at mga Tipan 29:1–29

Pambungad

Bago maganap ang kumperensya ng Simbahan noong Setyembre 26, 1830, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag sa harapan ng anim na elder. Sa pamamagitan ng paghahayag, nalaman ng mga elder na ito ang tungkol sa pagtitipon ng mga hinirang ng Tagapagligtas bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 29:1–13

Pinatotohanan ng Panginoon ang Kanyang Pagbabayad-sala at ang Kanyang hangaring tipunin ang Kanyang mga tao

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod: “Pasiglahin ang inyong mga puso at magalak” (D at T 29:5).

  • Bakit mahirap kung minsan na sundin ang payong ito? Ano ang ilang paraan na nalaman mo para masunod ang payong ito?

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 29:1–3 ay naglalaman ng mga salita ng Tagapagligtas na makatutulong sa atin na “pasiglahin ang [ating] mga puso at magalak.”

Si Cristo at ang mga Bata

Ipakita ang larawan na Si Cristo at ang mga Bata (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 47; tingnan din sa LDS.org) at, kung maaari, isang larawan ng manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw. Itanong kung may sinuman na makapaglalarawan kung paano at bakit tinitipon ng inahing manok ang kanyang mga sisiw. (Kung hindi alam ng mga estudyante, ipaliwanag na kapag nakakaramdam ng panganib ang isang inahing manok, tinatawag niya ang kanyang mga sisiw. Kapag lumapit na ang mga sisiw, tinitipon niya sila sa ilalim ng kanyang mga pakpak upang protektahan sila.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:2.

  • Paano nakakatulad ng Tagapaglitas ang inahing manok na nagtitipon at nagpoprotekta ng kanyang mga sisiw?

  • Ano ang dapat gawin ng mga sisiw upang ligtas na matipon at maprotektahan sa ilalim ng mga pakpak ng kanilang ina? (Kung kailangan, ipaliwanag na kailangang pumunta ang mga sisiw sa kanilang ina.)

Isulat sa pisara ang sumusunod: Titipunin tayo ni Jesucristo kapag tayo ay …

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 29:2, ano ang kailangan nating gawin upang matipon ng Tagapagligtas? (Gamitin ang mga sagot ng mga estudyante upang kumpletuhin ang alituntunin sa pisara: Titipunin tayo ni Jesucristo kapag tayo ay nakinig sa Kanyang tinig, nagpakumbaba ng ating sarili, at humiling sa Kanya sa panalangin.)

Ipaliwanag na mula sa simula, ipinropesiya ng mga propeta ang tungkol sa pagtitipon ng Israel. Ang sambahayan ni Israel—ang pinagtipanang tao ng Panginoon—ay titipunin sa mga huling araw bago ang pagparito ni Cristo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao kapag sila ay sumasampalataya sa Kanila at sinusunod ang Kanyang mga kautusan.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito, talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang paraan na naririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas? (Maaaring kasama sa sagot na naririnig natin ang Kanyang tinig sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga turo ng mga buhay na propeta at apostol, at sa inspirasyon ng Espiritu Santo.)

  • Ano ang kaibahan ng dinggin ang tinig ng Tagapagligtas sa pakinggan lamang ang Kanyang tinig?

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan nating magpakumbaba para matipon ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nilang malapit sila sa Tagapagligtas dahil nag-aaral sila ng mga banal na kasulatan, sumusunod sa mga salita ng mga buhay na propeta, o nagdarasal sa ating Ama sa Langit. Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang mga karanasang ito at paalalahanan sila na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.

Patingnan ang banal na kasulatan na isinulat mo sa pisara bago magklase.

  • Paano nagpapasigla ng inyong mga puso at nagbibigay-galak sa inyo ang isipin na kayo ay titipunin ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:1, 3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan para mapasigla ang ating puso at magalak tayo. Sabihin sa klase na tukuyin ang isang alituntunin sa mga talatang ito na nagpapaliwanag kung bakit mapapasigla natin ang ating mga puso at magagalak tayo.

Matapos ang sapat na oras, tawagin ang ilang estudyante para ibahagi ang alituntuning natukoy nila. (Dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Dahil nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan ang Tagapagligtas, mapapasigla natin ang ating mga puso at magagalak tayo.)

  • Paano nagdulot ng kaligayahan sa inyong buhay ang inyong patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante sa tanong na ito, maaari mo ring ibahagi ang iyong sagot.)

