Lesson 92
Doktrina at mga Tipan 88:41–69
Pambungad
Ito ang pangalawa sa apat na lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 88. Ang bahagi ng paghahayag na tinalakay sa lesson na ito ay ibinigay sa kumperensya ng matataas na saserdote sa Kirtland, Ohio, noong Disyembre 27 at 28, 1832. Kabilang dito ang paliwanag ni Jesucristo tungkol sa kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang mga nilikha at ang paanyaya sa atin na lumapit sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 88:41–50
Inihayag ng Tagapagligtas na ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng banal na batas
Magpakita ng larawan ng mga bituin, tulad ng Nilikha ng Panginoon ang Lahat ng Bagay (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 2; tingnan din sa LDS.org), o magdrowing ng ilang bituin sa pisara.
-
Namasdan na ba ninyo ang mga bituin at naisip ang Diyos at ang tungkol sa Kanyang mga nilikha? Anong mga tanong o kaisipan ang pumasok sa isipan ninyo nang masdan ninyo ang kalangitan?
Ipaliwanag na kapag inisip ng mga tao ang kalakhan ng mga nilikha ng Diyos, kung minsan nadarama nilang sila ay maliit at walang halaga. Maaaring isipin nila kung nakikilala ba sila ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na sa pagtalakay nila ng mga talata sa lesson ngayon, makikita nila na bagama’t pinamamahalaan ng Diyos ang napakaraming bilang ng mga nilikha sa buong kalangitan, kilala Niya ang bawat isa sa atin at nais Niyang mapalapit sa atin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano ipinakita sa talatang ito na ang Diyos ay may kapangyarihang pamahalaan ang lahat ng Kanyang nilikha at kilala ang bawat isa sa atin at alam ang mga pangangailangan ng bawat isa sa atin.
-
Paano ipinakita sa talatang ito na ang Diyos ay may kapangyarihan na malaman ang pangangailangan ng bawat isa sa atin at kilala Niya tayo?
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:42–45. Sabihin sa klase na tukuyin kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang mga nilikha.
-
Paano pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang mga nilikha? (Sa pamamagitan ng Kanyang mga batas.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isa sa mga nilikha ng Diyos na kahanga-hanga sa kanila. Tawagin ang ilang estudyante para ibahagi ang mga naisip nila. Bilang halimbawa, maaari kang magdispley ng isang bagay o larawan na sumasagisag sa isa sa mga nilikha ng Diyos at ipaliwanag kung bakit kahanga-hanga ito sa iyo.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:46–47 at alamin kung ano ang makikita natin kapag tiningnan natin ang mga nilikha ng Diyos.
-
Ano ang makikita natin kapag tiningnan natin maging ang pinakamaliit sa mga nilikha ng Diyos? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat maipahayag sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinitingnan natin ang mga nilikha ng Diyos, nakikita natin ang Kanyang kamarhalikaan at kapangyarihan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano nakakaimpluwensya ang mga nilikhang nakikita ninyo sa langit at sa lupa sa inyong patotoo tungkol sa Diyos?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:48–50. Matapos ang sapat na oras, tawagin ang isa sa kanila para ibuod ang mga talata sa sarili niyang salita.
Doktrina at mga Tipan 88:51–61
Ikinuwento ng Panginoon ang talinghaga tungkol sa mga kalalakihang gumagawa sa bukid at isa-isang dinalaw ng kanilang panginoon
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 88:51–60 ay naglalaman ng isang talinghaga na tutulong sa atin na maunawaan ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga kaharian, o mga daigdig, na Kanyang nilikha. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:51–55. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng tao o panginoon sa talinghaga sa bawat isa sa kanyang mga utusan at ano ang ipinangako niya sa bawat isa sa kanila.
-
Ano ang ipinagawa ng tao o panginoon sa kanyang mga utusan? Ano ang ipinangako niya sa kanyang mga utusan? (Iniutos niya sa kanila na gumawa sa kanyang bukid. Ipinangako niya na dadalawin niya ang bawat isa sa kanila.)
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 88:56–60 na ipinapaliwanag na sa talinghaga, dinalaw ng panginoon ng bukid ang bawat isa sa kanyang mga utusan sa kani-kanyang takdang oras. “Natanggap [ng bawat utusan] ang liwanag ng mukha ng kanilang panginoon, bawat tao sa kanyang oras” (D at T 88:58).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:61. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang itinuturo sa atin ng talinghagang ito tungkol sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga kahariang Kanyang nilikha.
-
Ano ang itinuturo ng talinghagang ito tungkol sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga kahariang Kanyang nilikha? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Dadalawin ng Diyos ang bawat isa sa Kanyang mga kaharian at ang mga naninirahan dito sa Kanyang itinakdang panahon. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)
Doktrina at mga Tipan 88:62–69
Nangako ang Diyos na lalapit Siya sa atin kapag lumapit tayo sa Kanya
Ipaliwanag na dumating ang Panginoon sa Kanyang kaharian dito sa lupa at Siya ay muling paparito at maghahari sa Milenyo. Sa Doktrina at mga Tipan 88:62–69, itinuro ng Panginoon kung ano ang maaari nating gawin upang Siya ay lumapit sa atin ngayon. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Gaano kayo kalapit sa Panginoon sa pakiramdam ninyo? Gusto ba ninyong maging mas malapit sa Kanya?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:62–63 at alamin ang mga bagay na magagawa natin para maanyayahan ang Panginoon na lumapit sa atin.
