Lesson 10
Joseph Smith—Kasaysayan 1:55–65
Pambungad
Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang ilang mahahalagang pangyayaring naranasan niya noong siya ay nasa pagitan ng edad 17 at 22. Kabilang sa mga pangyayaring ito ang pagtulong niya sa pagtataguyod ng kanyang pamilya, ang kamatayan ng kanyang kapatid na si Alvin, at ang pagpapakasal niya kay Emma Hale. Isinulat din ni Joseph na matapos ang ilang taong pagtanggap ng tagubilin mula sa anghel na si Moroni, ipinagkatiwala sa kanya ang mga lamina at sinimulan na niyang isalin ang Aklat ni Mormon. Ipinakita ni Martin Harris sa mga eksperto sa New York ang kopya ng ilan sa mga titik mula sa mga lamina at ang pagkakasalin ng mga ito. Pinagtibay ng mga ekspertong ito na tunay ang mga titik at wasto ang pagkakasalin. Gayunman, isa sa mga ekspertong ito ang hindi naniwala sa salaysay ni Joseph Smith tungkol sa pagkakuha niya ng mga lamina, na katuparan ng propesiya mula sa aklat ni Isaias (tingnan sa Isaias 29:11–12 at 2 Nephi 27:15–20).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Joseph Smith—Kasaysayan 1:55–58
Nagtrabaho si Joseph Smith kay Josiah Stoal at pinakasalan si Emma Hale
Paalala: Sa Joseph Smith—Kasaysayan, binanggit ng Propeta si Josiah Stoal. Sa ilang mga talaan ng kasaysayan, si Stoal ay tinutukoy rin na Stowell o iba pang baybay.
Sabihin sa ilang estudyante na magbanggit ng isang mahalagang pangyayari sa kanilang buhay sa nakalipas na ilang taon. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano naimpluwensiyahan ng pangyayaring iyon ang kanilang pagkatao at kanilang kinabukasan. Pagkatapos ay sabihin sa klase na magbanggit ng ilang mahahalagang pangyayari na inaasahan nilang magaganap sa buhay nila sa susunod na limang taon. Ipaliwanag sa mga estudyante na pag-aaralan nila sa lesson ngayon ang mahahalagang pangyayari sa buhay ni Propetang Joseph Smith na naganap sa loob ng limang taon. Ipaliwanag na sa salaysay na nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:55–65, si Joseph Smith ay nasa pagitan ng edad 17 at 22—malapit sa edad ng maraming estudyante sa seminary.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:55–58 at alamin ang mahahalagang pangyayari sa buhay ni Joseph Smith.
-
Anong mahahalagang pangyayari ang naganap sa panahong ito ng buhay ni Joseph Smith? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod: namatay ang kapatid ni Joseph na si Alvin; nagtrabaho si Joseph kay Josiah Stoal; pinakasalan ni Joseph si Emma Hale.)
Joseph Smith—Kasaysayan 1:59–62
Tinanggap ni Joseph ang mga lamina at sinimulan ang pagsasalin dito
Magdala ng isang bagay na galing sa bahay mo (o ituro ang isang bagay sa inyong silid-aralan) na mahalaga sa iyo at iniingatan mo. Ipaliwanag kung bakit mahalaga ang bagay na iyon at kung bakit pinaka-iingatan mo ito.
-
May nakita ka na bang tao na pinabayaan o hindi iningatan ang isang bagay na mahalaga? Bakit ginagawa ito ng ilang tao?
Ipaliwanag na ipinagkatiwala kay Joseph Smith ang isang napakahalagang bagay. Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang matututuhan nila mula sa kanyang halimbawa sa pag-aaral nila ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:59–62.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:59. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mahahalagang bagay na ibinigay ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith.
-
Anong mga bagay ang ipinagkatiwala ni Moroni kay Joseph Smith? (Ang mga laminang ginto, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib. Ipaliwanag na ang Urim at Tummim ay kasangkapang inihanda ng Diyos para matulungan ang tagakita sa gawain ng pagsasalin at sa pagtanggap ng paghahayag.)
