Seminaries and Institutes
Lesson 38: Doktrina at mga Tipan 31–32


Lesson 38

Doktrina at mga Tipan 31–32

Pambungad

Noong Setyembre 1830, tinawag ng Panginoon si Thomas B. Marsh para mangaral ng ebanghelyo at tumulong sa pagtatatag ng Simbahan. Ang tungkuling ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 31, ay kinapapalooban din ng mga pangako at payo upang gabayan si Thomas sa kanyang personal na buhay at bilang missionary. Noong Oktubre 1830, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 32, kung saan tinawag ng Panginoon si Parley P. Pratt at Ziba Peterson na sumama kina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. sa isang misyon sa mga Lamanita sa kanlurang Missouri. Nangako ang Panginoon na sasamahan Niya ang kalalakihang ito sa kanilang misyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 31:1–8

Tinawag ng Panginoon si Thomas B. Marsh para mangaral ng ebanghelyo at tumulong sa pagtatatag ng Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga miyembro ng kanilang pamilya at ang nadarama nila para sa kanila. Maaari kang magdispley ng larawan ng iyong pamilya at ilarawan nang maikli ang iyong pagmamahal sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may sinuman sa kanilang pamilya na hindi miyembro ng Simbahan o kasalukuyang hindi namumuhay ayon sa kanyang mga tipan sa Panginoon. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang kanilang mga inaasam para sa mga miyembrong iyon ng pamilya.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 31, partikular na binanggit ng Panginoon ang bagong binyag na si Thomas B. Marsh at nangusap tungkol sa kanyang pamilya.

Upang matulungan ang klase na maunawaan ang kasaysayan ng bahaging ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay kung bakit naging miyembro ng Simbahan si Thomas B. Marsh.

Habang nakatira sa Boston, Massachusetts, noong 1829, inisip ni Thomas B. Marsh na wala sa mga simbahan na alam niya ang nakaayon sa mga turo ng Biblia. Isinulat niya, “Naniniwala ako na sinabi ng Espiritu ng Diyos na maglakbay ako pakanluran.” Nilisan niya ang kanyang asawang si Elizabeth at maliliit pang mga anak upang hanapin ang katotohanan. Pagkaraan ng tatlong buwang paglalakbay, pauwi na si Thomas nang “mabalitaan niya na [isang] Ginintuang Aklat ang natagpuan ng isang binatilyo na nagngangalang Joseph Smith.” Pumunta siya sa Palmyra, New York, kung saan niya nakilala si Martin Harris. Binigyan ng manlilimbag si Thomas ng proof sheet na naglalaman ng unang labing-anim na pahina ng Aklat ni Mormon. Isinulat ni Thomas kalaunan, “Pagkauwi ko ng bahay … ipinakita ko sa aking asawa ang labing-anim na pahina ng Aklat ni Mormon … na ikinatuwa niya nang labis, naniniwalang ito ay gawain ng Diyos.” Mga isang taon kalaunan, matapos malaman ang tungkol sa pagkakatatag ng Simbahan, si Thomas at ang kanyang pamilya ay lumipat na sa Palmyra. Habang nakatira roon siya ay nabinyagan malapit sa Fayette at inordenang elder ni Oliver Cowdery noong Setyembre 1830 (tingnan sa Thomas B. Marsh, “History of Thomas Baldwin Marsh,” Millennial Star, Hunyo 11, 1864, 375).

  • Ano ang hinangaan ninyo sa ginawang paghahanap ni Thomas B. Marsh ng katotohanan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 31:1–2 at sabihin sa klase na hanapin ang mga parirala na ginamit ng Panginoon para hikayatin si Thomas pagkatapos ng binyag nito.

  • Anong panghihikayat ang ibinigay ng Panginoon kay Thomas sa mga talatang ito?

  • Anong pangako ang ibinigay ng Panginoon kay Thomas hinggil sa pamilya nito?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 31:1–2 na makatutulong sa atin kung mayroon tayong mga miyembro ng pamilya na hindi miyembro ng Simbahan o hindi tapat na ipinamumuhay ang kanilang mga tipan? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng ating katapatan, ang mga miyembro ng ating pamilya ay maaaring pagpalain o matulungan na maniwala at malaman ang katotohanan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang ilang paraan na napagpapala ang mga tao dahil sa katapatan ng mga miyembro ng kanilang pamilya? Ano ang mga nakita na ninyong halimbawa nito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 31:3–4 at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay Thomas B. Marsh. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa matatapat na naglilingkod bilang missionary. (Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito para mailagay nila sa kanilang banal na kasulatan.) Sabihin sa klase na pakinggan kung sino ang pinagpapala dahil sa paglilingkod ng missionary.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Pagpapalain ninyo ang buhay ng mga tinuturuan ninyo, at ang kanilang mga inapo. Pagpapalain ninyo ang inyong sariling buhay. Pagpapalain ninyo ang buhay ng inyong pamilya, na susuporta sa inyo at ipadarasal kayo” (“Of Missions, Temples, and Stewardship,” Ensign, Nob. 1995, 52).

