Seminaries and Institutes
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 124–28 (Unit 27)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 124–128 (Unit 27)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 124–128 (unit 27) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 124:1–83)

Ang Doktrina at mga Tipan 124 ang unang paghahayag na natanggap sa Nauvoo, Illinois, na nailathala sa Doktrina at mga Tipan. Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa utos ng Panginoon na magtayo ng templo sa Nauvoo, nalaman nila na ang templo ang tanging lugar kung saan matatamo natin ang kabuuan ng mga ordenansa ng priesthood para sa pagtubos ng mga buhay at mga patay. Natuklasan din nila na kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon, pinapatunayan natin ang ating katapatan.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 124:84–145; 125–126)

Sa pagtatapos ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral tungkol sa Doktrina at mga Tipan 124, malaman nila na kung makikinig tayo sa payo ng mga propeta, makabubuti ito sa atin, at tumatawag ang Panginoon ng mga lider ng priesthood para mapamahalaan ang gawain ng ministeryo at tulungang maging sakdal ang mga Banal. Sa Doktrina at mga Tipan 125 at 126, nalaman ng mga estudyante na kung masigasig tayong gagawa para sa Panginoon, tatanggapin Niya ang ating mabubuting gawa.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 127; 128:1–11)

Ang Doktrina at mga Tipan 127 at 128 ay hango sa mga liham ni Propetang Joseph Smith na isinulat sa mga Banal habang siya ay nagpapalipat-lipat para makaiwas sa hindi makatarungang pag-aresto ng mga opisyal ng Missouri. Sa mga bahaging ito natuklasan ng mga estudyante na ang pagtitiwala sa Ama sa Langit ay makatutulong sa atin na matiis ang pagsubok at paghihirap at kapag maayos na naitala, ang mga ordenansa sa templo na nagawa natin sa lupa ay may bisa rin sa langit.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 128:12–25)

Sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 128, natukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin na nauugnay sa gawain sa templo: Ang kaligtasan ng ating mga patay ay kailangan at mahalaga sa ating kaligtasan. Ang pagbibinyag para sa mga patay ay tumutulong na maiugnay tayo nang walang hanggan sa ating mga ninuno. Ang mga susi, kapangyarihan, at awtoridad ng mga nagdaang dispensasyon ay naipanumbalik na sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Kapag gumagawa tao ng gawain sa family history at tumatanggap ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno, nag-aalay tayo ng mabubuting gawa sa Panginoon.

Pambungad

Ang lesson na ito ay nakatuon sa Doktrina at mga Tipan 124:1–21. Kapag pinag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito, malalaman nila ang tungkol kina Joseph at Hyrum Smith at ang mga ginampanan nila sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 124:1–14

Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit tinawag Niya si Joseph Smith upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo

Isulat sa pisara ang salitang Malakas. Itanong sa mga estudyante kung ano ang mga katangian, ayon sa mga pamantayan ng mundo, ang karaniwang naiisip kapag inilalarawan ang isang taong malakas. Kapag sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng Malakas. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang salitang Mahina. Itanong sa mga estudyante kung ano ang mga katangian, ayon sa mga pamantayan ng mundo, ang karaniwang naiisip kapag inilalarawan ang isang taong mahina.

  • Sa anong mga paraan ipinaparamdam ng mundo na mahina ang isang kabataang lalaki o babae ayon sa mga pamantayan nito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 35:13. Ipabasa sa kanila nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 124:1 at alamin kung sino ang inilarawan ng Panginoon na mahina.

  • Sa anong mga paraan maaaring naging mahina si Joseph Smith nang tawagin siya na ipanumbalik ang ebanghelyo?

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 35:1, bakit tatawag ang Panginoon ng mahihinang tao para tumulong sa Kanyang gawain? (Sa pagsagot ng mga estudyante, ibuod ang kanilang mga sagot na isinusulat sa pisara ang isang katotohanan na katulad ng sumusunod: Ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang karunungan sa pamamagitan ng mahihinang bagay ng mundo.)

  • Sa paanong mga paraan ipinakita ng Panginoon ang Kanyang karunungan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?

Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang calling at assignment na maaaring matanggap nila habang tinedyer pa sila. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang home teacher, miyembro ng class o quorum presidency, missionary, pagsasalita sa sacrament meeting, o pag-fellowship sa isang tao sa kanilang ward o branch.)

  • Paano makatutulong na alalahanin natin ang alituntuning nakasulat sa pisara kapag tumatanggap tayo ng iba’t ibang calling at assignment na maglingkod sa Simbahan?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:2–14 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na sumulat ng isang pagpapahayag ng ebanghelyo sa mga namumuno sa mundo.

