Seminaries and Institutes
Lesson 67: Doktrina at mga Tipan 63:1–21


Lesson 67

Doktrina at mga Tipan 63:1–21

Pambungad

Noong tag-init ng 1831, pinangasiwaan ni Joseph Smith ang paglalaan ng lupain kung saan itatayo ng mga Banal ang Sion sa Independence, Missouri. Sa panahong wala ang propeta, hindi sinunod ng ilang miyembro ng Simbahan sa Ohio ang mga kautusan ng Panginoon at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Si Propetang Joseph Smith ay bumalik sa Kirtland noong Agosto 27, at noong Agosto 30, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63. Saklaw ng lesson na ito ang isang bahagi ng paghahayag na iyan, kung saan nagbabala ang Panginoon sa mga Banal tungkol sa ibubunga ng kasamaan at paghihimagsik.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 63:1–6

Binalaan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa ibubunga ng kasamaan at paghihimagsik

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan ang nagtanong ng sumusunod. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isasagot nila.

  • Bakit sinusunod ninyo ang mga turo ng Simbahan sa halip na magsaya na lang kayo?

Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, bakit sa inyong palagay ay mahalagang mamuhay ayon sa mga pinaniniwalaan natin?

Ipaliwanag na noong tag-init ng 1831, habang si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nasa Missouri upang ilaan ang lupain at ang lugar na pagtatayuan ng templo sa Sion, ilang miyembro ng Simbahan sa Ohio ang palihim na gumawa ng mabibigat na kasalanan. Matapos bumalik ang Propeta sa Ohio, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:1, at sabihin mo sa klase na alamin kung paano tinukoy ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan sa talatang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano naiiba ang pagtawag sa ating sarili na mga tao ng Panginoon sa pagiging mga tao ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang mabuti ang talata 1 at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga tumatawag sa kanilang sarili na Kanyang mga tao.

  • Ano ang gusto ng Panginoon na gawin natin bilang Kanyang mga tao? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Bilang mga tao ng Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga puso at pakinggan ang Kanyang salita at Kanyang kalooban hinggil sa atin.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng buksan ang inyong mga puso?

  • Paano tayo inihahanda ng pagbubukas ng ating mga puso sa pakikinig sa tinig ng Panginoon?

  • Ano ang ginagawa ninyo na tumutulong sa inyo para mabuksan ang inyong puso?

Anyayahan ang mga estudyante na buksan ang kanilang mga puso sa impluwensya ng Espiritu Santo sa pagtalakay sa lesson na ito. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang anumang impresyon o pahiwatig na natanggap nila mula sa Espiritu.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:2, 6. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na sa talata 6, ang pariralang “ang araw ng pagkapoot” ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang panahong pagdurusahan ng mga hindi nagsisi ng kanilang mga kasalanan ang mga ibinunga ng kanilang mga pinili. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon sa masasama at mapanghimagsik. Ipabahagi sa mga estudyante ang natuklasan nila.

Doktrina at mga Tipan 63:7–21

Nagbabala ang Panginoon sa mga naghahanap ng tanda at mga gumagawa ng masama

Sa Doktrina at mga Tipan 63:6, ituro ang utos na “ang mga hindi nananampalataya ay itikom ang kanilang mga labi.” Ipaliwanag na sa panahong ito, may ilang miyembro ng Simbahan ang hindi na naniniwala sa katotohanan ng Simbahan at hayagang nagsasalita laban kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan (tingnan sa History of the Church, 1:216–17). Isa sa mga hayagan at sobrang bumabatikos sa Simbahan ay ang lalaking nagngangalang Ezra Booth. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata hinggil sa mga pangyayari na humantong sa pagsapi ni Ezra Booth sa Simbahan.

Si Ezra Booth ay isang mangangaral na Methodist sa Ohio. Naging interesado siya sa Panunumbalik noong mga unang araw ng 1831 matapos mabasa ang Aklat ni Mormon. Naglakbay siya patungo sa Kirtland kasama sina John at Alice Johnson upang makita ang Propeta. May rayuma si Mrs. Johnson na nagdulot ng pananakit, pamamaga, at paninigas sa kanyang braso. Nang una niyang makita si Joseph Smith, hindi niya maiangat ang kanyang kamay sa kanyang ulo sa loob ng mga dalawang taon.

“Sa kanilang pag-uusap, nauwi ang talakayan sa paksang tungkol sa mga natatanging kaloob, tulad ng mga yaong naipagkaloob sa mga panahon ng mga apostol. May nagsabi, ‘Narito si Mrs. Johnson na hindi maikilos ang braso; ang Diyos ba ay nagbigay ng kapangyarihan sa tao ngayon sa mundo para pagalingin siya?’ Pagkalipas ng ilang sandali, nang ibang paksa na ang pinag-uusapan, tumayo si [Joseph] Smith, at lumakad sa silid, kinuha ang kamay ni Mrs. Johnson, at nagsabi sa pinakataimtim at nakaaantig na paraan: ‘Babae, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo inuutos kong gumaling ka,’ at kaagad nilisan ang silid. … Maginhawang naiangat ni Mrs. Johnson ang [kanyang braso], at sa kanyang pag-uwi nagagawa na niya ang mga gawaing-bahay nang walang iniindang hirap o sakit” (sa History of the Church, 1:215–16).