  • Sino ang pinagpapala dahil sa paglilingkod ng missionary?

Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 31:5–8. Sabihin sa isang grupo na alamin ang mga pagpapala na darating sa mga tuturuan ni Thomas B. Marsh. Sabihin sa pangalawang grupo na hanapin ang mga pagpapala na darating kay Thomas B. Marsh kapag naglingkod siya bilang missionary. Sabihin sa pangatlong grupo na hanapin ang mga pagpapala na darating sa pamilya ni Thomas B. Marsh habang malayo siya sa kanila. Matapos magbasa ng estudyante, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga pagpapala ang darating sa mga tuturuan ni Thomas?

  • Paano mapagpapala si Thomas sa kanyang paglilingkod bilang missionary?

  • Paano mapagpapala ang kanyang pamilya?

  • Paano kayo pinagpala o ang isang kakilala ninyo dahil sa paglilingkod ng isang tao bilang missionary?

Maaari kang magbahagi ng ilang nasaksihan mong halimbawa na pinagpala ang buhay ng mga tao dahil sa paglilingkod ng missionary.

Doktrina at mga Tipan 31:9–13

Nagbigay ng personal na payo si Jesucristo kay Thomas B. Marsh

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 31:9–13 ay kinapapalooban ng mga payo na ibinigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh sa kanyang personal na buhay at bilang missionary. Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tagubilin o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante:

Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 31:9–12, at tukuyin ang isang bagay o payo na sa tingin ninyo ay mahalagang sundin natin ngayon. Maghandang sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  1. Anong payo ang pipiliin ninyo? Sa palagay ninyo, bakit mahalaga ang payo na ito sa atin sa panahong ito?

  2. Ano ang isang paraan na maiaangkop natin ang payo na ito sa ating buhay?

  3. Paano tayo matutulungan sa pagsunod sa payo na ito?

Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 31:9–12 nang kani-kanya at ibahagi sa kapartner nila ang kanilang sagot sa mga tanong.

Matapos magbahagi ang mga estudyante, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 31:13 at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Thomas B. Marsh kung siya ay magiging tapat. Papuntahin sa pisara ang isang estudyante at ipasulat ang pangakong ito bilang isang alituntunin, gamit ang pangungusap na nagpapakita ng sanhi at epekto. Hikayatin ang klase na tulungan ang estudyante kung kailangan. Iba-iba man ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, dapat malinaw na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tapat tayo hanggang wakas, makakasama natin ang Panginoon. Ipaliwanag na angkop sa atin ang katotohanang ito kapag sinisikap nating ibahagi ang ebanghelyo sa iba gayundin sa iba pang mga sitwasyon.

  • Kailan ninyo nadama na kasama ninyo ang Panginoon dahil sinikap ninyong maging tapat sa Kanya? (Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para mapag-isipan ang tanong na ito bago sila sumagot. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Doktrina at mga Tipan 32

Tinawag ng Panginoon sina Parley P. Pratt and Ziba Peterson upang makasama sa misyon sa mga Lamanita

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mapa sa kanilang banal na kasulatan na may pamagat na “Ang Pakanlurang Pagkilos sa Simbahan” (tingnan sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar, Mapa 6). O maaari kang magdispley ng isang malaking mapa na nagpapakita ng distansya sa pagitan ng New York at Missouri, USA.

  • Saan tinawag sina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. na mangaral ng ebanghelyo? (Kung hindi matandaan ng mga estudyante, patingnan sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 28:8–9; 30:5. Ang mga misyonerong ito ay tinawag upang mangaral “sa mga Lamanita,” sa kanlurang hangganan ng Missouri. Tulungan ang mga estudyante sa paghanap ng lugar na ito sa mapa.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinanong ng ilang elder ng Simbahan tungkol sa pagmimisyon nina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr.

  • Ano ang itinanong ng ilang elder ng Simbahan tungkol sa misyon sa mga Lamanita? (Gusto nilang malaman kung may tatawagin pang karagdagang missionary na magtuturo sa mga Lamanita.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 32:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa kina Parley P. Pratt at Ziba Peterson at ang ipinangako ng Panginoon sa kanila.

