Seminaries and Institutes
Lesson 120: Doktrina at mga Tipan 112


Lesson 120

Doktrina at mga Tipan 112

Pambungad

Noong Hulyo 23, 1837, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag para kay Thomas B. Marsh, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 112, nagpayo ang Panginoon hinggil sa mga responsibilidad ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 112:1–13

Nagbigay ang Panginoon ng payo at mga pangakong pagpapala kay Thomas B. Marsh

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: galit, dismayado, sumama ang loob, nainggit. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nakadama sila nang ganito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento. Sabihin sa klase na pakinggan ang sitwasyon na maaaring nagpadama kay Thomas B. Marsh ng mga damdaming nakasulat sa pisara.

Pagkatapos matawag si Thomas B. Marsh na maging Apostol noong 1835, agad siyang itinalagang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong tagsibol ng 1837, nalaman ni Pangulong Marsh na isa sa Labindalawang Apostol, si Elder Parley P. Pratt, ay nagpaplanong magmisyon sa England nang hindi inaatasan ni Pangulong Marsh. Si Pangulong Marsh, na nasa Missouri, ay sumulat kay Elder Pratt at sa iba pang mga miyembro ng Labindalawa at inanyayahan sila na makipagkita sa kanya sa Kirtland, Ohio, sa Hulyo 24, 1837, upang magkaisa sila sa kanilang mga plano para sa pagmimisyon. Gayunman, isang buwan bago naganap ang pulong na iyon, dalawang miyembro ng Labindalawa, sina Elder Heber C. Kimball at Elder Orson Hyde, ang lumisan patungo sa England matapos makatanggap ng tawag na magmisyon mula kay Propetang Joseph Smith. Tila nabahala si Pangulong Marsh na tumuloy ang mga miyembro ng Labindalawa sa pangangaral ng ebanghelyo sa England nang hindi siya sinasangguni.

  • Sa sitwasyong ito, ano ang magagawa ni Pangulong Marsh para maiwasan ang mga damdaming nakalista sa pisara? Ano ang ilang panganib ng pagtutulot sa gayong mga damdamin na manaig sa ating isipan at kilos?

Ipaliwanag na sinabi ni Pangulong Marsh ang kanyang problema kay Propetang Joseph Smith at humingi ng payo rito. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 112.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 112:1–3. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na alamin ang mga babalang ibinigay ng Panginoon kay Pangulong Thomas B. Marsh. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang mabubuting bagay na sinabi ng Panginoon na nagawa ni Pangulong Marsh. (Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang salitang ibinaba sa talata 3 ay nagpapahiwatig na nagpakumbaba si Pangulong Marsh.)

  • Anong mga babala ang ibinigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh?

  • Anong mabubuting bagay ang sinabi ng Panginoon na nagawa ni Pangulong Marsh?

Ipaliwanag na nagbigay ang Panginoon ng karagdagang payo kay Pangulong Marsh at naghayag ng ilang mga pagpapala na matatanggap ni Pangulong Marsh dahil sa kanyang katapatan. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 112:4–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pangakong ibnigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh. Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga pangakong ito kapag nahanap ng mga kaklase niya ang mga ito.

  • Paano ninyo ipapahayag ang itinuro ng Panginoon sa talata 10 sa sarili ninyong mga salita? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapagkumbaba, papatnubayan tayo ng Panginoon at sasagutin ang ating mga panalangin.)

  • Sa inyong palagay, bakit tumutulong sa atin ang pagpapakumbaba para matanggap ang patnubay ng Panginoon?

  • Kailan ninyo nadama ang patnubay ng Panginoon matapos kayong magpakumbaba?

Ipaliwanag na noong Hulyo 1837, nang ibigay ng Panginoon ang paghahayag na ito, ang Simbahan ay dumaranas ng pagkakawatak-watak, pagtatalu-talo, at apostasiya. Ang kapalaluan at kasakiman ay nagtulak sa ilang miyembro ng Simbahan na hayagang batikusin si Propetang Joseph Smith at pag-alinlanganan ang kanyang awtoridad. Ilang miyembro ng Simbahan, kabilang ang ilan sa Korum ng Labindalawang Apostol, ay naghangad na alisin si Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 112:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Pangulong Marsh upang tulungan ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa na nagdurusa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 112:14–34

Itinuro ng Panginoon kay Thomas B. Marsh ang hinggil sa mga tungkulin ng Labindalawang Apostol

Ipaliwanag na nagbigay ang Panginoon ng maraming mahahalagang responsibilidad kay Pangulong Thomas B. Marsh. Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang makatutulong sa inyo na maging mapagkumbaba kapag nakakatanggap kayo ng mahahalagang responsibilidad o pagkilala? Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tanong na ito.

