Seminaries and Institutes
Lesson 33: Doktrina at mga Tipan 27


Lesson 33

Doktrina at mga Tipan 27

Pambungad

Noong Agosto 1830, naglakbay si Newel Knight at kanyang asawang si Sally, patungo sa Harmony, Pennsylvania, para bisitahin si Propetang Joseph Smith. Sina Sally Knight at Emma Smith ay nabinyagan noon pang tag-init ngunit hindi pa nakumpirma dahil sa pag-uusig ng mga mandurumog. Sa pagbisita ng mag-asawang Knight sa Harmony, napagpasiyahang kumpirmahin na sina Sally at Emma at ang grupo, kasama si John Whitmer, ay sama-sama nang tumanggap ng sakramento. Nang lumabas si Joseph para kumuha ng alak para sa sakramento, sinalubong siya ng isang sugo mula sa langit at ipinaalam sa kanya ang paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 27.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 27:1–4

Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin tungkol sa mga sagisag ng sakramento

Kung mayroon, magpakita ng ilang balat ng patatas at pahulaan sa mga estudyante kung saang espirituwal na layunin maaaring magamit ang mga ito. Matapos ang ilang sagot, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa pagbisita niya sa Europa matapos ang World War II:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Hindi ko malilimutan ang mga Banal na Pranses, na hindi makabili ng tinapay kaya ginamit na lang ang mga balat ng patatas para sa mga sagisag ng sakramento” (“Prepare for the Days of Tribulation,” Ensign, Nob. 1980, 33–34).

  • Ano ang maiisip ninyo kapag nakakita kayo ng mga balat ng patatas na ginagamit sa sakramento?

  • Sa inyong palagay, bakit katanggap-tanggap para sa mga Banal na Pranses ang paggamit ng ibang mga sagisag sa sakramento sa halip na tinapay?

Upang maibigay sa mga estudyante ang historikal na konteksto ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 27, ibuod ang impormasyon sa pambungad ng lesson na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng anghel kay Joseph Smith tungkol sa mga sagisag ng sakramento.

  • Ano ang itinuro ng sugo kay Joseph Smith tungkol sa dapat nating kainin o inumin kapag tumatanggap tayo ng sakramento? (Ang ginagamit natin bilang mga sagisag ng sakramento ay hindi kasinghalaga ng ipinapaalala sa atin ng mga sagisag na iyon.)

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating maging pokus kapag tumatanggap tayo ng sakramento? (Maaaring iba-iba ang gamiting mga salita ng mga estudyante, ngunit kailangang makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Sa pagtanggap natin ng sakramento, kailangan nating alalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa Doktrina at mga Tipan 27:2. Bilang bahagi ng talakayan, maaaring kailanganin mong ipaliwanag na tayo ay may “mga mata [na] nakatuon sa … kaluwalhatian [ng Panginoon]” kapag nakatuon tayo sa Kanya at inaayon ang ating kalooban sa Kanya.)

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng katotohanang ito at maisip kung paano ito naaangkop sa buhay nila, talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang naranasan ninyo nang pagnilayan ninyo ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa oras na binabasbasan at ipinapasa ang sakramento?

  • Ano ang magagawa natin para mag-ibayo ang kakayahan nating maalala ang sakripisyo ni Jesucristo at makibahagi sa sakramento “nang may matang nakatuon sa [Kanyang] kaluwalhatian”?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang gagawin nila upang paghandaan ang pagtanggap ng sakramento bawat linggo. Hikayatin sila na isipin ang mga paraan na maaalaala nila si Jesucristo at ang kahulugan ng mga sagisag ng sakramento. Maaari mong tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi ang isinulat nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 27:3–4 na ipinapaliwanag na sinabihan ng Panginoon si Joseph Smith na huwag bumili ng alak o matapang na inumin (anumang nakalalasing na inumin) mula sa mga kaaway ng Simbahan para gamitin sa sakramento. Gagamit lamang sila ng alak na “ginawang bago” ng mga Banal. Maaaring makatulong sa mga estudyante mo na malaman na dalawa’t kalahating taon pa mula nang panahong iyon bago inihayag ang Word of Wisdom (tingnan sa D at T 89) at sa Simbahan ngayon, tubig ang ginagamit natin sa sakramento.

Doktrina at mga Tipan 27:5–14

Ang Panginoon ay tatanggap na muli ng sakramento sa mundo

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano kaya magbabago ang pagtanggap nila ng sakramento kung tatanggapin nila ito nang kasama ang Tagapagligtas. Tawagin ang ilang estudyante para ibahagi ang kanilang mga naisip.