  • Ano ang ipinagawa kina Parley at Ziba?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa kanila?

Maaari mong ipaliwanag ang pagkakatulad ng mga pangakong ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 32:3 at ng alituntuning nakasulat sa pisara: Kung tapat tayo hanggang wakas, makakasama natin ang Panginoon.

Maaari mong ipaliwanag na noong taglagas ng 1830 at taglamig ng 1830–31, ang maliit na grupong ito ng mga missionary (na nadagdagan ng isa pang miyembro na taga Ohio, na si Frederick G. Williams) ay naglakbay nang halos 1,500 milya (mga 2,400 kilometro) mula sa Fayette, New York, hanggang sa Independence, Missouri, na madalas na naglalakad lamang. Dumating ang apat na missionary na ito sa Independence noong kalagitnaan ng Enero 1831. Naranasan nila sa kanilang paglalakbay ang matinding lamig, malalakas na hangin, at pagod, at nabubuhay lang sa nagyeyelong corn bread at hilaw na karne ng baboy. Sa ilang lugar, ang niyebeng nilalakaraan nila ay tatlong talampakan ang lalim. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, tagumpay na naipaalam ng mga missionary na ito ang ebanghelyo sa mga American Indian, na nakatira sa Indian Territory sa kanlurang hangganan ng Missouri. Sila rin ay nangaral ng ebanghelyo sa Mentor at Kirtland, Ohio, sa isang kongregasyon ng mga taong naghahanap ng panunumbalik ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan. (Malalaman pa ng mga estudyante ang tungkol sa mga taong ito at kanilang lider, si Syney Rigdon, sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 35.) Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na Siya ay makakasama ng mga missionary na ito at walang mananaig laban sa kanila. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 84–85.)

Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay mo sa araw na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 31

Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 31 ay isa lamang sa mga (tingnan sa D at T 30–36) ibinigay ng Panginoon tungkol sa gawaing misyonero sa pagitan ng panahong unang inihayag ang alituntunin ng pagtitipon ng Kanyang mga tao (tingnan sa D at T 29:1–8) at noong tukuyin Niya ang isang lugar ng pagtitipon para sa kanila (tingnan sa D at T 37).

Doktrina at mga Tipan 31:2, 5–8. Sa pamamagitan ng ating katapatan, malalaman ng mga miyembro ng ating pamilya ang katotohanan

Bawat taong nalalaman ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo ay dapat pumili para sa kanyang sarili kung tatanggapin niya iyon o hindi. Gayunman, ang ating halimbawa ng katapatan ay makaiimpluwensya nang mabuti sa iba. Ang pamamaraan at itinakdang panahon ng Panginoon sa pagtupad sa mga pangako na gaya ng ginawa Niya kay Thomas B. Marsh sa Doktrina at mga Tipan 31:2, 5–8 ay hindi laging tumutugon sa ating mga inaasam o inaasahan. Gayunman, ang sumusunod na salaysay ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa naranasan niya noong siya ay mission president sa Canada ay nagpapakita na totoong tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa matatapat:

Pangulong Thomas S. Monson

“Naroo’t nakaupo sa opisina ko isang araw ang isang bagong dating na misyonero. Siya ay matalino, matatag, masaya, at nagpapasalamat na maging misyonero. Siya ay puno ng sigla at hangaring maglingkod. Nang kausapin ko siya, sabi ko, ‘Elder, wari ko’y buong-puso ang pagsuporta ng tatay at nanay mo sa pagmimisyon mo.’ Tumungo siya at sumagot, ‘Naku, hindi nga po. Alam ninyo, President, hindi po miyembro ng Simbahan ang tatay ko. Hindi siya naniniwala sa pinaniniwalaan natin, kaya hindi niya lubos na maunawaan ang kahalagahan ng tungkulin ko.’ Walang pag-aatubili at nabigyang-inspirasyon mula sa Itaas, sinabi ko sa kanya, ‘Elder, kung tapat at masigasig kang maglilingkod sa Diyos sa pagpapahayag ng Kanyang mensahe, sasapi ang tatay mo sa Simbahan matapos ang misyon mo.’ Mahigpit niya akong kinamayan, nangilid ang luha sa kanyang mga mata at tumulo ito sa kanyang mga pisngi, at sinabing, ‘Ang makitang tinatanggap ng tatay ko ang katotohanan ang pinakadakilang pagpapalang maaaring dumating sa buhay ko.’