Doktrina at mga Tipan 124:15–21

Ang Panginoon ay nagbigay ng mga tagubilin sa mga lider ng Simbahan sa Nauvoo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na pinuri sila nang taos-puso ng isang tao. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at kung bakit mahalaga sa kanila ang mga papuring ito.

Ipaliwanag na nagbanggit ang Panginoon ng ilang tao sa paghahayag na ito at pinuri ang kanilang mga kalakasan at mga kontribusyon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 124:15–20, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga indibiduwal na ito. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang pinakanapansin nila. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na humarap sa kapartner at ibahagi ang natuklasan nila, pati ang mga pahayag na pinakanapansin nila at ang dahilan kung bakit.

Maaari mong ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 124:19 ipinahayag ng Panginoon na ang tatlong matatapat na kalalakihan na pumanaw kamakailan (sina David W. Patten, Edward Partridge, at Joseph Smith Sr., ang ama ng Propeta) ay tinanggap sa presensya ng Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 124:15, 20, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol kina Hyrum Smith at George Miller.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol kina Hyrum Smith at George Miller?

  • Ano ang nadarama ng Panginoon sa mga taong may matapat na puso o may integridad? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Minamahal at pinagkakatiwalaan ng Panginoon ang mga taong may matapat na puso.)

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang matapat na puso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Joseph B. Wirthlin

“Para sa akin ang ibig sabihin ng katapatan ay palaging paggawa ng tama at mabuti anuman ang ibunga nito. Ibig sabihin ay pagiging mabuti mula sa kaibuturan ng ating kaluluwa, hindi lamang sa ating mga kilos kundi, ang pinakamahalaga, sa ating isipan at puso. Ang katapatan ay nangangahulugang pagiging mapagkakatiwalaan at may integridad na hindi tayo sisira sa tiwala o tipang ibinigay sa atin” (“Personal Integrity,” Ensign, Mayo 1990, 30).

  • Batay sa depinisyon ni Elder Wirthlin sa palagay ninyo, bakit mahal ng Panginoon ang mga taong may integridad?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano ipinakita ni Hyrum Smith ang katapatan ng kanyang puso, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Si Hyrum Smith, kuya, kaibigan, at tagapagturo sa Propeta, ay nagpakita ng lubos at hindi mapag-aalinlangang pagmamahal, katapatan, at integridad sa Panginoon at sa kanyang nakababatang kapatid na si Joseph. Ang pagiging malapit nila bilang magkapatid ay hindi mapapantayan. …

“Tungkol kay Hyrum, sinabi ng Propeta: ‘Dalangin ko sa aking puso na lahat sana ng aking mga kapatid [sa Simbahan] ay tulad ng aking mahal na kapatid na si Hyrum, na nagtataglay ng kahinahunan ng isang tupa, at katapatan ng isang tao na tulad ni Job, at sa madaling salita, ang kaamuan at kababaang-loob ni Cristo at mahal ko siya, pagmamahal na mas matibay kaysa kamatayan, dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataon kailanman na kagalitan siya, o kagalitan niya ako.’ (History of the Church, 2:338.) …

“Si Hyrum ay matatag, maging sa harap ng kamatayan. Kasunod ng isang panahon ng matinding paghihirap at pag-uusig, isinulat niya:

“‘Nagpapasalamat ako sa Diyos na naramdaman kong determinado akong mamatay, sa halip na itatwa ang mga bagay na nakita ng aking mga mata, nahawakan ng aking mga kamay [ang mga lamina kung saan nagmula at isinalin ang Aklat ni Mormon], at pinatotohanan ko ito, anuman ang mangyari sa akin; at tinitiyak ko sa aking mga minamahal na kapatid na nagawa kong magbahagi ng malakas na patotoo, gayong kamatayan lamang ang ibubunga nito, sa buong buhay ko.’ (Times and Seasons, Dis. 1839, p. 23.)” (“The Family of the Prophet Joseph Smith,” Ensign, Nob. 1991, 7).

  • Paano ipinakita ni Hyrum Smith ang kanyang katapatan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang aspeto sa kanilang buhay na nangangailangan ng higit na katapatan. Hikayatin sila na magtakda ng personal na mithiin na lalo pang pairalin ang kanilang integridad sa aspetong iyon.

Tapusin ang lesson na ibinabahagi ang iyong patotoo sa mga alituntuning itinuro ngayon.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 129–132)

Itanong sa mga estudyante kung alam nila kung ilang antas ng kaluwalhatian ang naroon sa kahariang selestiyal. Ipaliwanag na sa mga pag-aaral nila sa susunod na linggo, matutuklasan nila ang ilang alituntunin na nauugnay sa kahariang selestiyal at sa plano ng kaligtasan.