Ipaalala sa mga estudyante na sinimulan ng Tagapagligtas ang ordenansa ng sakramento sa Kanyang mga Apostol noong Huling Hapunan. Sa pangyayaring ito, iprinopesiya ni Jesucristo ang panahon na babalik siya sa mundo at tatanggap muli ng sakramento nang kasama ang Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 26:26–29).

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 27:5–12, partikular na pinangalanan ng Panginoon ang ilan sa mga taong dadalo ng pulong na ito. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti at tukuyin (1) kung sino ang mga taong ito at (2) kung binanggit, ano ang mga susi o responsibilidad na mayroon sila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang impormasyong ito habang ibinabahagi ng iba pa sa klase ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na sa kasaysayan ng mundo, binigyan ng Panginoon ng awtoridad ng priesthood ang mabubuting kalalakihan para tumulong sa pangangasiwa ng Kanyang ebanghelyo. Nagbigay rin Siya ng mga susi ng priesthood sa mga lider ng priesthood para mapamahalaan, mapangasiwaan, at mapamunuan nila ang paggamit ng Kanyang priesthood sa lupa.)

Kapag kumpleto na ang listahan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga susi na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith.

  • Anong mga susi ang ipinagkatiwala, o ibinigay, ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith? (Sabihin sa isang estudyante na idagdag ang Joseph Smith at ang mga susi ng kaharian ng Panginoon sa listahan sa pisara.)

Ipaliwanag na marami sa mga propeta na nabanggit ang mga pangalan sa Doktrina at mga Tipan 27 ang dumalaw kay Joseph Smith upang pagkalooban siya ng mga susi.

Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon” sa Doktrina at mga Tipan 27:13.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon? (“Titipunin sa isa ang lahat ng bagay.”)

Isulat sa pisara sa ilalim ng listahan ang sumusunod na doktrina: Ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon ay sama-samang tinitipon ang lahat ng susi ng ebanghelyo, ordenansa, at mga katotohanan ng mga nakaraang dispensasyon.

Ipaliwanag na ang dispensasyon ay “panahon kung kailan tumatawag ang Panginoon ng kahit isa man lamang na tagapaglingkod na binigyang-karapatan sa mundo na magtataglay ng [mga susi] ng banal na priesthood … at may banal na tungkuling ipahayag ang ebanghelyo” (Bible Dictionary, “Dispensations”) at pangasiwaan ang mga ordenanasa niyon. Kapag nagsasaayos ang Panginoon ng isang dispensasyon, “ang ebanghelyo ay muling ipinahahayag nang sa gayon ang mga tao ng dispensasyong iyon ay hindi kinakailangang umasa sa mga lumipas na dispensasyon para malaman ang plano ng kaligtasan” (Bible Dictionary, “Dispensations”). Sina Adan, Enoc, Noe, Moises, at iba pa ay mga namuno sa mga dispensasyon ng ebanghelyo. Si Joseph Smith ang namumuno sa dispensasyong kinabibilangan natin—ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ang huling dispensasyong ito ay nagsimula sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ito ay tinatawag na dispensasyon ng kaganapan ng panahon dahil naipanumbalik ang lahat ng susi na inihayag ng Panginoon para pagpalain ang Kanyang mga anak at lahat ng mga plano at layunin ng Panginoon sa simula ng daigdig ay matutupad.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:14. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino pa ang makadadalo sa sacrament meeting na inilarawan sa bahaging ito.

  • Sa palagay ninyo sino ang tinutukoy ng pariralang “silang lahat na ibinigay sa akin ng Ama mula sa sanlibutan”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Bawat matapat na tao sa buong kasaysayan ng mundo, bawat taong nabuhay na karapat-dapat sa buhay na walang hanggan ay dadalo at makikibahagi ng sakramento, kasama ang Panginoon” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 595).

Idagdag ang ikaw at ako sa listahan sa pisara.

  • Ayon kay Elder McConkie, ano ang kailangan nating gawin upang makadalo sa espesyal na sacrament meeting na ito?

Doktrina at mga Tipan 27:15–18

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magsuot ng buong baluti ng Diyos

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18 ay naglalaman ng payo na makatutulong sa atin na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng Panginoon, pati na ang mga pagpapalang makadalo sa sacrament meeting na binanggit sa mga talata 4–14.

Itanong sa mga estudyante kung ano ang isusuot nila kung alam nilang pupunta sila sa digmaan. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang (1) ipinagagawa sa atin ng Panginoon upang paghandaan ang mga espirituwal na digmaan at (2) ano ang pagpapalang ipinangako Niya kung susundin natin ang Kanyang tagubilin.