“Hindi nagpalipas ng oras ang binatang ito nang walang ginagawa sa pag-asa at pangarap na matutupad ang pangako, sa halip ay sinunod niya ang sinasabing halimbawa ni Abraham Lincoln na, ‘Kapag siya ay nananalangin, ginagawa niya ito na para bang ang lahat ay nakaasa sa Diyos, at pagkatapos ay kumikilos na para bang ang lahat ay nakasalalay sa kanya.’ Gayon ang paglilingkod sa misyon ng binatang ito.

“Sa bawat kumperensya ng mga misyonero hinahanap ko siya bago magsimula ang mga miting at tinatanong, ‘Elder, kumusta na si Itay?’

“Iisa ang kanyang tugon, ‘Walang pagbabago, President, pero alam kong tutuparin ng Panginoon ang pangakong ibinigay sa akin sa pamamagitan ninyo bilang mission president ko.’ Lumipas ang mga araw at mga linggo at mga buwan, at sa huli, dalawang linggo na lamang bago kami umuwi mula sa misyon, tumanggap ako ng liham mula sa ama ng misyonerong ito. Gusto kong ibahagi ito sa inyo ngayon.

“‘Mahal [kong] Brother Monson:

“‘Nais kong lubos kayong pasalamatan sa mabuting pag-aalaga ninyo sa aking anak na katatapos lang magmisyon sa Canada.

“‘Naging inspirasyon siya sa amin.

“‘Pinangakuan ang anak ko na kapag nagmisyon siya ay magiging miyembro ako ng Simbahan bago siya umuwi. Ang pangakong ito, sa aking paniwala, na ibinigay ninyo sa kanya, ay hindi ko alam.

“‘Natutuwa akong ibalita na nabinyagan ako sa Simbahan isang linggo bago niya natapos ang kanyang misyon. …

“‘… Kamakailan ay nabinyagan din at nakumpirmang miyembro ng Simbahan ang nakababata niyang kapatid na lalaki.

“‘Muli ko kayong pinasasalamatan sa lahat ng kabaitan at pagmamahal na ipinakita ng mga ka-misyon ng anak ko sa kanya nitong nakaraang dalawang taon.

“‘Taos-pusong sumasainyo,

“‘Isang nagpapasalamat na ama.’

“Muling nasagot ang mapagkumbabang panalangin ng pananampalataya” (sa Conference Report, Abr. 1964, 131–32).

Doktrina at mga Tipan 31:10. Paano naging “isang manggagamot sa simbahan” si Thomas B. Marsh?

Nagkaroon si Thomas B. Marsh ng ilang kasanayan sa pagpapagamot gamit ang mga damong-gamot at nakatulong siya sa mga tao. Gayunman, ang kanyang higit na dakilang tungkulin ay ang pagpapagaling ng mga kaluluwa. Maraming naitalang pagkakataon ng pag-uukol ni Thomas B. Marsh ng kanyang oras para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan sa paglutas ng kanilang mga problema.

Doktrina at mga Tipan 32. Matagumpay ba ang misyon sa mga Lamanita?

Bagama’t hindi gaanong naging matagumpay ang unang misyon sa mga Lamanita sa pagtuturo sa mga American Indian, nagkaroon naman ito ng malaking epekto sa naunang kasaysayan ng Simbahan. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang paglalakbay nang halos labinlimang daang milya sa kagubatan at kadalasan sa gitna ng masamang panahon, ay tumagal nang mga apat na buwan. Gayunman, ito ay talagang kapaki-pakinabang na paglalakbay dahil marami ang tumanggap ng ebanghelyo sa aming dinaanan at maraming branch ng Simbahan ang naitatag sa Kirtland at sa iba pang bahagi, at maraming magigiting na kalalakihan ang sumapi sa Simbahan. Ito ang unang paglalakbay sa kanlurang bahagi ng estado ng New York, at ang mga ibinunga nito ay napakalaking kapakinabangan sa Simbahan”(Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:150).

Doktrina at mga Tipan 32:1–3. Parley P. Pratt at Ziba Peterson

Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 32 ay ibinigay kina Parley P. Pratt at Ziba Peterson. Maaari mong basahin nang malakas ang sumusunod na makasaysayang impormasyon upang matulungan ang klase na malaman pa ang tungkol sa dalawang lalaking ito:

Noong tag-init ng 1830, sina Parley P. Pratt at ang kanyang asawang si Thankful, ay naglakbay mula sa kanilang tahanan sa Amherst, Ohio, para bisitahin ang kamag-anak sa estado ng New York. Hinikayat ng Espiritu Santo si Parley na tumigil sa nayon ng Newark, New York, malapit sa Palmyra, kung saan niya nalaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Kalaunan isinulat niya ang nadama niya sa aklat:

Parley P. Pratt

“Maghapon akong nagbasa; hindi ako makakain, dahil mas gusto kong magbasa kaysa kumain; hindi ako makatulog sa gabi, dahil mas gusto kong magbasa kaysa matulog.

