Lesson 123
Doktrina at mga Tipan 115–116
Pambungad
Noong Abril 26, 1838, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 115. Inihayag ng Panginoon ang pangalan ng Simbahan, at iniutos sa mga Banal na “bumangon at magliwanag” (D at T 115:5), at inihayag ang Kanyang kalooban hinggil sa templo sa Far West. Noong Mayo 19, 1838, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 116, na tumutukoy sa Spring Hill, Missouri, bilang Adan-ondi-Ahman.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 115:1–6
Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan na “bumangon at magliwanag”
Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:
Idispley ang mga pangalan o logo ng ilang kumpanya o organisasyon na malamang na pamilyar ang iyong mga estudyante. Huminto sandali matapos ipakita ang bawat isa, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na nakasulat sa pisara.
Ipakita ang pangalan at logo ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa mga tanong sa pisara tungkol sa pangalan ng Simbahan habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 115.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 115:1–3 sa pagpapaliwanag na ang paghahayag na ito ay ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith para sa mga lalaking binanggit sa mga talata 1–2 at sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:4 at alamin ang ipinangalan ng Panginoon sa Kanyang Simbahan. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat ang pangalan ng Simbahan sa pisara tulad ng sumusunod:
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pangalan ng Simbahan, sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kapartner nila kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng bawat salita o parirala na nakasulat sa pisara. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya hinggil sa kahulugan ng bawat salita o parirala. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang salitang Ang ay nagsasaad ng kakaibang katayuan ng ipinanumbalik na Simbahan sa mga relihiyon sa daigdig.
“Ang mga salitang Simbahan ni Jesucristo ay nagpapahayag na ito ang Kanyang Simbahan. …
“Ang sa mga Huling Araw ay nagpapaliwanag na ito rin ang Simbahang itinayo ni Jesucristo nang magministeryo Siya sa lupa ngunit ipinanumbalik sa mga huling araw na ito. …
“Ang salitang Banal … ay tumutukoy lang sa lahat ng naghahangad na pabanalin ang kanilang buhay sa pakikipagtipang sundin si Cristo” (“Ang Kahalagahan ng Pangalan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 80).
-
Ano ang ilang mahahalagang katotohanan na ipinahahatid ng pangalan ng Simbahan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang inaasahan ng Panginoon sa mga kabilang sa Kanyang Simbahan.
-
Ano ang inaasahan ng Panginoon sa atin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan?
-
Sa palagay ninyo ano ang ibig sabihin ng “bumangon at magliwanag” bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
-
Ayon sa talata 5, ano ang pagpapalang darating kapag sinunod ng mga miyembro ng Simbahan ang payo ng Panginoon na bumangon at magliwanag? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay babangon at magliliwanag, ang ating liwanag ay magiging isang sagisag sa mga bansa. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa talata 5.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin na ang ating liwanag, o halimbawa, ay maging “sagisag sa mga bansa”? (Ang sagisag ay isang watawat o bandila na nagsisilbing lugar na pagtitipunan o simbolo na nagbibigay-inspirasyon. Ang ating halimbawa bilang mga miyembro ng Simbahan ay makahihikayat sa iba at mailalapit sila sa Panginoon.)
-
Paano ang pagsunod natin sa utos ng Tagapagligtas na bumangon at magliwanag ay nakahihikayat sa mga tao na lumapit sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong ang ating liwanag sa iba, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:
“Ilang taon na ang nakararaan, si Constance, isang student nurse, ay inatasang tulungan ang isang babaeng nasugatan ang binti sa isang aksidente. Ayaw magpagamot ng babae dahil may naranasan siyang hindi maganda sa isang tao sa ospital. Natakot siya at halos ayaw magpakita. Sa unang pagbisita ni Constance pinaalis siya ng babaeng sugatan. Sa pangalawang beses, hinayaan niyang pumasok si Constance. Ngayon, ang mga binti ng babae ay puno ng mga malalaking nagnanaknak na sugat, at ang ilang bahagi sa laman ay nabubulok na. Pero ayaw pa rin nitong magpagamot.
“Ipinagdasal ito ni Constance, at sa loob ng isa o dalawang araw dumating ang sagot. Nagdala siya ng kaunting foaming hydrogen peroxide sa sumunod niyang pagbisita. Dahil wala itong hapdi, pumayag ang matandang babae na ipahid niya ito sa kanyang binti. Tapos pinag-usapan nila ang mas seryosong gamutan sa ospital. Tiniyak ni Constance dito na pasasayahin ng ospital ang pananatili niya hangga’t maaari. Sa loob ng isa o dalawang araw lumakas ang loob ng babae na magpaospital. Nang bisitahin siya ni Constance, nakangiti ang babae nang sabihin nitong, ‘Nakumbinsi mo ako.’ Tapos, di inaasaha’y tinanong niya si Constance, ‘Saang simbahan ka kabilang?’ Sinabi sa kanya ni Constance na siya ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi ng babae: ‘Sabi ko na nga ba. Alam kong sugo ka sa akin sa unang araw pa lang na makita kita. May liwanag sa iyong mukha na napansin ko sa ibang mga kamiyembro mo. Kinailangan kong magtiwala sa iyo.’
