Seminaries and Institutes
Lesson 63: Doktrina at mga Tipan 58:1–33


Lesson 63

Doktrina at mga Tipan 58:1–33

Pambungad

Noong Agosto 1, 1831, wala pang dalawang linggo matapos ihayag ng Panginoon ang Independence, Missouri, bilang tampok na lugar ng Sion, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58. Ang paghahayag na ito ay ibinigay bilang tugon sa mga tao na gustong malaman ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila sa bagong lupaing ito. Sa paghahayag na ito pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na maging matapat sa kabila ng kanilang mga kapighatian at ipinaliwanag kung bakit Niya pinapunta ang mga Banal sa Sion. Hinikayat din ng Panginoon ang mga Banal na gamitin ang kanilang kalayaan sa paggawa ng kabutihan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 58:1–5

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na maging matapat sa kabila ng kanilang mga kapighatian

Bago magsimula ang klase, isulat ang mga salitang Kasalukuyan at Hinaharap sa pisara.

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na mag-isip ng pinakamalaking pagsubok na nararanasan nila ngayon sa kanilang buhay.

  • Paano makatutulong ang pag-iisip tungkol sa inyong hinaharap, sa buhay na ito at sa kabilang buhay, sa pagtugon ninyo sa mga pagsubok na kinakaharap ninyo ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga problema at pagsubok na naranasan ng mga Banal sa Missouri noong 1831 na maaaring nakapagpahina ng loob sa ilan sa kanila.

Noong Enero 1831, nakakita ang mga missionary ng isang pangkat ng mga Delaware Indian na naninirahan sa Indian Territory sa labas ng hangganan ng Missouri sa dakong kanluran. Interesado ang mga Delaware Indian na matutuhan ang ebanghelyo na nakapaloob sa Aklat ni Mormon. Gayunman, dahil hindi nakakuha ang mga missionary ng kailangang pahintulot para makapasok sa Indian Territory at maipangaral ang ebanghelyo at dahil sa pagsalungat ng mga lokal na kinatawan at ministro ng mga Indian, pinaalis sa teritoryo ang mga missionary mula sa Simbahan. Pagkatapos ay sinikap ng mga missionary na magturo sa mga naninirahang puti sa Independence, Missouri, at sa mga lugar sa palibot nito, ngunit wala pang sampung katao ang sumapi sa Simbahan noong Hulyo 1831. Nang magsidatingan sa Missouri ang mga elder ng Simbahan mula sa Ohio noong Hulyo 1831, ang ilan ay nadismaya sa nalaman nila. Ilan sa kanila ay umasang makakita ng isang mabilis umunlad na komunidad ng mga naniniwala at lugar na matitirhan na inihanda para sa mga darayong miyembro ng Simbahan. Nag-alala ang ilan dahil ang lupain sa Independence ay hindi pa napapaunlad. Bukod pa rito, ilan sa mga kapatid ay hinikayat na manatili sa Missouri at bumili ng mga lupain upang ihanda ang Sion para sa mga Banal na darating doon kalaunan.

  • Sa palagay ninyo, bakit nakadismaya sa ilang miyembro ng Simbahan ang sitwasyong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder na makatutulong sa kanila na malutas ang mga problemang kinakaharap nila.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga elder?

  • Paano ninyo ibubuod ang mga katotohanan sa talata 2? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Tayo ay pagpapalain kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon. Ang ating walang hanggang gantimpala ay magiging mas dakila kung mananatili tayong matapat sa kabila ng kapighatian. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang nagtuturo ng mga alituntuning ito sa talata 2.)

Patingnan ang mga salitang Kasalukuyan at Hinaharap sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder hinggil sa kasalukuyan at hinaharap ng Kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 3, ano ang madalas na hindi natin makita o maunawaan kapag dumaranas tayo ng kapighatian?

Ipaliwanag na tila ipinahihiwatig sa mga talatang ito na nais ng Panginoon na huwag gaanong pagtuunan ng mga elder ang mga pagsubok na nararanasan nila at sa halip ay magtuon sa maluwalhating hinaharap na mararanasan nila kung sila matapat. Ang mensahe ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri ay makatutulong sa atin na makayanan ang mga problema at pagsubok sa pamamagitan ng pananatiling nakatuon sa mga pagpapalang ipinangako sa mga magtitiis nang buong katapatan sa kabila ng kanilang kapighatian.

  • Paano makatutulong sa inyo ang pagtitiwala na pagpapalain kayo ng Panginoon na matiis nang buong katapatan ang kapighatian?

  • Kailan ninyo nadama na napagpala kayo dahil naging matapat kayo sa kabila ng kapighatian?

