Home-Study Lesson
Doktrina at mga Tipan 60–64 (Unit 14)
Pambungad
Noong tag-init ng 1831, pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang paglalaan ng lupain kung saan itatayo ng mga Banal ang Sion sa Independence, Missouri. Sa panahong wala ang propeta, hindi sinunod ng ilang miyembro ng Simbahan sa Ohio ang mga kautusan ng Panginoon at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Ang lesson na ito ay nakatuon sa ilan sa mga kautusang binigyang-diin ng Panginoon matapos bumalik si Joseph Smith sa Ohio—kabilang na ang mga kautusang huwag magnasa at patawarin ang iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 63:1–21
Binalaan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa ibubunga ng kasamaan at paghihimagsik
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, bakit sa inyong palagay ay mahalagang mamuhay ayon sa mga paniniwala natin bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo? Ipabahagi sa mga estudyante ang mga sagot nila sa klase.
Ipaliwanag na noong tag-init ng 1831, habang si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nasa Missouri upang ilaan ang lupain at ang lugar na pagtatayuan ng templo sa Sion, ilang miyembro ng Simbahan ang palihim na gumawa ng mabibigat na kasalanan. Pagbalik ng Propeta sa Ohio, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang tawag ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan sa talatang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano naiiba ang pagtawag sa ating sarili na mga tao ng Panginoon sa pagiging mga tao ng Panginoon? (Sa pagtalakay ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong ipaliwanag na hindi lang tinawag ng marami sa mga Banal ang kanilang sarili na mga tao ng Panginoon. Sila rin ay nanatiling tapat.)
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang mabuti ang talata 1 at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga tumatawag sa kanilang sarili na Kanyang mga tao.
-
Ano ang gusto ng Panginoon na gawin natin bilang Kanyang mga tao? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Bilang mga tao ng Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga puso at pakinggan ang Kanyang salita at Kanyang kalooban hinggil sa atin.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng buksan ang inyong mga puso?
-
Paano tayo inihahanda ng pagbubukas ng ating mga puso sa pakikinig sa tinig ng Panginoon?
-
Ano ang ginagawa ninyo na tumutulong sa inyo para mabuksan ang inyong puso?
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 63:2–21 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ng Panginoon ang mga yaong walang pananampalataya, naghahanap ng mga tanda, at nagkasala ng pangangalunya at iba pang mabibigat na kasalanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babalang ibinigay ng Panginoon.
-
Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa talata 16?
-
Ano ang ibig sabihin ng tumingin sa ibang tao nang may pagnanasa? (Ang ibig sabihin ng pagnanasa ay “[pagkakaroon] ng masidhing pagnanais na hindi tama sa isang bagay” o sa isang tao [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagnanasa,” scriptures.lds.org]. Ang ibig sabihin ng tumingin sa iba nang may pagnanasa ay tumingin nang hindi angkop sa katawan ng isang tao o sa paraang mapupukaw ang seksuwal na damdamin. Kabilang dito ang panonood ng pornograpiya.)
-
Anong alituntunin ang makikita ninyo sa babala ng Panginoon sa talata 16? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung titingnan natin ang iba nang may pagnanasa, hindi mapapasaatin ang Espiritu at itatatwa natin ang pananampalataya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Sa inyong palagay, bakit ang pagnanasa sa iba ay nagiging dahilan ng pagkawala ng Espiritu sa isang tao?
-
Ano ang magagawa natin para mapaglabanan ang tuksong pagnasaan ang iba?
Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa pag-iwas sa pagnanasa, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na payo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga talata. Pagkatapos mabasa ang bawat talata, sabihin sa klase na ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang payo na ito na mapaglabanan ang tuksong magnasa.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Una sa lahat, magsimula sa paglayo sa mga tao, materyal at kalagayan na makapipinsala sa inyo. …
“… Kung ang palabas sa telebisyon ay malaswa, isara ito. Kung malaswa ang pelikula, iwan ito. Kung may nabubuong maling relasyon, putulin ito. Marami sa mga impluwensyang ito, na sa una, ay maaaring di naman mukhang masama, ngunit maaari nitong palabuin ang ating pagpapasiya, pahinain ang ating espirituwalidad, at humantong sa bagay na maaaring masama.
“Palitan ang masasamang kaisipan ng mga larawang puno ng pag-asa at ng masasayang alaala; isipin ang mga mukha ng inyong mga minamahal na manlulumo kung sila’y bibiguin ninyo. … Anuman ang nasa isip ninyo, tiyaking nasasapuso ninyo ito dahil ninanais ninyo.
“Linangin at pumaroon kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon. Tiyaking kasama riyan ang inyong sariling tahanan o apartment, na siyang dapat na gabay ninyo sa pagpili ng uri ng sining, musika at literaturang ilalagay ninyo roon” (“Huwag nang Magbigay-puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 45, 46).
Itanong kung may estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang patotoo kung paano sila pinagpala dahil sa kanilang pagsisikap na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri.
Doktrina at mga Tipan 64:8–19
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na patawarin ang isa’t isa
Ipaalala sa mga estudyante ang kanilang assignment mula sa Day 3 ng unit na ito na sisikapin nilang isaulo ang Doktrina at mga Tipan 64:9–11, na isang scripture mastery passage. Sabihin sa klase na bigkasin ang mga talatang ito nang malakas at sabay-sabay. (Maaaring tingnan ng mga estudyante ang kanilang mga banal na kasulatan para makatulong sa kanila.) Itanong kung gusto ng sinumang estudyante na bigkasin ang mga talatang ito nang malakas at mag-isa para sa klase. Isulat sa pisara ang sumusunod na kautusan: Iniutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang lahat ng tao.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang patawarin ang lahat ng tao, humingi man sila ng tawad o hindi para sa maling ginawa nila?
-
Paano makatutulong sa atin na ipaubaya sa Diyos ang paghatol sa mga taong nakasakit sa atin?
-
Kailan ninyo nadamang pinagpala kayo dahil pinatawad ninyo ang isang tao?
Ipaliwanag na kung minsan handa tayong patawarin ang iba, ngunit nahihirapan tayong patawarin ang ating sarili.
-
Bakit kailangan nating patawarin ang ating sarili?
Ituro ang unang alituntunin na isinulat mo sa pisara sa simula ng klase: Bilang mga tao ng Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga puso at pakinggan ang Kanyang salita at Kanyang kalooban hinggil sa atin. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nakabukas ang kanilang puso sa mga pahiwatig o impresyon sa pag-aaral nila ngayon ng mga banal na kasulatan. Hikayatin silang kumilos ayon sa mga pahiwatig at impresyong natanggap nila mula sa Panginoon, at magpatotoo na kapag ginawa nila ito sila ay magiging mga tao ng Panginoon.
Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 65–71)
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Paano lalaganap ang isang bato hanggang sa mapuno nito ang buong mundo? Paano tayo personal na nakikilala ng Panginoon? Bakit malaki ang obligasyon ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng ebanghelyo? Ano ang mangyayari sa mga magulang kapag hindi nila ito ginawa? Ipaliwanag sa mga estudyante na sa kanilang pag-aaral sa linggong ito, matutuklasan nila ang mga sagot sa mga tanong na ito.