“Sa loob ng tatlong buwan ang nagnananang binti ay lubusan nang gumaling. Pinaganda ng mga miyembro ng ward na kinaroroonan ng matandang babae ang kanyang tirahan at inayos ang kanyang bakuran. Nakipagkita ang mga misyonero sa kanya, at di naglao’y nabinyagan siya [tingnan sa Constance Polve, “A Battle Won,” New Era, Abr. 1980, 44–45]. Lahat ng ito’y dahil napansin niya ang liwanag sa mukha ng batang student nurse” (“Ang Liwanag sa Kanilang mga Mata,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 22).
-
Ano ang ginawa ni Constance upang “bumangon at magliwanag”?
-
Paano naging sagisag sa sugatang babae ang liwanag sa mukha ni Constance?
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito, sabihin sa kanila na umisip ng isang taong kilala nila na isang mabuting halimbawa ng pagbangon at pagliwanag. Tawagin ang ilang estudyante para maibahagi nila kung sino ang naisip nila at paano sila pinagpala ng halimbawa ng taong iyon. Habang nakikinig ka sa kanilang mga sagot, magtanong pa ng mga bagay na maghihikayat sa mga estudyante na magbahagi pa ng kanilang mga naiisip at nadarama.
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gagawin nila upang mas maging magandang sagisag o halimbawa sila sa mga nakapaligid sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:6. Sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapala na ipinangako sa mga magtitipon sa Simbahan sa mga istaka o stake ng Sion.
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako sa mga nagtitipon sa mga istaka ng Sion? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nagtitipon tayo sa mga istaka ng Sion upang magkaroon ng tanggulan at kanlungan.)
-
Ano ang kailangan natin upang maipagtanggol natin ang ating mga sarili? Bakit kailangan natin ang kanlungan? Sa anong mga paraan ninyo nakikita na ang pagtitipon natin nang sama-sama bilang mga Banal ay nakatutulong sa atin na maipagtanggol ang ating sarili at makahanap ng kanlugan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang kakilala na mapagpapala sa pakikipagtipon sa mga Banal. Hikayatin ang mga estudyante na pagliwanagin ang kanilang ilaw upang maakay ang iba sa kapayapaan, kaligtasan, at kanlungan na inilalaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Doktrina at mga Tipan 115:7–19
Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng lunsod sa Far West at magtayo ng templo
Ipaliwanag na isa sa mga paraan para matamo natin ang pangangalaga at pagliligtas ng Panginoon ay sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya sa templo. Matapos simulan ng mga Banal na lumipat sa Far West, Missouri, noong 1836, nagplano ang mga lider ng Simbahan na magtayo ng templo na katulad ng templo sa Kirtland, Ohio. Kahit may mga nauna nang paghuhukay na ginawa dito, ipinagpaliban muna ang pagtatayo hanggang hindi pa nakatatanggap si Joseph Smith ng karagdagang tagubilin mula sa Panginoon. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa templo bilang bahagi ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 115.
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 115:7–16 na ipinapaliwanag na inihayag ng Panginoon na isang templo ang dapat itayo sa Far West ayon sa huwaran na ibibigay Niya sa Unang Panguluhan. Iniutos din ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na huwag mangutang para sa pagtatayo ng templo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:17–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ng mga Banal sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith sa Far West at mga kalapit na pook.
-
Ano ang nais ng Panginoon na gawin ng mga Banal sa Far West? Ano ang dapat nilang gawin sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith sa mga pook sa paligid ng Far West?
-
Ayon sa talata 19, ano ang mga katangiang dapat na taglay ng Pangulo ng Simbahan ngayon para mapamahalaan ang gawain ng Panginoon sa mundo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Hawak ng Pangulo ng Simbahan ang mga susi upang pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa mundo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng doktrinang ito sa talata 19.)
Patingnan sa mga estudyante ang mga tanong sa pisara, at sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano nila sasagutin ang mga ito batay sa natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan 115.
Doktrina at mga Tipan 116:1
Tinukoy ng Panginoon ang Adan-ondi-Ahman bilang lokasyon ng susunod na pulong sa pagitan ng Panginoon at Kanyang mga tao
Ipaliwanag na sinunod ni Joseph Smith ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 115:18 at nilibot ang mga lugar sa paligid ng Far West. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 116 at sabihin sa mga estudyante na alamin ang pangalan ng lugar na ginalugad ni Joseph.
Ipabasa nang malakas sa estudyante ang Doktrina at mga Tipan 116:1, at sabihin sa klase na alamin ang inihayag ng Panginoon tungkol sa Spring Hill, Missouri. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mapa at ang larawan ng Adan-ondi-Ahman sa likod ng kanilang mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar, Mapa 5, “Ang Mga Dako ng Missouri, Illinois, at Iowa sa Estados Unidos ng Amerika” at sa Mga Larawan ng mga Pook ng Kasaysayan ng Simbahan, Larawan 10, “Ang Lambak ng Adan-ondi-Ahman”).
Ipaliwanag na tinukoy sa paghahayag na ito ang lokasyon ng magiging katuparan ng propesiyang ginawa noon ni propetang Daniel (tingnan sa Daniel 7:9–10, 13–14). Ang propesiyang iyan ay naglalarawan sa isang kaganapan sa mga huling araw kung saan ang Tagapagligtas at si Adan ay dadalaw sa mundo at mamumuno sa isang pulong bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa buong mundo (tingnan sa D at T 27:5–14).