Sabihin muli sa mga estudyante na isipin ang pinakamalaking pagsubok na nararanasan nila sa kasalukuyan. Hikayatin sila na manatiling matapat sa ebanghelyo sa kabila ng mga pagsubok na nararanasan nila para matanggap nila ang mga gantimpala ng Panginoon na inilaan para sa kanila ngayon at sa kawalang-hanggan.

Doktrina at mga Tipan 58:6–13

Ipinaliwanag ng Tagapagligtas kung bakit iniutos Niya sa mga Banal na magtungo sa Sion

Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Nautusan na ba kayo na gawin ang isang bagay pero hindi ninyo naunawaan kung bakit ipinagagawa ito sa inyo? Ano ang naging pakiramdam ninyo?

  • Sa kabilang banda, may tao bang nag-utos sa inyo na gawin ang isang bagay at tinulungan din kayo na maunawaan ang mga dahilan sa paggawa nito? Ano ang kaibhan na alam ninyo ang mga dahilan?

Ipaliwanag na inihayag ng Panginoon ang ilan sa Kanyang mga dahilan sa pagpapapunta ng mga tao upang maitatag ang saligan ng Sion. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilang ibinigay ng Panginoon sa pagpapapunta ng mga tao upang maitatag ang saligan ng Sion. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:9–13 na ipinapaliwanag na ang isang dahilan na pinapunta ng Panginoon ang mga tao upang itatag ang saligan ng Sion ay upang ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa mga talatang ito, tinukoy ng Panginoon ang isang talinghaga sa Bagong Tipan na nagtuturo na lahat ng tao sa lahat ng bansa ay aanyayahang makibahagi sa mga pagpapala ng ebanghelyo.

  • Paano kaya nakatulong sa mga elder ang nalaman nila na inihahanda nila ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo na maging matapat sa kabila ng kanilang mga kapighatian?

Doktrina at mga Tipan 58:14–23

Ipinaliwanag ng Panginoon ang mga responsibilidad ng isang bishop at iniutos sa mga Banal na sundin ang mga batas ng lupain

Edward Partridge

Ipaalala sa mga estudyante na tinawag ng Panginoon si Bishop Edward Partridge upang pamahalaan ang mga ginagawa sa pagtatayo ng lunsod ng Sion. Iniutos ng Panginoon kina Bishop Partridge at Sidney Gilbert na manatili sa Missouri upang pamahalaan ang mga ari-arian ng Simbahan at bumili ng lupain sa loob at palibot ng Independence, Missouri (tingnan sa D at T 57:7–8). Ipaliwanag na noong naghahanda na ang mga banal na bumili ng lupain, nakipagtalo si Bishop Partridge kay Joseph Smith tungkol sa kalidad ng lupain na napili. Sa palagay niya ay dapat ibang bahagi ng lupain ang binili. Ang pagtatalong ito ay naging dahilan para mapagsabihan siya ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Bishop Partridge. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 58:3. Paano nakatulong kay Bishop Partridge ang mga katotohanang inihayag sa talatang iyan para piliin niyang magsisi dahil sa pakikipagtalo niya sa Propeta tungkol sa bahagi ng lupain na dapat bilhin?

Ipaliwanag sa klase na tinanggap ni Bishop Partridge ang pagkastigo ng Panginoon nang may pagpapakumbaba at siya ay napatawad sa kanyang mga kasalanan.

  • Paano makatutulong sa atin ang mga katotohanang inihayag sa Doktrina at mga Tipan 58:3 sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon nang may pananampalataya sa halip nang may kawalang-paniniwala at pagiging bulag ng puso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:16–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Bishop Partridge tungkol sa tungkulin niya bilang bishop at sa kanyang responsibilidad na tumulong sa pagtatayo ng Sion.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang responsibilidad ng bishop?

  • Ano ang ilang paraan ng paghatol ngayon ng mga bishop sa mga tao ng Panginoon?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 58:21–23 na ipinapaliwanag na inaasahan ng Panginoon na susundin natin ang mga batas ng lupain hanggang sa Siya ay pumarito at maghari sa panahon ng Milenyo.

Doktrina at mga Tipan 58:24–33

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na gamitin ang kanilang kalayaan sa paggawa ng kabutihan

Basahin ang sumusunod na sitwasyon sa klase:

Isipin kunwari na habang naglalakad kayo sa kalye ay nakita ninyo na nadulas ang isang matanda. Alin sa mga sumusunod ang gagawin ninyo?

  1. Maghintay na hikayatin kayo ng Espiritu Santo.

  2. Maghintay na may taong magsabi sa inyo ng dapat ninyong gawin.

  3. Maghintay na may makita kayo na taong tutulong.

  4. Kaagad tulungan ang taong nadulas.

Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Bakit mahalagang tulungan ang tao nang hindi na naghihintay pa ng utos mula sa ibang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:26–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga alituntuning itinuro ng Panginoon sa mga Banal sa pagharap nila sa hamon ng pagtatayo ng lunsod ng Sion. (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “siya na pinipilit sa lahat ng bagay” [D at T 58:26] ay tumutukoy sa isang taong hindi kikilos hangga’t hindi siya inuutusan.)

