Home-Study Lesson
Doktrina at mga Tipan 72–76:80 (Unit 16)
Pambungad
Ang lesson na ito ay nakatuon sa nalaman nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol sa Tagapagligtas at sa mga kahariang selestiyal at terestriyal sa pamamagitan ng pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang pagsisikap na maisaulo ang scripture passage sa Doktrina at mga Tipan 76:40–41, maaari mong bigkasin ito kasabay nila sa simula o katapusan ng klaseng ito.
Doktrina at mga Tipan 76:20–24
Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nakakita ng pangitain tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Para sa devotional hymn, ipakanta sa klase ang “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Ang mga salita ng himnong ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kapangyarihan ng mga alituntuning matututuhan nila ngayon.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod na sitwasyon: Habang nasa klase sa paaralan, sinimulang talakayin ng inyong titser ang mga relihiyon sa mundo. Nang mabanggit ang Kristiyanismo, nagtanong ang titser kung may mga Kristiyano sa klase na handang magbahagi ng kanilang paniniwala tungkol kay Jesucristo.
-
Kung kayo ay nasa sitwasyong ito, ano ang sasabihin ninyo na pinaniniwalaan at alam ninyo tungkol kay Jesucristo?
Bigyang-diin na marami tayong matututuhang katotohanan tungkol kay Jesucristo sa Doktrina at mga Tipan 76. Tulungan ang mga estudyante na marebyu ang konteksto ng paghahayag na ito sa pagtatanong ng mga sumusunod:
-
Ano ang ginagawa nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon bago nila natanggap ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76? (Kung kailangan, hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin ang pambungad sa bahagi 76.)
-
Sino ang unang nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa pangitain? (Kung hindi matandaan ng mga estudyante, ipabasa sa kanila nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 76:20–24 para mahanap ang sagot.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:20–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katotohanang nalaman nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol kay Jesucristo.
-
Anong mga katotohanan ang nalaman nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pangitaing ito? (Ipalista sa isang estudyante ang mga sagot sa pisara.)
Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang doktrina, kabilang ang sumusunod: Si Jesucristo ay buhay, at may maluwalhating katauhan; ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may magkahiwalay na katauhan; si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama; si Jesucristo ang Tagapaglikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig; at tayo ay mga anak na lalaki at mga bababe ng Diyos. (Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang huling alituntunin, maaari mong ipabasa sa kanila ang Mosias 5:7.)
-
Alin sa mga katotohanang nakasulat sa pisara ang mapatototohanan ninyo? Paano ninyo nalaman na totoo ito?
Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 76:22–24 ay isang scripture mastery passage. Sabihin sa klase na tukuyin kung kanino pa nagpakita si Jesucristo maliban kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon. (Sa kanilang home-study lesson para sa Day 3, ang mga estudyante ay pinaghanap ng mga cross-reference sa iba pang mga tala sa mga banal na kasulatan kung saan nagpatotoo ang mga propeta na nakita nila ang Tagapagligtas. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Exodo 33:11; I Mga Hari 11:9; at Isaias 6:5; tingnan din sa Mateo 5:8.)
Doktrina at mga Tipan 76:50–80
Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mga kahariang selestiyal at terestriyal sa pangitain
Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang lugar na gusto nilang puntahan kapag bakasyon o pista opisyal. (Ilista sa pisara ang kanilang mga sagot.) Bilugan ang isa sa mga lugar na nakalista sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang rutang kailangang daanan nila upang makarating sa piniling destinasyon. Pumili ng iba pang lugar mula sa nakalista sa pisara na may malaking kaibhan sa unang lugar na binulugan mo.
-
Kung susundin ninyo ang rutang inilarawan ninyo para sa unang lugar na pupuntahan ninyo, makakarating ba kayo sa iba pang lugar na ito?
-
Paano nakakaimpluwensya ang lugar na pinili ninyo sa landas na daraanan ninyo para makarating dito?
Sabihin sa mga estudyante na buksan ang kanilang gabay sa pag-aaral sa “Doktrina at mga Tipan 76: diagram ng Outline ng Pangitain” sa lesson para sa Day 3.
-
Paano nauugnay ang ating talakayan tungkol sa mga ruta at destinasyon sa pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76? (Mula sa pangitaing ito nalaman natin ang tungkol sa mga landas, o pagpili, na hahantong sa walang hanggang destinasyon na posible sa bawat isa sa atin.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:51–53 na naglalarawan sa landas tungo sa kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:72–79 na naglalarawan sa landas tungo sa kahariang terestriyal. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang pagkakaiba ng kahariang selestiyal at terestriyal.
-
Ano ang ilan sa mga pagkakaibang napansin ninyo sa mga yaong magmamana ng kadakilaan sa kahariang selestiyal sa mga yaong magmamana ng kahariang terestriyal? (Ang isa sa malalaking pagkakaiba na maaaring mapansin ng mga estudyante ay ang mga magmamana ng kahariang terestriyal ay “hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” [D at T 76:79].)
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 76:51–53, at alamin ang alituntuning itinuro sa mga talatang ito.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong alituntunin: Kung tayo ay matatag sa ating patotoo kay Jesus, …
-
Mula sa nalaman ninyo sa mga talata 51–53, paano ninyo kukumpletuhin ang alituntuning ito? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay matatag sa ating patotoo kay Jesus, makakamtan natin ang kadakilaan sa kahariang selestiyal ng Diyos.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang kaibhan ng pagkakaroon ng patotoo sa Tagapagligtas at pagiging matatag sa patotoong iyan?
-
Ano ang ilang ginagawa o pag-uugali ang makikita ninyo sa mga taong hindi matatag sa patotoo o pagpapatotoo sa Tagapagligtas?
-
Ano ang nakatulong sa inyo upang maging matatag sa inyong patotoo o pagpapatotoo kay Jesucristo?
Magpatotoo na bawat isa sa kanila ay may potensyal na makamtan ang kadakilaan sa kahariang selestiyal. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung ang pinipili nila ay umaakay sa kanila patungo sa walang hanggang destinasyon na magdadala sa kanila ng napakalaking kaligayahan. Hikayatin sila na maging matatag sa kanilang patotoo kay Jesucristo.
Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 76:81–119; 77-83)
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Bakit higit ang inaasahan ng Panginoon sa mga taong nakatanggap ng higit na liwanag at kaalaman? Bukod pa sa tatapusin nila ang pag-aaral ng pangitan na ibinigay kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, malalaman ng mga estudyante sa susunod na unit ang inaasahan ng Panginoon sa mga taong binigyan Niya ng marami. Babasahin din ng mga estudyante ang paliwanag tungkol sa “apat na nilalang” na binanggit sa Apocalipsis 4:6–9.