Home-Study Lesson
Doktrina at mga Tipan 101:43–101; 102–105 (Unit 22)
Pambungad
Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maipamuhay ang mga aral mula sa Kampo ng Sion.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 105
Inihayag ng Panginoon ang dapat gawin ng mga Banal hinggil sa mga paghihirap sa lupain ng Sion
Bago magklase, kumuha ng isang paper cup, isang goma, at tatlong piraso ng tali. Ang circumference ng goma ay dapat na mas maliit kaysa sa circumference ng paper cup. Itali ang mga piraso ng tali sa goma nang magkakapareho ang sukat ng agwat.
Simulan ang lesson sa pag-anyaya ng tatlong boluntaryo. Ilagay ang paper cup sa patag na bagay o sa mesa, at sabihin sa mga boluntaryo na kunin ang paper cup gamit lamang ang goma at mga tali. Sabihin sa kanila na hindi nila hahawakan ang goma; ang hahawakan lang nila ay ang mga tali. (Upang magawa ito, kailangang magtulungan ang mga estudyante at sabay-sabay na hilahin ang tali nang may magkakaparehong pwersa sa paghila para mabanat ang goma at magkasya sa palibot ng paper cup at maitaas ito.)
Matapos magawa ng mga estudyante ang aktibidad na ito, itanong ang sumusunod:
-
Ano ang naitulong ng pagkakaisa sa pagtapos sa gawaing ito?
Ipaalala sa mga estudyante na sa kanilang pag-aaral sa nakaraang linggong ito, nagkaroon sila ng pagkakataong pag-aralan ang mga paghahayag mula sa Panginoon hinggil sa Kampo ng Sion at ang misyon nito upang tulungan ang mga pinalayas na Banal sa Sion. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang naitulong ng pagkakaisa sa pagsisikap ng mga Banal na mabawi ang lupain ng Sion sa buong lesson ngayon.
Sabihin sa mga estudyante na ikuwento ang nangyari sa Kampo ng Sion, batay sa natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 103 at 105. Maaaring itanong ang mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante kapag nirebyu nila ang natutuhan nila:
-
Bakit nangangailangan ng tulong ang mga Banal sa Sion (Jackson County, Missouri)? (Sila ay sapilitang pinaalis sa kanilang lupain ng mga mandurumog.)
-
Ano ang Kampo ng Sion? (Isang grupo ng mahigit 200 kalalakihan, 12 kababaihan, at 9 na bata—mga boluntaryo at recruit—na pinamunuan ni Propetang Joseph Smith at binuo bilang pagsunod sa mga tagubilin ng Panginoon.)
-
Ano ang orihinal na layunin ng Kampo ng Sion? (Magdala ng mga kinakailangang bagay sa mga pinaalis na Banal sa Missouri at tulungan sila na mabawi ang kanilang lupain sa Jackson County.)
Ipaalala sa mga estudyante na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 105 ay ibinigay noong Hunyo 22, 1834, matapos makapaglakbay ang Kampo ng Sion nang halos pitong linggo at mga 10–20 milya (mga 15–30 kilometro) na lang ang layo mula sa Jackson County. Itanong sa klase kung may sinuman sa kanila na nakakaalala sa mga tagubilin ng Panginoon sa panahong ito sa Kampo ng Sion hinggil sa pagtubos ng Sion. (Sila ay maghihintay para matulungan ang mga pinaalis na Banal na mabawi ang lupain ng Sion. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maalaala ang detalyeng ito, sabihin sa kanila na basahin nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 105:9.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:3–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at rebyuhin ang ilan sa mga dahilan na ibinigay ng Panginoon sa pagkaantala ng pagtubos ng Sion.
-
Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon kung bakit hindi ibinalik ang mga Banal sa kanilang mga lupain at tahanan sa Sion sa panahong iyon?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin upang maitatag ang Sion? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tulungan silang matukoy ang sumusunod: Kailangan nating magkaisa at sumunod sa lahat ng iniuutos ng Diyos upang maitatag ang Sion. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang paliwanag ni Elder Christofferson kung ano ang Sion at ano ang dapat gawin para maitatag ito.
“Ang Sion ay kapwa isang lugar at isang [grupo ng tao]. …
“Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito. Tandaan, ‘tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila’ (Moises 7:18). Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, ipamuhay natin ang pamantayang ito. Kailangan ay (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang nangangailangan sa paraang mapapalis natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign at Liahona, Nob. 2008, 37, 38).
Maaaring itanong ang ilan sa mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang pag-unawa tungkol sa Sion:
-
Ano ang Sion?
-
Ano ang dapat na mangyari para maitatag ang Sion?
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan ang pagkakaisa at pagsunod para maitatag ang Sion?
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 105:3–5, ang mga taong iyon na nagkakaisa ay sinusunod ang batas ng anong kaharian ng kaluwalhatian?
-
Ano ang magagawa ninyo para mapalakas ang pagkakaisa sa inyong pamilya, mga klase, o korum sa Simbahan? Paano ninyo mahihikayat ang iba sa mga grupong ito na magkaisa at maging masunurin sa Panginoon?
-
Paano tutulong ang mga bagay na ito sa inyo at sa iba pa sa pagtatatag ng Sion?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaisa ng isang grupo?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila para mapalakas ang pagkakaisa sa kanilang pamilya o sa kanilang mga klase o korum sa Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa isang kapartner kung ano ang gagawin nila. Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa at pagiging masunurin kapag hinahangad nating isakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.
Ipaliwanag na tinapos ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 105 sa pagbibigay ng tagubilin sa mga Banal kung paano sila dapat tumugon sa kanilang mga kaaway. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 105:38–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pumili ng isang parirala mula sa mga talata na nagbubuod sa iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal bilang pagtugon sa mga nang-uusig sa kanila. Sabihin sa klase na ipaliwanag kung bakit nila pinili ang mga pariralang iyon.
-
Batay sa mga turo ng Panginoon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang darating kung sisikapin nating magtatag ng kapayapaan sa iba? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at parirala na nagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Kung sisikapin nating magtatag ng kapayapaan sa iba, lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)
-
Anong mga pagpapala ang nakita ninyong dumating nang kayo o ang isang taong kilala ninyo ay nagsikap na maging tagapamayapa?
Hikayatin ang mga estudyante na sikaping magtatag ng kapayapaan sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba.
Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 106–108; 137)
Sabihin sa mga estudyante kung naisip na ba nila kung ano ang mangyayari sa mga taong namatay nang hindi nabibinyagan o nang hindi naririnig ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ipaliwanag na sa susunod na unit, malalaman nila ang mga sagot sa tanong na iyan. Malalaman din nila ang tungkol sa orihinal na pangalan ng Melchizedek Priesthood at ang mga tungkulin ng mga katungkulan sa priesthood.