  • Anong mga katotohanan ang natuklasan ninyo sa talata 26–28? (Maaaring isagot ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: May kapangyarihan tayong pumili na kumilos para sa ating sarili. Kung hihintayin natin ang Panginoon na sabihin sa atin ang lahat ng bagay na dapat nating gawin, mawawala ang ating gantimpala. Kung gagamitin natin ang ating kalayaan para gawin ang mga bagay na magbubunga ng kabutihan, tayo ay gagantimpalaan. Gamit ang mga salitang isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang mga katotohanang ito.)

  • Anong “gantimpala” ang tinutukoy sa mga talatang ito? Paano makakaapekto ang kusang paggawa natin ng maraming mabubuting bagay sa pagtanggap natin ng buhay na walang hanggan?

  • Ano ang ilang paraan na maaari kayong maging sabik sa paggawa ng kabutihan sa inyong tahanan? Sa paaralan? Sa inyong ward o branch?

Sabihin sa mga estuyante na magbahagi ng mga karanasan nila noong pagpalain sila dahil ginamit nila ang kanilang kalayaan sa paggawa ng mabuti.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 58:29–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mangyayari sa mga taong hindi ginagamit ang kanilang kalayaan sa paggawa ng mabuti o nag-aalinlangan sa mga kautusan ng Panginoon.

  • Ano ang mangyayari sa mga taong hindi ginagamit ang kanilang kalayaan sa paggawa ng mabuti o nag-aalinlangan sa mga kautusan ng Panginoon?

  • Ano ang ginagawa ng ilang tao kapag hindi sila tumatanggap ng mga pagpapala dahil sa kanilang katamaran o pagsuway? Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa gayong mga tao sa talata 33?

Patotohanan ang kahalagahan ng paggamit ng ating kalayaan sa paggawa ng mabuti. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang kanilang kalayaan na gumawa ng mabuti bago muling magkita ang buong klase. Sabihin sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataon na maibahagi ang ginawa nila bilang bahagi ng susunod na lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 58:2–4. “Ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian”

Itinuro ni Pangulong Brigham Young ang sumusunod tungkol sa pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw at tungkol sa kaluwalhatian na dumarating sa matatapat:

Pangulong Brigham Young

“Nagsasalita tayo tungkol sa ating mga pagsubok at suliranin sa buhay na ito; ngunit ipalagay natin na nakikita ninyo ang inyong sarili libu-libo at milyun-milyong taong matapos ninyong patunayang tapat kayo sa inyong relihiyon sa loob ng ilang maiikling taon sa buhay na ito, at tinamo na ninyo ang walang hanggang kaligtasan at putong ng kaluwalhatian sa harap ng Diyos. Pagkatapos ay magbalik-tanaw sa inyong buhay rito, at tingnan ang mga pagkatalo, pasanin, kabiguan, at kalungkutan; … kayo ay bigla na lamang mapabubulalas, ‘anong kabuluhan nito? Ang mga bagay na ito ay saglit lamang, at ngayon tayo ay naririto. Naging matapat tayo sa ilang saglit sa ating mortalidad, at ngayon ay nagtatamasa tayo ng buhay na walang hanggan at kaluwalhatian’” (“Remarks,” Deseret News, Nob. 9, 1859, 1). (Tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-ed. [Church Educational System manual, 2001], 119–20.)

Doktrina at mga Tipan 58:3. “Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata … ang balangkas ng inyong Diyos”

Ibinahagi ni Elder Neal A. Maxwell ang pahayag ni C. S. Lewis, na ipinaliwanag na hindi natin palaging nauunawaan ang inilaan ng Diyos para sa atin:

Elder Neal A. Maxwell

“Inilarawan ni C. S. Lewis, sa kanyang aklat na Mere Christianity, ang ating kaugnayan sa Diyos sa isang espesyal na paraan na makatutulong sa atin na mapahalagahan kung paanong ang pagsunod sa Kanyang kalooban ang tanging paraan para umunlad sa espirituwal:

“‘Isipin mo kunwari na isa kang bahay na buhay. Dumating ang Diyos para itayong muli ang bahay na iyan. Noong una, siguro, nauunawaan mo ang ginagawa Niya. Inaayos Niya ang mga alulod at nagtatapal ng mga butas sa bubong at kung anu-ano pa; alam mong kailangan talagang ayusin na ang mga iyon kaya hindi ka na nagulat. Pero ngayon pinupukpok na Niya ang bahay kaya talagang masakit na at parang hindi naman kailangang gawin iyon. Ano bang balak Niya? Kaya pala ganoon ay dahil nagtatayo Siya ng bahay na ibang-iba sa naisip mo—nagdudugtong ng bagong silid dito, nagdadagdag ng palapag diyan, nagtatayo ng tore, gumagawa ng patyo [courtyard]. Akala mo gagawin ka Niyang isang maliit na kubo: pero ang itinatayo pala Niya ay palasyo. …’ (New York: The Macmillan Company, 1952, p. 160.)” “The Value of Home Life,” Ensign, Peb. 1972, 5).