  • Ano ang madarama ninyo kung nakakita kayo ng himalang tulad nito?

Ipaliwanag na matapos masaksihan ni Ezra Booth ang himalang ito, siya ay nabinyagan.

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Mga Tanda at Pananampalataya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga tanda at pananampalataya.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga tanda at pananampalataya? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyaking bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pamamagitan ng mga tanda. Isulat ang katotohanang ito sa pisara sa ilalim ng Mga Tanda at Pananampalataya.)

  • Ano ang ilang halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga taong nakasaksi ng mga dakilang tanda o himala ngunit hindi nagpakita ng matibay na pananampalataya at kabutihan? (Kabilang sa mga halimbawa ang mga anak ni Israel [tingnan sa Mga Bilang 14:22–23] at sina Laman at Lemuel [tingnan sa 1 Nephi 17:43–45].)

Ipaliwanag na si Ezra Booth ay isang halimbawa ng taong umaasa sa mga tanda sa halip na manampalataya. Pagkatapos niyang mabinyagan, tumanggap siya ng priesthood at ipinadala sa misyon sa Missouri. Malinaw na sinimulan ni Booth ang misyong ito nang may malaking inaasahan, inakalang marami siyang mapapabinyagan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at paggawa ng mga himala. Gayunpaman, matapos mangaral nang maikling panahon at hindi nakita ang resultang inaasahan niya, si Booth ay “lumayo” at nag-apostasiya (tingnan sa History of the Church, 1:216). Ganito ang sinabi ni Joseph Smith tungkol kay Ezra Booth:

Propetang Joseph Smith

“Nang matutuhan niya na kailangan ang pananampalataya, pagpapakumbaba, pagtitiis, at pagsubok bago matamo ang mga pagpapala, at kailangang maipakita ang pagpapakumbaba bago dakilain ng Diyos; sa halip na ‘pagkalooban siya ng kapangyarihan ng Tagapagligtas para bagabagin ang tao at papaniwalain sila’ … siya ay nabigo” (sa History of the Church, 1:216).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang katotohanan tungkol sa mga tanda at pananampalataya.

  • Ayon sa talata 10, paano dumarating ang mga tanda? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga tanda ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya, ayon sa kalooban ng Diyos. Idagdag ang katotohanang ito sa pisara sa ilalim ng Mga Tanda at Pananampalataya.)

  • Sa inyong palagay, bakit nakatatanggap tayo ng mga tanda pagkatapos nating manampalataya?

  • Ayon sa talata 12, ano ang isang angkop na dahilan para maghanap ng mga tanda? (“Sa ikabubuti ng mga tao tungo sa kaluwalhatian [ng Diyos]”—ibig sabihin tulungan ang ibang mga tao at isulong ang gawain ng Panginoon.)

Ipaliwanag na ang mga tanda at kababalaghan ay hindi palaging kamangha-mangha. Kadalasan nakatatanggap tayo ng tanda o patunay sa katotohanan ng ebanghelyo sa tahimik at personal na paraan kapag nanampalataya tayo.

  • Paano tayo mananampalataya upang makatanggap ng patunay sa katotohanan ng ebanghelyo? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang sa mga sagot ang gawaing tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aayuno, paglilingkod, at pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo.)

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan tungkol sa pagtanggap ng patunay sa katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapakita ng pananampalataya sa isa sa mga paraang ito.

Ipaalala sa mga estudyante na bukod pa sa paghahanap ng mga tanda, ilan sa mga miyembro ng Simbahan sa Ohio ay “tumalikod [rin] sa mga kautusan” (D at T 63:13) at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 63:14–19 at tukuyin ang ilan sa mga kasalanang nagawa ng mga miyembro ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ang patutot ay isang taong gumagawa ng mga kasalanang seksuwal. Ang manggagaway ay isang taong sumasali sa mga aktibidad na nag-aanyaya ng impluwensya ng masasamang espiritu.)

  • Pansinin ang babala ng Panginoon tungkol sa pagnanasa sa talata 16. Ano ang ibig sabihin ng tumingin sa ibang tao nang may pagnanasa? (Ang ibig sabihin ng pagnanasa ay “[pagkakaroon] ng masidhing pagnanais na hindi tama sa isang bagay” o sa isang tao [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagnanasa,” scriptures.lds.org]. Ang ibig sabihin ng tumingin sa iba nang may pagnanasa ay tumingin nang hindi angkop sa katawan ng isang tao o sa paraang mapupukaw ang seksuwal na damdamin. Kabilang dito ang panonood ng pornograpiya.)