-
Ano ang alituntuning itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paglapit sa Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung magsisilapit tayo sa Panginoon, lalapit Siya sa atin.)
-
Anong mga salita sa talata 63 ang nagtuturo kung paano tayo magsisilapit sa Panginoon? (Maghanap, humingi, at kumatok.)
Ituro na ang mga salitang maghanap, humingi, at kumatok ay mga salitang kilos.
-
Ano ang ilang kilos na nakatulong sa inyo na maghanap, humingi, at kumatok upang mas maging malapit sa Panginoon?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isang paraan upang mas mapalapit sila sa Panginoon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag [itinuon] kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball, [2006], 83).
Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan kung paano sinasagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin, basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 88:64–65. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Tagapagligtas sa atin kung mananalangin tayo sa Ama sa Kanyang pangalan.
-
Sa talatang ito, ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paraan ng pagsagot ng Ama sa Langit sa ating mga panalangin? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa mga paraang alam Niya na pinakamabuti para sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, maaari mo silang bigyan ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang dapat nating gawin kapag sinagot ng Ama sa Langit ang panalangin sa paraang kaiba sa inaasahan o inaasam natin.
“Napakahirap kapag ang taos-pusong panalangin tungkol sa isang bagay na pinakamimithi ninyo ay hindi nasagot sa paraang gusto ninyo. Mahirap maunawaan kung bakit ang malalim at taos [puso] ninyong pananampalataya [mula] sa masunuring pamumuhay ay hindi naghahatid ng inaasam na bunga. … Kung minsan mahirap malaman kung ano ang pinakamainam o kapaki-pakinabang sa inyo sa paglipas ng panahon. Mas magiging madali ang inyong buhay kapag tinanggap ninyo na ang ginagawa ng Diyos sa inyong buhay ay para sa walang hanggang ikabubuti ninyo” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 9–10).
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang karanasan nila noong sagutin ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin sa paraang pinakamainam sa kanila. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 88:66, nalaman natin na ang isang paraan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa atin ay “gaya ng tinig ng isang nangangaral sa ilang.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 88:66 at alamin kung paano nakararating sa atin ang tinig ng Diyos.
-
Ayon sa talatang ito, paano naging gaya ng “tinig ng isang nangangaral sa ilang” ang tinig ng Diyos?
-
Kailan ninyo nadama na malapit sa inyo ang Diyos kahit hindi ninyo Siya nakikita?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:67–69. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang paraan na mapapalapit tayo sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung ang aking mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, …
Ipakumpleto sa mga estudyante ang pahayag na ito gamit ang natutuhan nila sa talata 67. Mababasa nang ganito ang pahayag: Kung ang aking mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ako ay mapupuno ng liwanag. Imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito na makikita sa Doktrina at mga Tipan 88:67.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang inyong mata ay “nakatuon sa kaluwalhatian [ng Panginoon]”? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, maaaring magbanggit sila ng iba’t ibang halimbawa. Tiyakin na naunawaan nila na sa kabuuan, ang ibig sabihin ng parirala ay maging lubos na tapat sa gawain at mga layunin ng Diyos.)
-
Mag-isip ng mga taong kilala ninyo na tila puspos ng liwanag ng Panginoon. Sa paanong mga paraan ninyo nakikita ang liwanag na ito sa kanila?
-
Ayon sa talata 68, ano ang kailangan nating gawin para nakatuon lamang sa Diyos ang ating isipan? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “pabanalin ang inyong sarili” ay tumutukoy sa ating pangangailangang maging dalisay at malinis mula sa kasalanan. Napapabanal tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ng impluwensya ng Espiritu Santo kapag nagsisi tayo ng ating mga kasalanan, tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood, at tumupad sa ating mga tipan.)
Ipabasa muli sa mga estudyante ang mga doktrina at alituntuning isinulat mo sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na kunwari ay pinagmamasdan nila ang mga bituin kasama ang isang kaibigan na iniisip na hindi siya kilala o inaalala ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang sasabihin nila sa kanilang kaibigan, gamit ang mga alituntunin sa pisara. Matapos ang sapat na oras, tawagin ang ilang estudyante para ibahagi ang isinulat nila. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa impluwensya ng Diyos sa iyong buhay sa pagsisikap mong lumapit sa Kanya.
“Mga kapatid, … may panahong maaaring madama natin na hindi tayo mahalaga, di-pinapansin, nag-iisa, o nalimutan. Ngunit laging alalahanin—mahalaga kayo sa Kanya! …
“Hindi lamang kayo itinuturing ng Diyos bilang isang mortal na tao sa isang maliit na planeta na mabubuhay sa maikling panahon—itinuturing Niya kayo na Kanyang anak. Itinuturing Niya kayo na isang nilalang na may kakayahan at nilayong maging gayon. Gusto Niyang malaman ninyo na kayo ay mahalaga sa Kanya” (“Mahalaga Kayo sa Kanya,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 22).