Ipaliwanag na isang paraan ng pagtitipon ng Tagapagligtas sa kanyang mga tao ay sa pamamagitan ng pagbabahagi natin ng ebanghelyo. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29, nangusap Siya sa anim na elder sa pamamagitan ni Joseph Smith at iniutos sa kanila na ipahayag ang Kanyang ebanghelyo.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:4–6. Hikayatin sila na hanapin ang mga salita at parirala na may kaugnayan sa gawaing misyonero. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga salita at mga parirala ang nahanap ninyo? Ano ang itinuturo sa inyo ng mga salita at mga pariralang ito tungkol sa karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinaliwanag ng Tagapagligtas tungkol sa ipinagagawa sa anim na elder na ito at bakit nila ito dapat gawin.

  • Ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas sa mga elder na ito? (“Isakatuparan ang pagtitipon ng [Kanyang] mga hinirang.”) Paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga hinirang? (Ang mga taong “naririnig ang [Kanyang] tinig at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso.”)

  • Paano nakatutulong ang mga missionary sa pagtitipon ng mga hinirang?

Ipaliwanag na noong ibigay ang paghahayag na ito, kaunti pa lang ang mga miyembro ng Simbahan. Nagawa ng mga Banal na “[matipon] sa isang lugar” (D at T 29:8). Gayunman, habang lumalago ang Simbahan, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa iba’t ibang lugar. Ngayon ay nagtitipon tayo sa mga stake ng Sion kung saan tayo nakatira.

  • Saang mga lugar tayo nagtitipon ngayon? (Maaaring kasama sa mga sagot ang mga tahanan, meetinghouse, at mga templo.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 29:9–13 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito ipinahayag ng Tagapagligtas na muli Siyang magbabalik sa mundo nang may kapangyarihan at kaluwalhatian. Ang mga hukbo na kasamang darating ng Tagapagligtas sa kaluwalhatian sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay ang matatapat na Banal na nabuhay sa lahat ng panahon sa kasaysayan ng daigdig. Ang mabubuti na namatay ay mabubuhay na muli, at ang masasama ay pupuksain. Si Jesucristo ay “mananahan sa kabutihan kasama ng mga tao sa mundo [na]ng isanlibong taon” (D at T 29:11).

Doktrina at mga Tipan 29:14–21

Inilarawan ni Jesucristo ang ilan sa mga palatandaan na magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipaliwanag na ang pagtitipon ng Israel ay bahagi ng ating paghahanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Naghayag pa ng ibang palatandaan ang Panginoon na magaganap bago sumapit ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 29:14–21 at alamin ang mga palatandaan na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga palatandaang ito sa kanilang banal na kasulatan o ilista ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Bago basahin ng mga estudyante ang mga talatang ito, bigyang-diin na hindi natin alam kung paano o kailan matutupad ang mga propesiyang ito.

Matapos mapag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito, ipaliwanag na bagama’t darating ang mga palatandaang ito dahil sa kasamaan, maaapektuhan nito ang lahat ng mga tao sa mundo, maging ang mabubuti. Maaari mong ipabasa ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“[Hinggil sa] pagparito ng Anak ng Tao … maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makakatakas’ [tingnan sa D at T 63:34]; gayunman maraming banal ang makakatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuc 2:4]; subalit maraming mabubuting mabibiktma ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 294).

  • Bakit gugustuhin ninyong matipon bilang isa sa mga hinirang ng Tagapagligtas kapag nangyari ang mga bagay na ito?

Ipaliwanag na kung tayo ay may pananampalataya kay Jesucristo at susunod sa Kanya, magkakaroon tayo palagi ng kapayapaan, kahit sa mga panahong tulad ng mga inilarawan sa paghahayag na ito. Upang mabigyang-diin ang katotohanang ito, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang ilan o lahat ng mga sumusunod na talata: Juan 14:27; 16:33; Doktrina at mga Tipan 59:23.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:17. Sabihin sa klase na alamin ang mga mangyayari kapag hindi tayo nagsisi.

  • Ano ang mangyayari kapag hindi tayo nagsisi? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi tayo magsisisi, ang nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo ay hindi makalilinis sa atin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa Doktrina at mga Tipan 29:17.)

Tiyakin sa mga estudyante na ang pinakamahalagang paghahanda na magagawa natin para sa Ikalawang Pagparito ay lumapit sa Tagapagligtas, magsisi, at malinis sa ating mga kasalanan. Sabihihin sa mga estudyante na pag-isipan kung may kailangan silang pagsisihan at ano ang dapat nilang gawin para malinis sa kasalanan.