  • Anong alituntunin ang makikita ninyo sa babala ng Panginoon sa talata 16? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung titingnan natin ang iba nang may pagnanasa, hindi mapapasaatin ang Espiritu at itatatwa natin ang pananampalataya. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga salitang ito na nagtuturo ng alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagnanasa sa iba ay nagiging dahilan ng pagkawala ng Espiritu sa isang tao?

  • Ano ang magagawa natin para mapaglabanan ang tuksong pagnasaan ang iba?

Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa pag-iwas sa pagnanasa, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Una sa lahat, magsimula sa paglayo sa mga tao, materyal at kalagayan na makapipinsala sa inyo. …

“… Kung ang palabas sa telebisyon ay malaswa, isara ito. Kung malaswa ang pelikula, iwan ito. Kung may nabubuong maling relasyon, putulin ito. Marami sa mga impluwensyang ito, na sa una, ay maaaring di naman mukhang masama, ngunit maaari nitong palabuin ang ating pagpapasiya, pahinain ang ating espirituwalidad, at humantong sa bagay na maaaring masama. …

“… Palitan ang masasamang kaisipan ng mga larawang puno ng pag-asa at ng masasayang alaala; isipin ang mga mukha ng inyong mga minamahal na manlulumo kung sila’y bibiguin ninyo. … Anuman ang nasa isip ninyo, tiyaking nasasapuso ninyo ito dahil ninanais ninyo. …

“Linangin at pumaroon kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon. Tiyaking kasama riyan ang inyong sariling tahanan o apartment, na siyang dapat na gabay ninyo sa pagpili ng uri ng sining, musika at literaturang ilalagay ninyo roon” (“Huwag nang Magbigay-puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 45, 46).

Ituro ang unang alituntunin na isinulat mo sa pisara sa simula ng klase: Bilang mga tao ng Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga puso at pakinggan ang Kanyang salita at Kanyang kalooban hinggil sa atin. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nakabukas ang kanilang puso sa mga pahiwatig o impresyon sa pag-aaral nila ngayon ng mga banal na kasulatan. Hikayatin silang kumilos ayon sa mga pahiwatig at impresyong natanggap nila mula sa Panginoon, at magpatotoo na kapag ginawa nila ito sila ay magiging mga tao ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 63:16. Ang pagnanasa ay nagpapaalis sa Espiritu

Sa ating panahon, ang paglaganap ng pornograpiya ay naglantad sa marami sa tuksong pagnasaan ang iba. Tiniyak ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang paggamit ng pornograpiya ay isang mahalay na aktibidad na naglilimita sa kakayahan ng tao na matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu ng Panginoon:

Elder Richard G. Scott

“Binabalaan ko kayo. Napakahusay ni Satanas sa pagharang sa espirituwal na komunikasyon sa pag-uudyok sa mga tao, sa panunukso, na labagin ang mga batas na kinasasaligan ng espirituwal na komunikasyon. Nakukumbinsi pa niya ang ilan na hindi nila kayang tumanggap ng gayong patnubay mula sa Panginoon.

“Bihasa na si Satanas sa paggamit ng nakalululong na kapangyarihan ng pornograpiya para mawalan ng kakayahan ang tao na maakay ng Espiritu. Ang pag-atake ng pornograpiya sa lahat ng malupit, nakabubulok, nakakasirang anyo nito ay nakapagdulot na ng hapis, pagdurusa, hinanakit, at paghihiwalay ng mag-asawa. Isa ito sa pinakamasasamang impluwensya sa daigdig. Sa pamamagitan man ng babasahin, pelikula, telebisyon, malalaswang musika, kabastusan sa telepono, o sa nag-aanyayang personal computer screen, ang pornograpiya ay lubhang nakalululong at nakakasira. Ang mabisang kasangkapang ito ni Lucifer ay nagpapababa sa puso’t isipan at kaluluwa ng gumagamit nito. Lahat ng nabibihag sa kaakit-akit at nakasasabik na web at nananatiling gayon ay malululong sa imoral at mapangwasak na impluwensya nito. Para sa marami, ang pagkalulong ay hindi madaraig nang walang tulong. Napakapamilyar ng kalunus-lunos na gawaing ito. Nagsisimula ito sa pag-uusisa na ginagatungan ng pag-uudyok at kinakatwiranan ng maling paniniwala na kapag ginawa nang lihim, hindi nito ipapahamak ang iba. Dahil sa paniniwala sa kasinungalingang ito, lalo nila itong sinusubukan, na mas matitindi ang pag-uudyok, hanggang sa magsara ang bitag at kontrolin sila ng napakaimoral at nakalululong na mga gawing ito. …

“Kung kayo ay nabitag sa pornograpiya, lubos na mangakong daigin ito ngayon. Humanap ng tahimik na lugar; agarang manalangin para sa tulong at suporta. Magtiyaga at sumunod. Huwag sumuko” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8–9).