-
Ano ang itinagubilin ni Moroni kay Joseph Smith tungkol sa mga lamina? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “gagawin ang lahat ng pagsisikap upang ang mga ito ay maingatan.”)
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Kapag tinanggap natin ang responsibilidad at iningatan ang ibinigay sa atin ng Panginoon, Siya ay .
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Joseph kung iingatan niya ang mga lamina?
Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng sagot para makumpleto ang pahayag sa pisara. Ang sumusunod ay isa sa maaari nilang itugon: Kapag tinanggap natin ang responsibilidad at iningatan ang ibinigay sa atin ng Panginoon, Siya ay magbibigay ng proteksyon at tulong.
Para matulungan ang mga estudyante na maihalintulad ang karanasan ni Joseph sa kanilang mga sitwasyon, itanong ang sumusunod:
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga sagradong gawain o tungkulin na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang paggalang sa ating mga katawan, mga tipan sa binyag at templo, awtoridad at tungkulin ng priesthood, tungkulin sa Simbahan, ang ating responsibilidad na pangalagaan ang ating isipan at espiritu, ang ating mga responsibilidad sa pamilya at pakikipag-ugnayan, at ang ating mga patotoo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang pangungusap na naglalarawan na tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako matapos maging matapat si Joseph sa tiwalang ibinigay sa kanya. (“Subalit sa karunungan ng Diyos, yaon ay nanatiling ligtas sa aking mga kamay, hanggang sa matapos ko ang mga kinakailangan na iniatang sa aking mga kamay.”)
Upang ilarawan kung paano pinrotektahan at tinulungan ng Panginoon si Joseph Smith nang masigasig niyang iningatan ang mga lamina, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ito ay bahagi ng isinalaysay ng ina ni Joseph Smith, na si Lucy Mack Smith, tungkol sa nangyari matapos makuha ni Joseph Smith ang mga lamina mula kay Moroni sa Burol ng Cumorah. Ipaliwanag din na nang matanggap ni Joseph Smith ang mga lamina mula kay Moroni, itinago muna niya ang mga ito sa isang bulok na troso mga 3 milya mula sa kanyang tahanan. Itinala ng ina ni Joseph Smith kung ano ang nangyari nang kinuha na niya ang mga lamina mula sa pinagtaguan nito at iniuwi sa kanila:
“Kinuha ni Joseph ang mga ito mula sa lihim na pinagtaguan, ibinalot sa kanyang amerikana, inipit sa kanyang braso at naglakbay na pauwi.
“Nagsisimula pa lang siyang maglakbay nang maisip niya na mas ligtas kung sa kakahuyan siya dumaan sa halip na sa lansangan. Hindi pa siya gaanong nakakalayo mula sa lansangan, nang madaanan niya ang isang natumbang puno, at nang talunan niya ang troso, bigla na lang lumitaw ang isang lalaki mula sa likuran at malakas siyang pinukpok ng baril. Bumuwelta si Joseph at sinuntok ang lalaki, at mabilis na tumakbo. Mga kalahating milya pa lang ang natatakbo niya, may umatake na naman sa kanya na katulad nang nauna; sinuntok din niya ito tulad nang nauna at muling tumakbo; at bago siya makarating ng bahay ay may umatake na naman sa kanya sa pangatlong pagkakataon. Sa pagsuntok sa pangatlo, luminsad ang buto ng kanyang hinlalaki, na napansin lamang niya nang malapit na siya sa bahay nila at nang ibinulagta ang sarili sa sulok ng bakuran para makabawi ng hininga. Nang kaya na niyang kumilos, tumayo siya at pumunta na sa bahay. Hindi pa rin siya makapagsalita sa takot at pagod sa pagtakbo” (sa Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 108).
-
Kailan kayo (o ang isang taong kilala ninyo) nakatanggap ng pangangalaga at tulong ng Panginoon nang masigasig ninyong hinangad na maging tapat sa sagradong pagtitiwala ng Panginoon?
Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang paghahangad nila na maingatan ang sagradong pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng Panginoon, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Maging matalino sa mga bagay na ipinagkakaloob sa inyo ng Panginoon. Ito ay pagtitiwala sa inyo. …
“Sa halip na magpabaya, nawa’y mag-ibayo sa buhay ninyo ang kaeksaktuhan sa pagsunod. Umaasa ako na ang inyong pag-iisip at damdamin at pananamit at pagkilos ay magpapakita ng kapitaganan at paggalang sa mga sagradong bagay, mga sagradong lugar, mga sagradong okasyon” (“A Sense of the Sacred” [Church Educational System fireside for young adults, Nob. 7, 2004], 9, 10; speeches.byu.edu).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:61–62. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at maghanap ng mga halimbawa ng pagpapala ng Panginoon kina Joseph at Emma Smith dahil sa kanilang katapatan at pagiging responsable sa mga sagradong bagay.
-
Paano pinagpala ng Panginoon ang Propeta at ang asawa nito sa pagkakataong ito? (Tulungan ang mga estudyante na makita na tinulungan ng Panginoon si Joseph na maisagawa ang Kanyang gawain sa tulong ni Martin Harris.)
Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65
Ipinakita ni Martin Harris sa mga eksperto sa New York ang mga titik mula sa mga lamina
Kung maaari, ipakita sa mga estudyante ang kalakip na larawan, na nagpapakita ng halimbawa ng mga titik na nakasulat sa mga laminang ginto. Noong 1828, kinopya ni Joseph Smith ang ilan sa mga titik sa kapirasong papel. Itinanong ni Martin Harris kung maaari ba niyang ipakita ang kopya ng ilan sa mga titik mula sa mga lamina sa mga eksperto sa New York na may kaalaman sa mga sinaunang wika at sibilisasyon. (Kapag ipinakita mo ang larawan, maaari mong banggitin na may ilang kopya ng mga titik ang ginawa. Hindi batid kung ito ba mismo ang kopyang ipinakita ni Martin Harris sa mga eksperto.)
Isulat ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65 at Isaias 29:10–12 sa pisara. Ipaliwanag na ang mga talata mula sa Joseph Smith—Kasaysayan ay naglalahad ng pakikipag-usap ni Martin Harris sa mga eksperto. Ang mga talata sa Isaias ay naglalaman ng propesiya tungkol sa mga huling araw. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante para magtulungan at sabihin sa kanila na magsalitan sa pagbasa ng mga talatang ito sa isa’t isa. Sabihin sa kanila na basahin muna ang mga talata sa Joseph Smith—Kasaysayan. Maaari mong imungkahi na basahin nila ang chapter heading sa Isaias 29 bago nila basahin ang mga talata sa Isaias. Habang binabasa nila ang mga talata sa Isaias 29, ipahanap sa kanila ang mga pagkakatulad nito sa salaysay ni Martin Harris. Matapos mabasa at matalakay ng mga estudyante ang dalawang scripture passage, itanong ang sumusunod:
-
Anong katotohanan ang itinuturo sa atin ng mga scripture passage na ito tungkol sa kaalaman ng Panginoon sa mula’t mula pa at sa mga propesiya ng Kanyang mga tagapaglingkod? (Maaari mong banggitin na noong ipakita ni Martin ang mga titik mula sa mga lamina sa mga eksperto sa New York, tumulong siya sa pagsasakatuparan ng propesiyang nakatala sa Isaias 29:11–12).
Bagama’t maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga propesiya ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ay matutupad. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa pisara. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:65. Itanong sa mga estudyante kung may naiisip sila na mga scripture mastery passage na nagtuturo ng katotohanan ding ito (halimbawa, tingnan sa D at T 1:37–38 at Amos 3:7). Maaari mong imungkahi na isulat nila ang mga scripture reference na ito sa tabi ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:65.
-
Paano napalakas ng katuparan ng mga banal na pangako o mga propesiya ang inyong pananampalataya?
Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng ilang pangungusap sa kanilang notebook o scripture study journal na nagbubuod sa natutuhan nila sa lesson ngayon at bakit ito mahalaga sa kanila. Upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maipaliwanag at mapatotohanan ang mga katotohanang natutuhan nila, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang isinulat nila.