Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 49–56 (Unit 12)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 49–56 (Unit 12)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 49–56 (unit 12) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 49)

Napag-aralan na ng mga estudyante ang mga doktrina at alituntunin na inutos ng Panginoon na ituturo ni Leman Copley at ng iba pa sa mga Shaker: na kung alam natin ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito, hindi tayo malilinlang ng mga sabi-sabi o maling pahayag; na iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga tagapaglingkod na anyayahan ang mga tao na maniwala sa Kanya, magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo; na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos; at ang mag-asawa ay inutusang maging isa at magkaroon ng mga anak.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 50)

Nalaman ng mga estudyante na nalinlang ng mga mapanlilinlang na espiritu ang mga naunang Banal. Itinuro ng Panginoon sa mga Banal na ito na ang Espiritu Santo ay ang Mang-aaliw at ang Espiritu Santo ay nagtuturo ng katotohanan. Itinuro din ng Panginoon na yaong nagmumula sa Diyos ay nagdudulot ng liwanag at nagpapatibay, ngunit ang hindi nagmumula sa Diyos ay nagdudulot ng kalituhan at kadiliman. Natuklasan ng mga estudyante na kapag nagtuturo at natututo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, nauunawaan natin ang isa’t isa at tayo ay napapatibay at magkasamang nagsasaya.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 51–52)

Nalaman ng mga estudyante na upang hindi malinlang ni Satanas, dapat sundin ng isang tao ang mga tagubilin ng Panginoon at mamuhay ayon sa mga paghahayag na Kanyang ibinigay. Nalaman din nila na ang mga disipulo ni Jesucristo ay nangangalaga at nagmamalasakit sa mga maralita, nangangailangan, may karamdaman, at nagdadalamhati.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 53–56)

Habang pinag-aaralan ang tungkol sa mga Banal na pinaalis sa bukirin ni Leman Copley, nalaman ng mga estudyante na kung tutuparin natin ang ating mga tipan at susundin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay magtatamo ng awa. Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa pagtawag kay William W. Phelps na magsulat at maglathala para sa Simbahan, nalaman nila na magagamit ng Panginoon ang ating mga talento, kasanayan, at kakayahan upang mapagpala ang kaharian. Nang malaman nila ang tungkol kay Ezra Thayre, natuklasan nila na ang Panginoon ay maaaring magbigay o magpawalang-bisa ng kautusan kung nakikita Niya na makabubuti iyon.

Pambungad

Noong Hunyo 1831, nagbigay ang Panginoon ng ilang paghahayag na nag-uutos sa mga Banal sa Ohio na maglakbay patungo sa Missouri. Ang lesson na ito ay nakatuon sa kaugnayan ng pagsunod at pagtanggap ng karagdagang paghahayag mula sa Panginoon. Tinatalakay din sa lesson ang kahulugan ng “magpapasan ng [ating] krus” (tingnan sa D at T 56:2).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 52:1–13, 22–36

Iniutos ng Panginoon sa Propeta at iba pang mga elder na maglakbay patungo sa Missouri at ipangaral ang ebanghelyo habang nasa daan

Bago magklase, maghanda ng tatlong clue na magkakaugnay. Halimbawa, ang unang clue ay magtuturo sa mga estudyante na hanapin ang pangalawang clue sa ilalim o sa loob ng isang bagay sa silid-aralan. Ang pangalawang clue ay magtuturo sa mga estudyante na hanapin ang pangatlong clue saan man sa loob ng silid-aralan. Ito ang dapat na nakasulat sa pangatlong clue: “Basahin ang Doktrina at mga Tipan 52:1–6. Humanap ng alituntunin na katulad ng aktibidad na ito.”

Idikit ang unang clue sa pisara, at isulat ang mga sumusunod na instruksyon sa tabi nito: Sundin ang clue na ito para malaman kung paano tumanggap ng patuloy na patnubay mula sa Panginoon.

Matapos mabasa ng mga estudyante ang unang clue, sabihin sa kanila na sundin ang mga instruksyon para mahanap ang pangalawang clue. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang mga instruksyon sa pangalawang clue at hanapin ang pangatlong clue.

Bago sundin ng mga estudyante ang mga instruksyon sa pangatlong clue, ipaliwanag na ang scripture passage na hahanapin nila ay naglalaman ng mga instruksyon na ibinigay kay Propetang Joseph Smith at sa ibang mga lider ng priesthood sa kumperensya ng Simbahan na idinaos sa Kirtland, Ohio, noong Hunyo 1831. Ipaalala sa mga estudyante na inihayag na noon ng Panginoon na magtatayo ang mga Banal ng isang lunsod na tatawaging Sion (tingnan sa D at T 28:9), ngunit hindi pa Niya inihahayag ang lokasyon nito.

Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga instruksyon sa pangatlong clue. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 52:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang alituntunin na katulad ng aktibidad na katatapos pa lamang nilang gawin.

  • Ayon sa mga talata 4–5, ano ang maaaring mangyari kapag tapat tayo sa mga tagubilin ng Diyos? (Kapag matapat nating sinusunod ang mga tagubilin ng Diyos, higit pa Niyang ihahayag ang Kanyang kalooban sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)

  • Paano natutulad ang aktibidad na ito sa alituntuning ito? (Sa pagsunod ng mga estudyante sa bawat instruksyon, tumatanggap sila ng mga karagdagang instruksyon, na nagtuturo sa kanila sa huli sa sagot na hinahanap nila.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ilang mabuting idinudulot ng pagtanggap ng gabay at katotohanan ng Panginoon nang paunti-unti, sa halip na agaran o minsanan?