“Sa aking pagbabasa, ang Espiritu ng Panginoon ay sumaakin, at nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt [1938], 20).

Naglakbay si Parley sa Palmyra, kung saan siya nakilala at naturuan ni Hyrum Smith. Hindi nagtagal, naglakbay sina Hyrum at Parley sa Fayette, New York para makipagpulong sa mga miyembro ng lumalaking sangay ng Simbahan. Si Parley ay nabinyagan at inorden na elder ni Oliver Cowdery noong Setyembre 1830.

Kaunti lang ang alam tungkol sa pagsapi ni Ziba Peterson. Alam natin na siya ay bininyagan ni Oliver Cowdery noong Abril 1830 at inordenan na isang elder noong Hunyo ng taon ding yaon.

Doktrina at mga Tipan 32:3. “Walang makapananaig laban sa kanila.”

Ang sumusunod na kuwento ay isang halimbawa kung paano pinagpala ng Panginoon si Parley P. Pratt nang isakatuparan niya ang kanyang misyon:

Limampung milya sa kanlurang bahagi ng Kirtland, naaresto si Parley sa isang “walang kuwentang paratang,” nilitis at “hinatulang makulong” o magbayad ng multa (Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt [1938], 36). Dahil hindi siya makabayad, ikinulong si Parley sa isang bahay-panuluyan nang magdamag. Kinaumagahan, binisita siya sandali ng kanyang mga kasama at pinilit niya silang mauna na sa paglalakbay at nangakong susunod kaagad sa kanila. Iniulat ni Parley: “Habang nakaupo ako sa tabi ng apoy na binabantayan ng pulis, nakiusap ako na lumabas. Lumakad ako palabas ng plasa na kasama siya. Sabi ko, ‘Mr. Peabody, magaling ka ba sa takbuhan?’ ‘Hindi,’ sabi niya, ‘pero iyong malaking bull dog ko mabilis tumakbo, at sinanay ito na tulungan ako sa trabaho ko nang napakaraming taon; lalapain niya ang kahit sino basta sinabi ko.’ ‘Ah, Mr. Peabody, nahikayat mo ako na lumakad nang isang milya, lumakad pa ako nang dalawang milya na kasama ka. Binigyan mo ako ng pagkakataong mangaral, kumanta, at pinasaya mo rin ako nang bigyan mo ako nang matutulugan at almusal. Ngayon kailangan ko nang magpatuloy sa paglalakbay; kung mahusay ka sa takbuhan maaari mo akong samahan. Salamat sa lahat ng kabaitan mo—paalam, sir.’

“Pagkatapos ay sinimulan ko na ang aking paglalakbay, habang nananatili siyang nakatayo roon at hindi maihakbang ang mga paa. … Hindi pa rin siya makakilos sa pagkabigla para habulin ako hanggang sa nakalayo na ako, marahil, nang halos dalawang daang metro. … Sinimulan na niya akong habulin habang hinihiyaw sa aso niya na sunggaban ako. Ang aso, na isa sa pinakamalalaking aso na nakita ko, ay malapit na akong abutan at galit na galit; humahabol pa rin ang pulis, pumapalakpak at humihiyaw ng ‘stu-boy, stu-boy—sunggaban mo siya—hayan siya—lundagin mo siya, ang sabi ko—lapain mo siya,’ habang itinuturo ang direksyong tinatakbo ko. Malapit na akong abutan ng aso, at nang tangka na niya akong lundagin, bigla kong naisip na tulungan ang pulis, sa pagtaboy sa aso papunta sa gubat na may kalayuan mula sa akin. Itinuro ko ang aking daliri sa direksyong iyon, pumalakpak, at humiyaw para gayahin ang pulis. Mabilis na nilampasan ako ng aso na lalong dumoble ang bilis ng takbo papunta sa gubat habang patuloy naman kami ng pulis sa paghiyaw dito at pagtakbo sa iisang direksyon.”

Nang matakasan na niya ang aso at ang pulis, pinuntahan na ni Elder Pratt ang kanyang mga kasama sa pamamagitan ng alternatibong daan. Kalaunan nalaman ni Parley na si Simeon Carter, na iniwanan niya ng Aklat ni Mormon, kasama ang mga animnapung iba pa sa lugar na iyon, ay sumapi sa Simbahan (tingnan sa Autobiography of Parley P. Pratt, 38–39).