Doktrina at mga Tipan 58:8–11. Ang “hapunan ng Panginoon”

“Dalawang simbolo ng piging mula sa Lumang Tipan ang ginamit sa Hapunan ng Panginoon: ‘piging ng matatabang bagay,’ at ang ‘alak na laon na totoong sala.’ Ang dalawang ito ay kapwa tanda ng kasaganaan, ipinahihiwatig na napakalaki ng kahalagahan ng piging na nabanggit dito (tingnan din sa D at T 57:5–14; 65:3; Mateo 22:1–14; Apocalipsis 19:7–9)” (Doctrine and Covenants Student Manual [Church Education System manual, 2001], 120).

Doktrina at mga Tipan 58:14–15. Si Bishop Partridge ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan

Nakipagtalo si Bishop Partridge kay Joseph Smith tungkol sa kalidad ng lupain na napili sa Missouri. Sa palagay niya ay dapat ibang bahagi ng lupain ang binili. Pinagsabihan ng Panginoon si Bishop Partridge dahil sa inasal nito.

Tinanggap ni Bishop Partridge ang pagkastigo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 58 nang may pagpapakumbaba. Ilang araw lang pagkatapos ibigay ang paghahayag na ito, isinulat niya sa kanyang asawa: “Nalalaman mong may mahalaga akong katungkulan at dahil paminsan-minsan ay napagsasabihan ako, pakiramdam ko kung minsan ay bigo ako, hindi ko isinusuko ang layunin, ngunit natatakot ako na hindi ko makakayang gampanan ang aking tungkulin nang katanggap-tanggap sa aking Ama sa Langit” (liham para kay Lydia Partridge, Ago. 5–7, 1831, Church History Library, Salt Lake City). Sa mga tala ng isang pulong sa Sion na binanggit ang pagtatalo nina Propetang Joseph at Bishop Partridge, nakatala rito na sinabi ni Partridge na “nagsisi siya at palaging pinagsisisihan” ang pagtatalong iyon (Minute Book 2, Mar. 10, 1832, 23, Church History Library, Salt Lake City; tingnan din sa josephsmithpapers.org). Nakasaad sa isang paghahayag na ibinigay noong Setyembre 11, 1831, na napatawad na si Partridge sa ginawa niya (Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, vol. 2 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers [2013], 62).

Doktrina at mga Tipan 58:27–28. “Gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban”

Ang isang magandang halimbawa ng pagsunod sa payo na “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (D at T 58:27) ay makikita sa karanasang ibinahagi ni Elder Vaughn J. Featherstone ng Pitumpu:

Elder Vaughn J. Featherstone

“Noong ako ay mga sampu o labing-isang taong gulang, maraming kamag-anak ang dumalaw sa amin. Mga 35 o 40 sila. Inanyayahan silang lahat ni Inay sa hapunan. Pagkatapos ng hapunan ang lahat ay pumupunta sa kabilang silid at umuupo roon para mag-usap-usap. Maraming hugasang pinggan at silverware na nagkalat. Hindi pa naliligpit ang mga pagkain, at may maruruming kaldero at kawali na ginamit sa paghahanda at pagluluto.

“Naalala ko na naisip ko na sa huli lahat sila ay magsisiuwian, at si Inay ang maglilinis ng lahat. Bigla akong may naisip na ideya. Nagsimula akong maglinis. Panahon iyon na wala pang mga electric dishwasher. Gusto ni Inay na palaging malinis, at tinuruan niya kami kung paano maghugas at punasan nang tama ang mga pinagkainan. Sinimulan ko ang napakaraming hugasang ito. Sa wakas, mga tatlong oras pagkaraan, natapos kong punasan ang huling pinggan. Nailigpit ko na ang lahat ng pagkain, nalinis ang lahat ng counter, ang lababo, at ang sahig. Malinis na malinis na ang kusina.

“Hindi ko kailanman malilimutan ang saya sa mukha ni Inay kalaunan ng gabing iyon nang magsiuwian na ang mga bisita at pumasok siya sa kusina para maglinis. Basa ako mula sa aking dibdib hanggang tuhod. Sulit ang bawat maliit na pagsisikap na ginawa ko sa nakita kong saya sa mukha ni Inay. Naroon ang tuwa, ginhawa, at pagpuri. Nagpasiya ako na sisikapin kong palaging maibalik ang saya sa mukha ni Inay” (“We Love Those We Serve,” New Era, Mar. 1988, 19).