Ipaliwanag na tinulungan ng Panginoon si Thomas B. Marsh na matanto ang kahalagahan ng kanyang mga responsibilidad bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol habang patuloy siyang pinaaalalahanan na maging mapagkumbaba. Isulat ang sumusunod na chart sa pisara o gawin itong handout. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang nakasulat na mga talata at kumpletuhin ang chart kasama ang isang kaklase (o ipakumpleto ito sa buong klase).

D at T 112:14–22, 28–33

Mga pariralang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga responsibilidad ni Pangulong Marsh at ng Korum ng Labindalawang Apostol

Mga pariralang nagpapaalala kay Pangulong Marsh at sa Korum ng Labindalawang Apostol na kailangang maging mapagkumbaba

Matapos ang sapat na oras na makumpleto ng mga estudyante ang chart, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga parirala ang nahanap ninyo na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga responsibilidad ni Pangulong Marsh?

  • Ayon sa mga talata 16–17, anong mga susi ang hawak ng Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga susi na pamahalaan ang gawain ng Labindalawa sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa lahat ng bansa.)

  • Ayon sa mga talata 30–32, ano ang itinuro ng Panginoon kay Thomas B. Marsh tungkol sa mga susi ng priesthood na hawak niya? (Maaaring makatukoy ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga susi ng priesthood ay naipanumbalik sa huling pagkakataon sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Maaari mong maikling rebyuhin ang kahulugan ng salitang dispensasyon [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon”].)

  • Anong mga parirala ang nahanap ninyo na nagpapaalala kay Thomas B. Marsh na kailangang maging mapagkumbaba?

  • Ano ang itinuturo ng mga salita ng Panginoon sa mga talata 15 at 30 tungkol sa kaugnayan ng mga responsibilidad ni Thomas B. Marsh bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa at ng mga responsibilidad ni Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan?

Upang matulungan ang mga estudyante na makita na nahirapan si Thomas B. Marsh na sundin ang payo na natanggap niya sa paghahayag na ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Hindi pa nagtatagal matapos ibigay ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 112, sinabi ni Thomas B. Marsh kay Vilate Kimball na ang kanyang asawa na si Elder Heber C. Kimball ay hindi magiging epektibo sa kanyang misyon sa England. Tila nadama ni Pangulong Marsh na dahil ang paghahayag ng ebanghelyo sa ibang bansa ay responsibilidad niya, ang gawaing misyonero sa England ay hindi mabubuksan hangga’t hindi siya nagpapadala roon ng isang tao o siya mismo ang pumunta.

  • Paano ipinapakita ng pangyayaring ito na mahihirapan si Pangulong Marsh na manatiling mapagkumbaba?

Patingnan ang tanong na isinulat mo sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong gamitin ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Hindi tayo nagiging mapagpakumbaba sa paghamak sa ating sarili; nagiging mapagpakumbaba tayo sa hindi gaanong pag-iisip tungkol sa ating sarili. Dumarating ito habang ginagawa natin ang ating gawain na may saloobing maglingkod sa Diyos at sa ating kapwa.

“… Sa sandaling tumigil tayo sa pag-iisip sa ating sarili at nagtuon tayo sa paglilingkod, unti-unting napapawi at nagsisimulang maglaho ang ating kapalaluan” (“Kapalaluan at ang Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 58).

Ipaalala sa mga estudyante ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Pangulong Marsh (tingnan sa D at T 112:4–10). Maaaring naipaisulat mo kanina sa isang estudyante ang mga pagpapalang ito sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 112:34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang kailangang gawin ni Pangulong Marsh para matanggap ang mga pagpapalang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Dapat tayong maging matapat upang matanggap ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, basahin o ibuod ang sumusunod na tala tungkol sa pagtiwalag at pagbalik ni Thomas B. Marsh sa Simbahan:

Sa panahong iyon, sinunod ni Pangulong Marsh ang payo na natanggap niya. Nagsikap siya na mapalakas ang Simbahan at suportahan si Joseph Smith. Gayunman, kaagad siyang nagbalik sa kanyang damdaming palatutol tungkol sa paraan kung paano pinamumunuan ang Simbahan. Ang damdaming ito ay nasamahan ng pag-aalala tungkol sa pagtatalu-talo ng mga suwail at agresibong mga miyembro ng Simbahan at ng kanilang mga kapitbahay sa Missouri. Noong Setyembre 1838, habang siya ay matinding naiimpluwensyahan ng diwa ng apostasiya, ang kanyang asawang si Elizabeth, ay nasangkot sa isang gulo. Siya at ang isa pang babae, pareho silang miyembro ng Simbahan, ay nagkasundong laging magpapalitan ng gatas para magkaroon ng sapat sa paggawa ng keso, ngunit si Sister Marsh ay pinaratangan ng hindi pagtupad sa kasunduan dahil sa pagtatago ng bahagi ng gatas na makrema. Hindi lang minsan nadala ang usaping ito sa mga lider ng Simbahan. Nadala rin ito sa Unang Panguluhan. Sa bawat pagkakataon, napagpapasiyahang si Sister Marsh ang nagkamali. Nagalit si Pangulong Marsh at hindi nasiyahan sa mga pasiyang ito (tingnan sa George A. Smith, “Discourse,” Deseret News, Abr. 16, 1856, 44). Bagama’t ang sitwasyong ito ay hindi humantong sa pag-alis niya sa Simbahan, nakaragdag ito sa iba pa niyang sama ng loob. Lalo pa siyang naging mapunahin sa ibang mga miyembro ng Simbahan, at sa huli ay kinalaban niya ang mga Banal. Kalaunan ay nagunita niya, “Nainggit ako sa Propeta … at hindi pinansin ang lahat ng bagay na tama, at inukol ang lahat ng aking panahon sa paghahanap ng mali” (“Remarks,” Deseret News, Set. 16, 1857, 220).

Noong Oktubre 1838, tumestigo si Thomas Marsh sa harap ng mahistrado ng Missouri na si Joseph Smith at ang mga Mormon ay kalaban ng estado ng Missouri. Ang sinumpaang salaysay na ito ay nakatulong sa pagpapalabas ng pamahalaan ng utos na pagpuksa [extermination order] na humantong sa pagpapaalis sa mahigit 15,000 Banal mula sa kanilang mga tahanan sa Missouri.

Labing-walong taon matapos tumiwalag si Thomas B. Marsh sa Simbahan, mapagkumbaba siyang sumulat ng liham kay Pangulong Heber C. Kimball ng Unang Panguluhan, humihingi ng kapatawaran at pahintulot na muling sumapi sa Simbahan. Ipinaliwanag niya ang natutuhan niya sa kanyang mga pagkakamali: “Ang Panginoon ay lubos pa ring magtatagumpay nang wala ako at Siya ay hindi nawalan kahit naalis ako sa aking katayuan; Subalit ano itong nawala sa akin?!” (Liham ni Thomas B. Marsh kay Heber C. Kimball, Mayo 5, 1857, Brigham Young Collection, Church History Library, sinipi sa Kay Darowski, “The Faith and Fall of Thomas Marsh,” Revelations in Context, history.lds.org).

Patingnan ang alituntunin sa pisara. Ipaliwanag na muling tinanggap si Thomas B. Marsh sa Simbahan. Gayunman, dahil hindi niya sinunod ang payo ng Panginoon na magpakumbaba at maging tapat bilang Pangulo ng Labindalawang Apostol, hindi niya natanggap ang mga pagpapala na nakalista sa Doktrina at mga Tipan 112:4–10.

Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila ngayon. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang paraan na magiging mas mapagkumbaba at tapat sila, at sumulat ng isang mithiin para maisagawa ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 112:30. “[Ang] Unang Panguluhan [ay] itinalagang … maging iyong mga tagapayo at iyong mga pinuno”

Bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay may hawak ng mga susi ng kaharian. Hawak din ng Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga susi, o awtoridad, na pamahalaan ang gawain ng Labindalawa sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa lahat ng bansa sa buong mundo (tingnan sa D at T 112:16). Gayunpaman, ginagamit lamang ng Pangulo ng Korum ng Labindalawa at ng bawat isa sa mga Apostol ang kanyang mga susi ng priesthood sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan at kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Kaya nga, pinayuhan ng Panginoon si Thomas B. Marsh at iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na kilalanin ang awtoridad ni Joseph Smith na mamuno sa kanila (tingnan sa D at T 112:15–20). Ang awtoridad na ito na mamuno ang dahilan kung bakit si Joseph Smith, bilang Pangulo ng Simbahan, ay may awtoridad na tawagin ang dalawang miyembro ng Korum ng Labindalawa, sina Heber C. Kimball at Orson Hyde, na magmisyon sa England kahit na si Thomas B. Marsh, bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay may hawak ng mga susi na pamahalaan ang gawain ng Labindalawa sa pagpapahayag ng ebanghelyo.