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon na gawin natin upang ihanda tayo sa mga espirituwal na digmaan? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagsulat sa pisara ng mga sumusunod: Kung isusuot natin ang buong kagayakan ng Diyos …)

  • Anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga magsusuot ng buong kagayakan ng Diyos? (Sa pagsagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang alituntunin sa pisara: Kung isusuot natin ang buong kagayakan ng Diyos, mapaglalabanan natin ang kasamaan.)

taong nakasuot ng baluti

handout iconKopyahin sa pisara ang kalakip na larawan, na may mga linyang nakadrowing sa bawat piraso ng baluting binanggit sa Doktrina at mga Tipan 27:15–18. Hatiin sa maliliit na grupo ang klase, at i-assign sa bawat grupo ang isa sa mga piraso ng baluti. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee at ang impormasyon at mga tanong sa sumusunod na bahagi na tumutukoy sa naka-assign sa kanila na bahagi ng baluti. Sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa mga kagrupo nila sa pagsagot para sa naka-assign sa kanila na bahagi ng baluti at maging handa na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

Pangulong Harold B. Lee

“Mayroon tayong apat na bahagi ng katawan na sinabi ni Apostol Pablo na pinakamadaling punteryahin ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Ang balakang, na sumisimbolo sa karangalan, kalinisang-puri. Ang puso na sumisimbolo sa ating pag-uugali. Ang ating mga paa ay ang ating mga mithiin o layunin sa buhay at ang huli ay ang ating ulo, ang ating mga iniisip” (Harold B. Lee, Feet Shod with the Preparation of the Gospel of Peace, Brigham Young University Speeches of the Year [Nob. 9, 1954], 2).

“Mga balakang [na] may bigkis ng katotohanan,” (tingnan sa D at T 27:15–16):

Sinabi ni Pangulong Lee, “Ang balakang ay ang bahaging iyon ng katawan sa ibaba ng mababang tadyang kung saan naroon ang mahahalagang bahagi na kailangan sa reproduksyon” (Feet Shod, 2). Ang ibig sabihin ng bigkisin ay mahigpit na talian ng sinturon.

  • Sa palagay ninyo, bakit inaatake ni Satanas ang ating kadalisayan, kabanalan, at kalinisang-puri?

  • Sa inyong palagay, paanong ang kaalaman sa pamantayan ng Diyos sa moralidad ay nakatutulong sa atin na manatiling dalisay, banal, at marangal?

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na mabigkis sa katotohanan at tinutulungan tayong pangalagaan ang kabanalan at kalinisang-puri.

“Baluti sa dibdib ng kabutihan” (D at T 27:16):

  • Ayon kay Pangulong Lee, ano ang pinoprotektahan ng baluti sa dibdib?

  • Sa inyong palagay, bakit naaapektuhan ng kabutihan ng ating puso (ating mga pag-uugali at hangarin) ang ating kakayahang labanan ang ating mga espirituwal na digmaan?

“Mga paa [na] may panyapak ng paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan” (D at T 27:16):

Ang ibig sabihin ng sapinan ng “panyapak” ang inyong mga paa ay magsuot ng sapatos o proteksyon sa inyong mga paa.

  • Ayon kay Pangulong Lee, ano ang sinasagisag ng ating mga paa?

  • Paano hinahadlangan ni Satanas ang ating mga mithiin at layunin sa buhay?

  • Ano ang ibinigay sa atin Diyos na “makakapitan” upang matulungan tayong ilakad ang ating mga paa sa landas ng buhay patungo sa ating mga mithiin? (Tingnan sa 1 Nephi 8:24.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pagtuon sa mabubuting hangarin para mapaglabanan ang tukso?

“Ang kalasag ng pananampalataya” (D at T 27:17):

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “masusubuhan … ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama”?

  • Paano kayo nadedepensahan at napoprotektahan ng inyong pananampalataya?

“Ang turbante ng kaligtasan” (D at T 27:18):

  • Ayon kay Pangulong Lee, ano ang napoprotektahan kapag may takip ang ulo natin?

  • Bakit mahalaga na protektahan ang ating isipan?

  • Paano inaatake ni Satanas ang ating isipan?

  • Anong mga partikular na bagay ang magagawa natin upang protektahan ang ating mga pag-iisip?

“Ang espada ng aking Espiritu” (D at T 27:18):

  • Paano tayo matutulungan ng Espiritu na mapaglabanan ang mga pag-atake ni Satanas?

  • Ano ang kalamangang naibibigay sa atin ng Espiritu sa paglaban natin sa kasamaan?

  • Paano nakatutulong ang salita ng Diyos sa paggamit natin ng espada ng Espiritu?

  • Ano ang magagawa ninyo upang mas maanyayahan ang Espiritu sa buhay ninyo?

Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano natin naisusuot at napalalakas ang baluti ng Diyos:

Elder M. Russell Ballard

“Gusto kong isipin na ang espirituwal na baluting ito ay hindi isang buong piraso ng bakal na hinubog para magkasya sa katawan, kundi isang pinagdugtung-dugtong na mga kadena. Ang kadenang ito ay binubuo ng dose-dosenang maliliit na piraso ng bakal na magkakabit-kabit upang mas makagalaw ang nagsusuot nang hindi nababawasan ang proteksyon. Sinasabi ko ito dahil sa aking karanasan ay walang iisang dakila at malaking bagay na maaari nating gawin upang maprotektahan ang ating mga sarili sa espirituwal na paraan. Ang tunay na kapangyarihang espirituwal ay nakasalalay sa maraming maliliit na mga gawain na hinabi sa mga hibla ng espirituwal na tanggulan na pumoprotekta at sumasangga mula sa lahat ng kasamaan” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 8).

  • Ano ang ilang maliliit na gawaing iyon na, kapag nagsama-sama sa kanilang lakas, ay makatutulong na maprotektahan tayo laban sa tukso at kasamaan?

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang mga unang linya ng Doktrina at mga Tipan 27:15. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano ang dapat nating gawin kapag nagsusuot tayo ng baluti ng Diyos? (Dapat nating “pasiglahin ang [ating] mga puso at magalak.”) Bakit dapat na mayroon tayo ng ganitong pag-uugali?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang natutuhan nila sa lesson ngayon, at sabihin sa kanila na pumili ng isang partikular na bagay na magagawa nila para maisuot nila nang mas mabuti ang baluti ng Diyos. Hikayatin sila na isulat sa isang papel ang gagawin nila para madalas nilang matingnan ito bilang paalala sa ipinangako nila.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na patotohanan ang mga katotohanang itinuro sa lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 27:2. “Hindi mahalaga kung anuman ang inyong kainin o kung anuman ang inyong inumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento”

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung bakit ibinigay ang paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 27:2 at kung ano ang kahulugan nito:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Sinabi ng [isang] makalangit na sugo kay Joseph Smith na hindi mahalaga kung ano ang dapat gamitin para sa Sakramento, at hindi niya kailangang bumili ng alak o matapang na inumin mula sa kanyang mga kaaway. Malinaw ang dahilan nito dahil maraming kaaway ang Propeta. Gayunman, hindi lamang ang maproteksyunan mula sa kanyang mga kaaway ang dahilan nito, sapagka’t ito ay isang babala laban sa masasamang tao na may balak na kontaminahin ang mga ito. (Tingnan ang Word of Wisdom, Bahagi 89.) Sinabi rin kay Joseph Smith na hindi dapat gamitin ang alak para sa Sakramento maliban kung ito ay ginawa ng mga Banal, at ginawang bago sa kanila. Bagama’t hindi ginawa ng Simbahan ang nakaugaliang paggamit ng tubig lamang sa Sakramento noong simula, ngunit sinimulan na sa panahong ito ang paggamit ng tubig sa halip na alak, na ginagamit noon dahil sa pagkakahawig nito sa dugo. Ngayon sa buong Simbahan tubig ang ginagamit sa Sakramento bilang pag-alaala sa dugo ni Jesucristo na ibinuhos para sa kapatawaran ng mga kasalanan para sa kapakanan ng lahat ng magsisisi at tatanggap ng Ebanghelyo” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:132; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 55).

Doktrina at mga Tipan 27:2. “Mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian”

Ipinaliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo magkakaroon ng matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos:

Elder Russell M. Nelson

“Isipin ninyo ang itsura ng isang mahusay na binoculars. Ang dalawang magkahiwalay na optical system ay pinag-iisa ng kagamitang naipopokus ang dalawang magkahiwalay na imahe para maging isang three-dimensional view. Para maiangkop ang analohiyang ito, isipin ninyo kunwari na ang inilalarawan ng nakikita ninyo sa kaliwang bahagi ng inyong binoculars ay ang inyong pananaw sa inyong gawain. Ang nakikita naman ninyo sa kanang bahagi ay ang pananaw ng Panginoon sa inyong gawain—ang bahagi ng Kanyang plano na ipinagkatiwala Niya sa inyo. Ngayon, pagkonektahin ninyo ang Kanyang system at ang sa inyo. Gamit ang isip ninyo, baguhin ninyo ang perspektibo ninyo para tumugma sa Kanya. May mangyayaring napakaganda. Magkapareho na ang pananaw ninyo. Mayroon na kayo ngayong ‘matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos’ (D at T 4:5; tingnan din sa Mormon 8:15)” (“With God Nothing Shall Be Impossible,” Ensign, Mayo 1988, 34).