Doktrina at mga Tipan 53

Tinawag ng Panginoon si Sidney Gilbert na maging elder at inatasang sumama kay Joseph Smith papuntang Missouri

Bilang karagdagang halimbawa ng katotohanang natukoy sa itaas, ipaliwanag na nalaman ng isang bagong binyag na nagngangalang Sidney Gilbert na hindi siya nakasama sa listahan ng mga missionary na iyon na tinawag na maglakabay patungo sa Missouri. Nagpunta siya sa Propetang Joseph Smith at tinanong kung ano ang nais ng Panginoon na ipagawa sa kanya. Nagtanong ang Propeta at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 53. Ang paghahayag ay nag-uutos kay Brother Gilbert na talikdan niya ang sanlibutan, maordenan bilang elder, at maglakbay patungo sa Missouri para tumulong sa mga transaksyon ng Simbahan (tingnan sa D at T 53:1–5).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 53:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang panahon na sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya kay Sidney ang “iba pa” sa Kanyang mga tagubilin. (Maaari mong ipaliwanag na ang tinutukoy dito ng Panginoon ay ang “mga ordenansa.” Ang salitang ordenansa ay tumutukoy kung minsan sa patakaran o kautusan.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan nating sundin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa atin bago tayo umasang tatanggap pa tayo ng karagdagan?

Anyayahan ang mga estudyante na naranasan na ang alituntuning ito na ibahagi ang kanilang mga karanasan o magpatotoo sa katotohanan nito. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan o patotoo.

Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang tanong, alalahanin, o desisyon na kinakaharap nila kung saan nais nilang matulungan at magabayan sila ng Panginoon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti at isulat ang anumang tagubilin na ibinigay sa kanila ng Panginoon na masusunod nila nang mas lubos upang makatanggap ng karagdagang gabay mula sa Kanya.

Doktrina at mga Tipan 56:1–8

Pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag sa misyon ni Ezra Thayre at sinabihan siyang magsisi

Itanong sa mga estudyante kung may kakilala silang tao na isinakripisyo ang isang mahalagang bagay upang masunod ang isa sa mga kautusan ng Panginoon. (Maaaring kasama sa mga halimbawa ang isang taong nagsakripisyo para sumapi sa Simbahan, magmisyon, o masunod ang mga pamantayan ng Simbahan.) Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga halimbawa. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibuod ang nalaman nila tungkol kay Ezra Thayre sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 56. (Kung kailangan nila ng tulong, ipaalala sa kanila na inutos kay Ezra Thayre na magmisyon kasama si Thomas B. Marsh, ngunit dahil sa kapalaluan at makasariling alalahanin, hindi siya handang umalis nang dumating ang itinakdang panahon.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 56:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga taong hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan?

  • Ayon sa talata 2, ano ang dapat nating gawin upang maligtas? (Upang maligtas, dapat tayong magpasan ng ating krus, sundin ang Tagapagligtas, at sumunod sa Kanyang mga kautusan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magpapasan ng [ating] krus”? (Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 16:24, ganito binigyang-kahulugan ang pariralang ito: “At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan” [PJS, Mateo 16:26, sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ]. Ang pagbanggit sa krus ay paalala sa determinasyon ng Tagapagligtas na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit. Pinapasan natin ang ating krus sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating kahandaan na sundin ang mga kautusan ng Panginoon at “itanggi sa sarili,” o isakripisyo, ang anumang kinakailangan upang maging masunurin sa Diyos.)

  • Anong mga kautusan ang ibinigay ng Panginoon na kakailanganin ninyong magpasan ng inyong krus at magsakripisyo para maging masunurin? (Matatagpuan ang ilang halimbawa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.)

Basahin ang mga sumusunod na halimbawa (o gumawa ng ilang halimbawa na mas angkop sa mga estudyante sa inyong klase), at itanong kung paano papasanin ng mga indibiduwal sa halimbawang ito ang kanilang krus at susundin ang mga kautusan ng Panginoon:

  1. Isang binatilyo ang malapit nang sumapit sa edad na maaari na siyang magmisyon. Nag-aalala siya sa lahat ng maiiwan niya kapag siya ay nasa misyon na.

  2. Alam ng isang dalagita na ang mga kabataan sa kanyang ward ay bibisita sa templo ilang buwan na lang, pero wala siyang temple recommend. Mayroong isang bagay sa buhay niya ngayon na humahadlang sa kanya para tumanggap nito.

Ipaliwanag na kung pipiliin nating huwag magpasan ng ating krus, maaaring mawala sa atin ang pagkakataong pagpalain ang iba at tumanggap ng mga pagpapala para sa ating sarili.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 56:3–8 na ipinapaalala sa mga estudyante na dahil sumuway si Ezra Thayre, pinawalang-bisa ang tawag sa kanya sa misyon at nawalan ng pagkakataon na maglingkod sa panahong iyon. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang kailangan nilang gawin upang mapasan nila ang kanilang krus at maging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natatanggap nila.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 57–59)

Itanong sa mga estudyante kung ano kaya ang pakiramdam ng mamuhay sa isang komunidad kung saan lahat ay mabubuti, mababait, at matulungin. Sa Doktrina at mga Tipan 59 malalaman natin kung paano tayo dapat mamuhay upang maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo at maghanda para mamuhay sa piling ng Diyos.

Print