Doktrina at mga Tipan 29:22–29

Inihayag ng Tagapagligtas ang mga katotohanan tungkol sa mangyayari pagkatapos ng Milenyo, pati na sa Huling Paghuhukom

Bigyan ang bawat estudyante ng isa sa mga sumusunod na talata mula sa Doktrina at mga Tipan 29: talata 22, talata 26, o mga talata 27–28. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang talata o mga talata na ibinigay sa kanila at tukuyin ang isang bagay na mangyayari sa katapusan ng Milenyo. (Para sa mga estudyante na sinabihang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 29:26, maaari mong ipaliwanag na si Miguel, ang arkanghel, ay si Adan. Tingnan sa D at T 107:54.) Matapos ang sapat na oras na mapag-aralan ng mga estudyante ang talata o mga talata na ibinigay sa kanila, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila, simula sa talata 22.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:27 at sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang ibibigay sa mabubuti sa Huling Paghuhukom.

  • Anong pagpapala ang darating sa atin kung matitipon tayo sa Tagapagligtas? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga namuhay nang mabuti at lumapit kay Jesucristo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Maaari mo silang hikayatin na markahan ang katotohanang ito sa Doktrina at mga Tipan 29:27.)

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng paglagay sa pisara ng larawan ni Jesucristo kasama ang mga bata. Pagkatapos ay isulat ang salitang Ako sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung saan nila ilalagay ang salitang Ako kung ang kahulugan ng paglalagay nito ay ang kanilang pagiging malapit sa Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga naranasan nila noong sumunod sila sa mga pahiwatig na mas naglapit sa kanila sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na pumili ng isang bagay na gagawin nila para maipamuhay ang natutuhan nila ngayon at mas mapalapit sa Kanya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 29:7. “Kayo ay tinawag upang isakatuparan ang pagtitipon ng aking mga hinirang”

Sa kanyang pagsasalita sa mga kabataang lalaki ng Simbahan, pinagtibay ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ating responsibilidad na tipunin ang hinirang ng Diyos:

Elder Neil L. Andersen

“Ang pagmimisyon ninyo ay isang banal na pagkakataon upang maakay ang iba patungo kay Cristo at tumulong sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

“Napakatagal nang sinabi ng Panginoon ang tungkol sa mahahalagang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Kay Enoc, sinabi Niyang, ‘Kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, … at kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya nang isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.’ [Moises 7:62.] Ang propetang si Daniel ay nagpropesiya na sa mga huling araw ang ebanghelyo ay lalaganap sa buong mundo gaya ng ‘bato na tinibag sa bundok, hindi ng mga kamay.’ [Daniel 2:45.] Sinabi ni Nephi na ang Simbahan sa mga huling araw ay kakaunti lang ngunit lalaganap sa buong mundo. [Tingnan sa 1 Nephi 14:12–14.] Ipinahayag ng Panginoon sa dispensasyong ito, ‘Kayo ay tinawag upang isakatuparan ang pagtitipon ng aking mga hinirang.’ [Doktrina at mga Tipan 29:7.] … Ang inyong misyon ay dakilang oportunitad at responsibilidad, na mahalaga sa ipinangakong pagtitipon na ito at may kaugnayan sa inyong walang hanggang tadhana” (“Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 50–51).

Doktrina at mga Tipan 29:7–9. Ang mga Banal ay magtitipon sa mga stake ng Sion

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol kung saan dapat magtipon ang mga Banal:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang mga stake ng Sion ay … itinatatag sa mga dulo ng mundo. Kaugnay nito, pagnilayan natin ang mga katotohanang ito: Ang stake ng Sion ay bahagi ng Sion. Hindi kayo makalilikha ng stake ng Sion nang hindi lumilikha ng bahagi ng Sion. Ang Sion ay ang may dalisay na puso; nagkakaroon tayo ng dalisay na puso sa pamamagitan ng binyag at sa pamamagitan ng pagsunod. Ang isang stake ay may heograpikong hangganan. Ang paglikha ng isang stake ay parang pagtatatag ng Lunsod ng Kabanalan. Ang bawat stake sa mundo ay lugar ng pagtitipon ng mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel na naninirahan sa pook nito.

“Ang lugar ng pagtitipon para mga Peruvian ay sa mga stake ng Sion sa Peru, o sa mga lugar na kalaunan ay magiging mga stake. Ang mga lugar ng pagtitipon para sa mga Chilean ay sa Chile; ang mga Bolivian ay sa Bolivia; ang mga Koreano ay sa Korea; at gayon din sa lahat ng panig ng mundo. Ang ikinalat na Israel sa bawat bansa ay tatawagin upang matipon sa kawan ni Cristo, sa mga stake ng Sion, na itinatag sa kanilang mga bansa” (“Come: Let Israel Build Zion,” Ensign, Mayo 1977, 118).